webnovel

FIND ME: A Love Through Eternity (FILIPINO VERSION)

[R18] STORY WITH MATURE/EXPLICIT CONTENT: "A-Alam ko pagod ka na, magpahinga ka na, mahal na mahal kita, palagi mong tatandaan iyan," sa kabila ng tila bigik na nakabara sa lalamunan ko ay pinilit ko parin na sambitin ang mga salitang iyon na alam kong matagal nang gustong marinig mula sa akin ng asawa ko, dahil katulad nga ng sinabi ko, pagod na siya at gusto na niyang magpahinga. Nang maramdaman ko ang mainit na likidong pumatak sa noo ko kasunod ng mainit na labing dumampi rin doon ay lalo akong napaiyak. "Simula bukas kailangan ko na maging matapang ka, tatagan mo ang loob mo, lalo na kung pagkagising mo ay nakapikit parin ang mga mata ko," pagpapatuloy na habilin ni Daniel.  Hindi ako nagdilat ng mata pero nagpatuloy ako sa tahimik na pag-iyak. "Hanggang sa muli nating pagkikita, sweetheart, Ara, mahal ko," si Daniel na muli kong naramdaman na hinalikan ako sa noo. Noon ako nagdilat ng paningin saka ko sinalubong ang maiitim niyang mga mata. Bigla ay parang nakita ko ang lahat ng sinabi niya, na muli kaming magkikita at kahit kailan ay hindi na magkakahiwalay pa. "Hanggang sa muli, mahal ko," sagot ko bago ko itinaas ang aking ulo saka siya siniil ng isang mainit na halik, sa pinakahuling pagkakataon.

JessicaAdamsPhr · สมัยใหม่
Not enough ratings
53 Chs

CHAPTER 26 "SECRETLY DATING"

SA simula ay naging marahan ang paraan ng paghalik sa kaniya ni Daniel. Tila ba binibigyan siya nito ng sapat na pagkakataon at panahon upang sanayin ang sarili niya kung papaano tutugunin ang ginagawa nito. Pero paano niya gagawin iyon kung pakiramdam niya ay naparalisa ang buong katawan niya dahil sa maiinit na labi ng binata na ngayon ay buong pagmamahal at humahaplos sa mga labi niya.

Oo, nararamdaman niya sa mga halik nito kung gaano katotoo ang lahat ng sinabi ni Daniel sa kaniya kanina. Kung gaano siya kamahal ng binata. At hindi niya kayang itanggi o kahit pasinungalingan ang tungkol doon bukod pa sa katotohanan na wala siyang plano na gawin iyon.

Ilang sandali lang ang nakalipas at pinakawalan na ni Daniel ang kaniyang mga labi. At sa pagkakataong iyon ay nagkaroon siya ng pagkakataon na muling titigan ang napakagandang mga mata ng binata.

"Mahal na mahal kita," anas nito habang nakangiti.

Nanatiling hawak ng dalawang kamay ni Daniel ang mukha niya kaya kahit parang hinihigop na ng mga mata ng binata ang lahat ng enerhiya na mayroon siya ay hindi niya magawang iiwas ang paningin mula rito.

"I love you too, so much," sagot niyang hinawakan ang dalawang kamay ni Daniel na nasa kaniyang mukha.

Noon siya muling niyuko ng binata saka hinalikan sa noo. "Hindi ako makapaniwala, pakiramdam ko nananaginip lang ako, alam mo ba iyon?"

Humaplos sa puso ni Ara ang sinabing iyon ni Daniel.

"Ako din naman, at ngayon naniniwala na ako sa sinabi sa akin ni Jason nung araw na ipinatawag tayo Guidance Office," aniyang hindi napigilan ang mapangiti dahil sa naalaala.

Umangat ang makakapal na kilay ni Daniel habang nasa mga mata at ngiti ng binata ang amusement para sa kanya. Pagkatapos ay pinakawalan nito ang kaniyang mukha saka siya kinabig ang inakbayan. Kumilos rin ang isang kamay ni Daniel saka inihilig ang ulo niya sa balikat nito.

Totoong kinilig si Ara sa ginawing iyon ng ngayon ay kaniya ng nobyo. Pero kahit kung tutuusin ay officially dating na ang status nilang dalawa ay parang nahihiya parin siyang ipakita kay Daniel na kinikilig siya sa lahat ng ginagawa nito nang mga oras na iyon. Kaya naman minabuti niyang daanin nalang sa pagngiti ang lahat ng nararamdaman niya.

"Really? Don't tell me may alam si Jason na hindi ko alam at hindi niya sinabi sa akin?" tanong nito saka sinundan ang sinabi ng mahinang tawa.

Magkakasunod na umiling doon si Ara. "Ang sinabi lang niya sa akin na baka kung palagi akong maiinis sa'yo sa huli magustuhan rin kita," pagsasabi niya ng totoo saka nilingon ang binata.

"Hindi nga ako nagkamali sa pagpili ng gagawin kong bestfriend," sagot ni Daniel saka siya bahagyang inilayo mula rito. "eh parang totoo naman ang sinabi niya hindi ba?" biro nito saka siya pilyong kinindatan.

Agad na namula ang mukha ni Ara sa ginawing iyon ni Daniel.

"Hanggang ngayon parin ba naman ganyan parin ang reaksyon mo sa simpleng kindat ko?" bakas ang kasiyahan sa tinig ni Daniel na hindi rin naitago ng binata sa ningning ng kislap ng mga mata nito.

"Tumigil ka nga, para naman kasing sinasadya mo akong kindatan para makita akong namumula," angal niya.

Noon siya muling niyakap ng binata. "Lalo ka kasing gumaganda sa paningin ko kapag nagba-blush ka," paliwanag ni Daniel.

Kinilig na naman siya sa sinabing iyon ni Daniel at sa pagkakataong ito ay hindi na niya nagawang kontrolin ang isang pinong hagikhik na naglandas at kumawala sa lalamunan niya.

"Iba pa nga ang nangyari, kasi ang totoo hindi lang kita basta nagustuhan," aniyang nilingon ang binata saka tinitigan sa mga mata. "na-in love ako sa'yo, ng sobra," pagsasabi niya ng totoo.

HINDI nagsalita si Daniel sa sinabing iyon ni Ara.

Masyado siyang masaya nang mga sandaling iyon bukod pa sa katotohanan na gusto niyang ituloy ni Ara ang iba pang posibleng gusto nitong sabihin sa kaniya. At alam niyang tungkol ito sa kaniya, sa kanilang dalawa at sa nararamdaman nito para sa kaniya.

"Siguro destined na talaga na mahalin kita, kasi lahat ng nangyari sa pagitan nating dalawa nakakainis man o nakakakilig isa lang naman ang naging ending, at iyon ay ang nararamdaman ko ngayon sa'yo," pagpapatuloy ng dalaga.

Mainit at masarap na damdamin ang humaplos sa puso ni Daniel dahil sa sinabing iyon ni Ara. Siguro nga may mga pakiramdam na walang eksaktong paliwanag. Dahil walang kahit anong salita ang pwedeng maging katumbas kung gaano kaganda sa puso ang uri ng damdaming iyon. Ang epekto na nagagawa nito sa mood ng isang tao at ang kasiyahan na naibibigay nito sa puso.

"Pareho lang tayo, at sa lahat ng babaeng dumaan sa buhay ko, katulad na nga ng inamin ko kanina sa'yo for the first time in my life naging torpe ako, nakaramdam ako ng insecurity para sa mga katangian na mayroon ako. Kung magiging enough ba ang lahat ng iyon para magustuhan mo ako? Kasi napakataas ng tingin ko sa'yo, para sa akin hindi ka simpleng babae lang, dahil iba ka sa kanilang lahat," pagsasabi niya ng totoo saka ginagap ang kamay ni Ara at masuyong dinampian ng halik.

Nang manatiling tahimik si Ara ay muli siyang nagbuka ng bibig para magsalita.

"So anong maganda? Gusto mo bang sabihin na natin sa mga magulang mo ang tungkol sa ating dalawa?"

Sa tanong na iyon ay mabilis siyang nilingon ng dalaga.

"Eh hindi kaya sila magtaka kasi parang ang bilis naman yata na naging tayo? Tapos hindi mo pa ako niligawan?"

NOON nakita ni Ara na hinagod ng humahangang tingin ni Daniel ang kaniyang mukha. Sa paraan na tila ba kinakabisa nito ang bawat anggulo niyon.

"What do you think?" tanong ulit ng binata saka banayad na kinurot ang kaniyang baba.

Nagkibit siya ng balikat saka nahihiyang nagsalita. "Paano kaya kung huwag muna?"

Sa sinabi niyang iyon ay sinagot muna siya ni Daniel ng isang nakakaunawang ngiti bago niya nakitang kumibot ang mga labi nito saka nagsalita.

"Kung iyon ang sa tingin mong makabubuti sa'yo, ilihim muna natin sa parents mo. Pero sa kanila lang? Sa school pwede nating ipaalam kina Jason at Jenny ang tungkol sa atin?" paglilinaw ni Daniel.

Tumango siya ng magkakasunod.

"Sasabihin ko nalang kay nanay at tatay na nanliligaw ka palang sakin," aniyang tumawa pa ng mahina.

"Okay lang, ang sabi nga ng marami mas sweet daw ang secret relationship, kasi doon nasusubok kung talagang tunay ang pagmamahalan," ani Daniel na ipinihit siya paharap dito.

Tumawa ng mahina si Ara. "Hayaan mo hindi ko naman patatagalin iyon para hindi ka mahirapan."

"Oo, para pwede na kitang ipagpaalam na mag-date at kumain sa labas tuwing walang pasok," sagot ni Daniel na kinabakasan niya ng labis na kasiyahan at pananabik sa tinig.

Tumango siya. "Salamat, Daniel," aniya saka hinaplos ang pisngi ng binata.

Hindi sumagot si Daniel sa sinabi niya.

Hindi rin tiyak ni Ara kung dahil ba sa sinabi niya pero biglang nagbago ang emosyon na nakikita niya sa mga mata ng binata. Bigla ay parang naroroon ang tila maliliit na apoy na nagpapaligsahan habang nakatitig ito sa kaniya.

"Salamat din," makalipas ang ilang sandali iyon ang isinagot sa kaniya ng nobyo.

Ang sumunod na ginawa ni Daniel ay hindi inasahan ni Ara. Nang bigla siya nitong niyuko saka mariin na hinalikan sa kaniyang mga labi.

Nahigit ang kaniyang paghinga habang nararamdaman niya malakas na daloy ng kuryenteng mabilis na kumalat sa kabuuan niya.

Niyakap siya ni Daniel sa paraan na tila ba natatakot itong mawala siya, dahilan kaya hindi naging madali para kay Ara ang huminga. Pero walang anuman sa kaniya ang bagay na iyon. Wala na yata siyang mahihiling pa dahil ang lahat ng nangyayaring ngayon sa kaniya ay tunay na katuparan nalang ng lahat ng panalangin at pangarap niya tungkol sa binata.

Kaya naman hinayaan siya ni Daniel na ikulong siya sa malalaki nitong bisig habang mainit nitong hinahagkan. Ito ang lalaking minamahal niya, at kahit ano nakahanda niyang ibigay rito, dahil alam niya, kahit kailan hindi na siya muling magmamahal sa kaparehong paraan kung paano niyang minamahal ngayon ang binata.