Kumunot ang noo ni Selna at pumihit paharap kay Danny. Mahina niyang hinampas ang braso nito. "Grabe ka! Masyado ka mapaghinala. Pinabasa niya sa akin ang mga love letter na bigay ng manliligaw niya. Sincere at romantic ang lalaking 'yon. Sabi pa nga niya sa sulat si Michelle na raw ang babaeng hinihintay niyang makasama habambuhay."
Biglang nangikig ang kababata niya at napayakap sa magkabilang braso. "Yuck. Kinilabutan ako."
"Grabe ka talaga!"
"Hindi nga, seryoso. Tingnan mo oh, nananayo mga balahibo ko. Mas nakakatakot pa ang sinabi mo kaysa sa mga nakaharap nating supernatural beings. Lalo lang ako nakumbinsi na hindi mapagkakatiwalaan ang lalaking 'yon. Saka dapat pumunta siya sa bahay nila Michelle at pormal na magpakilala sa parents niya. Ganoon ang tamang pag-akyat ng ligaw lalo at mas matanda siya kaysa sa babaeng gusto niya 'makasama habambuhay'."
Inirapan ni Selna si Danny kasi sarcastic ang pagkakasabi nito sa mga huling salita. Pero may punto rin naman ito. Mahigpit ding sabi sa kanya ng nanay at tatay niya na huwag siya magpapaligaw sa kalsada. Na kung malinis daw ang hangarin ng lalaki, haharap ito sa pamilya ng babae. Hindi pa nga lang niya nararanasan maligawan.
Napailing siya at hinanap na lang uli ng tingin sina Michelle. Nasa park na ang mga ito, nakaupo sa bench na malayo sa karamihan at parehong may hawak na plastic cup ng sago't gulaman. Sa pagkakataong iyon, paharap na sa kanila ang dalawa kaya nakita na niya ang mukha ng lalaking kasama ng kanyang kaibigan.
Nahigit ni Selna ang paghinga kasi ubod nga ng guwapo ang manliligaw ni Michelle. Mestiso at parang artista ang dating. Iyong tipo ng mukha na bihira makita lalo na sa bayan ng Tala. Hindi pa nagtatagal ang pagtitig niya rito ay napakurap na siya sa biglang paghawak ni Danny sa kamay niya. Nagtatakang napalingon siya sa kababata niya. Nakasimangot ito. "Umuwi na tayo."
"Ha? Huwag muna –"
"Titig ka ng titig sa kasama ni Michelle eh. Ako ang kasama mo ngayon, Selna. Sa akin ka lang dapat nakatingin 'di ba?"
Napanganga siya lalo na nang matalim na tapunan ng tingin ni Danny ang direksiyon nina Michelle. May init na humaplos sa puso niya at napangiti na siya. Mahigpit na kumapit siya sa braso nito. "Oo na. Hindi na ako titingin. Sa'yo lang ang buong atensiyon ko."
Natigilan ang kababata niya at namula ang mukha. Pagkatapos nanginginig ang kamay na inayos nito ang suot na eyeglasses. "T-tara na nga."
Mahina siyang natawa at sumabay sa paglalakad nito palayo sa parke. Ang cute cute talaga ni Danny! Nawala na tuloy sa isip ni Selna ang tungkol kay Michelle at sa manliligaw nito.
SA MGA sumunod na araw, naging kapansin-pansin ang unti-unting pagbabago sa aura ni Michelle. Hindi na ito nakikipag-usap sa iba at palaging nakatulala lang na parang may malalim na iniisip. Alam ni Selna na in love ito kaya ganoon pero habang tumatagal naba-bother na siya sa ikinikilos ng seatmate niya. Kapag kasi sinusubukan niya itong kausapin parang hindi siya nito naririnig. Sa tuwing tinatawag din ito ng teacher kapag may lesson, mabagal ang reaction nito at palagi tuloy napapagalitan kasi hindi raw nag fo-focus sa klase.
Sa araw na iyon, habang recess ay hindi tumitinag sa pagkakaupo si Michelle at nakangiting binabasa na naman ang mga love letter na palagi nitong dala. Nilakasan ni Selna ang loob at nilapitan ito. "Kamusta kayo ng manliligaw mo? Sinagot mo na ba?"
Dahan-dahan ang naging pagtingala nito sa kaniya. Parang wala pa rin sa sarili ang hitsura ng mga mata nito at nang ngumiti ay may kilabot na kumalat sa likuran niya. "Oo. Kami na. Katunayan palagi niya ako binibisita sa bahay paglubog ng araw. Saka sabi niya gusto raw niya ako pakasalan."
Napanganga si Selna at magsasabi pa sana na masyado pa itong bata para pumayag magpakasal nang may humawak sa braso niya at hilahin siya palayo kay Michelle. Kahit hindi siya lumingon alam niyang si Danny iyon. Dinala siya nito hanggang sa dulong bahagi ng classroom, sa puwesto ng seats nila Andres at Lukas. Nakatayo na ang dalawa pasandal sa pader kasama si Ruth. May kakaiba sa facial expression ng tatlo kaya napakunot ang noo niya. "Bakit?"
Imbes na may sumagot agad, lumingon muna ang mga ito kay Michelle na nang tingnan niya ay may sarili na namang mundo. "She's acting strange lately," sabi ni Andres.
"In love siya," mabilis na sagot ni Selna.
"Sa tingin ko hindi ganoon kasimple ang nangyayari," worried na sabi ni Ruth. "Nitong nakaraang mga araw… amoy bulaklak siya."
"Ah. Hindi siya ang amoy bulaklak kung hindi 'yung mga love letter na palagi niya binabasa galing sa manliligaw niya. Scented stationery yata ang ginamit ng lalaki. Doon galing ang amoy," paliwanag niya.
Pero lalo lang naging tensiyonado ang mga kaibigan niya. Kinabahan na rin tuloy si Selna at napasulyap kay Michelle na nakatulala na naman.
"Iyong amoy ng bulaklak na galing sa love letter na sinasabi mo… katulad noong nasa perya tayo," sabi ni Ruth.
Nanlaki ang mga mata na ibinalik niya ang tingin sa mga kaibigan niya. "Iyong amoy na sign na may… may Engkanto?" mahinang tanong niya.
Tumango si Ruth. "Hindi tao ang nanliligaw sa kaniya. At kung nagagawa ng engkanto na iyon na makihalubilo sa mga tao, malamang isa iyong… Dalakitnon. Ang mga Dalakitnon kasi ang tribu ng mga engkanto na pinakamalapit ang kilos, hitsura at pagsasalita sa ating mga tao."
Nagkatinginan sina Selna at Danny at alam niya pareho nilang naaalala ang lalaking nakita nilang kasama ni Michelle noong nagpunta sila sa bayan. Ang nakakapagtaka, alam niyang tinitigan niya ang mukha ng lalaking iyon pero hindi na niya matandaan ang hitsura nito ngayon.
"Kailangan natin sabihin kay Michelle ang totoo," determinadong nasabi niya at akmang lalapit sa babae pero biglang nagsalita si Lukas.
"Huli na ang lahat. Hindi siya makikinig sa'yo. Nasa ilalim na siya ng kapangyarihan ng Dalakitnon."
Nanlamig si Selna at napatitig kay Lukas. "Anong gagawin natin? Sabi niya sa akin kanina sinagot na raw niya ang lalaking iyon. Saka palagi daw siya dinadalaw sa bahay nila paglubog ng araw at… at inaaya raw siya magpakasal."
Biglang napaderetso ng tayo si Lukas, naging alerto. Si Ruth naman namutla at napahawak sa kamay niya. "Hindi siya puwede pumayag magpakasal, Selna. Kapag pumayag siya, isasama siya ng Dalakitnon at hindi na siya makakabalik pa uli sa mundo natin."
Kumabog ang dibdib niya. "Kailangan natin siya tulungan."
Tumango sina Ruth, Andres at Danny. Pagkatapos tiningnan nilang lahat si Lukas na bumuntong hininga naman. "Sa totoo lang ayoko mangielam. Kapag dumikit ako sa mga nilalang na katulad ng Dalakitnon at sa tuwing gagamitin ko ang kapangyarihan ko, mas malaki ang posibilidad na malaman ng aking ama kung nasaan ako."
"But if we don't do anything, she might get spirited away," sabi ni Andres.
Humalukipkip si Lukas at hindi sumagot. Huminga ng malalim si Ruth at naging determinado ang facial expression. "Sabi mo dumadalaw sa kaniya ang Dalakitnon paglubog ng araw 'di ba? Puwede mo ba kausapin si Michelle para mapapayag siyang sumama tayo sa bahay nila mamaya? Para mabantayan natin siya."
Lumunok si Selna at tumango. "Akong bahala."
"Anong pinag-uusapan niyo diyan?"
Gulat na napalingon sila nang may lumapit na dalawang babaeng classmate sa grupo nila. Nakangiti ang mga ito at kina Andres at Lukas nakatingin. "Sali naman kami."
Biglang bumalik sa upuan nito si Lukas at tumitig sa labas ng bintana, halatang hindi interesado sa mga bagong dating. Si Andres naman, apologetic na ngumiti. "Sorry, related sa Literature club ang pinag-uusapan namin –" Napatingin ito sa harapan ng classroom at halatang nakahinga ng maluwag bago itinuloy ang sinasabi, "Nandiyan na ang teacher natin. Come on, let's all go back to our seats."
Kaya kahit halatang dismayado ang classmates nila, lumayo na ang mga ito at bumalik sa kani-kanilang upuan. Ganoon din ang ginawa nina Selna. At kahit nagsimula na magturo ang teacher nila, na kay Michelle pa rin ang isip niya at kung ano ang idadahilan niya para makasama sa bahay nito mamayang uwian.