webnovel

Chapter 15.1: Admitted

Pasado alas-kuwatro na ng umaga. Pauwi na si Jessica samantalang lunch break pa lang niya. Na-adjust ang pasok ng babae dahil may nakipagpalit ng schedule dito kaya napaaga ng isang oras ang pasok nito. "Gusto ko nang umuwi," naghihikab niyang wika.

Umangkla sa kaniyang braso si Jessica. "Sasamahan kitang kumain. Nami-miss ko na 'yong pandesal na binebenta sa pantry."

"Sige."

"Can I join? Gusto kong magkape bago umuwi," singit ni Viggo.

"Sure," Jessica responded.

She nodded and gave a half smile. Nasa hallway sila at kasalukuyang nag-aabang ng elevator. Nanatiling nakakapit sa kaniyang braso si Jessica hanggang sa maksakay sila sa elevator. Humiwalay lang ito sa kaniya pagdating nila sa 6th floor. Tinatamad siyang maghagilap kung anong masarap na kainin kaya pandesal din ang binili niya.

"Coffee?" alok ni Viggo nang mapansing hindi siya bumili ng kape.

Si Jessica ang tumanggap niyon. "Salamat dito," anito. "Hindi nagkakape si Sarah kaya akin na lang 'to."

"Ganoon ba?"

Tumango siya at alanganing ngumiti. Noong nakaraan lang ay nakainom na siya ng kape at kasalanan 'yon ni Erhart. Ang mga bagay na ayaw niyang gawin ay nagagawa niya dahil dito. Pakiwari niya ay basta na lang siyang sumusunod sa kung ano mang nais nitong ipagawa sa kaniya.

"TM!" tawag ni Tere sa kaniya. Kumaway pa ito nang makita siya.

Hindi pare-pareho ang schedule ng break time nila, pabago-bago 'yon kahit na magkatulad ang oras ng pasok ng team niya. Nakadepende ang break time sa schedule na ginawa ng workforce management o WFM. Ang WFM din ang nagmo-monitor ng calls at nagi-i-schedue ng overtime.

"TM, dito na kayo sa table namin," alok ni Jenna.

Doon na nga sila pumuwesto. Tamang-tama naman na dumaan si OM Pia na naghahanap ng table kaya naki-join na rin ito sa kanila.

"TM Sarah, jowa mo," anunsyo ni Tere.

Nakanguso ito sa direksyon ng binata kaya napatingin siya roon. Iwinagayway nito ang kamay sa ere upang kunin ang atensyon ni Erhart. Naglakad ang binata patungo sa kinaroroonan nila. May dala itong tray ng pagkain. Binati nito ang mga kasama niya maliban sa kaniya.

"Tisoy, halika rito," aya ni Jessica. "May space pa sa tabi ni Sarah."

"Hinihintay ako ng teammates ko."

Itinuro nito ang table kung saan nakapuwesto ang ka-team nito. Babae ang karamihang nakita niya at nandoon ulit 'yong babaeng parang linta kung makadikit sa binata. Nakatanaw ito sa kinaroroonan nila, particularly kay Erhart.

"Okay," disappointed nitong tugon.

Umalis ang lalaki na hindi man lang siya tinapunan ng tingin. Kahit sulyap lang ay hindi nito ginawa. May pasabi-sabi pa ito na, "I'll do whatever it takes to win your heart," pero huwad naman pala. Siguro natauhan na ito at napagod dahil wala naman itong mapapala sa kaniya.

Eh, bakit ba siya naghihimutok? Ang huwag nitong pansinin ang gusto niyang mangyari pero bakit parang ang sama ng loob niya rito?

"TM, bakit hindi mo siya pinigilan?" usisa ni Tere. "Nag-away ba kayo?"

Lahat ng mga mata ng kasama niya ay nakatutok sa kaniya at naghihintay ng magiging sagot niya. "Seriously?" Her brows knitted. "Why would I do that? Kaya na niyang magdesisyon para sa sarili niya. Kung 'yon ang gusto niya, e 'di roon siya."

"TM, boyfriend mo siya. Dapat kayong dalawa ang sabay na kumain hindi 'yong ibang babae ang kasama niya," susog ni Jenna. Pinagtaasan niya ito ng kilay.

"Baka naman ma-overbreak kayong dalawa," sita niya. "Inuna n'yo pang mag-usisa sa iba kaysa ubusin 'yang pagkain n'yo."

"Irate 'yong customer ko kanina kaya long call ang huling tawag na natanggap ko bago mag-break time," paliwanag ni Tere. "Hindi pa ako ma-o-OB." OB, short for over break.

"Saktong 4:00 am ako nag-hit ng lunch," paliwanag ni Jenna.

"Alright! I'll check your call later to see if you're telling the truth."

Kabisado niya ang oras ng break ng mga ito kaya alam niyang nagsisinuwaling ang dalawa, 3:30 ang break ni Tere samantalang 4:00 am ang kay Jenna. Hula niya na naghintayan ang dalawa para sabay na makapag-break. Napakamot sa ulo si Tere at yumuko naman si Jenna, tila nahiya sa ginawa. Nabisto niya agad ang kalokohan ng mga ito.

Humalakhak si Jessica at pumalatak naman si Pia. Si Viggo ay pangiti-ngiti lang at siya naman ay nakabusangot.

"Gawain din namin 'yan noong agent pa lang kami para sabay-sabay kaming mag-lunch pero gaya n'yo, nahuli rin kami," natatawang saad ni Jessica.

"Excuse me, hindi ko ginawa 'yon." 'Di baleng wala siyang kasabay kumain, sanay naman siya roon, kaysa naman i-break niya ang rule.

"That's why you've been promoted immediately," Pia commented. "Puwede ka na ngang ma-promote as operating manager." Binalingan nito ang mga ahente niya. "Magaling, maaasahan, responsable, at marunong sumunod sa rules ang TM n'yo, 'yon ang mga katangian na dapat tularan. Tere, Jenna, sundan n'yo ang yapak ng manager n'yo."

"Yes, OM," synchronized na sagot ng mga ito. "Sorry, TM."

Nakakahiya ang inasal ng dalawa lalo na't harap-harapan pang nagsinuwaling ang mga ito. Nawalan tuloy siya ng ganang kumain. Isang pandesal pa lang ang naubos niya samantalang ang mga kasama niya'y malapit nang maubos ang pagkain.

"You're not eating."

Tumuwid siya ng upo at tumingala sa may-ari ng tinig na sumita sa kaniya. Seryoso ang dating ng mukha nito gaya ng kay Harry. "Bakit ka nandito?"

Hindi ito kumibo. Inilapag nito ang cup na may kape sa ibabaw ng table sa tapat niya katabi ng supot ng pandesal. Nangangalahati pa ang laman niyon. "Kumain ka pa at uminom ka ng kape para may laman 'yang sikmura mo. Matagal pa bago ang end ng shift mo."

Wow! Bakit bigla yata itong naging concern sa kaniya samantalang kanina ay hindi siya nito pinapansin?

"Ubos na 'yong chili crab siomai at lemonade kaya magkape ka na lang muna. May iba ka bang gustong kainin? Ibibili kita."

Sandali lang, nagugulumihanan siya. Siya lang ang nakakaalam na gusto niya ang siomai at lemonade dahil na rin dito. Pero paano nito nalaman ang tungkol doon?

"Huwag na," pigil niya. "Uubusin ko 'tong pandesal." Wala itong imik pero diskumpyadong tingin ang ipinukol nito sa kaniya. "Okay na ako sa kape na 'to." Saglit siyang sumulyap sa puwesto ng ka-team nito. "Bumalik ka na sa table ninyo."

Malapit lang ang kinaroroonan nila sa pinaggalingan nito kaya tanaw na tanaw niyang may laman pa ang plato ng binata. Hindi na siya magtataka kung naririnig din nito ang pinag-uusapan nila dahil malakas ang boses ng mga kasama niya.

"Tapusin mo na 'yong pagkain mo," pagtataboy niya rito.

Naiilang siya sa presensya nito lalo na't nandoon din si Viggo. Idagdag pa ang mapanuring tingin ng mga kasama niya at kasamahan ng binata. Ayaw niyang isipin ng mga ito na nag-iinarte siya at pinahihirapan niya ang lalaki. Paano niya ba aaminin sa lahat na wala naman talaga silang relasyon?

"Okay. Babalik ako," anito. "Sandali lang ako."

Um-oo na lang siya para umalis na ito.

"Uy, ano 'yon?" salubong ang kilay na tanong ni Jessica. "May LQ kayo?"

Umiling siya sabay kagat sa pandesal. Alam naman nitong walang namamagitan sa kanila ni Erhart. Inubos niya agad ang isang tinapay kaya nakadalawa na siya at pagkatapos ay sumimsim siya ng kape. Nagpatuloy siya sa pagkain.

"Akala ko hindi ka nagkakape?" tanong ni Viggo.

"Hindi talaga siya umiinom ng kape," paniniyak ni Jessica. "Pero bakit mo ininom 'yang kape na dala ni Tisoy?"

Bago pa man siya makapagpaliwanag ay biglang dumating ang rumoured girlfriend ni Viggo. Tumabi ito sa binata kaya kaharap niya ngayon ang babae.

"Akala ko umuwi ka na," nakalabing wika nito. Wala itong pakialam kahit may kaharap itong OM at TM. Wala talagang modo, kahit si Pia na lang sana ang binati nito. "Nandito ka lang pala."

"Pauwi na ako. Nag-breakfast lang," tugon ni Viggo.

"Nandito ka rin pala, Sarah." Tumingin ito sandali sa gawi ni Erhart bago ibinalik ang atensyon sa kaniya. "Pero nakapagtatakang nasa ibang table ang boyfriend mo at may kasamang ibang babae."

Ipinasok niya sa kanang tainga ang sinabi nito at inilabas sa kabila. Wala siyang balak na patulan ang patutsada nito dahil hindi niya naman nobyo si Erhart.

"Cynthia, can you keep your mouth shut?"

"Sinasabi ko lang naman kung anong nakikita ko. Baka break na sila dahil ipinagpalit na siya sa iba."

"Gusto mo bang bigwasan ko ang babae na 'yan para sa 'yo?" bulong ni Jessica sa kaniya.

"Hayaan mo siya." Wala naman silang mapapala kapag pinatulan nila si Cynthia.

"Silence means yes." Cynthia smirked. "Tama ang hula ko na lolokohin ka lang ng boyfriend mo."

"Mali ka," pagtatama ni Erhart. Sabay-sabay silang napatingin sa binata. Nasagap ng pandinig niya ang pagsinghap ni Tere at Jenna, at huling-huli niya ang pagbilog ng mga mata ng bruha na si Cynthia. "Hindi kami nag-break," deklara nito na ikinakunot ng kaniyang noo.

What the—ano naman kayang pakulo ang gagawin nito?