webnovel

He's gone...

•••

# Ryouhei's POV

*He's gone.*

Matapos ng gabing hinila ako palabas ng kasamang babae ni Yuki, sinabihan niya akong bumalik na lang kinabukasan dahil may kailangan silang puntahan.

Kahit na naguguluhan ako sa mga nangyayari at gustong-gusto kong magtanong, ay hindi ko na nagawa pa. Dahil pinagsarhan na ako nito ng pinto.

Napakuyom ako at napapikit dahil kahit dito... hindi ko magawang masamahan si Yuki. Matapos ang mga nangyari sa kaniya nitong mga nakaraang araw, nakakainis lang dahil parang wala akong magawa para sa kaniya.

Nandito lang naman ako... naghihintay lang naman akong tawagin niya ako, naghihintay kung kailan niya ako kakailanganin, pero... sa pagkakataon na ito pakiramdam ko ay parang wala lang ako para sa kaniya.

Napatitig ako sa nakasarang pinto at ipinangako kong babalik ako dito kinabukasan, pero...

"Si Yuki ba? Hindi ko na siya napapansing lumalabas dyan sa apartment niya eh? Hindi pa ba siya bumabalik?" Iyan ang mga tanong na kahit ako ay hindi ko naintindihan.

Dalawang araw matapos ang nangyari ng gabing iyon ay saka ako bumalik sa apartment ni Yuki upang makita siya. Pero kahit na ilang beses kong kinakatok ang pinto ng apartment niya at tinatawag ang pangalan niya ay walang nagbukas ng pinto para sa akin.

Hanggang sa magtanong na ako sa landlady ng apartment kung saan siya tumutuloy, sinabi niyang hindi niya pa nakikita si Yuki dahil alam niyang bago tumaas ang araw ay bumababa na ito mula sa tinutuluyan nito para pumasok sa convenience store kung saan ito nagpa-part time bilang cashier.

Muli akong napatingin sa pangalawang palapag kung nasaan ang kwarto ni Yuki at saka bumaba ang tingin ko sa matandang nasa harap ko ng ilahad niya sa akin ang susi.

"Para saan po ito?"

"Alam kong kaibigan mo si Yuki at may tiwala ako sayo. Kaya sige, papayagan kitang buksan ang apartment niya. Baka kasi kung ano ng nangyayari sa batang iyon eh, ayoko namang istorbohin kaya ikaw na lang ang pumasok at kumausap sa kaniya." Mahaba niyang sabi sa akin.

Tumango ako dito at kinuha ang susi sa kamay niya. Nagpaalam ako dito at muling umakyat sa itaas upang puntahan muli ang apartment niya. At ng muling nasa harapan na ako nito ay hinawakan ko ang sedura ng pinto at ilalagay na sana dito ang susi para buksan ito ng aksidente kong maikot ito.

*Bukas?*

Agad na nanlaki ang mga mata ko dahil kanina lang akala kong nakadandado na pinto ay dahan-dahan ko itong nahila pabukas. Sumilip ako at tumambad sa akin ang tahimik at madilim na apartment niya. Papalubog na ang araw at ang liwanag nito ay pumapasok sa bukas na bintana sa kanang bahagi ng kwarto na umaabot hanggang kusina.

Inilibot ko ang tingin sa loob at tinawag ang pangalan niya pero... katahimikan ang sumagot sa akin. Tuluyan na akong pumasok doon at isinara ang pinto. Binuksan ko ang ilaw galing sa switch sa tabi ng pinto at ng bumaha ang liwanag sa loob ay may umagaw na agad sa atensyon ko.

Ang ayos ng sala ay kaparehas ng ayos noong umalis ako ng gabing iyon. Nagtataka man ay ibinaba ko sa lamesa sa kusina ang susi at inilagay sa lababo ang nakatenggang tatlong basong tubig na nasa lamesa.

Ramdam kong walang katao-tao ang lugar at para bang hindi na ito nabalikan pa ng kahit na sino. Atsaka, nagtataka ako kung bakit bukas ang pinto? Bakit iniwan nilang bukas ang pinto? Nasaan ba si Yuki? Sumama ba siya sa pag-alis na sinasabi ng babaeng iyon sa akin? Bakit hindi man lang siya nagsabi sa akin kung aalis sila?

Nang makita ko ang pinto kung saan ang kwarto ni Yuki ay agad akong papunta doon, at pagbukas ko ng pinto at ng ilaw ay bumangad sa akin ang magulong kama at ang mga nagkakalat na damit sa sahig.

Anong nangyari dito? May pumasok ba dito na hindi ko alam? Nasaan ba si Yuki?

Agad kong kinuha ang cellphone ko at tinawagan ang numero niya, pero agad akong nagtaka dahil may narinig akong ingay na dito nagmumula sa kwarto niya. Inilibot ko ang tingin ko sa buong kwarto at inumpisahang hanapin ang nag-iingay na 'yon...

Wag mong sabihin... inalis ko ang nagkukumpulang mga damit sa lapag at doon, nakita ko ang isang cellphone na kanina pa tunog ng tunog.

*Ryouhei's calling...*

Ano ito? Iniwan niya ang cellphone niya at saka sila umalis? Paano ko siya makakausap at malalaman kung nasaan sila kung iniwan niya ang cellphone niya dito?

Tumayo ako at kinuha ang cellphone na 'yon at lumabas na mula sa kwarto na 'yon. Napatitig ako sa kawalan dahil iniisip ko kung saan maaaring pumunta sila Yuki para iwan niya ang sarili niyang cellphone dito, iwan na magulo ang kwarto niya at ang mas ikinababahala ko ay bakit nila iniwang bukas ang apartment niya?

Ano 'yon? Nakalimutan niya lang? Ang daming tanong sa isip ko pero hindi ko naman iyon kayang sagutin. Kaya napatingin ako sa cellphone na nasa kamay ko, nang muli ko iyong binuksan ay isang bughaw na langit at ang dagat ang nasa lockscreen nito.

Bigla akong napangiti sa isipin na isa pala iyon sa gusto niyang makita o mapuntahan. Pero agad na nawala ang ngiti ko ng tumunog ito at isang text message ang pumasok doon at nakita ko ang pangalan ng taong nag-sent nito sa kaniya.

"Kyla..." Bulong ko sa pangalan na nakita ko.

Nabasa ko ang message nito at sinasabing maghihintay ito sa convenience store kung saan ito nagpa-part time. Hindi ko alam kung bakit ito naghihintay doon kaya kahit na nagtataka ay pinatay ko ang cellphone nito at saka ko ito inilagay sa bulsa ng jacket na suot ko.

Kinuha ko ang susi at muling lumabas sa apartment niya at ikinandado ito. Muli akong bumaba upang ibalik sa landlady ang susi at nagpasalamat dito. Pagtapos 'nun ay tinungo ko na ang daan papunta sa convenience store kung saan naghihintay si Kyla, baka sakaling may malaman ako mula sa kaniya kung nasaan si Yuki.

"Oh? Ryouhei? Anong ginagawa mo dito?" Tanong ni Kyla pagpasok na pagpasok ko sa convenience store kung saan siya naghihintay.

Hinihingal man ako sa pagtakbo ay hindi ko ininda iyon, agad ko siyang tinanong kung alam niya kung nasaan si Yuki.

"Alam mo ba kung nasaan si Yuki?" Tanong ko dito habang nakatingala siya sa akin.

"Si Yuki? Hindi. Actually naghihintay nga ako sa kaniya dito kasi ipapahiram ko sa kaniya itong notes ko. Finals na kasi next week at dalawang araw na siyang absent."

What?! Dalawang araw na siyang absent? So... hindi pa rin siya umuuwi kung ganun?

"Bakit pala? Nag-away na naman kayo kaya hinahanap mo siya sa akin 'no? Sabi ko kasi sayo Ryouhei, wag mong pag-ti-trip-an palagi si Yuki dahil kapag nabanas iyon, for sure hindi na iyon magpapakita pa ulit sayo." At doon ako biglang natauhan.

Wala siya sa apartment niya at hindi ko rin siya ma-contact dahil iniwan niya ang cellphone niya sa kwarto niya. Kaya ba sila umalis ng gabing iyon kasama ang babaeng nasa apartment niya dahil nababanas na siya sa akin? Dahil ba palagi akong nangungulit sa kaniya? Dahil ba palagi ko siyang inaasar o pinagti-trip-an? Naubos na ba ang pasensya niya dahil sa akin? Kaya siya umalis?

Kaya niya ako iniwan?

Naguguluhan akong napaupo sa tabi ni Kyla. Biglang nanikip ang dibdib ko sa isiping iniwan niya akong wala man lang kahit na huling paalam sa akin? Okay lang naman eh, okay lang naman na iwan niya ako basta magsasabi siya sa akin, kahit huling paalam lang. Kahit iyon lang.

Napayuko ako at napasabunot sa sarili kong buhok dahil... naguguluhan na ako.

"H-hoy? Anong nangyayari sayo? Ayos ka lang ba?" Tanong ni Kyla sa akin.

Pero hindi ko siya sinagot. Sa halip ay kinuha ko ang cellphone ni Yuki at inilapag iyon sa mesang pinapatungan ng mga braso namin at ng notebook na nasa harap niya.

Tinignan niya lang iyon na para bang nahihiwagaan sa ginagawa ko.

"Binibigay mo sa akin?"

"Oo."

"Talaga?"

"Yeah. Kay Yuki yan, iniwan niya sa apartment niya." Pagkasabi ko ng mga katagang iyon ay muli akong napayuko sapo ang ulo ko habang naririnig ko ang mahihinang pagsinghap ni Kyla sa tabi ko.

Alam kong nakita na niya na kay Yuki ang cellphone na iyon dahil hindi ko inalis ang text message niya kanina na nasa notification bar. Hindi ko na alam ang gagawin ko, hindi ko alam kung saan ko siya hahanapin.

Alam ko namang wala rin dito si Yuki sa convenience store dahil sa mga nangyayari sa kaniya, ang apartment at ang campus lang ang alam kong pwede niyang puntahan pero ng marinig ko kay Kyla na dalawang araw na itong hindi pumapasok ay wala na akong pag-asang mahanap pa siya doon.

"P-paano mo nakuha ito?"

"Pumasok ako sa apartment niya."

"Pumasok ka sa apartment niya?!" Gulat niyang tanong. Pasigaw pa iyon dahilan para mapatingin sa amin ang ilang mga bumibili sa loob ng convenience store kung nasaan kami.

Tila pagod naman akong lumingon sa kaniya at sumagot. "Nagpaalam ako sa landlady. Hindi naman ako akyat bahay gang, Kyla."

"Ah... Hehe sorry sorry hindi ko alam." Paumanhin niya. "Pero... paano mo nalaman na nandoon pala itong cellphone niya?"

"Tinawagan ko siya."

"Eh, bakit?"

"Dahil hindi pa siya umuuwi."

"So... ang ibig mo bang sabihin na umalis siya kaya siya absent ng dalawang araw?"

Tumango ako ng makonekta na niya ang mga sinasabi ko sa mga sinasabi niya.

"Tapos hindi pa rin siya bumabalik?" Tumango akong muli bilang sagot sa sinabi niya.

"Hmm... It's weird."

"I know."

"No... it's not like ang weird na bigla na lang siyang umalis, ang weird dahil hindi naman siya umaalis ng apartment niya at pupunta sa kung saan." Sa sinabi ni Kyla ay doon na ako napatigil at muling lumingon sa kaniya.

"Anong ibig mong sabihin?" Tanong ko at saka siya napabaling sa akin at sa cellphone ni Yuki na hawak niya.

Dito ko na ba mas makikilala si Yuki?

"Usually hindi ganito si Yuki. He's a kind guy, but he don't usually hang out sa mga kaklase naming lalaki at alam ko umiikot lang ang buhay niya sa school, part-time at sa apartment niya." Panimula niya.

"And he even shared to me na he spend so much time in his house. Atsaka hindi rin siya pala-absent, kaya nakakapagtaka lang na bigla siyang aabsent without telling me or telling you kung anong rason kung bakit siya aalis." Dagdag pa niya.

Napaisip ako. Pansin ko ngang ganun siya na klase ng tao. Pero bakit? Bakit pa rin ang pumapasok sa isip ko.

"Siguro inaway mo siya kaya siya umalis 'no?" Akusa naman nito sa akin na ikinahawak ko bigla sa noo ko.

"Ilang beses ko bang sasabihin sayo na hindi? And I'm in his house two days ago." Pag-amin ko dito.

"Oh? Edi dapat alam mo kung nasaan siya? Kasama ka pala niya two days ago eh."

"Ayon na nga. Hindi ko alam kung nasaan siya." Sagot ko dito.

"Bakit hindi mo alam?"

"May iba siyang kasama."

"Babae? Girlfriend niya?" Bigla nitong tanong na ikinapikit ng mga mata ko.

Namomroblema na ako dito tapos magtatanong siya sa akin ng ganun?

"What?! I'm just asking! Baka kasi inaya siyang pumunta sa kung saan ganun?"

"No. Alam ko naman na hindi siya sasama."

"Maniwala? Paano mo naman nasabi?"

"Alam ko lang." Sagot ko at saka kinain ng katahimikan ang pagitan naming dalawa.

Hindi ko talaga akalain na makalipas lang ang dalawang araw ay bigla siyang aalis at hindi man lang magpapaalam sa akin. Sumasakit ang dibdib ko sa isiping iniwan niya ako.

Iniwan niya ako dito.

Naputol na lang ang pag-iisip ko ng may biglang isang lalaki ang humahangos na pumasok sa convenience store kung nasaan kami. Takang-taka naman kami sa inaasal niya, pero nagsimulang kainin akong muli ng kuryusidad ng marinig ko ang mga sinabi niya.

"M-may limang tao! P-patay! Doon sa... Doon sa eskinita! Kung saan nakita yung unang biktima! T-tatlo sila! Pinatay nila yung limang tao! Nakita ko! Nakita mismo ng mga mata ko!" Kitang-kita ko mismo ang takot sa mukha at sa mga mata nito habang binabanggit niya ang mga salitang ito.

Sino ang tatlong iyon at bakit... bakit sila pumapatay sa lugar namin?

•••