(One shot story)
My kids adore you so much.
I'm a single Mother of two. Chelsea was seven and Jayjay was four when we first met. Nanggaling ako sa isang toxic na relasyon, ang ex-husband ko ay dakilang babaero, mabisyo, mabarkada, buhay binata at nananakit, sabi nga nila combo meal daw with unlimited extra rice, two years old si Jayjay nang magpasya akong tuluyang hiwalayan ang ex-husband ko dahil hindi na healthy sa mga anak ko na makita halos araw araw ang ginagawa ng magaling nilang Ama sa Pamilya namin. Naisip ko n'un, aanhin ko ang isang buong pamilya kung lumalaking takot sa kanya ang mga anak ko, kung sa tuwing naririnig ko ang kotse niya na parating ay hindi saya ang nararamdaman ko kundi galit, takot at gulo? May sense pa ba ang isang Pamilya kung hindi mo naman ito maituturing na isang Pamilya? Hindi lang naman kasi nasusukat sa complete family picture na may Mommy, may Daddy, si Baby, ang weight ng salitang Family, dapat kasama sa Family picture ang love, respect, happiness at peace, pero sa sitwasyon namin noon, wala ang lahat ng iyon kaya kahit alam ko na mahirap, humiwalay ako, inalis ko ang sarili ko at ang mga anak ko sa masalimuot na sitwasyong iyon.
Alam mo naman na 'yun mula pa nung unang beses na nagkakilala tayo. Sabi mo tanggap mo ang mga anak ko, sabi mo kaya mo kaming mahalin ng buo, kasi kapag nagmahal ka ng single mom, package deal na 'yun eh, dapat hindi lang 'yung Nanay ang mahal mo, dapat pati na ang mga anak niya. Ayoko na sanang pumasok sa kahit na anong klaseng relasyon, maraming nagtangkang manligaw sa akin pero ginawa kong priority ang mga anak ko, sa kanila ako nag focus, pero ikaw, nagtiyaga ka, ipinakita mo sa akin, hindi lang pala sa akin, pati na sa mga anak ko na seryoso ka, seryoso ka sa mga pangako mo na aalagaan mo kami, mamahalin mo kami, at naniwala ako sa iyo. Tinuruan mo akong mahalin ka, ikaw ang nagturo sa akin kung paanong muling maniwala na kaya ko pang magmahal muli at ipagkatiwala sa iba ang puso ko. Naniwala ako sa atin, naniwala ako sa iyo, naniwala ako sa pagmamahalan nating dalawa at umasa ako na hinding hindi mo ako bibiguin. Minahal ka ng mga anak ko, mabilis mong nakuha ang loob nila at kahit na paulit-ulit akong tinatanong ni Chelsea kung lalaki ka ba o babae'y itinuring ka pa din niyang Daddy. Ikaw pa din ang Dada nila ni Jayjay, sa iyo nila nakita ang pagmamahal na hindi nila naranasan sa sarili nilang Ama.
Naging Masaya naman tayo 'di ba? Naging isa tayong masayang Pamilya. Ikaw, Ako at ang mga bata. Itinaguyod natin sila ng magkasama, magkahawak kamay nating hinarap ang lahat ng panghuhusga ng mundo, ang lahat ng conflict at problema, sabi ko noon, makakaya ko ang lahat kasi nandiyan ka, nandiyan kayo ng mga bata.
For Eight years naging sa 'kin ka. Eight long years Cris, ang tagal kang ipinahiram sa akin ng Diyos. Gusto kong makuntento sa walong taon na 'yun, gusto kong isipin na dapat pa din akong magpasalamat na dumating ka sa buhay ko, sa buhay naming mag-iina, dahil kahit papaano pinaramdam mo sa amin ang saya na magkaroon ng isang buong Pamilya. Gusto kong isipin na siguro hanggang walong taon lang ang kontrata mo sa buhay namin at paso na ang kontrata, expired na ang kasunduan. Pero bakit ang sakit sakit pa ding isipin na hindi ka na sa akin, na bakit parang sa isang iglap, binawi ka kaagad sa akin ng Diyos?
Ang dami dami ko pang dahilan para kumapit sana sa iyo, hindi ako nauubusan ng dahilan Cris para huwag kang bitawan, pero ano bang magagawa ko kung nakakita ka na ng bago? You've found someone new, someone na mas deserving sa pagmamahal mo, isang babaeng walang sabit, dalaga, kaya mong ipagmalaki sa lahat. Hindi katulad ko na may dalawang anak, kasal sa isang lalaking walang kwenta.
Agad kong naramdaman ang panlalamig mo. Naunawaan ko ang mga hindi mo masabing dahilan ng hindi mo pag-uwi, naiintindihan ko ang pag-iwas ng mga mata mo tuwing nagtatanong ako kung bakit lagi ka na lang late kung dumating galing trabaho, alam ko na nagkikita kayo, alam ko na may iba ka, alam ko pero tinanggap ko, kasi akala ko baka ako pa din ang piliin mo, akala ko kasi sa huli maiisip mo na kami pa din pala ang mas matimbang sa puso mo, pero nang dumating ka nang araw na iyon na walang imik, naramdaman ko na na gusto mo nang makipaghiwalay, gusto mo nang umalis at tuluyan kaming iwanan.
Ayokong bitawan ka, pero may magagawa ba ako? May karapatan ba akong pigilan ka kung gusto mo nang bumitaw? Wala naman 'di ba? Kaya kahit para akong dinudurog, kahit para akong winawasak, pinakawalan kita, tinulungan pa nga kitang magligpit ng gamit mo hindi ba? Ganoon kasi kita kamahal, hinding hindi ako magiging hadlang sa kaligayahan mo.
Pero alam mo ba, kahit halos limang buwan ka nang wala, may mga gabi pa ding hinahaplos ko ang pwesto mo sa kama, maraming gabing nagigising akong umiiyak, tinatawag ko ang pangalan mo, kasi nasanay ako na nandiyan ka sa tabi ko, nasanay kami nila Chelsea na nasa tabi ka namin. Maraming pagkakataon na binubuhay ko ang mga alaala natin, kung gaano tayo kasaya noon, at kung gaano tayo kadaling nagtapos, minsan naman pinapaniwala ko ang sarili ko na hindi 'to totoo, na isa lang panaginip ang lahat, na sa akin ka pa din at sa amin ka pa din uuwi. Natatanong ko sa sarili ko nang paulit-ulit, kung wala akong karapatan, siya ba? Ano bang karapatan niya para kunin ka sa amin? Walong taon Cris, walong taon na naging akin ka, anong karapatan niya na kunin sa akin ang kaligayahan iyon? Anong karapatan niya na agawin sa akin ang Pamilyang binuo natin ng walong taon? Anong karapatan niya na kunin sa mga anak ko ang isang taong nagparamdam sa kanila ng pagmamahal at kalinga? Ano nga bang karapatan niya sa iyo Cris? Mayroon ba?
Siguro nga meron, sabi mo nga 'di ba, mahal mo siya? Mahal mo siya, at iyon ang nagbigay sa kanya ng karapatan na kunin ka sa akin...
Pero alam mo ba kung ano ang pinakamahirap na parte nang paghihiwalay nating dalawa?
Hanggang ngayon kasi, everytime the kids asked me kung nasaan ka, tuwing hinahanap ka nila, I still can't find the right words to say para sabihin sa kanila that you've changed your mind, na hindi ka na sa amin, na hindi na kita pag-aari at kahit kailan ay hinding hindi ka na muli pang uuwi...
.
.
.
.
-FIN-