webnovel

LET GO by Myra Ocampo

"Nagustuhan mo ba rito, Anak?" 

"Napakaganda rito!" Malapad ang kanyang pagkakangiti habang binubusog ang mga mata sa napakagandang tanawin. Punong-puno ng iba't ibang bulaklak ang paligid. Maging ang mga bundok na abot na lamang ng kanyang tanaw ay nalalatagan din ng napakagagandang bulaklak at halaman. Idagdag pa ang mga ibong umaawit na nakikisayaw sa napakapreskong hangin.

"Gusto mo bang dumito na lang kasama ko?" 

Nabalot ng lungkot ang kanyang mukha at napatingin sa malayo. "Paano po ang mga anak ko?" 

"Tunay ngang walang ibang mas magandang lugar sa mundo ang papantay sa sayang mararamdaman mo sa piling ng iyong mga anak. Naiintindihan ko, Tes. Basta ang lagi mong tatandaan… kapag hindi mo na kaya, sumama ka na sa'kin, ha? Nandito lang ako naghihintay sa 'yo."

"Salamat, Ma. Salamat at nandito ka sa mga oras na kailangang-kailangan kita."   

"MAMA… Ma! Ma…" 

Napangiti ako nang magmulat siya ng mga mata. Kahit ang mga matang iyon na tila palaging malayo ang tingin at walang kabuhay-buhay ay salamin ng matinding paghihirap at kalungkutan, masaya pa rin ako na nagmumulat ang mga iyon. At hinahanap ako sa tuwing maririnig ang aking boses. 

"Ma, kain ka na ng almusal para makainom ka na ng gamot. Binilhan kita ng sopas." Pinaupo ko siya para subuan. "Buti na lang ang haba ng tulog mo ngayon, Ma. Effective yata ang mas mataas na dose ng painkiller."

"Nakita ko si Mama…" aniya. Maaliwalas ang kanyang mukha. Bakas ang saya at may kislap sa kanyang mga mata. 

"S-si Lola po?" Napatigil ako sa pagsubo sa kanya. Bigla akong kinilabutan at bahagyang nagtayuan ang mga balahibo ko. 

"Oo."

"Sa panaginip? Dinalaw ka ni Lola sa panaginip? May sinabi po ba siya?" 

"Ipinasyal niya ako sa magandang lugar. Puno ng mga flowers. Sobrang ganda talaga! Gusto ko nga ulit bumalik do'n, e!"

Hindi ko magawang ngumiti sa ikinukuwento ni Mama kahit pa halatang masaya siya, na parang nagbalik sa pagkabata. Sa kalagayan niya ngayon ay isa iyong hindi magandang pangitain dahil parang sinusundo na siya ni Lola. Matagal ng patay si Lola—ang nanay ni Mama. Mahigit labing walong taon na ang nakararaan. Isang taon lamang matapos mamaalam ni Papa ay ito naman ang sumunod. 

"'Pag niyaya ka po ulit ni lola 'wag ka na munang sumama, ha, Ma? Sabihin mo sa kanya tulungan ka na lang gumaling. Kaya ka naman naming dalhin sa magandang lugar na puno ng mga flowers, e! 'Di ba may plano pa nga tayong pumunta ng Baguio?" Syempre kukontrahin ko ang sinasabi niya dahil gusto ko pa siyang gumaling. Kahit sinabi ng mga doktor na wala na talagang pag-asang gumaling si Mama ay hindi pa rin ako—kami nawawalan ng pag-asa. 

Kung tatlong beses nga silang nagkamali sa biopsy result na puro negative sa cancer ay baka mali rin ang diagnosed nila ngayon. 

"Based sa CT Scan, may tubig sa supot ng kaliwang baga. Medyo marami… mukhang kailangan tusukin para mabawasan. Maraming kulani sa kanang kilikili. Malalaki na rin kaya hindi makadaloy ang lymph. Dahil do'n kaya magang-maga ang kanang braso niya. Marami na ring kulani sa iba pang bahagi ng katawan. Kumalat na rin ang cancer sa atay at spleen. Sa ganitong resulta, hindi na talaga maganda ang lagay ni Nanay. Kaya mas magandang ngayon pa lang ay ihanda niyo na ang sarili niyo sa posibleng mangyari. At sulitin niyo na ang bawat araw na kasama niyo pa siya…" 

Naalala kong sabi ng doktor. Halos pinagbagsakan kami ng langit at lupa nang malaman ang totoo niyang lagay. Ngunit dahil sa masidhing pagnanais na gagaling pa siya'y hindi namin lubos na matanggap ang mga iyon. Puno pa rin kami ng pag-asa. Kaya naman, sa bawat yugto at unti-unting paglala ng kalagayan ni Mama ay para bang palagi iyong bago sa aming kamalayan. At dahil doon ay mas matindi ang takot na aming nararamdaman sa bawat paglipas ng mga araw. Mga araw na tila ba walang katapusang bangungot. 

Simula ng malaman ang resulta ng cancer test ay unti-unti ng bumagsak ang katawan ni Mama. Kung noon ay puno pa ng pag-asa ang kanyang mga mata, ngayon ay blangko na. Siguro'y isa iyon sa mga dahilan kung bakit. Wala na siyang pag-asa; hindi na siya umaasa at iyon na lang ang palaging tumatakbo sa isipan niya na lubos na nagpapalala ng kanyang kondisyon. 

"Diyos ko! Kunin mo na lang ako. Mas gusto ko pang mamatay na lang kaysa ganito!" Isang araw ay umiiyak na namang turan ni Mama. Ito ang palagi niyang sinasabi tuwing umaatake ang matinding pananakit ng kanang braso niya.  

Magang-maga na rin iyon at halos hindi na niya maikilos. Hindi na tumatalab ang mga painkiller na niri-reseta ng doktor. Madalas pa iyong umatake sa gabi kaya sa kawalan ng tulog ay lalo pang bumagsak ang kanyang katawan. 

Maingat akong naupo sa tabi niya at dahan-dahang minasahe ang braso. Para kahit papaano ay dumaloy ng maayos ang dugo at maibsan kahit papaano ang sakit. 

"Ma, sabi po sa internet, natural lang daw ang pananakit ng brasong malapit sa pinag-operahan. Dahil sa halip na sa paligid ng sugat, do'n daw talaga 'yan sa braso mamamaga. Tsaka, magandang sign nga daw 'yan, e, dahil ibig sabihin nabubuhay na at tumutubo ang mga nerves. Masakit daw po talaga siya kung sa masakit lalo pa't malaki ang open wound niyo. Pero para medyo mabawasan, kailangan mong mag-exercise o kahit maglakad-lakad," paliwanag ko. 

"Talaga?" 

"Try natin, Ma." 

"Oh, tulungan mo 'kong tumayo," aniya. Sabay abot ng aking kamay. 

Malapad akong napangiti dahil ito pa lang ang unang beses na nakita ko siyang nagkaroon ng motivation pagkatapos malaman ang resulta ng test. 

Hirap man ay pilit siyang tumayo habang ako'y nakaalalay lang. Kahit mabagal ang bawat hakbang ay nagtiyaga siyang magpabalik-balik ng lakad sa labas ng bahay. 

"Kaya niyo na pong mag-isa, Ma?" 

"Oo."

"Sige po. Magpapa-init lang ako ng pampaligo niyo."

Habang pinupunan ng tubig ang takuri ay hindi ko na naman napigilan ang sariling maluha. Siguro'y sobra na talaga ang sakit kaya handa siyang gawin ang lahat maibsan lamang iyon kahit kaunti. Madalas kasi kapag sumusumpong ang sakit ay halos ayaw niyang bumangon sa pagkakahiga at panay lang ang iyak. Ibang-iba sa ngayon. Mabuti na lang kahit papaano'y nabibigyan ko siya ng pag-asa at napapalakas ang loob niya. 

Ngunit, nang araw na iyon ay hindi siya pinatahimik ng sakit. Halos maghapon siyang dumadaing, umiiyak, at sinasabayan pa ng pagsusuka. Latang-lata na si Mama. Nahihirapan ding huminga na para raw siyang nalulunod. 

"Diyos ko! Gusto ko ng mamatay!" Buong maghapon ay ito ang naririnig naming daing niya. 

"Ayan na naman siya! Hindi na lang kasi hilinging gumaling para mawala na ang sakit!" pagalit ko sa kanya. Naririndi na ako sa ipinagdarasal niya maghapon. Tsaka, stress na ang lahat sa bahay dahil sa matinding pag-aalala, awa, at kawalan ng magawa kaya maging ako ay mabilis ng uminit ang ulo. Ayaw naman din niyang magpadala sa ospital. Kaya wala kaming ibang magawa kundi pakinggan ang mga hinaing niya. Kahit hilot ay wala na ring pag-asa.  

"Diyos ko, Yhang… Kung alam niyo lang ang nararamdaman ko!" nagtatampo niyang sabi. 

"Ma, naiintindihan po namin! Kaya nga kung anu-ano na lang ang ginagawa namin para matulungan kayong gumaling. Lumalaban pa kami, Ma. Hindi pa kami nawawalan ng pag-asa kaya dapat kayo rin!" sabat na turan ni Ate Mylen. Bakas na rin sa boses niya ang galit. 

"Sige, kapag namatay ka, hindi ko aalagaan ang mga kapatid ko! Lalo na si Jirro!" patuloy ni Ate. Tinutukoy niya ang bunso naming kapatid na noon ay labindalawang taong gulang pa lang. 

"Sige, 'pag namatay ka, susunod din ako sa 'yo!" dagdag ko pa. Dahil do'n hindi na siya nakapagsalita pa. Umiyak na lang siya nang umiyak.

Nakakasama ng loob na pinatulan namin ang pagdaing ni Mama kahit alam naming labis-labis na ang paghihirap niya. Pero, hindi rin kasi namin maatim ang mga sinasabi niya. Lahat kami'y lumalaban pa at ipinagdarasal ang paggaling niya kaya masakit ding marinig na nawawalan na siya ng pag-asa. Higit na siya ang kailangan naming magpakatatag dahil malaki ang epekto niyon sa kondisyon niya. 

Natapos ang araw na iyon na hindi na namin siya muli pang narinig na humiling ng kamatayan. Sa halip ay hinayaan na lamang niya kaming lumaban para sa kanya. Kung anu-ano pang test ang pinagawa namin. Kahit sa albularyo ay sumugal kami. 

Ngunit, habang lumilipas ang mga araw ay lalo lamang siyang nanghihina. Hanggang sa hindi na niya kayang kumain, maligo, maglakad, at tumayo mag-isa. Ang sakit na dati'y sa braso lamang ngayo'y kalat na sa buong katawan na sinasabayan pa ng matinding pangangalay. 

Halos hindi na rin ako umaalis sa tabi ni Mama. Ako na ang nagsisilbi niyang mga kamay at paa. 

Lahat ng pagod at puyat ay hindi ko na nararamdaman dahil gusto ko ang ginagawa ko. Masaya akong pagsilbihan si Mama sa abot ng aking makakaya. Ito rin ang paraan ko para bawasan ang mga bagay na maaari kong pagsisisihan sa huli. At pambawi sa aking mga naging kasalanan sa kanya. Higit sa lahat tungkulin ito ng isang anak—anak na lubos na nagmamahal. Ayaw kong magkulang. 

Sa hirap man ng pinagdadaanan namin. Nagpapasalamat ako na kahit papaano'y nabigyan kami ng pagkakataong pagsilbihan si Mama at maipadama kung gaano siya kahalaga sa amin. Hindi lahat ng anak ay nabibigyan ng ganitong pagkakataon. At hindi rin lahat ng magulang ay nagbibigyan ng pagkakataong mapagsilbihan ng kanilang mga anak. Kaya kung may nakikita man akong kagandahan sa likod ng mga pasakit na ito'y isa na marahil ang oportunidad na ito. 

Nagpapasalamat ako dahil isa kami sa mga iilan na nabigyan pa ng pagkakataong matanggap ang lahat. Hindi kagaya ng iba na kahit ilang oras man lang o minuto ay ipinagdamot pa sa kanila. Dito ko lubos na nakita ang kahalagahan ng bawat oras ng ating buhay. Tunay na wala tayong dapat na sayanging panahon. 

May kasabihan ding 'make every day count. Make the most out of it. Appreciate every moment and take from it everything that you possibly can, for you, may never be able to experience it again.' 

Naniniwala ako rito. 

Lalo na nang dumating ang araw na pinakakinatatakutan naming lahat.

Isinugod si Mama sa ospital dahil dehydrated na siya sa walang tigil na pagsusuka. Nang gabi ring iyon ay ipinasok na siya sa ICU (Intensive Care Unit). 

'Diyos ko! Parang awa niyo na po… Huwag muna. Huwag po muna ngayon. 'Wag niyo po munang kunin sa amin si Mama. Nagmamakaawa po ako sa inyo, Panginoon! Hindi pa po kami handa!' Paulit-ulit kong usal. Halos ikabaliw ko ang labis na takot lalo na ang magdamag na hindi siya makita dahil pinagbawalan kaming sumama sa ospital gawa ng pandemic. Naroon din ang takot ko na baka mamaalam na siyang hindi pa namin tanggap ang lahat at hindi man lang namin siya makikita. 

"Tita…" 

Isang mumunting tinig ang narinig kong tumawag sa'kin mula sa may pintuan ng aking silid. Nakasilip doon si Kenken. Ang pamangkin ko. Panganay na anak ni Ate Mylen at pangalawa ang kanyang ipinagbubuntis sa kasalukuyan. 

Sa musmos nitong edad na pitong taong gulang pa lamang ay pansin ko na ang lungkot sa kanyang mga mata. Hindi dahil sa takot para sa kanyang may karamdamang lola kundi dahil nakikita niya kaming walang tigil sa pag-iyak. 

Dahan-dahan siyang lumapit sa'kin at inalo ako. Mahigpit na yakap ang ginawad niya sa'kin. 

"Tita, 'wag ka na pong umiyak. Gagaling din po si Mommy. Sabi ni Mama bukas daw uuwi na siya dito."

"Opo, Kuya Ken. Gagaling pa nga si Mommy." Parang sarili ko lang ang kinukumbinsi ko sa mga sinabi ko. 

"Tate Yhang…" Si Jirro. Kagaya ni Kenken ay nag-aalala rin itong pumunta sa kuwarto ko para aluhin ako. 

Ang makita kasi nilang umiyak ako ng ganito ay bago para sa kanila. Ito ang unang beses simula nang magkasakit si Mama na makita nila akong umiyak. 

"'Wag ka nang umiyak, Tate."

Inaamin kong para kaming aso't pusa ni Jirro. Kaya ang makita ang concern nito sa'kin ng mga sandaling iyon ay nakaramdam ako ng matinding guilt. Naalala ko tuloy ang palaging sinasabi ni Mama kay Ate na baka raw pag nawala na siya'y kawawa sa'kin ang bunso namin dahil palagi kong pinag-iinitan. 

Nang mga sandaling iyon ay tila ba biglang naayos ang lahat sa aming dalawa. Napag-isip-isip ko na masyado na nga akong malupit sa kanya. Isa lamang siyang musmos. Kaya ako ang may mali. Dapat ay malawak ang aking pasensya dahil ako ang mas nakakaintindi. Kaya naman noon din ay nangako akong magiging mabuting ate na ako sa kanya. Para maibsan din ang alalahanin ni Mama. 

"Halika rito…" Sinenyasan ko siyang lumapit sa'kin. Nag-alangan pa ito no'ng una kaya inabot ko ang mga kamay niya at iniyakap sa'kin. 

"Bukas ng umaga dadalawin ko si Mommy. Sasabihin kong napaka-behaved niyong dalawa kaya umuwi na siya, nuh?" 

"Opo," sabay nilang sagot sa pagitan ng mahigpit na yakap. 

MULA sa pintuang salamin ay natanaw ko agad si Mama sa kanyang higaan ng umagang iyon kung kailan ako ang hahalili sa pagbabantay sa kanya. Malikot siya at ikinukuyakoy ang mga binti. Nakaramdam ako ng kaunting ginhawa sa isiping mabuti na ang lagay niya. 

Ngunit, halos manlumo ako nang tuluyan akong makalapit. Matinding gulat ang bumalot sa buo kong pagkatao. Nakasuot siya ng oxygen mask at nakagapos ang isang braso sa bedside railings kung saan nakakabit ang dextrose at dugo. Maging ang ngipin niya't mga labi ay tuyot na't nagkulay kahoy. Magdamag ko lang siyang hindi nakita pero parang ilang dekada na ang lumipas sa laki ng ipinagbago niya. Halos hindi ko na siya makilala. Ibang-iba ang hitsura niya nang huli kong makita. Tumaba rin ng husto ang kanyang leeg at mukha. 

"Ma… Ma… Mama? Naririnig mo ba ako?" Paulit-ulit ko siyang ginigising pero hindi siya tumutugon. Nakapagtataka dahil ang likot-likot naman niya. Hindi siya dapat na gano'n kung mahimbing ang kanyang tulog. 

"Bakit po hindi siya nagigising?" Natataranta na ako. Ni hindi ko siya magawang hawakan sa tindi ng panginginig ng mga kamay ko. Nanlulumo ako't halos mapaluhod na sa sahig. 

Sa paulit-ulit na pagtawag ko sa kanya'y sa wakas nagmulat din siya ng mga mata. 

"Ma, ako po 'to… Kumusta ka? Ano nararamdaman mo?" Dali-dali akong tumayo at hinaplos ang buhok niya upang iparamdam ang aking prisensya. Parang may punyal na nakatarak sa puso ko. Ganoon kasakit ang nararamdaman ko ng mga sandaling iyon. Hindi ko kayang pigilin ang aking mga luha kahit anong pilit ko. 

Matamis akong napangiti nang sa wakas ay magtama ang aming mga mata. Ngunit, agad ding napalis ang mga ngiting iyon nang makita ang nagkulay abo at walang buhay niyang mga mata. Parang nasasalamin doon ang kailaliman ng dagat—malabo, madilim, puno ng kalungkutan, takot, at kawalan. Ang hirap basahin. 

"K lang…" 

Mapait akong napangiti sa sagot ni Mama. Magmula ng lumala lalo ang lagay niya'y parati nang ganito ang kanyang sagot. Kahit umiiyak na't dumadaing ng aray. 'Wala' pa rin ang sagot niya sa tuwing tatanungin namin kung saan banda ang masakit. Siguro sa sobrang sakit ay hindi na rin niya alam kung ano ang isasagot. O marahil ayaw na rin niya kaming mag-alala pa ng husto. 

Hindi rin nakaligtas sa aking paningin ang sandaling pag-asim ng kanyang mukha habang sapo ang ulo. Tila may iniinda siya roong matinding sakit.  

'Para sa pamumuo ng dugo sa ulo…' Doon ko napansin ang isang maliit na papel sa itaas ng kanyang kama. Notes iyon para sa kanyang mga gamot. 

'Diyos ko po!' Halos hindi ko na lubos maisip kung papaano pa nakakayanan ni Mama ang lahat. 

"Gagaling ka pa, Ma. Lalaban tayo, ha?"

"Oo." Sa kabila ng lahat positibo pa rin siya. Pinisil ko ng mahigpit ang kamay niya. At ngumiti ng malapad. 

Matapos ang tipid niyang sagot ay muli na naman siyang nakatulog. At iyon na ang huli naming pag-uusap. Simula ng hapong iyon ay na-comatose na siya. Mabuti na lang, bago iyon ay nabigyan pa siya ng pagkakataong makita ang dalawa ko pang kapatid—si Ate Mylen at Ronnel—na noon ay dali-daling nagpunta sa ospital nang sabihin ng doktor na kailangan na namin i-konsidera ang pagpapalagay sa kanya ng life support. Bagay na napagkasunduan naming huwag na. Dahil wala na rin naman iyong magagawa para mailigtas si Mama. Lalo lamang siyang mahihirapan; lalo lamang namin siyang pahihirapan. 

TATLONG araw na ang nakalipas simula ng dalhin namin si Mama sa ospital. Nasa pribadong kuwarto na rin siya kaya malaya na kaming makakadalaw. 

Nang umagang iyon ay balak ko sanang isama ang bunso naming si Jirro dahil siya na lamang ang 'di pa nakakadalaw kay Mama. Kaya lang ay ipinagbabawal pala ng ospital ang mga minor de edad sa higpit ng pandemic restrictions. Kaya naman sa sobrang awa ko sa aming bunso ay hindi ko maiwasang maiyak sa bahay pa lang hanggang sa makarating ako ng ospital. 

Alam kong sabik na sabik na siyang makita si Mama. At malakas din ang kutob kong hindi na siya magkakaroon pa ng pagkakataong makita ito ng buhay. Kaya lalong ang bigat sa dibdib. Bata pa siya at higit niyang kailangan ang aruga ng isang ina. Ngunit, kahit ang makita sa huling pagkakataon ay ipinagkakait pa sa kanya ngayon. 

"Miss, aware po ba kayong hindi na namin iri-revive si Nanay sakaling huminto na siya sa paghinga? Since tumanggi kayong palagyan siya ng life support, maaari kasing madurog ang baga ni Nanay kung magpi-perform kami ng CPR sa kanya. At dahil malala na rin talaga ang lagay ni Nanay… wala na tayong ibang magagawa kundi ang tanggapin ang kanyang sitwasyon at ihanda na rin ang ating sarili na anumang oras puwede na siyang mamaalam."

Naalala kong sabi ng doktor sa'kin nitong umaga matapos kong magmakaawa sa nurse station na tulungan nila si Mama matapos ang sunod-sunod niyang pag-ubo na parang malalagutan na ng hininga.

"Ito na ba talaga ang huli, Ma? Lahat sila sinasabing tama na… Mag-give up na raw ako at tanggapin ko na. Pero hindi ko pa kasi kaya!" Tulala ako habang kinakausap siya.

Nakasubsob ang ulo ko sa unan niya habang hinahagod-hagod ang kanyang buhok. Gusto kong damhin ang init ng kanyang katawan dahil kahit nasa harapan ko lang ay parang sabik na sabik pa rin ako sa kanya. Pakiramdam ko ay nasa dalawa kaming magkaibang mundo—dalawang mundong patuloy na gumagawa ng distansya palayo sa isa't isa. At naroon ang matinding takot na sa paglaon ay baka hindi ko na siya muli pang makikita. 

"Wala pa rin siyang blood pressure…" turan ng isang nurse sa pangatlong pagkakataon matapos i-BP.

Tanging tipid na tango na lamang ang naging tugon ko. Wala na akong lakas pang sumagot sa labis na panlulumo.

Sa kabila ng sinabi ng doktor na tanggapin ko na, pinalagyan ko pa rin siya ng pampataas ng blood pressure sa pagbabaka-sakaling gaganda pa ang lagay niya o magigising pa siya kung babalik sa normal ang kanyang dugo. Ngunit, wala pa ring pagbabago.  

Sinubukan din nilang kunan siya ng blood sample pero halos walang kulay na likido na ang lumalabas. Maging ang mga braso, kamay, at paa na tadtad na ng tinusukan ng mga karayom ay nagsisimula ng mamutla. 

Ito na ba ang sign na kailangan ko na siyang i-let go? Na huwag na akong lumaban pa? Na pilitin ko nang tanggapin ang katotohanang kailangan na niya kaming iwan? Dahil kahit anong laban ang gawin ko'y lagi lang nauuwi sa dead-end. 

Mariin kong ipinikit ang mga mata ko at mahigpit na hinawakan ang malamig na kamay ni Mama. Nagtagal ako sa ganoong posisyon habang inaayos ang mga bagay sa isip ko. Gusto kong pilitin ang sarili ko—piliting tanggapin na. Ngunit, naroon pa rin kasi ang pag-aalangan sa tuwing sasagi sa isipan ko ang huling pag-uusap naming dalawa. Gusto pa niyang lumaban. Naniniwala siyang gagaling pa siya dahil lalaban pa kami para sa kanya. Paano na lang kung ganoon pa rin ang gusto niya tapos kami susuko na? Hindi ba't para na rin namin siyang itinulak sa bangin?  

"Ma, sorry… Sorry. 'Wag mo sanang iisipin na sinukuan ka na namin. Heto pa rin ako... gustong lumaban pero wala na akong magagawa. Wala na talagang paraan! Kaya k-kung hirap na hirap ka na, sige na. Puwede ka na pong sumama kay lola do'n sa magandang lugar na sinasabi niyo. We're letting you go. Hirap na hirap ka na, e!" Sa huli'y ang matinding pagmamahal pa rin ang umiral sa akin. 

Hindi ko magawang maging madamot sa nararanasan niyang sobrang paghihirap. Sumuko na ng tuluyan ang kanyang katawan. Naroon na kami sa puntong wala ng daan pasulong kaya ang magagawa na lamang namin ay ang huminto at hayaan na. Ipaubaya na lang sa Panginoon ang lahat. 

"Oras na para sarili niyo naman po ang isipin niyo, Ma. 'Wag niyo na po kaming alalahanin dito… Magiging okay lang po kami. Tanggap na po namin. Basta, lagi mong tatandaan, Ma… mahal na mahal ka namin. Ilang beses man akong mabubuhay, ikaw at ikaw pa rin po ang pipiliin kong maging ina. Sobrang suwerte ko po sa inyo. Salamat po sa lahat-lahat! Mahal na mahal kita, Ma… Sorry po kung ngayon ko lang 'to nasabi sa inyo ng personal. Kung alam ko lang na kukunin ka ni Lord ng maaga, sana'y paulit-ulit ko na 'tong sinabi sa inyo noong mga panahong malinaw mo pang maririnig at syempre no'ng makakasagot ka pa. Sa huli po talaga ang pagsisisi!" 

Sa sobrang sakit na makita ang mahal mo sa buhay na lubos ng nasasaktan at nahihirapan ay mapipilitan ka na lang din talagang sumuko at ibigay sa kanila ang kalayaan. Pasalamat na lang ako na kahit ganito kalupit ang kapalaran ay nabigyan pa rin kami ng pagkakataong makapagpaalam sa isa't isa.

Matapos iyon ay dalawang beses siyang lumuha. 

Siguro iyon na ang paraan niya para ipaabot ang kanyang pamamaalam at pasasalamat sa amin. Isa pa, ako na lang siguro ang hinihintay ni Mama dahil maging ang mga kapatid ko ay handa na siyang pakawalan. Buong umaga na kaming nag-iiyakan sa video call dahil iyon na lamang ang tanging paraan para maipaabot kay Mama ang lahat ng gusto nilang sabihin dahil isang bantay lang ang pinapayagan sa ospital. At ako ang masuwerteng kasama niya hanggang sa huli. 

"Magkikita pa tayo, Ma." 

Alam kong magkikita pa kaming muli. 

At nang hapon ding iyon ay tuluyan na nga niya kaming iniwan. Apat na araw lamang ang kinaya niyang hintayin upang matanggap naming lahat na mawawala na siya nang sa gayon ay makaalis siya ng matiwasay. Hanggang sa kahuli-hulihan ay kami pa rin ang inaalala niya. Sobrang sakit man, inisip ko na lang na hindi siya namatay kundi nagising lamang mula sa mahabang panaginip. Bilang kami ay parte lang ng magandang panaginip at ngayo'y mananatili na lamang alaala sa pagpapatuloy ng kanyang buhay sa mundo kung saan siya mas sasaya. At doon, wala ng sakit. Hindi na siya mahihirapan pa.  

Life isn't just about living in this world. Kagaya nga ng pagsundo sa kanya ni lola, naniniwala ako at nakatitiyak akong may isa pang mundo ang naghihintay sa mga taong pumanaw na. Mundong makikita mo sa dulo ng bahaghari, sa dulo ng ilog, sa huling patak ng ulan, sa huling patak ng luha, sa likod ng kabundukan, sa huling destinasyon ng hangin, sa tunay na pagmamahal… Mundo kung saan muli mong makakasama ang mga mahal mo sa buhay na nagkaroon na ng pangalawang edisyon ng libro ng kanilang buhay. Sigurado akong mananatili roon si Mama upang sumalubong sa akin sa muli naming pagkikita. At katulad sa unang libro ay magiging bahagi pa rin ako ng pangalawa. So we shouldn't say 'goodbye' in every farewell, 'see you' instead. 

Kaya habang may pagkakataon pa, gaano man iyon karami o kakaunti, tulungan natin ang ating mga mahal sa buhay na bigyan ng magandang wakas ang kanilang kuwento. Upang maisara nila ang huling pahina ng may ngiti sa mga labi. The definition of good and bad ending cannot be determined by how painful or peaceful they died… but it's how you accept, let go, and cherish every moment you spent together. 

***WAKAS***