webnovel

Mahal Kita, Severino

Magkaibang pamumuhay Magkaibang pamilyang pinanggalingan. Langit, lupa kung ihahalintulad Pag-iibigang susubukin at pagtitibayin Pag-iibigang iikot sa dalawang panahon. Sa mapait at mapaglarong mundo, ganito ang mararanasan ni Emilia at Severino, dalawang taong magmamahalan ngunit maituturing na sa maling panahon ipinagtagpo. Mapipigilan ba ng panahon ang kanilang pag-iibigan o mas lalo lang nito pagtitibayin ang sinisigaw ng kanilang mga puso? "Naniniwala akong isinusulat ng tadhana ang ating pag-iibigan tulad ng aking paniniwala na tayo'y magkikita at magsasamang muli sa kabilang buhay." -Emilia "Sa panahon na iyon, pareho na nating makakamtan ang inaasam nating walang hanggan na kaligayahan. Ikaw at ako sa panibagong panahon. Ikaw at ako hanggang sa kabilang mundo." -Severino I love you Series 1~ Date started: June 13, 2020

hazel_partosa · ย้อนยุค
Not enough ratings
41 Chs

Kabanata 30 ✓

A/N: Kumusta kayo mga puso? Patawad kung ngayon lamang ako nakapag update sapagkat tambak ang aking mga school works. Kailangan kong pagtuunan muna ito ng pansin. Mawawala muna marahil ako ng dalawang linggo. Patatapusin ko lamang muna ang buwan na ito dahil patapos na rin naman kami sa aming online class. Mag ingat kayo palagi! 🥰

Tila bumagal ang ikot ng mundo ngayong narito na siya sa aking harapan - nakangiti at walang pagkurap na nakatitig sa akin ngayon.

"Napakagwapo ko pa rin, ano? Napatulala ka, e," wika niya sabay pagtaas ng gilid ng kanyang labi.

Pinaikot ko ang aking mga mata. Kahit kailan talaga hindi pa rin siya nagbabago. Mahangin pa rin. Ngunit totoo naman, Emilia, e! Susmaryosep matanda na ako para rito! Hindi na naaayon sa aking edad ang ganitong mga bagay.

"Kumusta ka naman, a? Hali ka maupo ka rito sa aking tabi ang tagal kitang hindi nakasama't nasilayan, e." Siya ay naglakad palapit sa akin at hinawakan ang aking kamay patungo sa upuan na duyan. Hinila niya naman ang isa pang upuan na gawa sa kahoy nang ako ay makaupo na at tumabi sa akin.

"Napakaganda mo pa rin, a?"

Napahalukipkip naman ako at napaiwas ng tingin. Ano ba ito, bakit ako nakakaramdam ng pagkailang? Dahil ba ilang dekada kami hindi nagkita o dahil mayroon pa rin siyang epekto sa akin?

"Bakit hindi ka makatingin sa akin?" Mas lalo kong itinago ang aking mukha sa pamamagitan ng bahagyang pagtalikod mula sa kanya nang aking mapansin na hinuhuli niya ang aking paningin. "Pakiramdam ko tuloy tayo'y bumalik sa pagkabata. Ganitong-ganito ka rin noon hindi ba? Hindi ka rin makatingin sa akin sa tuwing ikaw ay aking tinitingnan."

"Noon iyon, Severino."

"Bakit ano bang ipinagkaiba sa ngayon?"

Narinig ko ang kanyang pagtawa kaya ako ay napalingon sa kanya. "Bakit ba ganiyan ka pa rin magsalita? Baka mamaya magalit sa akin ang iyong asawa."

"Matagal na akong balo (biyudo), Emilia."

"Ba-Balo? W-Wala na si Floriana?" Namilog ang aking mga mata habang hinihintay ang kanyang tugon. Kailan pa? Ano ang nangyari? Bakit?

Siya'y ngumiti nang puno ng sinseridad. "Mahabang kwento ngunit isa lamang ang aking masisiguro, hinding-hindi siya magagalit kung saan man siya naroroon."

"S-Sira na ang iyong ulo." Paano niya nagagawang sabihin iyon? Kahit naman na yumao na si Floriana, asawa niya pa rin ito.

"Bakit? Hindi ka ba nagtitiwala sa akin? Wala ka namang asawa, hindi ba?" Ang kanyang sinserong ngiti ay unti-unting napalitan ng ngiting mapanukso.

"P-Paanong..." Paano niya nalaman na ako'y walang asawa?

"Nakilala mo na ang aking apo," pagputol niya sa aking sinasabi na hindi ko naman maunawaan. Siya'y tumayo at mayroong kinuhang maliit na kahon. Nang ito'y buksan niya, napupuno ito ng mga gamit pang-medisina. Mayroon siyang inilabas na maliliit na botilya at makapal na tela. "Akin na ang iyong braso, lilinisin kong muli iyan."

"Muli?"

"Hindi ba nabanggit sa iyo ni Sebastian na ako ang naglinis sa iyong sugat kahapon?" takang tanong niya, sandaling napatigil sa kanyang ginagawang paghahanda sa paglilinis sa aking sugat at napatingin sa akin.

Sebastian? Sino iyon? "Iyong babaeng nurse ang naglinis ---"

"Iyong nahirapan kang huminga kahapon, napansin ko na nagdurugo ang iyong sugat kahit ito'y kalilinis lamang ng nurse na iyong tinutukoy kaya muli kong ginamot iyan kahit ikaw ay natutulog."

Kahapon? "Ibig sabihin..." Kahapon pa niya nalalaman na ako'y naririto? Kahapon pa niya ako nakita?

"Paumanhin kung hindi ako nagpakita sa iyo noong nakaraang gabi nang ikaw ay magising na." Muli siyang ngumiti at sinimulan ng linisin ang aking sugat kahit pasulyap-sulyap sa akin. "Masyado itong malalim, Emilia, saan mo ba ito natamo?"

"Natamaan ako ng yero." Nangyari iyan nang kami ay pauwi na sana mula sa pamimili, biglang bumagsak ang gusali dahil sa pagyanig ng lupa dulot ng pagsabog. Dahil malapit lamang ako sa gusali na iyon, lumipad palapit sa akin ang yero at tumama sa aking braso bago ito tuluyang bumagsak.

"Yero? Makalawang ba o hindi?"

"Hindi naman gaano."

"Dapat lagi kang nag-iingat. Matatanda na tayo para masugatan."

"Bakit hindi mo sisihin ang gusali, Severino?"

Natawa siya nang tumingin at diniin ang aking sugat. Hinampas ko naman siya nang malakas sa braso na hindi niya naiwasan bagkus mas lalong lumakas ang kanyang tawa.

"Masakit!" sigaw ko sa kanya nang nakakunot ang noo. Subalit, aking inaamin na kay tagal kong hinintay na muling mangyari ito - nagtatawanan kahit nasa kalagitnaan ng digmaan. Kay tagal ko ring hindi nasilayan ang kanyang ngiti at narinig ang malakas na tawa.

Parang kailan lang, apatnapu't walong taon na pala ang nakalipas, parang kahapon lamang nangyari ang lahat.

"Sinadya ko iyon, sarkastiko ang iyong sagot. Nararapat lamang sa iyo iyan bilang parusa." Muli niyang itinuon ang kanyang paningin sa aking sugat at pinagpatuloy ang paglilinis. Ilang minuto lamang ang nakalipas, siya'y tapos na at muling tumingin sa akin. "O hayan, huwag ka na muling lalapit sa mga gusaling delikado upang hindi ka na muling mapahamak, maliwanag?"

"Opo, doktor." Lihim akong ngumiti nang ako'y patayo na. "O siya, maraming salamat sa iyong serbisyo, Doktor Severino. Wala akong maibabayad sa iyo, ayos lang ba?" Siya naman ang nag-alok sa akin nito, e. Hindi ko naman responsibilidad na magbayad, hindi ba? Haha.

"Hindi ba't wala ka namang asawa? Wala namang magagalit kung ikaw ay aayain kong kumain, hindi ba?"

"Kumain?"

"Oo tayong dalawa lamang. Wala namang magagalit, hindi ba?"

Hindi ba't ang kanyang sinasabi ay gawain ng magkasintahan? Hindi naman kami ganoon, bakit niya ako inaalok? At saka... "Severino, hindi na tayo mga bata para riyan. Susmaryosep. Tayo'y may mga anak na. Ano na lamang ang kanilang iis---"

Kumurap-kurap ang kanyang mga mata at nanlalaki. "M-May anak ka?"

"Mayroon."

Nakakunot ang kanyang noo at napatayo. "Ngunit wala ka namang asawa, hindi ba? Iyon ang sabi sa akin noong nakaraang gabi ni Sebastian. Wala ka raw asawa."

Dalawang beses na niyang nabanggit ang pangalan na iyon. Sino ba iyon? "Sebastian?"

"Ang aking apo na iyong nakausap noong nakaraang gabi."

"Iyong Tianggo? Apo mo iyon?!"

"Tianggo?" Bakas sa kanyang mukha ang pagtataka at sandaling niligpit ang kanyang kagamitang pang-medikal. "Baka Tiano ang iyong tinutukoy?" Tumawa siya at muling tumingin sa akin matapos niyang magligpit, inilagay ang dalawang kamay sa bulsa ng kanyang salawal. "Tiano ang kanyang palayaw. Sebastian ang kanyang tunay na pangalan." 

"Paano niya ako nakilala?"

"Kung alam mo lamang, Emilia," mahinang sambit niya ngunit narinig ko naman sabay umiwas ng tingin

"Ano nga iyon? Hindi na tayo mga bata, Severino, para sa ganitong bagay." Nang dahil sa aking sinabi, siya'y lumingon sa akin.

"Ngunit hindi pa naman huli ang lahat, hindi ba? Binata ako, dalaga ka. Balo ako, wala kang asawa, o, hindi ba bagay tayo sa isa't isa?"

"Magtigil ka kung ayaw mong ipasok ko sa iyong bibig ang telang iginamit mo sa aking sugat," sambit ko at bahagya siyang itinulak dahil masyado siyang malapit sa akin. Ako'y naiilang sa kanyang presensya. Hindi rin ako makatingin sa kanya nang diretso. Bakit ganito? Bakit ko nararamdaman ang kilig kahit ako'y matanda na. Nakakahiya naman ito. Ibig sabihin sa kanyang sinambit, may pag-asa pa kami? Emilia, magtigil ka, matanda ka na.

"Sus bakit hindi mo pa aminin na umiibig ka pa rin sa akin."

"Noon iyon."

"Tayo'y matatanda na, Emilia, marami na tayong pinagdaanan sa buhay. Itatanggi mo pa ba, e, kitang-kita na ng aking dalawang mata?"

Sinamaan ko siya ng tingin at pinaikutan ng mata na kanya na namang ikinatawa ng malakas. Isipin mo ang nais mong isipin, Severino, bahala ka sa iyong buhay. Ako'y nanaog na. 

Inaamin kong kanina malakas ang tibok ng aking puso. Bawat salita na kanyang binibigkas ay tumatagos sa aking puso't isipan. Maging ang bawat pagngiti at pagtawa niya ay nagpapalambot sa aking puso at naging dahilan upang hindi ko mailayo ang aking mga mata sa kanya. Gwapo pa rin siya kahit kulubot na ang kanyang balat at maputi-puti na ang kanyang buhok.

"Ako'y maghahanda mamaya, hihintayin kita."

Nagpaalam na ako sa kanya at ako'y hinatid niya hanggang sa hagdan ngunit hindi naman siya bumaba. Ngiting malapad ang aking huling nakita sa kanya.

Apatnapu't walong taon na ang nakalilipas mula nang tayo'y magkita't mag-usap, hindi ka pa rin nagbabago. Ang mga salitang lumalabas sa iyong labi ay nagpapakaba sa akin at ang iyong presensya ay nagpapailang sa akin.

Hindi naman ako maiilang kung hindi ako naaapektuhan, hindi ba? Bakit ganoon? Apatnapu't walong taon na ngunit ang aking pakiramdam tuwing ikaw ay aking nakikita ay hindi pa rin nagbabago tulad pa rin noon.

Paanong hindi magbabago, Emilia, e, lagi mong hinihiling na siya'y muli mong makita't makasama? 

Ipinilig ko ang aking ulo matapos kong maisip iyon. Tama na. Ako'y matanda na. Hindi na ako dalaga para kiligin pa.

Pagsapit ng gabi, tumigil saglit ang putukan at pagsabog dito malapit sa bahay-pagamutan ngunit maririnig ang iilang putukan at pagsabog sa ibang dako nitong lungsod ng Morong.

Maliwanag naman kahit papaano rito sa loob dahil sa mga gasera kaya kahit gabi na, kitang-kita pa rin namin ang isa't isa - mga taong nakahiga, ang iba nama'y nakaupo habang pinapaypayan ang sarili.

"Kailan ba tayo makakaalis dito? Nais ko ng umuwi sa amin," naiiyak na tugon ng isang babaeng nakaupo at bahagyang malayo sa akin.

"Nais ko na nga ring umuwi, e, hindi naman tayo makatakas. Paano na?" tugon naman ng isang lalaki na nakataas ang dalawang tuhod at nakapatong doon ang kanyang dalawang braso. Siya'y nakaupo sa gawing sulok malapit sa sirang bintana.

"Kailangan nating makaisip ng paraan kung paano tayo makakalabas dito. Hindi maaaring lagi na lamang tayo. Dito tayo mamamatay lahat! Tayo'y papatayin ng mga hapones!" wika naman ng matandang lalaki na sumagot sa espiya kanina at kamuntikan pang mabaril. Ano nga muli ang kanyang pangalan? Bering? Beting? "Paano kung sila'y lusubin natin?"

"Sa iyong palagay, sapat na iyon?  Tayo'y napapaligiran ng batalyong hapones. Hindi natin iyon kaya.  Sila'y may mga armas at bomba ngunit tayo? Anong mayroon tayo? Itak? Anong laban ng itak sa armas at bomba?"

Dahil sa tinugon ng isang babae, ang mga nakarinig ay napaisip at mayamaya, napabuntong-hininga at napailing. Ang kanilang lakas ay nawala at ang kanilang mukha na mayroong kaunting pag-asa ay tuluyang nawala.

"Mukhang wala na nga tayong pag-asa. Magiging bihag na lamang marahil tayo."

"Paano kung tayo'y gumawa rin ng sarili nating kagamitan laban sa kanila?" tanong ni Bering.

"Baka iyong nakalilimutan na mayroong espiya," sambit ko. Nawawala na ba siya sa sarili niyang pag-iisip? Gumagawa lamang siya ng kanyang ikakapahamak.

Napahampas na lang siya sa papag matapos ko iyong sabihin. Napagtanto niya marahil na mapanganib ang espiya na magsusuplong sa amin kahit anumang oras. Magpasalamat siya, umalis ang espiya na nagbabantay dito sa bahay-pagamutan dahil kung hindi, siya'y nalagutan na ng hininga.

Maging ang mga hapones ay abala sa pakikipagdigmaan, mayroon namang mga hapones dito ngunit nagmamatyag at nagbabantay sa labas.

Habang sila ay abala pa rin sa pakikipag-usap, dumating naman ang dalawang binata na mayroong dala na mga mangkok, kutsara at isang malaking kaldero kaya halos lahat ng tao ay bumangon at umayos ng pagkakaupo.

"Tayo'y kakain na!" sambit ni Sebastian at pinatunog pa ang kaldero gamit ang kutsara kaya naglikha ng matinis na ingay. Sebastian pala ang kanyang totoong pangalan. Akala ko ay Tiano.

Ang isang binata naman na mas maliit sa kanya ay tahimik lamang na namimigay ng mangkok at kutsara. Hindi rin siya ngumingiti hindi tulad ni Sebastian na malapad ang pagkakangiti ngayon.

"Maraming salamat, Iho, pagpalain nawa kayo."

"Walang anuman ho. Kumuha lamang po kayo riyan, marami ho iyang niluto ng aking lolo," sagot naman ni Sebastian.

Lolo? Marunong ng magluto si Severino? Kailan pa?

"Pakisabi sa iyong lolo na maraming salamat sa kanyang tulong. Nasaan nga pala siya, Iho?"

"Nasa itaas ho, mayroong inaasikaso. Mukhang mayroon siyang mahalagang panauhin," sabay lingon niya sa akin at ngumiti nang mapanukso. Ang kanyang ngiti ay parehong-pareho sa kanyang lolo. Walang duda, sila nga'y mag-lolo.

"Lola," pagtawag niya sa akin. "Sabi po ng aking lolo, lilinisin niya raw muli ang iyong sugat sandali. Maaari ka pong sumunod sa amin patungo sa itaas."

Hindi na niya hinintay pa ang aking tugon at muli nang naglakad patungo sa hagdan. Ang mga tao naman ay abala sa pagkuha ng pagkain at ang iba ay nakatingin sa akin. Sasang-ayon ba ako? Para saan pa ang paglilinis gayong mukhang ayos naman na ang aking sugat.

"Ako'y maghahanda mamaya, hihintayin kita."

Napapikit na lamang ako nang mariin nang maalala ang kanyang huling sinabi kanina. Kaya ba tumingin sa akin ang kanyang apo at ngumiti nang mapanukso? Marahil siya ay may nalalaman tungkol sa paghahanda ni Severino. Kahit kailan talaga.

Isang mesa na mayroong dalawang upuan na napapalibutan ng kandila at iba't ibang uri at kulay ng talulot (petals) sa papag ang tumambad sa aking paningin.

Ang mesa ay natatabunan ng puting tela maging ang mga upuan, mayroon pang mangilan-ngilang talulot din sa mesa, nakahandang babasaging kubyertos na sa aking palagay ay mula pa sa ibang bansa at ang rosas na nakalagay sa maliit na basong tubig na narito sa gitna ng mesa na nagsisilbing palamuti. Ipinaghandaan niya talaga ito? Akala ko siya'y nagbibiro lamang?

"Nariyan ka na pala."

Umangat ang aking ulo nang marinig ko ang kanyang tinig. Siya'y nakasuot ng puting damit sa loob na napapatungan ng itim na amerikana  (black coat) na sumakto lamang sa kanyang pangangatawan, itim na salawal, kurbata at itim na sapatos na kumikintab pa. Napakagwapo naman ng matandang ito.

Siya'y humakbang papalapit sa akin nang may ngiti sa labi at inilahad ang kanyang palad. Palipat-lipat ang aking tingin sa kanyang mukha at sa kanyang kamay, ilang segundo ang lumipas baho ko tuluyang ilapat ang aking palad sa kanya. Ang init ng kanyang palad. Hindi pa rin nagbabago mula noon hanggang ngayon.

"Hindi ba't nakakahiya ang aking kasuotan? Ikaw ay nakaayos samantalang ako'y isang araw ng hindi naliligo dahil sa mga haponea na iyon." Palihim kong inamoy ang aking sarili. Ang baho ko na. Nakakahiya sa kanya.

Inusog niya ang upuan at ako'y inalalayan niyang maupo. Bago siya tuluyang makalayo sa akin, inmaoy niya muna ako sa leeg na nagpakiliti sa akin dahil sa kanyang mainit na hininga.

"Hindi naman. Amoy Emilia ka pa rin."

Handa na akong hampasin sana siya sa braso ngunit siya'y mabilis na nakalayo sa akin at naupo sa kanyang upuan habang tumatawa. Kay gwapo naman talaga. Hindi ko maitatangging tunay na mayroon pa rin talaga siyang epekto sa akin kahit kami ay matatanda na.

Lihim akong napangiti. Kung kailan kami ay may mga edad na tsaka naman nangyari ito. Pakiramdam ko tuloy ako ay dalaga pa rin. Bumabalik sa akin ang sarap ng nakaraan noong siya'y aking nakasama kahit maiksing panahon lamang.

Mayamaya lamang, nakita ko ang dalawang binata na mayroong bitbit na mesa.

"Dahan-dahan lamang mga apo."

Nang tuluyan na nila itong maibaba sa aming tabi, nagsalita naman si Sebastian. "Lo, turuan ninyo ako nito, ha, kapag ako'y maiibigan ng binibini" sabay tawa nito.

Ang isang binata ay nanatiling seryoso habang nakatingin sa akin ngunit mayamaya lamang ay biglang umiwas ng tingin. Ano iyon?

"Sige ho, Lo, bababa ho muna kami para asikasuhin ang mga tao sa ibaba."

"Maraming salamat sa inyo mga apo."

Sabay naming sinundan ng tingin ang dalawang binata hanggang sila ay tuluyan ng makababa.

"Mana sa iyo ang batang iyon," sambit ko nang muli akong tumingin sa kanya.

Natawa siya nang mapatingin sa akin. "Sino si Tiano ba? Marami ngang nagsasabi." Kaya pala nakita ko siya sa batang iyon, iyon pala ay mag-lolo.

Iba't ibang putahe ang aking nakita nang alisin niya ang takip. Mayroong kanin, adobo, caldereta, kamatis na pula at gatas.

"Paumahin kung ito lang ang ating pagkain, ha? Kailangang magtipid dahil hindi natin batid kung kailan tayo palalayain ng mga hapones dito." Sinimulan niyang lagyan ng pagkain ang kanyang pinggan at ipinalit sa akin. Nasa akin na ngayon ang kanyang pinggan na mayroong pagkain. "Sandali, tayo'y manalangin muna pala. Muntik ng mawala sa aking isipan" sabay tawa niya at inumpisahan na ang panalangin.

Hindi ko maiwasang hindi mapatitig sa kanya habang kami ay kumakain at nag-uusap. Ang kanyang mga ngiti at tawa, tumatagos sa aking puso. Ang kanyang mga mata, sobrang ganda. Sobrang gwapo naman nito. Ano pa bang hindi ko magugustuhan sa lalaking ito? Emilia, bakit naman ganito? Ako'y kinikilig.

Hindi rin nakaligtas sa aking pakiramdam ang tibok ng aking puso, animo'y mayroong mga kabayo na nag-uunahan sa pagtakbo. Posible pa ba ito kahit ako'y matanda na? Iniisip ko pa lamang na siya'y naglaan ng oras at sikap (effort) para sa akin ay mas lalo akong...

"Napakagwapo ko, ano?"

Naputol ang aking iniisip nang siya'y magsalita. Napaikot ko na lamang ang aking mga mata at uminom ng tubig upang hindi niya mapansin na ako'y nakatitig na sa kanya.

"Hindi makasagot si Emilia" sabay tawa niya nang malakas.

"Maaari bang tigilan mo ang pagpuri sa iyong sarili? Masyado na ngang mahangin ngayong gabi, dinadagdagan mo pa." Kainin mo ang iyong mga sinabi, Emilia.

"E, bakit ka nakatitig sa akin?"

"Nakatitig ka rin naman sa akin."

"Nais ko lang sulitin ang gabing ito. Kay tagal kitang hindi nakita, e."

Saglit akong napatigil sa pagnguya habang nakatingin pa rin sa kanya. Kay tagal din kitang hindi nakita, Severino.

"Bueno, may nais sana akong itanong sa iyo," pag-iiba niya ng usapan at sandaling uminom ng tubig. "Nais ko sanang itanong kung sino ang iyong anak?"

"A, iyon ba. Si Gregina at ang aking mga apo," wika ko at muling kumain.

"Gregina? Hindi ba't iyon ang anak nina Georgina at Cinco?" takang tanong niya.

Ako naman ngayon ang nagtaka. "Kilala mo siya?" Paano niya nakilala si Gregina? Hindi rin naman nabanggit sa akin ni Cinco ang tungkol doon.

"Oo naman. Hindi mo na batid ang buong kwento, umalis ka kase patungong Maynila matapos ng pag-iisang dibdib namin ni Floriana. Maraming nangyari matapos mong umalis."

Napatahimik naman ako. Marami ngang nangyari ngunit hindi ko alam kung anong klaseng pangyayari ang kanyang tinutukoy. "Tulad ng?"

"Hindi na naisalaysay sa iyo ni Cinco?"

"Ang ano?"

Ang kanyang pagtataka ay unti-unting napalitan ng pagkaseryoso. "Iyong totoo, Emilia?"

"Ayusin mo ang iyong pangungusap! Hindi ko naman maintindihan kung ano ang iyong tinutukoy." Sinamaan ko siya ng tingin sabay hampas sa kanyang braso.

"Ikaw na ang tumayong ina ng mga bata, hindi ba?" Ako ay tumango. "Ibig sabihin ikaw na rin ang tumayong maybahay ni Cinco? Mayroong namamagitan sa inyong dalawa?"

"Ha? Hindi, a." Muntik na akong masamid sa kanyang huling sinambit. Mabuti na lamang nailunok ko nang maayos ang pagkain. Bakit niya naisip iyon? Ni hindi ko nga alam kung pano kami nagkasundo ng taong iyon, e. Nakita ko na lamang ang aking sarili na siya'y inaalagaan.

"Mabuti naman," mahinang sambit niya ngunit narinig ko naman.

"Anong mabuti naman?" kunot-noonv tanong ko sa kanya at pinanliitan siya ng mata.

"Wala wala." Lumitaw ang kanyang mapanuksong ngiti kasabay ng pagsubo niya ng pagkain. "Nais ko rin sanang magtanong kung anong nangyari sa inyo ni Agapito.  Nabanggit niya sa akin noon na sa liham na ikaw raw ay nakipaghiwalay sa kanya. Nais kong malaman ang buong kwento ngunit sa ibang araw na lang siguro. Nais ko munang sulitin ang gabing ito na walang pinag-uusapan na ibang tao."

Nabigla ako sa kanyang tinuran. Sinabi iyon sa kanya ni Agapito? Ibig sabihin niyo sinabi ang totoo? Kung alam niya lamang kung paano kami naghiwalay ni Agapito.

Nais ko rin sanang magtanong kung anong nangyari sa kanilang dalawa ni Floriana at kung ano ang sanhi ng kanyang pagkamatay. Hindi ko akalain na sa mahigit apat na dekada naming hindi pagkikita maraming nangyaring trahedya. Marahil ay hihintayin ko na lamang ang tamang araw na mapag-usapan namin iyon ng maayos. Siguro kung hindi na kami bihag ng mga hapones.

Ilang minutong katahimikan ang nangingibabaw sa amin matapos niyang magsalita ngunit ang aming mga mata ay parehong nagnanakaw ng tingin sa isa't isa.

Mayamaya lamang, siya'y tumayo at nilabas ang maliit na radyo. Isang kundiman ang kanyang ipinatugtog.  Siya'y naglakad palapit sa akin at inilahad ang kanyang kamay. "Maaari ba tayong sumayaw, Emilia?"

Ngumiti ako at tinanggap ang kanyang kamay. Kami ay naglakad patungo sa gitna. Ang kanyang dalawang kamay ay inilagay niya sa aking baywang at ang aking mga braso naman ay nakapulupot sa kanyang leeg.

"Hindi ba't parang masyado na tayong matatanda para rito, Severino?" natatawang tanong ko na kanyang ikinangiti.

"Alam mo bang matagal ko na itong nais gawin sa iyo ngunit wala lang akong pagkakataon? Wala e, ipinagkait sa atin noon ang tadhana kaya ngayon lang ako nakakabawi sa iyo."

Ngumiti ako at bahagyang napayuko. Nag-iinit ang aking mga mata. Bumalik sa aking alaala ang nangyari sa amin ngayon. Ang lupit pala ng tadhana sa amin noon, ano? Siguro kung binigyan lang kami ng pagkakataon, marahil ay masaya kami ngayon.

"Siguro ngayon mayroon na tayong sariling pamilya kung sumang-ayon lamang sa atin ang tadhana noon, ano?" tanong niya. Kahit mahina lamang ang kanyang tinig, ramdam  ko naman ang sinseridad nito. Mas lalong humigpit ang pagkakahawak niya sa aking baywang. "Emilia, paano kung...paaano kung hindi ka umalis? Paano kung hindi ako ikinasal kay Floriana? Paano kung ipinaglaban natin ang isa't isa? Paano kung mas pinili nating manatili sa piling ng isa't isa? Siguro marami na tayong nagawang magandang alaala, ano?" 

Humigpit din ang aking pagkakahawak sa kanyang leeg kasabay ng pagtulo ng aking luha. Nanatili pa rin akong nakayuko para hindi niya makita ang aking itsura ngayon.

Nakakahiya. Siguro nga kung kami lang ang nagkatuluyan, malalaki na rin ang aming mga anak at apo ngayon. Marahil kami ay sobrang saya natin ngayon.

"Ang dami na nating pinagdaanan, Emilia, marahil ay may dahilan kung bakit tayo muling nagkita matapos ang mahabang panahon. Ano sa iyong palagay?" Iniangat niya ang aking mukha. "B-Bakit?" Mabilis niya namang pinunasan ang aking luha.

"Ilayo mo nga ang iyong mukha, masyadong malapit sa akin" wika ko sabay tulak ko sa kanya nang marahan. Ako'y naiilang. Sobrang lapit ng kanyang mukha.

"Bakit ka lumuluha? Mayroon ba akong nasabing hindi maganda?" Puno ng pag-alala ang kanyang mga mata habang hinihintay ang aking sagot.

"Wala naman. Naalala ko lamang ang nakaraan." Paano nga, ano? Paano nga kung mas pinili namin ang isa't isa sa una pa lamang? Marami sanang "sana" ang natupad.

Sandali siyang tumingin sa akin at inidikit ang kanyang noo sa akin. "Sa aking palagay hindi nagsakripisyo ang mga tao sa ating paligid para  mapunta lamang ang lahat ng ito sa wala. Sila'y nagsakripisyo upang muli tayong magkita."

Kahit anong pagpipigil ko sa aking luha, para silang mayroong isip, kusang nagsibagsakan at ayaw ng magsitigil.

"Parang noon lang, tayo ang nagsakripisyo para sa kanila ngunit ngayon... Emilia, masyado ng matagal ang apatnapu't walong taon. Ayaw ko na muling mawala ka sa akin. Ayos na iyong dalawang beses nating pinakawalan ang isa't isa at mahigit apat na dekadang hindi pagkikita."

Handa na sana akong magsalita nang biglang mayroong sumabog. Agad kong narinig ang malalakas na hiyawan ng mga tao sa ibaba at naramdaman ko ang mahigpit na yakap ni Severino sa akin habang kami ay nakadapa na sa papag.

"Ayos ka lamang ba, Severino?" Agad kong sinuri ang kanyang mukha at katawan subalit saglit akong napatigil nang mapagtanto kong siya'y nakangiti. "Bakit? Ano ang nangyari sa iyo?" Bakit siya nakangiti gayong nagsimula na naman ang kaliwa't kanang pagsabog at pamamaril ng mga hapones.

"Mahal mo pa rin ba ako, Emilia?"

Nanlaki ang aking mga mata at naapawang aking labi. "A-Ano? Tayo'y nasa kalagitnaan ng digmaan tapos ako'y tatanungin mo ng gan---"

"Mahal mo pa rin ba ako, Emilia? Ako pa rin ba ang tinitibok ng iyong puso?"

"S-Seve---"

"Mahal mo pa rin ba ako?"

Ako'y napapikit nang muli ko na namang marinig ang malakas na pagsabog at walang humpay na sigawan ng mga tao't hapones. Kailan ba matatapos ang digmaan na ito?

Muli akong napamulat ng mata nanag aking maramdaman ang mahigpit niyang kamay na nakahawak sa akin.

Nilapit ko ang aking mukha sa kanya at hinaplos ang kanyang pisngi. "Oo naman. Mula noon hanggang ngayon, ikaw lang naman ang tinitibok ng aking puso, M-Mahal."

Siya'y ngumiti kasabay ng pagtulo ng kanyang luha at paghawak sa aking pisngi. "Mahal na mahal pa rin kita hanggang ngayon, Emilia. Naaalala mo ba ang aking sinabi sa iyo noon? Ikaw at ako sa panibagong panahon. Ikaw at ako sa kabilang mundo."

Tumango-tango ako. Ano bang mayroon sa iyo kung bakit paulit-ulit kitang minamahal, Severino? Anong mayroon sa iyo kung bakit ikaw pa rin ang inaasam at hinahanap ng aking puso kahit ilang dekada na ang nakalipas?

"Mahal na mahal kita, Emilia. Maaari ba kitang hagkan (halikan)?"

Hindi na ako sumagot pa bagkus ay dahan-dahan kong inilapat ang aking labi sa kanya. Kasabay ng malalakas na pagsabog, sigawan ng mga tao, pagpatay ng sindi ng mga kandila, paglipad ng mga talulot (petals), walang tigil na pagguho ng ilang parte ng gusali ay ang paglapat ng aming mga labi at pagtulo ng aming mga luha.

Hindi ko inaasahan na sa digmaan na ito, muli kong mararanasan ang pag-ibig na ipinagkait sa akin noon.

Hindi ko inaasahan na ang panahon na ito ang magiging tulay upang muli kaming magkita.

Kay tagal kong hiniling at hinintay na muling mangyari ito sa amin. Naghintay pa ako ng matagal. Akala ko noon ay wala ng pag-asa ngunit heto ngayon, saksi ang malalakas na pagsabog at putok ng armas sa muling pag-iisa ng aming mga puso ngayon.

Nagkaroon ng magandang bunga ang matagal nating paghihintay, Mahal. Inabot man tayo ng ilang dekada, tutol man sa atin noon ang tadhana  ngunit ngayon siya na mismo ang gumawa ng paraan upang magtagpo muli ang ating landas.

Mahal na mahal kita, Severino.

-------------------Abril 5, 1944-------------------

Tatlong araw na ang nakalilipas mula nang mangyari ang gabing iyon. Napahawak ako sa aking labi at napapangiti, hanggang ngayon sariwa pa rin sa aking isipan kung paano maglapat ang aming mga labi at kung paano siya tumugon sa aking halik na inabot ng ilang minuto. Napakainit ng kanyang labi at napakalambot. Nawa'y ang aking labi ay ganoon din.

Subalit ang mas nakakahiya na tagpo, sa kalagitnaan ng aming paghahalikan ay ang pagdating ng kanyang apo. Hays! Muli ko na namang naalala iyon...

"Napakalambot ng iyong labi, Mahal," wika niya sa pagitan ng aming mga halik. "Mahal na mahal talaga, Emilia."

Humiwalay ako sa kanya at siya:y hinampas sa kanyang dibdib.

"Para saan iyon?" takang tanong niya habang nakapulupot sa aking baywang ang kanyang kanang braso.

"Wala lamang. Nais lang kitang hampasin," natatawang tugon ko at dahan-dahang humiwalay sa kanya.

"Napakasarap mo namang magmahal, may kasama pang hampas" sabay tawa niya at muli akong inilapit sa kanya. Ilang dipa na lamang ang layo ng aming mukha sa isa't isa. "Napakaganda mong tunay, Mahal." Hindi paman ako nakakapagsalita ay muli niyang idinikit ang kanyang labi sa akin.

Sa pangalawang pagkakataon, mas lalo nang lumalim ang kanyang halik sa akin. Mas ramdam ko ngayon ang init at pagmamahal sa pamamagitan ng kanyang maiinit na halik.

"Lolo Severi--- o, ay?"

Nanlaki ang aking mga mata at mabilis na lumayo sa kanya. Tila nagkaroon ng malaking boltahe ng kuryente ang aking katawan sa bilis ng aking kilos at umupo nang maayos. Napayuko ako at pasimpleng inayos ang aking buhok at damit.

"Tiano, bakit? May problema ba?"

"Nagtungo po ako rito upang alamin ang inyong kalagayan ngunit mukhang maayos naman ho kayong dalawa. Patawad ho kung  naistorbo ko po kayo." Rinig ko ang mahina niyang pagtawa ngunit hindi pa rin ako ako lumilingon sa kanya. Ayaw kong makita ang kanyang reaksyon.

Nakakahiya! Kay tanda-tanda mo na, Emilia. Ano ba ito?!

"A, ganoon ba? Ayos naman kami, apo."

"Sige ho, Lo, bababa na po ako. Maaari niyo na pong ituloy."

Narinig ko ang mahina niyang yabag pababa ng hagdan kaya lumingon na ako sa kanya. Kasalukuyan siyang nakaupo habang nagtatago sa isang makapal na kahoy. Sandali kaming nagkatitigan at mayamaya ay nagtawanan. Lumapit siya sa akin at inayos ang kahoy tmat hinaaa naming proteksyon upang hindi kami matamaas ng ligaw na bala o kung ano pa man.

"Nakakahiya, Severino!" bulong kong saad nang may halong panggigigil at muli siyang hinampas sa dibdib nang siya'y makatabi na sa akin. "Ikaw, kasalanan mo ito! Bakit mo kase ako muling hinagkan? Hindi sana tayo nakita ng iyong apo, nakakahiya!"

"Gusto mo rin naman," wika niya sabay tawa at ako'y niyakap. Napasandal naman ang aking ulo sa kanyang dibdib kaya rinig na rinig ko ang malakas na pagtibok ng kanyang puso. "Ayos lang iyon, hindi naman na iyon bago sa dalawang taong nagmamahalan, hindi ba?"

"Kahit na. Apo mo pa rin iyon."

"Nais mo bang ulitin natin?"

"Magtigil ka. Kung hindi lamang umaatake ngayon ang mga hapones, iniwan na kita rito."

"Mahal kita."

"Wala akong narinig."

"Mahal kita kako." Mas malakas na ngayon ang kanyang tinig kaya palihim akong ngumiti at nagpanggap na naiinis.

"Ano? Wala akong narinig."

"Hagkan kitang muli riyan, e!"

"Lola Emilia, may problema ho ba?"

Napatingin ako sa lalaking nagtanong sa akin kaya kumunot ang aking noo. "Bakit?"

"Kanina pa po iyang balde na napupuno." Mayroon siyang itinuro at tipid na ngumiti.

"A, paumanhin paumanhin." Hindi ko man lang namalayan na puno na pala ang balde. Kasalukuyan naming pinupuno ang mamalaking palayok bilang sisidlan ng tubig. Kami ngayon ay nag-iimpok ng tubig sa utos na rin ng mga hapones para sa aming pang-araw-araw na gagamitin.

"Kailangan kaya tayo palalayain ng mga hapones? Ilang araw na tayo rito.  Kumusta na kaya ang aking mga anak?" rinig kong tanong ng isang babae na namumula ang mga mata. Anumang oras ay tutulo na ang kanyang luha at mariing napapapikit kasabay ng malalalim na paghinga. Bakas sa kanyang mukha ang labis na pag-alala.

Naalala ko muli si Gregina at ang naiwan sa aming tahanan. Kumusta na rin kaya sila? Nawa'y sila ay nakakakain nang maayos kahit mapait ang aming nararanasan ngayon.

"Maging ako man ay may naiwan sa tahanan ngunit ano ang ating magagawa? Tayo'y bihag ngayon."

Binigyan lamang kami ng isang oras na magtungo sa balon upang mag-ihib. Matapos din nito ay babalik kami sa bahay-pagamutan.

"Isoide! Isoide! Anata wa sore o oeru no ni tatta 20-bu shika arimasen! (Hurry! Hurry! You only have 20 minutes to finish that!)" sigaw ng hapones.

Sigaw siya ng sigaw, ano ang aming naiintindihan sa kanyang sinasabi? Napailing na lamang ako. Sana matapos na ang digmaan na ito.

Nang kami ay makarating sa bahay-pagamutan, bumungad sa amin ang isang mahabang mesa na maraming nakahandang pagkain.

"Nariyan na po pala kayong lahat, nakahanda na po ang pagkain," wika ni Severino nang nakangiti sa aming lahat. Nang siya'y mapatingin sa akin, ako ay kanyang kinindatan.

"Maraming salamat po, Doktor Severino!"

"Walang anuman po, kain lang kayo ng kain."

Kanya-kanyang kuha ng pagkain ang aking mga kasama, may iba na puno ang pinggan ng iba't ibang putahe ang iba nama'y kaunti lamang. Kahit pagod, masaya silang nagkukwentuhan at sabay na magtatawanan.

Napangiti ako. Base sa saya na nakaukit sa kanilang mukha, tila nakalimutan nila kahit sandali lamang na kami ay nasa kalagitnaan ng digmaan at ginawang bihag ng mga hapones.

"Lola, bakit hindi pa ho kayo kumakain?" tanong sa akin ni Sebastian nang siya'y lumapit sa akin.

Saglit kong tiningnan si Severino, siya'y abala sa pakikipag-usap sa mga tao nang hindi pa rin nabubura ang kanyang magandang ngiti. Kay gwapo talaga nito. Muli ko tuloy naalala ang kanyang malambot na labi at ang kanyang mainit na halik. Mahal na mahal ko talaga ang matandang ito kahit saang anggulo pa tignan.

Muli kong ibinalik ang aking mga tingin kay Sebastian. "Kakain rin ako mayamaya, Iho." Kumunot naman ang aking noo nang ako ay kanyang titigan. "Bakit?" tanong ko. Bakit siya nakatitig? Mayroon ba akong dumi sa mukha?

"Hindi ko lang po akalain na ikaw ay aking makikita ng personal."

"Personal?"

"Nakikita ko lang naman po kayo noon sa mga iginiguhit ni Lolo Severino, Lola Emilia."

"Guhit?" walang sarili kong tanong. Napatingin ako sa ibaba nang nakakunot ang noo. Hindi ko pa rin nakukuha. Mga guhit ba kamo? Ibig sabihin, ako ay kanyang iginuguhit? Mayroon siyang talento sa pagguhit?

Napatingin ako kay Severino na hanggang ngayon ay abala pa rin sa pakikipag-usap ngunit napansin niya marahil na ako ay nakatingin sa kanya kaya siya ay tumingin sa akin at mas lalong lumapad ang ngiti - mas malapad kaysa kanina.

"Hindi mo po marahil alam na magaling gumuhit si Lolo Severino. Isa po iyan sa kanyang mga talento bukod sa pagkanta at pagtugtog ng gitara."

Talaga? Hindi ko alam. Hindi ko rin naman siya nakita noon na gumuguhit sa kanyang silid.

"Kaya mo ba ako kilala?" Naalala ko na minsan ng nabanggit sa akin ni Severino noong mga nakaraang araw na alam daw nila ang tungkol sa akin. Wala na rin naman siyang ibang sinabi bukod doon.

Marahan siyang tumango at ako'y inalok na maupo. "Madalas ka po niyang ikuwento sa aming magkakapatid noon. Maging ang nangyari sa kanila ni Lola Floriana ay naikuwento niya rin."

Nais kong magsalita ngunit wala namang lumalabas sa aking bibig. Biglang bumilis ang tibok ng aking puso nang aking marinig ang pangalan ni Floriana. Nabanggit din sa akin ni Severino na yumao na raw ito. Ano kayang dahilan? Ano ang buong pangyayari?

Nais ko ring itanong sa batang ito kung ano ang nangyari ngunit mukhang hindi naman tama ang makialam pa. Hihintayin ko na lamang siguro na sila mismo ang magsabi sa akin. Narito lang naman ako upang makinig.

"Kaya nga po noong ikaw ay aking makita, akala ko niyon ay guni-guni ko lamang kaya muli kong tiningnan ang kwaderno ni Lolo Severino kung nasaan naroroon lahat ang kanyang iginuguhit patungkol sa iyo at hindi nga po ako nagkamali, ikaw nga po. Agad ko rin pong sinabi sa kanya na narito ka."

Napangiti ako habang nakatingin sa ibaba. Laking pasasalamat ko sa Diyos na kami ay muling nagkita. Kung hindi, hindi ko malalaman ang tungkol dito. Hindi ko rin malalaman pa ang nangyari sa kanya noon.

"Noong nawalan ka po ng malay noong unang araw po ninyo rito, siya po ang gumamot sa inyo maging sa inyong sugat."

"Nasabi nga niya sa akin, Iho" sabay tingin ko sa kanya.

"Noong nakita ka niya po na natutulog, siya'y lumuha sa sobrang saya. Niyakap pa nga niya ako dahil sa wakas daw, makalipas ang mahabang panahon, ikaw daw po ay muli niyang nakita."

Nag-iinit ang aking mga mata at mabilis na pinunasan ito nang ito'y biglang tumulo.

"Mahal na mahal ka po ng aming lolo, Ginang Emilia. Kung alam mo lamang po ang hirap at tindi ng kanyang pinagdaanan mula nang ikaw ay umalis sa kanilang hacienda at tumigil bilang kasambahay."

"Maging i...yon ay kanyang nai...kuwento?" gulat na tanong ko sa kanya. Hindi ko na napunasan pa ang aking luha nang muli itong bumagsak. Talaga bang lahat ay ikinuwento niya sa kanyang mga apo?

Muli na naman siyang tumango at ngumiti. "Lahat po ay kanyang naikuwento sa akin."

Dahan-dahan akong napatingin sa gawi ni Severino na ngayo'y nakakunot ang noo habang nakatingin sa aming dalawa ng kanyang apo. Ang kanyang mga mata ay nagtatanong ngunit tanging ngiti lamang ang aking itinugon.

"Ikaw po ang kanyang bukambibig lagi. Maging sa pagtulog, ikaw pa rin ang nasa kanyang isip. Mula noon hanggang ngayon, Lola Emilia, ikaw pa rin. Ikaw po ang kanyang tunay na pag-ibig." Narandaman ko na lamang ang mahigpit niyang paghawak sa aking kamay kaya napatingin ako sa kanya. Siya'y ngumiti nang matamis tulad kung paano ngumiti ang kanyang lolo. Magkawangis sila. "Masyado na pong maraming napagdaanan ang aking lolo, Lola Emilia, panahon na po upang muli siyang maging masaya. Ngayon ko na lamang po siya muling nakitang ngumingiti nang ganyan - tunay na masaya at hindi pilit. Ingatan niyo po ang aking lolo, ha?"

Hinawakan ko ang kanyang buhok at inayos ito habang pinupunasan ang aking luha. "Maraming taon siyang nawala sa akin kaya asahan mong hindi ko na siya muling pakakawalan pa."

"Nararapat po kayo para sa isa't isa. Sana maranasan ko rin ho ang ganyang pag-ibig."

"Mararanasan mo rin ito sa tamang panahon sa tamang tao" sabay pisil ko sa kanyang kamay na nakahawak sa akin. "Ngunit hindi ba parang mali? Kami ay matatanda na" sabay tawa ko. Ako'y naiilang at kinakabahan din. Iniisip ko rin ang sasabihin ni Gregina, ng aking mga apo at ni Cinco.

"Wala naman pong pinipiling edad ang pag-ibig, Lola Emilia, isa pa, itutuloy niyo lang naman pong muli ang naudlot niyong pag-iibigan."

"Ano ang inyong pinag-uusapan?"

Sabay kaming napalingon ni Sebastian nang marinig namin ang tinig ni Severino na ngayo'y nakatayo na sa aming harapan ngayon.

"Wala iyon. Huwag ka ng makisali," wika ko sabay palihim na punas sa aking basang pisngi.

"Hindi niyo ako isasali?"

"Hindi naman ikaw ang aming pinag-uusapan, Lo."

"Huwag nga ako, Tiano, lolo mo ako. Papunta ka pa lang, pabalik na ako."

"Iyan ka na naman sa iyong paboritong linya, Lolo Severino!" sabay tawa niya na ikinatawa ko rin. Noong una, seryoso lamang ang mukha ni Severino ngunit makalipas ang ilang segundo, siya'y nakitawa na rin.

"Lo, Ginang, Emilia, alis po muna ako. Magbabasa lang po muna ako ng libro."

"Mahal, sasabihin mo naman sa akin, hindi ba?" tanong niya nang tuluyan nang makaalis ang kanyang apo, nagsusumamo ang kanyang mga mata. Nais niya talagang malaman ang aming pinag-usapan.

"Nais kitang makilala pa," bulong ko. Napagtanto ko na hindi sapat ang ilang taon naming pagkakakilala noon. Marami pa akong hindi nalalaman sa kanya. Nais ko siyang makilala pa. Ganoon din naman siya sa akin marami pa siyang malalaman.

Siya'y ngumiti nang pagkatamis-tamis. "Pangalawang kabanata na ba ito ng ating pag-iibigan, Mahal?" sabay tawa niya.

"Kahit ilang kabanata pa, Severino,"

------------

<3~