webnovel

Ang Batang Walang Ina

Editor: LiberReverieGroup

Napasimangot si Mubai at nagtanong, "Xi Lin, sabihin mo sa akin kung ano ang problema."

"Ayoko kay Auntie Chu," deretsong sagot ng bata.

Naintindihan niya agad ang mga iniisip ng kanyang anak.

"Ayaw mo bang pakasalan ko siya?"

"…" Tahimik ang batang lalaki kaya tinanggap ito ni Mubai bilang sagot na oo.

"Bakit ayaw mo sa kanya?", patuloy na tanong ni Mubai, "Mabait naman siya sa iyo, hindi ba?"

Isa sa mga rason kung bakit pumayag si Mubai na pakasalan si Tianxin ay dahil nakita niya kung gaano kabuti ang trato ni Tianxin kay Xi Lin. Wala siyang pakialam kung sino ang kanyang pakakasalan ngunit kung siya man ay makakasal, kukuha na siya ng mapapakasalan na magiging mabuting ikalawang ina kay Xi Lin.

Si Tianxin ang pinakamainam na kandidato sapagkat aprubado ang dalaga ng kanyang pamilya at mabuti din siya kay Xi Lin.

Kaya ikinagulat niya na malamang ayaw nito sa kanyang kasintahan.

"Mabait lang siya sa akin dahil anak mo ako. Ginawa niya akong kasangkapan upang mapalapit sa iyo."

Nalungkot si Mubai. "Hindi magandang sabihin yan, anak."

"Hindi naman talaga magandang marinig ang katotohanan!", sagot ni Xi Lin ng may karunungang hindi angkop sa kanyang edad. "Bakit ba nakikialam ka? Wala ka namang pakialam sa opinyon ko kung sino ang papakasalan mo eh. Dagdag na bagahe lamang naman ako."

Tumalon pababa mula sa counter si Xi Lin at galit na nilayasan ang kanyang ama.

"Tumigil ka diyan!", galit na utos ni Mubai. "Xi Lin, sino ang nagturo sa iyo para magsalita ng ganito sa iyong ama? Wala kang respeto!"

Inis na si Xi Lin, at lalo niyang ikinagalit ang panenermon ng kanyang ama.

Humarap siya, makikita sa kanyang mga mata ang kalungkutan at sakit.

"Walang nagturo sa akin, wala naman akong nanay para magturo, hindi ba?"

Natigilan si Mubai…

Nahimasmasan siyang wala na si Xi Lin.

Dali-dali siyang lumabas upang habulin ang kanyang anak. Naabutan niya ito sa pintuan ng restaurant. Iniharap niya ang anak sa kanya at nagulat siya ng makita ang mga luha sa mata ng kanyang anak.

Tahimik na bata si Xi Lin. Nauubos niya ang buong maghapon ng tahimik kasama ang mga magagandang babasahing libro.

Isa siyang huwarang bata, hindi siya kailanman nagwala o nagtantrums.

Ang kanyang pag-uugali ngayong araw na ito ay hindi ordinary. Ito ang unang beses na nakita ni Mubai na mangiyak-ngiyak ang kanyang anak.

Noong nagdiborsyo sila ni Xinghe, iisang taon lamang si Xi Lin. Hindi naging parte ng buhay ng bata ang kanyang ina sa nakalipas na tatlong taon.

Inakala ni Mubai na nasanay na si Xi Lin ng wala ang presensya ni XInghe, ngunit hindi niya inaasahan na kinikimkim lamang ng anak niya ang mga saloobin nito.

Nawalan ng gana si Mubai na ituloy pa ang hapunan.

Pagkatapos ng maiksing tawag sa telepono, iniuwi na niya si Xi Lin. Sa loob ng kotse, nanatiling nakatingin sa labas si Xi Lin. Matatanaw sa maliit niyang pigura ang kalungkutan.

Tahimik na naupo sa kanyang tabi si Mubai. Nang madaanan nila ang ospital, naisip niya si Xinghe, kung gising na ba ito.

Hindi maiwasan ni Mubai na isipin ang sitwasyon ni Xinghe.

Sigurado siyang hindi magugustuhan ni Xi Lin na Makita ang kalagayan ng kanyang ina ngayon.

Napagdesisyunan ni Mubai na huwag munang pagharapin pansamantala ang mag-ina para hindi malungkot si Xi Lin…

Nang dumating sila sa Purple Jade Villa, ang kanilang tahanan, ay mahimbing na ang tulog ni Xi Lin.

Karga na ni Mubai ang anak sa sala ng tumunog ang kanyang cellphone.

"Sir, ako na lamang po ang kakarga kay young sir," alok ng kanilang katulong na si Mrs. Yu.

Pagkatapos nang maingat na pagpasa kay Xi Lin sa katulong, inilabas ni Mubai ang kanyang telepono. Ang numerong tumawag ay hindi rehistrado sa kanya.

"Hello?", bungad niya at kanyang agad na nalaman na ang numero ay pag-aari ng ospital.

"Ito po ba si Mr. Xi Mubai? Ang First Hospital po ito."

"Oo, ito nga si Mubai. Ano ang maipaglilingkod ko?", tanong ni Mubai kahit na alam niyang tungkol kay Xia Xinghe ang tawag na ito.