webnovel

Holymancer (Tagalog-English)

Si Clyde Rosario ang pinakamahinang hunter sa kasaysayan. Puro panunuya ang kanyang natatanggap. Ngunit isang insidente ang babago ng lahat. Ang mga bagay na akala niya ay imposible ng mangyari ay magiging abot kamay niya sa isang iglap.

Kurogane_Hiroto · แฟนตาซี
Not enough ratings
29 Chs

Chapter 5 : New Year! New beginning! New dungeon!

"Boom!" Madalang pero malakas na tunog ng paputok sa labas ng apartment. Kasabay noon ang maiingay na hiyawan at kantahan na maririnig mo sa paligid.

Maging mismong sa apartment unit nila Clyde at Gaea ay halos kumalampag na ang videoke sa lakas. Rinig mo rin ang magandang tinig ni Gaea na sumasabay sa kantang firework ni Katy Perry. Sinasabayan din siya ni Angel, kaya lang sintunado s'ya.

Tawang-tawa naman sina Jake at Clyde. Hindi lang dahil sa magkaibang uri ng boses ng nagduduet. Kasi naman ang fireworks ay hindi naman talaga pang New Year, sadya lang malakas ang topak ng dalawang babae. Dahil firework ang title pang-New Year daw.

Sinasabayan pa nga ng dalawang babae 'yon ng mapang-akit kunong sayaw. Lalo lang tuloy humagalpak sa tawa ang dalawang lalaki.

Sinalinan ni Clyde ang shot glass at inabot 'yon kay Jake. Nag-iinuman kasi silang tatlo nina Angel. Si Gaea naman nakikisali pero ang inumin n'ya, juice lang.

Namumulutan lang din si Gaea. Nakahain sa hapag kasama ng mga alak at chaser ang mga pagkain. Pork teriyaki, bopis, sisig, inihaw na bangus at tilapia. Sa may sahig naman niluluto sa isang malaking stainless na kaserola ang papaitan gamit ang portable gas stove.

"Oo na pala bro. Naikwento sa'kin ng guild leader namin ang ginagawa mo this past two weeks. Pumupunta ka raw sa maraming pound and animal shelters to offer prayers para sa mga namatay na hayop. Is it true bro?" Tanong ni Jake na nagpatigil sa mga kumakanta.

Napalunok si Clyde. Paano nalaman 'yon ng guild leader nila Jake? Pero dahil wala naman s'yang magawa at may nakakaalam na sasabihin n'ya na lang ang pwede.

"Oo Jake. Totoo 'yon." Medyo may kabang pagkumpirma n'ya. Kinakabahan s'ya sa magiging reaksiyon ng mga tao sa harap n'ya. Baka pagtawanan s'ya ng mga ito. Wala naman s'yang pakialam sa sasabihin ng iba. Pero hindi sa tatlong ito. Silang tatlo ang pinakaimportanteng tao sa buhay n'ya.

"I see!" Sabay inom ni Jake at tumahimik na. Tumango-tango lang ang dalawang babae.

Naguluhan si Clyde. Ganoon lang ang magiging reaksyon nila. Hindi n'ya tuloy napigilang magsalita.

"Bakit ganyan lang reaksyon n'yo?" Nawiwirduhang tanong ni Clyde.

Lumingon si Jake sa kanya at nagsalita, "That's just like you actually. Gusto ko lang marinig mula sa bibig mo ang confirmation.

Humagikgik naman si Angel sa sulok. "Really grateful na kaibigan kita Clyde. Being around you would never be boring. Ang wiwirdo ng mga ginagawa mo but I don't hate it." Nakangiting sabi ni Angel.

"Kuya actually nakakaproud. We both love animals. Pero you already one-upped me. Sana hindi mo na sinekreto at sinama mo ko." Nakangusong sabi ni Gaea.

Napailing na lang si Clyde sa tatlo.

.....

Lumabas si Clyde para magpaload. Sa harapan ng gate pa lang ay dinig na n'ya ang maiingay na bunganga ng apat na mga ginang. Sina manang Julie, Nilda, Adelaida at Myra.

Pagpunta n'ya sa bahay sa tabi lang ng apartment kung saan nakatayo ang sari-sari para magpaload, nakita n'ya ang apat na ginang. As usual, kahit gabi, tsismisan na naman ang naabutan n'ya.

"Bagong taon na bagong taon hindi pa rin nagbabago ang mag-asawa. Bulyawan pa rin. Paano yang Juanchong yan ang tamad-tamad. Ayaw magtrabaho, buhay hari, gusto pinagsisilbihan ng asawa. Palamunin na s'ya pa ang matapang magdemand sa asawa. Eh ang tanga namang si Karina pinagtitiisan ang Juancho, ayaw hiwalayan. Nalolosyang na dahil kakatanggap ng sangkatutak na labada. Sayang ke ganda pa namang babae. At yung anak nila, napakatahimik, walang kibo. Ano nga ba pangalan ng batang 'yon?" Boka ni Aling Julie. S'ya lang naman ang pasimuno ng tsismisan sa barangay. Nanlalaki pa ang mata ng punggok na ale kapag nagkwekwento.

"Si Kind." Rinig ni Clyde na sagot ni aling Myra. S'ya 'yong may-ari ng sari-sari store. Medyo may edad na nasa singkwenta na siguro. Pero alaga ang sarili. Maliban sa maganda ang ginang, maganda pa ang katawan, morena at malaki ang hinaharap.

"Hindi ko gusto yung batang 'yon." Paos na sabi ni aling Adelaida.

Isa sa nangungupahan sa apartment na tinutuluyan din ni Clyde. Siya ang pinakamatanda sa apat. Maikli ang buhok. Kulubot na ang ale at laging sibanggot. Akala mo laging pasan ang mundo. Laging mainit ang ulo. Parang laging naghahamon ng away magsalita. Adelentado.

"Oo nga. Ang creepy. Ang dalang magsalita. Ayaw pa makihalubilo sa ibang mga bata. Ang choosy pa makipagkaibigan. Akala mo kung sino. Hindi na ko magtataka pag laki n'yan eh depress o kriminal." Nakakairitang sabi naman ng masamang ugali sa lahat na si aling Nilda.

Matangkad ang ginang. Malaki ang mata. Kung ano ang ikinasama ng ugali ganun din ang mukha. Batikan 'yan sa pagiging matapobre. Mapanghamak sa mga kapos sa buhay.

Pero kung akala n'yo malas na s'ya sa buhay, kasi nga pangit na, pangit pa ugali, d'yan kayo nagkakamali.

Mapera ang ginang. Ang asawa kasi n'ya ay seaman at malakas ang kita. Nakapundar na sila ng maraming negosyo. Catering business, meron silang lugar na pinauupahan kung kelangan sa mga okasyon, meron din silang mga apartment. Sa katunayan nga, ang tinitirhan ni Clyde ay pagmamay-ari ng pamilya ni aling Nilda.

Magpinsan nga pala si aleng Nilda at Adelaida.

Natahimik ang apat sa pagkwekwentuhan ng dumating si Clyde. Nginitian n'ya ang apat.

"Aling Julie, Nilda, Adelaida, Myra, Happy New Year po. Punta po kayo sa bahay, meron pong kaunting salu-salo. Kain po tayo." Paanyaya ni Clyde sa apat. Tumanggi ang apat pero nagpasalamat.

"Aling Myra paload nga po." Sabi ni Clyde.

Matapos magpaload nagpaalam na s'ya sa apat na binigyan s'ya ng plastik na mga ngiti.

Pag-alis n'ya rinig n'ya ang sinabi ni aling Myra. "Hindi ko gusto 'yang umuupa sa'yo Nilda. Ang manyak. Iba ang tingin sa'kin.

Natawa na lang sa loob-loob n'ya si Clyde. GGSS kasi ang ale, o gandang-ganda sa sarili. Sa kanilang lahat s'ya ang pinakaplastic. Hindi 'yan nagsasabi ng masama sa kapwa ng harapan.

"Hindi na kayo tataya? O s'ya aalis na ko." Dinig ni Clyde na paalam ni aling Julie na nagpapataya ng Jueteng. Taga kabilang sitio kasi si aleng Julie. Talagang dumadayo lang ng tsismis.

"Ang dalang na ng fireworks ngayon no?" Biglang sabi ni Clyde sa mga kainuman.

"Right." Maikling kumpirmasyon ni Jake.

"Oo nga. Naalala ko pa ng bata pa ako sa Laguna. Umaga pa lang nagpapaputok at nagvivideoke na sa halos lahat ng bahayan. Pero ngayon ang tumal na sa umaga. Sa gabi lang dumadami." Pag-ayon din ni Angel.

"Pero sa totoo lang sang-ayon naman ako sa pag-ban ng mga paputok. Sabihin na nating parang ang sama ko kasi suportado ko ang pagkawala ng kinabubuhay ng mga kababayan ko sa Bulacan na mga taga-Bocaue.

Pero ang dami kasing negative effects ng fireworks sa New Year. Ang daming nasusugatan, napuputulan ng kamay, may nabubulag pa pag natamaan sa mata. Ang pinakamasama pa may namamatay na mga bata na nalalason sa watusi.

Sa mga hayop naman, takot na takot sila sa mga paputok, yung iba nasusugatan din, ang iba namamatay dahil sa stress.

Kung papipiliin nga ako sana total ban na sa paputok eh. Kasi para lang sumaya ang mga tao sa isang gabi ng selebrasyon ang daming napipinsalang mga buhay. Pwede namang i-celebrate ang pagpasok ng bagong taon ng walang paputok hindi ba?

Isa pa nakakalusot din yung mga may-ari ng baril para magpaputok ng baril nila. Kung walang paputok, hindi rin makakapagpaputok ng baril ang mga iresponsableng gun owners na nakakapatay dahil sa ligaw na bala." Kwento ni Clyde.

Nagpalakpakan naman sina Angel at Gaea.

"Nice speech." Sabi ni Angel sabay naghagikgikan pa sila ni Gaea.

"Mga lukring." Sigaw ni Clyde. Dahil doon lalong napuno ng masasayang tawanan ang tahanan nina Clyde.

.....

Dumaan ang isang oras, si Jake at Angel ay aalis na para umuwi sa kani-kanilang pamilya. Doon pa rin nila totally se-celebrate ang New Year.

Si Jake pa-Maynila, samantalang si Angel ay luluwas pa-Laguna.

Sinamahan nina Gaea sa labas ang mga kaibigan.

"Gaea paniguradong tatalon ka mamaya di ba?" Ngisi ni Angel sa nakababatang kapatid ni Clyde.

"Tsk!" Ngumuso si Gaea. Kunwari ay nainis sa panloloko ng nakatatandang kaibigan.

Sa totoo lang hindi naman ganoon kaliit si Gaea kung sa standard ng mga babae. Pero dahil na rin siguro matangkad ang kuya n'ya at madalas s'ya lokohin nito naging medyo sensitive s'ya sa usapang height.

Pero kahit na maliit, nabawi naman 'yon sa angkin n'yang ganda at talino. Sikat nga si Gaea sa eskwelahan n'yw dahil doon. At karamihan ng taonay hindi magawang mainis sa kanya dahil sa maamo n'yang mukha at aura.

Nagtataka nga minsan si Clyde, paano n'ya naging kapatid si Gaea gayong siya ay hindi naman kagwapuhan. Sadya lang na matangkad s'ya. Sa itsurahan naman, katamtaman lang s'ya. S'ya yung matatawag mo na average Joe.

"Wala ng pag-asa yang height mo." Panloloko ni Clyde kay Gaea. Napadaing naman sa sakit si Clyde sa kurot ng kapatid.

Nang makarating kung saan nakaparada ang kotse ni Jake, nagsalita si Jake.

"Hatid na kita sa inyo Angel." Suhesyon nito sa babae.

"Naku hindi na. Makikisakay na lang ako hanggang sa terminal ng Maynila." Pagbibigay nito ng ibang ideya.

"I insist." Pangungulit nito.

"Ano ka timang? Ihahatid mo ko sa Laguna tapos babalik ka ulit Manila? Are you high or what bro?" Matinding pagtanggi ni Angel. Sa dulo ginaya pa n'ya ang way ng pananalita ni Jake.

"Magpahatid ka na Angel." Sabat ni Clyde. "Babae ka. Delikado kasi gabi na." Dugtong pa nito.

"Hmm!" Sagot ng babae.

"Ang haba naman ng hair ko. Ihahatid pa ako talaga. Tapos yung isa nag-aalala sa pagkababae ko. Kung hindi tayo magkakaibigan Jake, Clyde isipin ko type n'yo ko." Sabay hawi pa ng buhok ni Angel.

"Sira ka talaga." Sagot nina Clyde at Jake.

Sumakay na nga sina Angel at Jake sa sasakyan. Habang papunta nga lang doon umaaray si Jake, kasi puro hampas ang abot n'ya kay Angel. Nag-uusap sila, pero hindi na naririnig nina Clyde at Gaea.

Nang nakasakay na ang dalawa, "Selos ba kuya? Tsaka kinabahan ka ba? Kasi nahuli ka na? Ayiiee!" Pang-aasar ni Gaea sa kuya. Nabatukan tuloy s'ya ng wala sa oras.

"Ano ba kuya! I am a girl too." Nagtitili si Gaea. Kasunod noon ay ang paghawi n'ya ng buhok gaya ng ginawa kanina lang ni Angel.

.....

Isang minuto bago ang tuluyang pagsapit ng bagong taon, nasa labas ng tapat ng gate ng apartment ang magkapatid na Gaea at Clyde. Nakangiting pinagmamasdan ni Clyde ang mga tao sa labas.

Nakita n'ya ang tatlo sa apat na mga tsismosang ginang kasama ang kani-kanilang pamilya. Mga magbabarkadang lalaki na nagsisindi ng malalakas na paputok ang nagtatawanan. Magbabarkadang babaeng nagtitilian habang pinagmamasdan ang mga paputok. Mga tatay na naglagay ng mesa sa tabing kalsada upang mag-inuman. Mga batang inaalalayan ng kanilang mga nanay habag masasayang nanonood ng magagandang mga paputok sa langit.

"10, 9, 8, 7, 6, 5..." Naputol ang kanyang pag-oobserba sa mga kabaranggay dahil sa narinig n'yang

pagbilang ng kapatid sa tabi n'ya.

At nang sumapit na nga ang alas dose ay narinig n'ya ang pasigaw na tawag ng kapatid sa nakakabinging ingay ng bagong taon.

Nagtatatalon ito na ikinatawa ni Clyde. Narinig din n'ya ang kalasing ng mga barya sa wallet ng mga tao. Mga tradisyon sa bagong taon na impluwensya ng mga Intsik.

At maging ang masisiglang hiyawan ng mga tao, ""Happy New Year!!!"" ng paulit-ulit.

.....

Tirik na tirik ang araw.

Ramdam na ramdam ang nakakasunog balat na sinag ng araw sa isang malawak na lote. Ang loteng ito ay nababakuran ng nagtataasang mga pader na bato. Sa isang sulok ng lote ay may nakatirik na isang lumang kubo.

Dalawang dipa mula sa harapan nito ay merong isang nakatayong lalaki. Makikita mo sa likuran ng lalaki ang epekto ng matinding init. Nakadikit na sa likuran n'ya ang pawisang damit. Ang kanyang mga paa ay namumula na. Napapaso na ito sa init na nangagaling sa singaw ng mabuhanging lupa.

Ang lalaking ito ay walang iba kundi si Clyde.

Ilang oras pa lang ang nakakalipas ng matapos ang selebrasyon ng bagong taon.

.....

Pagkaupo pa lang ni Clyde sa kanyang kama, inumpisahan na n'ya agad ang kanyang plano para sa araw ding 'yon. Nakaipon s'ya ng mahigit 170, 000 gold sa labingpitong araw na paglilinis ng kaluluwa ng mga hayop sa mga pound at shelters.

Dahil nalaman n'ya kanina kay Jake na kahit ang guild leader nila ay alam na ang ginagawa n'ya, alam n'yang hindi na n'ya ito pwedeng ipagpatuloy pa, nag-uumpisa na s'ya makatawag-pansin sa iba. Ang balak n'ya sana ay mag-ipon pa ng gold ng isang linggo pa. Natutunan n'ya kasing dapat ay lagi s'yang may emergency fund. Dahil kapos s'ya sa pondo sa penalty zone at muntik na naman siyang mamatay.

Pero salamat na rin sa labingpitong araw na 'yon nakahanap na rin s'ya ng solusyon sa isa n'yang problema. Dahil balak n'yang itago sa lahat ang bagong kapangyarihan, wala siyang balak gamitin sa harap ng ibang hunter ang kapangyarihan. Ang mga hunter ay hindi maaaring pumasok sa anumang dungeon na kontrolado ng asusasyon mag-isa. Meron lang dalawang sirkumstansya kung saan maaaring pumasok na nag-iisa ang hunter sa dungeon. Una ay kung ang hunter ay isang rank S hunter. Pangalawa ay kung ang hunter ay na-recognize ng asusasyon na may kakayanang mag-solo clear ng isang dungeon. At wala ni isa man doon si Clyde.

Hinalughog n'ya ang skill shop ng holymancer system sa mga nakaraang araw. Doon may isang skill na kumuha ng atensyon n'ya.

Ang dungeon seeker skill.

Ang nasabing skill ay bibigyan ng kakayahang ma-detect ng skill owner ang lahat ng dungeons na kayang i-detect ng skill para sa kanya. Kasali na rin doon ang mga undiscovered dungeons.

Ang lawak ng detection ay depende sa level ng skill. Ibibigay din nito ang accurate location ng dungeon. Iyon ay base sa description ng skill.

Excited na binili ni Clyde ang dungeon seeker skill sa halagang 100, 000 gold. May kamahalan ang skill pero sulit naman. Meron pa nga s'yang nakitang isang katulad na skill sa halagang 10, 000 gold lang. Ang problema pang ay general location lang ang kayang ibigay nito. Kaya mas pinili na n'ya ang dungeon seeker.

Agad nawala ang 100, 000 gold n'ya pero meron pa naman s'ya mahigit 70, 000 gold. Hindi na masama. Kung sakaling magkaaberya sa susunod na dungeon, at least handa s'ya. Meron s'yang pambili ng items o skills kung sakali.

.....

At 'yon nga ang nangyari kaninang madaling-araw. Nang paggising naman ni Clyde ay agad s'yang naghanap ng Class D dungeon gamit ang dungeon seeker skill. Idinisplay nito ang mga dungeon sa harapan ni Clyde na para bang mapa.

Marami s'yang nakitang Class D dungeons kaya lang lahat ay nasa supervision na ng asusasyon. Meron naman s'yang nakitang mga undiscovered dungeons ang problema nga lang ay Class C na ang pinakamababa.

Tiningnan n'ya ang mga dulo ng mapa ng dungeon seeker. Doon nakita n'ya ang mga dungeon na sakop ng ibang mga probinsya. Mukhang mapipilitan s'yang lumayo ng kaunti.

Nagbunga ang paghahanap n'ya. May nakita rin s'yang Class D dungeon sa mapa. Ang kanyang susunod na destinasyon ay Pampanga.

.....

Pinagpagan niya ang mga binti dahil sa mapuputing buhanging nagpapakati ng balat n'ya, ang lahar.

Ang terminong lahar ay lubos nakilala sa bansa ng naminsala ang bulkang Pinatubo ilang dekada na ang nakakalipas. Ang lahar ay pinagsama-samang malamig at mainit na tubig, mga tipak ng bato, at kung ano-ano pang debris mula sa isang sumasabog na bulkan.

Mahigit limang daang taon natutulog ang bulkan bago ito sumabog. Matinding pinsala ang dinulot noon dahil naipon nito ang lakas sa matagal na panahon. Maikukumpara mo ito sa kinimkim na galit na matindi kapag sumabog.

Ang bulkang Pinatubo ay matatagpuan sa Botolan, Zambales, karatig-bayan ng Pampanga. Hindi lang Zambales at Pampanga ang pininsala nito maging Tarlac na kalapit din ng dalawang probinsya na sakop ng lawak ng bulkan.

Maraming pinatay ang Pinatubo at lahar. Inilibing ng buhay ang maraming tao ng pagsabog. Pininsala rin nito ang mga kabuhayan. Sinira ang mga bayan. Wumasak sa mga gusali. Sa katunayan nga, sa sobrang lakas ng pagsabog, nakagawa ito ng isang lawa, ang Pinatubo lake. Ayon pa nga sa pag-aaral ng mga siyantista, maliban doon sa Pinatubo lake ay may ilan pang mga lawa sa paligid ng bulkan. Malamang ito ay nagawa rin dahil sa pagsabog ng bulkan sa nakalipas na mga panahon. Meron ding isang simbahang nabaon sa lupa ang kalahating parte.

.....

Napahinga ng malalim si Clyde. Napaisip s'ya. Ang bentahe sa kanya ng pagpasok sa isang undiscovered dungeon ay walang makakaalam ng kapangyarihan n'ya. Pero ang disadvantage naman nito ay ang kakulangan sa impormasyon. Maliban kasi sa isa itong Class D dungeon ay wala ng binigay na impormasyon ang dungeon seeker skill.

Wag kang maghe-hesitate Clyde.

Wag na wag kang matakot dahil wala kang alam sa loob ng dungeon.

Hindi ba ganoon din naman sa buhay?

Kahit kailan hindi mo alam ang hinaharap.

Hindi mo alam kung ano ang susuungin mo.

Hindi mo alam kung ano ang magiging mga problema, mga balakid.

Kapag sumuko ka, kapag huminto ka, kapag tumalikod ka, doon ka matatalo.

Kaya dapat diretso lang sa paglakad.

Dapat lang marunong kang ingatan at protektahan ang sarili mo.

Laban lang.

Yan ang laman ng isip ni Clyde habang unti-unting humahakhang patungo sa pinto ng kubo. Pinapalakas niya ang loob n'ya para tumuloy sa pupuntahan.

Hinawakan n'ya ang kahoy na pintuan ng kubo.

Binuksan n'ya 'yon at pumasok.