webnovel

I Fell in Love with my BL Partner (BL) (RETAKE)

A retake of Gabriel and Elijah's story. Original manuscript got deleted

heyitskristoff · LGBT+
Not enough ratings
22 Chs

Chapter 001

ELIJAH'S POV

"Maupo ka na at kumain. Ihahatid ko pa kayo ni Athena," salubong ni daddy sa akin nang pumasok ako sa kusina.

"Good morning po," pagbati ko sa kanila at umupo habang inaayos ang necktie ko.

Agad kong tiningnan si Athena na para bang sinasabi na may kasalanan siya sa akin. Nakasuot na ito ng school uniform niya. Kapareho ng akin.

"Nakahanda na ba mga dadalhin mo?" tanong ni mommy na ipinaghahanda ako ng pagkain.

"Opo. Naayos ko na po kagabi," sagot ko.

"Pakabait ka doon, anak," dagdag pa ni mommy.

"Opo," sagot ko.

Hindi naman sa pasaway na anak ako o estudyanteng palahanap ng gulo. Bagong salta kasi ako sa school na iyon dito sa Manila. Sa Cebu kasi ako nakatira at nag-aaral. Kararating ko lang dito two months ago dahil nagpasya si daddy na dito na ako pag-aralin. Dito ko na raw sa Manila tapusin ang pag-aaral ko.

Nakakalungkot dahil naiwan ko ang mga kaibigan ko sa dati kong school at sa dati naming probinsiya.

"Hindi po pala ako sasabay, dad," ang bigla kong sabi. "Maaga pa naman. Gusto ko ma-try mag-commute papuntang school."

"Sama na rin ako," ang sabi ni Athena.

"Ayoko."

"Eh di wag," sabi ni Athena at umirap.

Ang totoo niyan, ayoko ring makikita ng ibang estudyante na magkasama kami nitong kapatid ko. Alam ko kasi kung gaano siya kakilala. She has fans in and out of the school. Isa siyang sikat na writer. Romance novelist.

Pero ewan ko ba at biglang naisipan niya mag-explore ng ibang genre, which is a good thing. Ang masama lang, ako ang bida sa sinusulat niyang nobela. Hindi lang basta isang nobela. Isang boys' love na nobela.

At kapag nakita kaming magkasama, mapapansin ako. Ayoko ng atensyon. Hindi ako katulad ng kapatid ko na sanay sa atensyon.

Maganda siya. Talented sa sports. Magaling makipagkapwa-tao.

A perfect opposite of me.

Ako na isang nerd. Medyo pandak pa ako sa height ko na 5'3". Nakasuot ng salamin. Hindi marunong makisalamuha sa ibang tao. And I hated the attention, as always. Gusto ko ng tahimik na buhay. Okay na sa akin ang maliit na circle of friends. Basta totoo sila.

Dalawa nga lang ang itinuturing kong matalik na kaibigan sa dati kong school. Magkakapareho rin kasi kami ng hilig kaya nakasundo ko sila. Pare-pareho kaming mahilig sa gaming at sa anime.

"Mag-iingat ka," ang sabi ni mommy.

Niyakap ko siya at hinalikan sa pisngi. Lumabas na ako ng gate ng bahay namin at naglakad na palabas ng subdivision namin. Nang makarating ako sa bus stop malapit sa entrance ng subdivision, marami na ring tao.

May mga estudyante mula sa iba't ibang school. Iba kasi ang suot nila sa suot kong uniporme. May mga naka-corporate attire na papasok na rin sa trabaho.

Isinuot ko ang earphones ko at nagpatugtog ng anime song para aliwin ang sarili ko habang naghihintay.

Di rin nagtagal ay may dumating na bus. Kaso ay may laman na ito. Sana makasakay pa ako. Hindi naman ako sanay na nakatayo lang. Hindi kasi maganda ang balanse ko.

"Bata! May pwesto pa!" ang sabi ng konduktor.

Dinig ko naman ang sinasabi niya dahil hindi naman kalakasan ang pagpapatugtog ko. Hindi maganda ang maging bingi sa nangyayari sa paligid lalo na kapag nasa labas ka. Para makaiwas sa aksidente.

Napilitan na akong sumakay. Baka kasi anong oras pa dumating ang sunod na bus. Ma-late pa ako.

Pagkasakay ko, halos puno na ang loob. Inilibot ko ang tingin ko sa paligid para hanapin ang sinasabi niyang pwesto. Nagtagumpay naman akong makita ang bakanteng upuan sa bandang likuran. Naglakad ako palapit doon.

Ngunit may nakalagay na itim na backpack doon. Sa tabi nito ay isang lalaking natutulog. May suot pa siyang earphones.

"K-Kuya..." sabi ko at tinapik-tapik ko siya sa braso.

Iminulat niya ang mga mata at tinanggal ang nakasuot na earphone sa isang tenga. Nakasimangot na nakatingin siya sa akin.

"What?" inis na tanong niya.

Aba. Anong problema nitong taong ito?

"Iyong bag mo kasi," sagot ko.

"What about it?"

Naiinis na ako. Pero pinilit kong ikalma ang sarili ko. Ayokong sirain ang napakagandang araw na ito. Unang araw ng linggo pa naman. At unang araw ng pasukan. Baka malasin ang buong tao ko kapag nagkataon.

"Uupo po ako," sabi ko, still trying to sound polite.

"Ayoko nang may katabi."

Ang kapal ng mukha mo! Sana binili mo na lang yung buong bus!

Gustong-gusto ko siya sigawan at makipag-away pero tulad nga ng sinabi ko, ayoko ng atensyon. At ayoko ng bad vibes sa unang araw ng pasukan.

Hindi na ako nagsalita. Isinuot niya muli ang kabiyak ng earphones niya at ipinikit ang mga mata.

Tatayo na lang ako. Hindi naman kalayuan ang school. Tiisin ko na lang.

Kumapit ako sa bakal na hawakan para hindi ako mawalan ng balanse. Hindi na rin naman ako makaalis sa pwesto ko dahil naandar na ang bus at baka kung saan... at kung kanino pa ako mapasubsob.

Nagkaroon tuloy ako ng pagkakataon na pagmasdan ang masungit na lalaki. Kapareho ko siya ng uniform. Kamalas-malasan naman. Sa parehong school pa kami nag-aaral. Huwag lang sana kami magkapareho ng course.

Pero in fairness, ang amo ng mukha niya kapag nakapikit. Hindi mukhang masungit. Ang ganda ng hugis ng mukha niya. Mahaba ang mga pilik-mata. Matangos ang ilong. Nakadagdag pa sa kagwapuhan niya ang halata mong makinis niyang balat na nabibigyang emphasis ng kaputian niya.

Napailing ako. Gwapo? Bakit naman ako nagagwapuhan sa kanya?

Nakakainis kasi itong si Athena. Napo-pollute ang utak ko sa nabasa ko.

Inalis ko ang tingin ko sa kanya. Baka kung ano pa ang sunod kong maisip.

Napatingin ako sa backpack sa tabi niya. Medyo may kalakihan ito. Marami siya agad dala? First day pa lang naman ng school.

Napansin ko rin ang bolang keychain sa isa sa mga zippers nito. May nakasulat na mga letra rito.

G. D. C.

Initials ng pangalan niya siguro. Well, wala rin akong pakialam. Hindi ko na rin naman siya makikita. Well, sana nga.