SA nakalipas na mga araw ay naging abala na nga ang magkasintahan katulong ang ina ni Daniel sa pag-aasikaso ng kasal nila na gagawin sa mismong opisina ni Judge Arcega.
Ang hukom na kaibigan ng ama at ina ni Daniel na siyang magkakasal sa kanilang dalawa.
"Saan tayo pupunta?" tanong ni Ara isang araw bago ang kasal nila.
Sabado iyon at walang pasok sa eskwela habang gaganapin naman kinabukasan ang kasal nila.
"Bibili tayo ng damit na isusuot mo para bukas. Gusto ko iyong maganda," ang binata pinakatitigan siya saka hinaplos ang kaniyang pisngi.
"Kaya mo pa bang mag-drive?" tanong niya sa nobyo sa nag-aalalang tono.
"Oo naman, sinasamantala ko nga ang pagkakataon na malakas pa ako kasi alam ko hindi magtatagal hindi ko na magagawa ang lahat ng ito lalo na kapag nag-start na ang treatment ko," ang binata sa kaniya nang palabas na sila ng garahe.
Pero iyon nalang ang tindi ng pagkagimbal na naramdaman ni Ara nang muli siyang lingunin ng binata at makita ang mabilis na pag-agos ng dugo mula sa ilong nito.
"Oh my God, Daniel!" aniyang takot na takot na nilapitan ang nobyo saka inilabas ang panyo sa loob ng kaniyang maliit na bag. "Ma! Mama!" ang malakas niyang sigaw sa kabila ng panginginig ng kaniyang mga kamay ay agad niyang inabot ang nagdurugong ilong ng binata saka inilagay doon ang hawak niyang panyo.
"Anong nangyari?" si Marielle iyon kasunod ang anak nitong si Danica.
"O-Okay lang ako, ano ba maliit na bagay lang ito," si Daniel na tumawa pa ng mahina saka kinuha sa kamay niya ang panyo.
"Hindi pwede, magpahinga ka," si Danica iyon na nilapitan ang kapatid saka ito inakay papasok muli ng kabahayan pero tumanggi ang binata.
"I said I'm okay, kaya ko pa. Halika na, Ara," anitong hinila ang kamay niya pero mabilis niya iyong binawi na ikinagulat naman ng binata. "Ara, halika na," anito ulit sa kaniya.
"Maaga pa naman, kahit mamayang gabi kung tutuusin pwede nating gawin iyan hindi ba? Makinig ka kay Ate Danica, please?" pakiusap niya rito sa mahinahon na tono.
Noon niya nakitang nagpakawala ng buntong hininga nito sa Daniel tanda ng pagsuko nito sa gusto niyang mangyari. Pagkatapos ay tumawa ito ng mahina saka inalis ang panyo na nakatakip sa ilong nito.
"Okay," anito sa kanya.
"Salamat," ang nakangiting sagot niya saka sinulyapan sina Marielle at Danica na nanonood lang.
*****
"SABIHIN mo nga sa akin ang totoo, style mo lang ito para hindi tayo matuloy na umalis ano?" si Daniel iyon nang manatiling nakahiga ang binata sa kama nito habang siya naman ay nasa gilid ng higaan at doon nakaupo.
Tapos nang asikasuhin noon ni Danica ang binata kaya naiwan na silang dalawa doon.
Si Daniel ang kung tutuusin ay nag-request na doon muna siya at dahil gusto niyang makatiyak na magpapahinga ito ay pumayag siya para bantayan ang kasintahan.
Umikot ang mga mata ni Ara saka tumawa ng mahina. "Kasama naman ang pagdurugo ng ilong sa mga simtomas ng sakit mo, pero hindi mo parin maiaalis sa amin ang mag-alala."
"Sweetheart, ang sabi ng doktor nasa terminal stage na ang sakit ko, may iba na umaabot ng five years, pero sa kaso ko dalawang doktor ang nagsabi na four to six months nalang daw ang posibleng itagal ko dito sa mundo. Hindi mo pa ba tanggap? Dapat masanay ka na," si Daniel na kumilos saka iniunan ang sariling ulo sa kaniyang mga hita.
Hindi man niya maipakita pero pakiramdam ni Ara ay parang hinihiwa sa maliliit na piraso ang puso niya dahil sa sinabing iyon ni Daniel. Hindi iyon dahil sa katotohanang gusto nitong ipaalala sa kaniya kundi mas higit sa tono ng pananalita ng binata.
Kung tutuusin wala pang halos isang buwan mula nang ma-diagnose ang sakit nito, pero sa paraan ng pagkakasabi nito kanina, parang walang anuman na dito ang lahat. Sa madaling salita, nagawa na nitong tanggapin ang lahat at iyon ang naramdaman niyang damdamin sa tinuran nito.
"Matulog ka na muna. Bukas na ang kasal natin kaya dapat malakas ka," aniya sa kagustuhan niyang pawiin ang kalungkutan sa hangin na nasa paligid nilang dalawa.
Noon umangat ang sulok ng labi ni Daniel saka ito umalis sa pagkakaunan sa mga hita niya. Pagkatapos noon ay tinapik nito ang bakanteng bahagi ng unan sa paraan na tila ba pinahihiga siya nito doon.
"Tumigil ka ah, nakakahiya sa kapatid at nanay mo," aniyang hindi mapigilan ang sariling maapektuhan sa alam niyang gustong ipahiwatig ni Daniel.
Nangalatak ang binata. "Dali na, hahalikan lang naman kita eh. Alam mo bang miss na miss na kita? Saka hindi ba ni-lock ko naman ang pinto?" ang naglalambing pang tanong-sagot sa kaniya ni Daniel saka muling tinapik ang bahagi sa tabi nito.
Agad na nakaramdam ng matinding pananabik si Ara para sa sinabing iyon ng binata. Dahil katulad nito ay miss na miss narin niya si Daniel. Pero dahil nga sa mas limitado na ang oras na silang dalawa lamang ay madalas panakaw lang ang mga sandaling mayroon sila. Kaya siguro ganito nalang din ang kagustuhan ng binata na mahalikan siya nito.
"Sweetheart, please?" muli ay untag sa kaniya ni Daniel nang manatili siyang nakaupo parin sa gilid ng kama nito.
Sa pagkakataong iyon ay nagbuntong hininga nalang si Ara. Kabisado niya ang tono na iyon ni Daniel at alam niyang iyon ang tipo na hindi titigil hangga't hindi nakukuha ang gusto, kaya naman sa huli ay nasunod parin ang gusto nito.
Pagkahiga niya sa tabi nito ay agad na iniunan ng binata ang kaniyang ulo sa mismong braso nito. Pagkatapos ay agad nitong itinaas ang ulo saka mariing siniil ng halik ang kaniyang mga labi.
At noon nga tuluyang napatunayan ni Ara na tama lang na pinagbigyan niya ang gusto nitong mangyari. Dahil ramdam niya sa paraan ng paghaplos ng mga labi nito sa kaniya ang katulad nga kanina na sinabi nito, labis na itong nangungulila sa kaniya.
Ganoon rin naman siya kay Daniel. At lalong nagtumindi ang nararamdaman niyang iyon sa kaisipang magkasama sila sa ilalim ng iisang bubong pero limitado ang pagkakataon nilang dalawa. Nakakahiya naman kasi sa ina nito kung sakali ay aksidente sila nitong mahuli sa ganitong mga pagkakataon lalo at hindi pa naman sila talagang kasal.
Sa kaisipang iyon ay minabuti ni Ara na pakawalan na ang kaniyang mga labi mula sa hanggang ngayon ay mapusok parin na paghalik sa kanya ni Daniel.
"Hey," reklamo ng binata bagaman nangingislap ang mga mata nito dahil sa amusement.
"Ano ka ba, sinamahan kita dito sa kwarto mo to make sure na makakapagpahinga ka," aniyang natatawa ring kinurot ng bahagya ang pisngi ng binata. "Kaunting sandali nalang, bukas dito na ako matutulog sa kwarto mo," aniyang nginitian pa ito ng makahulugan pagkatapos.
Lalong lumapad ang pagkakangiti ni Daniel sa sinabi niyang iyon. "Sa tingin ko naman kaya ko pa para bukas ng gabi," anito pa.
Hindi napigilan ni Ara ang mapahagikhik sa sinabing iyon ng lalaking kanyang pakakasalan. "Iniisip mo talaga iyon?" ang kinikilig niyang tanong.
"Magsisinungaling ako kapag sinabi kong hindi. Aba, miss na miss na kaya kita at hindi na biro ang pagtitiis na ginawa ko simula nung unang beses na ano," anitong ibinitin pa ang huling sinabi saka iyon binigyang diin.
Namula ng husto ang mukha ni Ara sa sinabing iyon ni Daniel bagaman ang kilig sa puso niya sa kabila ng lahat ng pinagdadaanan nilang dalawa ay hindi niya maikakaila.
Tinitigan niya ng matagal ang gwapong mukha ng binata. Ang maiitim nitong mga mata at ang mga labi nitong hindi na kasing pula ng dati dahil ang totoo, napapansin narin niya ang unti-unting nagiging epekto kay Daniel ng sakit nito.
Mainit na damdamin ang sumunod na naramdaman ni Ara na humaplos sa puso niya. Pagkatapos
"Alam mo, gusto kong magkaanak," ang walang gatol na winika ni Ara na naging dahilan naman ng pagguhit ng pagkabigla sa mukha ng binata.
"A-Anak? Are you sure?" ang hindi makapaniwalang tanong sa kaniya ni Daniel.
Ngumiti siya saka magkakasunod na tumango. "Syempre, at sana lalaki, tapos kamukha mo," sa tono ng pananalita niya ay naramdaman mismo ni Ara ang matinding pag-asam sa sinabi niyang iyon.
Alam naman kasi niya na posible pang mangyari na mabuntis siya ni Daniel dahil hindi pa naman nagsisimula ang chemotherapy nito. Ang nasabing gamutan kasi ay alam niyang posibleng maka-epekto sa kakayahan ng binata na magkaroon ng anak o sa madaling salita maaari iyong maging dahilan ng pagkabaog nito.
"Oh sweetheart, ano bang ginawa ko to deserve someone like you?" buong pagmamahal siyang niyakap ni Daniel na tinugon din naman niya sa kaparehong paraan.
"Minahal mo ako, ng sobra," sagot niya saka pinakawalan ang sarili mula sa mahigpit nitong pagkakayakap sa kaniya.
Hindi na nagsalita si Daniel sa pagkakataong iyon. Pero kahit anong salita ay alam niyang hindi matutumbasan ng nakikita niya ngayon kinang sa mga mata ng binata. Kaya sa huli, nang sa ikalawang pagkakataon mula kanina ay niyuko siya nito saka hinalikan, at sa pagkakataong iyon, ay hindi na siya tumanggi at buong puso na lamang na nagpaubaya sa lalaking pinakamamahal niya kasabay ang pagtugon rin niya rito sa kaparehong paraan kung papaano siya nitong hinahagkan.