webnovel

KRISIAN PRINCESS "The Battle of Four Empires"

Ang alitan ng apat na imperyo ng Atlanta, na nanahimik at natulog sa napakahabang panahon ay muling nagising nang patayin ng Imperial Princess na si Kristine ang sarili niyang kapatid. Kilala sa pagiging malupit na emperador ng Kris ang kanyang ama. At maging siya na sariling anak ay hindi nakaligtas sa kaparusahang ipinapataw sa sino mang nagkasala sa batas. Ngunit, ang parusang ipinataw ng emperador sa kanya ay ang pagpapakasal sa isa sa mga prinsipe ng tatlong kalabang imperyo. Hindi lamang ito isang kaparusahan kundi isang napakalaking obligasyon. Sa mga kamay niya nakasalalay ang kapakanan at kinabukasan ng buong imperyo ng Kris. At kapag nagkamali siya sa pagpili ng mapapangasawa ay tiyak itong ikababagsak ng kanilang kaharian. Ngunit, papaano nga ba niya ito mapapagtagumpayan kung ang lahat ng imperyong iyon ay hangad ang kanilang pagbagsak? Ano nga ba ang totoong dahilan at pinatay niya ang sariling kapatid? May magagawa pa kaya ang prinsesa upang maitama ang mga nagawang pagkakamali?

RaraStories · ย้อนยุค
Not enough ratings
11 Chs

CHAPTER 7

MAAGANG nagising si Prinsipe Dustin ng umagang iyon para makipagkita sa emperador. Nakaugalian na kasi niya ang pakikipaglaro ng espada sa ama tuwing umaga bago mag-almusal.

Wala na rin si Hermie sa kanyang tabi paggising niya. Hindi na iyon nakakapagtaka. Marami pa itong trabahong dapat gawin at hindi ito maaaring matulog sa loob ng silid ng prinsipe. Kung kaya'y batid niyang nilisan nito ang kanyang silid bago pa man magising ang mga tao sa palasyo.

Kalansing ng mga nagtatamang espada ang gumagawa ng ingay sa loob ng malaking bulwagan kung saan madalas magpa-init sa araw ang mahal na emperador tuwing umaga.

Naroon ding nanonood ang ilan sa mga opisyal ng palasyo, ilang mga kabalyero, at kampon ng mandirigma na mga naka-upo sa tabi habang naglalaro ang mag-ama—sina Emperador Dughfin at Prinsipe Dustin.

"Matagal kang nawala nitong mga nagdaang araw," saad ng Emperador sa pagitan ng pagsugod. "Saan ka ba nagtungo Prinsipe Dustin at hindi mo man lang nagawang magpaalam sa akin?" Tila may tampo sa boses nito ngunit mas nangingibabaw pa rin ang kapormalan.

Inilagan muna niya ang hataw ng espada ng ama bago sumagot.

"Nabalitaan ko ho kasing may nagaganap na katiwalian sa isang bayan sa katimugang bahagi ng Higerra, Kamahalan," pagtatahi niya ng paliwanag. "May nakapagsabi na mayroong palihim na nagpupuslit ng mga ginto sa isang minahan kaya naisipan kong imbestigahan."

Napag-isipan na niya ito sa daan noong pauwi pa lamang siya dahil tiyak niyang darating nga ang pagkakataong ito na magtatanong ang kanyang ama.

"Aba, mahusay!" papuri ng Emperador habang sunod-sunod ang ginagawang pag-ilag sa mga hataw ng espada ni Prinsipe Dustin. "At kumusta naman ang iyong imbestigasyon?" Pagkuwa'y sinurpresa siya nito ng isang hataw ng espada.

Agad naman niyang dinipensahan ang ginawang pag-atakeng iyon ng kanyang ama.

"Napag-alaman ko hong..." Sandali siyang huminto para ilagan ang espada ng kanyang ama na muntik nang tumama sa kanyang mukha. "I-isa lamang iyong haka-haka't w-walang katuturan, Kamahalan," patuloy niya.

Isa namang malakas na tawa ang naging tugon doon ng emperador. At manaka-naka pang napapa-iling.

Kinabahan bigla si Prinsipe Dustin. Pakiramdam niya'y hindi naniniwala sa kanya ang ama.

"Ang prinsipe ng Higerra na kilalang tuso ay sumugod sa isang digmaang wala namang kalaban!" matalinhaga nitong saad habang hindi pa rin mapigilan ang pagtawa.

"Ah, tinatawanan mo ako, Kamahalan! Heto ang sa 'yo!" Sunod-sunod ang ginawa niyang pagsugod at paghataw ng espada. Binilisan din niya ang kanyang mga kilos upang sandaling maputol ang kanilang pag-uusap. Ngunit, perpekto naman iyong nasasangga at naiilagan ng kanyang ama. Kahit matanda na ito ay hindi pa rin maikakaila ang kakaibang lakas at liksi nito pagdating sa pakikipaglaban. Napakagaling pa rin nito na tunay niyang iniidolo.

Sa huli ay nagawa rin niya itong talunin. Naunahan niya itong matutukan ng espada sa leeg habang ang espada ng ama ay nakababa sa kanyang tiyan.

Habol ang paghinga ng dalawa habang nagkakatitigan. Parehong walang may gustong gumalaw sa kanilang dalawa. Walang may gustong matalo.

Matapos ang ilang sandali'y matamis na ngumiti ang emperador at siya nang unang nagbaba ng sariling espada. Tinanggap na nito ang pagkatalo mula sa anak. Pagkuwa'y pareho silang nagtawanan at nagyakapan.

"Mahusay! Mahusay, aking Anak!" bulalas ng emperador. Tuwang-tuwa itong lumapit sa kanyang mga ka-edad na opisyal din ng palasyo. Habang isa-isang tinatanggal ang mga nakakabit na pamproteksyon sa katawan.

Ipinagmamalaki siya nito't kitang-kita niya iyon. At nakahinga rin siya nang maluwag dahil hindi na nag-usisa pa ama tungkol sa pagkawala niya.

"Oh...Prinsipe Adam!" nakangiting salubong ng emperador sa kararating lang na panganay na anak. Nagyakap ang dalawa bilang tanda ng pagbati.

"Siya nga pala, Prinsipe Dustin!" tawag ng emperador sa kanya. "Halika rito. May maganda akong balita sa iyo."

Agad naman siyang tumalima at niyakap ang kararating lang na kapatid.

"Kumusta kapatid?" bati niya rito na tanging ngiti lamang din ang natanggap niyang tugon mula sa kapatid.

"At dahil nahuli ka sa balita, kailangan mong batiin ang iyong kapatid Prinsipe Dustin," turan ng emperador.

"Batiin? Para saan?" nagpabaling-baling ang nagtatanong niyang mga tingin sa ama at kapatid.

"Ang iyong kapatid ang napiling kumatawan sa paanyayang paligsahan ng imperyo ng Kris. Ang pagpapa-ibig sa prinsesa para sa isang malawakang alyansa." Bahagya pang tinapik ng emperador ang balikat ng anak na si Prinsipe Adam.

Sandali siyang natigilan nang marinig ang imperyo ng Kris. Tila hindi niya kayang paniwalaan ang pahayag ng ama.

"T-totoo po ba iyan? Ngunit, hindi ba walang magandang ugnayan ang namamagitan sa ating mga imperyo? Kung kaya't... P-papaano—"

"Nagpadala ng liham ang emperador ng Kris na nag-iimbita ng partisipasyon ng ating imperyo para sa paligsahan," paliwanag ng ama.

"Lalakas ang ating puwersa sa armas at pakikidigma kapag napagtagumpayan ito ni Prinsipe Adam. At ngayon pa lamang ay nais kong batiin mo na siya. Malaki ang paniniwala ko sa iyong kapatid!" nakangiting saad ng emperador.

"M-masaya ako para sa iyo, aking Kapatid." Kinamayan niya ito at bahagyang tinapik ang balikat. "Marapat lamang na paghusayan mo ang pagpapa-ibig sa prinsesa. Katulad ni Ama, nagtitiwala rin ako sa iyo."

"Salamat, Prinsipe Dustin!" tipid na sagot ni Prinsipe Adam. At nilangkapan din nito ng matamis na ngiti.

"Ano kaya ang binabalak ng Kris sa pagpapadala nito ng liham? At bakit kailangan pang ipain nito ang sariling anak? Masama ang kutob ko rito!" Ito ang mga pala-isipang nabuong bigla sa kanya. Mukhang isa na naman ito sa kanyang mga tutuklasin.

...itutuloy