webnovel

Esperanza

Si Esperanza Mallari, isang mababang uri na katulong na nagtatrabaho sa loob ng Haceida Valiente, ay nagsimulang ungkatin ang mga sekreto sa mga kakila-kilabot na pagpatay na nangyayari sa loob ng mga nakasarang tarangkahan ng hacienda, ngunit unti-unting nalalagay sa peligro ang kaniyang buhay, at kailangang makahanap ng paraan si Esperanza upang malutas ito, bago pa mahuli ang lahat. Sa mapanganib na paglalakbay ni Esperanza tungo sa katotohanan, mga sekreto ng nakaraan, pag-ibig, at mga hindi inaasahang pagbubunyag, ang unti-unting makapgpapabago sa kaniyang paniniwala, pananaw, at takbo ng buhay.

Aifos_Blue · ย้อนยุค
Not enough ratings
1 Chs

Unang Kabanata

'Todo sucede por una razón'

Taong 1775, San Valiente, Las Islas Filipinas

HINDI pa sumisikat ang araw, ngunit madami nang tao ang naghihintay at nag-aabang sa daungan ng San Valiente. Ang ilan sa mga kababaihan ay may dala-dalang rosaryo sa kanilang mga kamay, habang sila'y nagdarasal para sa kaligtasan ng kanilang mga mahal sa buhay. May mga nakaparadang kalesa sa gilid at nasa labas nito ang mga taong nabibilang sa alta-sociedad. May iilang mga bata din ang naglalaro sa gilid-gilid at binabantayan ng kanilang mga magulang. Mapabata, matanda, mayaman, mahirap ay naroroon at sabay-sabay na hinihintay ang kanilang mga mahal sa buhay.

Tahimik at puno ng kapayapaan ang buong lugar. Ang iba't ibang kulay tulad ng asul at pula ay nagkalat sa buong kalangitan. Ang araw ay nagtatago pa rin sa ilalim ng dagat, ngunit ang buong lugar ay lumiwanag dahil sa mga kumikinang na apoy na nagmumula sa lampara ng mga tao. Kalmado ang asul na karagatan, at nalalanghap nila ang maalat na simoy ng hangin. Umaaalingawngaw sa buong kapaligiran ang paghuni ng mga ibon habang sinasabayan ito ng pagsipol ng hangin.

Agad na nag-unahan sa harapan ang mga tao nang maaninag nila ang barko na papalapit sa daungan. Napuno ng mga sigaw ng kasiyahan at galak ang buong lugar nang tuluyang tumigil sa kanilang harapan ang barko. Kasabay ng pagsikat ng araw, lumabas na ang mga taong matagal na nilang hinihintay. Mga tawanan, iyakan, yakapan, at biruan ang pumalibot sa buong paligid. Isa sa mga bumaba, na lulan ng barko, ay sina 'Nay Judith, Carlos, at Esperanza.

Sabay nilang sinabayan ang agos ng mga tao upang makababa sa barko. Matapos ang tatlong araw ng pagbiyahe, narating na nila sa wakas ang San Valiente. Naparito sina 'Nay Judith, Carlos, at Esperanza dahil sa tulong ng kaibigan ni 'Nay Judith. Matagal na silang naghahanap ng trabaho, sapagkat humihina na ang kita ni 'Tay Timong – asawa ni 'Nay Judith at ama ni Esperanza – sa pagsasaka.

Sila ay nagmula pa sa isang barrio sa Laguna, kung saan kasalukuyang panahon ng tag-init roon. Hindi na sumama sa kanila si 'Tay Timong, dahil kailangan niyang tumulong sa kaniyang mga kasamahan sa sakahan.

Nang tuluyan na silang makababa, isang matandang babae ang sumalubong sa kanila. Nakasuot ito ng puting baro at pula't itim na saya. Maayos na nakapusod ang buhok nito sa likod at kita ang iilang mga puting hibla ng buhok nito. Siya ang mayordoma ng Hacienda Valiente at ina ng kaibigan ni 'Nay Judith – na tumulong sa kanila na makarating rito.

"Magandang umaga sa inyo at maligayang pagdating dito sa San Valiente!" nakangiting bati ng ginang sa kanila. "Ako nga pala si Rosalinda. Anak ko si Nida at ako ang mayordoma ng Hacienda Valiente" pagpapakilala nito. "Maaari niyo akong tawagin bilang Manang Linda" dagdag pa nito. Agad na nagbigay galang sina Esperanza sa mayordoma.

"Magandang umaga rin ho," bati ni 'Nay Judith, "kami ay nagagalak na kayo ay aming makilala" buong respetong pagtugon nito. Nginitian naman siya pabalik ng mayordoma at tinignan ang dalawa nitong kasama, ngunit napako ang kaniyang tingin sa magandang dilag na si Esperanza.

 Tipid na nginitian ng dalaga ang mayorodma, nang magkasalubong ang kanilang mga tingin. Nakaramdam ng pananabik si Manang Linda nang makita nito ang mga ngiti at mata ng dalaga.

"Ano ang iyong pangalan, hija?" kasabay ng pagngiti ng ginang, muling sumiklab ang matagal nang natupok na apoy ng pag-asa sa puso nito.

"Esperanza po" sagot ng dalaga gamit ang kaniyang banayad at kalmadong boses.

 Ang sulyap ng pag-asa sa mga mata ng mayordoma ay dahan-dahang naglaho. Nanatili pa rin ang kaniyang ngiti, ngunit hindi na ito kasinglawak tulad ng dati. Nagpakawala siya ng malalim na buntong-hininga, kasabay ng pagtupok ng apoy sa kanyang puso. Ramdam niya pa rin ang sakit na dulot ng panghihinayang, kahit na maraming beses na itong nangyari sa kaniya.

Nag-alala naman sina Esperanza sa pagiging matamlay ng mayordoma. "Pa-Patawad po kung may nasabi man akong masama," agad na napayuko ang dalaga at humingi ng tawad sa mayordoma.

"Wala kang dapat ipagpatawad, hija. Ayos lang ako" pang-aalo ng mayordoma. Nagkatinginan naman sina 'Nay Judith, Esperanza at Carlos sa isa't isa, dahil taliwas ang itinuran ng ginang sa itsura nito. Hindi din nila alam kung bakit biglang tumamlay ang ginang.

"Handa na ba kayo?" pinasigla ng mayordoma ang boses nito upang hindi na sila mag-alala pa. "Tayo ay hahayo na sa Hacienda Valiente, upang maipakilala ko na kayo sa mga Valiente" nakangiting saad nito, at tumango naman sina Esperanza bilang pagsang-ayon.

Sa gitna ng karamihan, may isang taong nakatingin sa kanila mula sa malayo. Isang nakaloloko na ngiti ang bumungad sa labi nito nang makita ang mga taong kanina niya pa hinihintay.

'Mukhang umaayon na ang lahat sa aking plano' saad nito sa kaniyang isipan habang tinatanaw ang papalayong kalesa, kung saan lulan nito sina Esperanza.

MAGKATABI sina 'Nay Judith at Esperanza sa loob ng kalesa, habang nasa kanilang tapat sina Carlos at Mang Linda na magkatabi. Nagkukuwentuhan naman ang dalawang ginang, samantalang nakatingin lang sa bintana si Esperanza.

Unti-unting nagpapalit ng kulay ang kalangitan hanggang sa ito'y maging bughaw. Nagsimulang mamulaklak ang mga bulaklak, na kanilang nadaraanan, nang masinagan ito ng araw. Ang malinis at gawa sa bato na kalye ay unti-unting napuno ng mga taong tumatawid, at may ilang kalesa pa silang nakakasalubong. Ilan pa sa mga ito ay lulan ang mga principales. Nadadaanan din nila ang ilang mga naglalakihang bahay na gawa sa kahoy at bato.

Pasimpleng tinignan ni Carlos ang manghang-manghang itsura ni Esperanza. Hindi niya mapigilan ang pagtibok ng kaniyang puso sa tuwing napagmamasdan niya ang kagandahan ng dalaga. Lalong tumingkad ang kutis ng dilag nang tamaan ito ng sinag ng araw, pati ang kaniyang kayumangging mga mata. Dahan-dahang umusbong ang isang nakasisilaw na ngiti mula sa mga malarosas na labi ng dalaga. Hindi namamalayan ni Carlos na sa bawat paglipas ng segundo, unti-unti na palang lumalalim ang nararmdaman nito para sa dalaga.

Matagal nang matalik na magkaibigan sina Carlos at Esperanza, ngunit hindi batid ng dalaga na may pagtingin ang kaibigan nito sa kaniya. Matagal nang minamahal ng palihim ni Carlos si Esperanza. Bagama't lagi silang magkasama at nagkukwentuhan, hindi pa rin magawang aminin ng binata sa dalaga ang nararamdaman nito. Kaniyang kinatatakutan na sa oras na umamin siya, baka bigla na lamang mawala ang ilang taon nilang pagkakaibigan. Sinubukan na niyang iparamdam sa dalaga ang kaniyang nararamdaman sa pamamagitan ng kaniyang mga galaw, ngunit hindi naman ito napapansin ng dalaga.

Isang mabuting tao at kaibigan itong si Carlos Pangilinan. Nasa tamang edad na ito sa pag-aasawa, ngunit wala pa rin itong asawa. Hinahabol  siya ng mga kababaihan, hindi lamang dahil busilak ang kaniyang kalooban, kundi dahil sa itinataglay nitong kagwapuhan. Marunong siyang rumespeto sa mga kababaihan – bagay na kinalimutan na ng iilan sa mga kalalakihan. Masipag din ito at pursigido sa kaniyang mga ginagawa, kung kaya't grabe nalang siya kung hangaan ng mga kababaihan sa kanilang barrio. Marami man siyang napapaibig na mga dilag, wala pa ring makakahigit pa sa taong nilalaman ng kaniyang puso – si Esperanza.

Isang simple at tahimik na anak at kaibigan itong si Esperanza Mallari. Bata pa lamang ito ay nagtataglay na siya ng angking kagandahan at talino. Nakahiligan na nito ang pagbabasa, mapa-nobela pa ito o ano pa. Hindi palakibo ang dalaga sa ibang tao, ngunit hindi naman siya nahihiya o natatakot makihalubilo sa ibang tao. Nais lamang niyang pagmasdan, at kung minsan pa ay inoobserbahan, sila sa tuwing siya ay nababagot. Kinaiinggitan naman siya ng mga kababaihan dahil sa aking kagandahan at talino nito. Nagiging mabait ang mga ito sa dalaga sa tuwing maraming tao ang nakatingin, ngunit pinapahirapan at nilalait – kahit walang kalait-lait rito – naman siya sa tuwing walang ibang nakatingin.

Si Judith Mallari ay isang mabuti at striktang ina kay Esperanza. Kahit na minsan ay nagiging mahigpit ito sa kaniyang anak, hindi niya pa rin nakakalimutan na ipa-alala rito kung gaano niya ito kamahal. Galing sa isang mayamang pamilya sa Norte noon si Judith, ngunt pinalayas siya sa kanilang tahanan nang mapag-alaman ng kaniyang pamilya na nabuntis siya ng kaniyang kasintahang hardinero, na nagtatrabaho sa kanilang tahanan – si Timoteo Mallari. Hindi siya nagsising sumama sa kaniyang asawa sa Laguna, at doon ay namuhay sila ng tahimik at masaya.

Si Timoteo Mallari, o 'Tay Timong, ay ang asawa ni 'Nay Judith at ama ni Esperanza. Galing sa mahirap na pamilya si Timoteo kung kaya't hindi siya nakapag-aral at isang magsasaka. Bata pa lamang ay nagtataglay na ng kakisigan at kagwapuhan si 'Tay Timong, kung kaya't naging habulin din ito ng mga babae. Aaminin niyang naging babaero at maloko siya, ngunit hindi niya pinagsamantalahan ang kahinaan ng mga ito. Malaki ang kaniyang respeto sa mga kababaihan, lalo na sa kaniyang asawa at anak. Hindi siya nakasama sa kanila ngayon sa San Valiente, sapagkat kailangan siya ng kaniyang mga kasamahan sa pagsasaka. Kung kaya't, wala siyang magawa kundi ang hintayin ang muli nilang pagbabalik.

PUMASOK ang kalesang kanilang sinasakyan sa loob ng tarangkahan ng Hacienda Valiente. Gawa pa ito sa mamahalin at matibay na kahoy na nagmula pa sa Europa. Kulay itim at pinapalibutan ng mga ginintuang disenyo ang buong palibot nito.

Sa itaas, makikita ang mga nakakursibang kataga ng 'Hacienda Valiente.' Malinis at pulidong-pulido ang pagkakahulma nito mula sa purong ginto. Kumikinang din ang bawat letra, sa tuwing nasisinagan ito ng araw. Tarangakahan pa lang, makikita na kung gaano kayaman ang mga Valiente.

Mga hilera ng mga matatayog na puno ng niyog ang nakatayo sa bawat gilid ng sementong daan, na kanilang tinatahak ngayon. May iba't ibang makukulay na mga bulaklak ang nakatanim sa harapan ng mansyon. Kumakalat ang mabangong halimuyak ng mga bulaklak sa tuwing marahang umiihip ang preskong hangin.

"Simula sa araw na ito, paninilbihan niyo na ang mga Valiente. Wag sana kayong magdalawang-isip na ako'y lapitan kung mayroon kayong kinakaharap na problema rito sa loob ng hacienda" saad ng mayordoma sa banayad at kalamadong boses nito.

Sa gitna ng hacienda, may isang fountain na napapalibutan ng mga damo at mga naggagandahang mga bulalak. Sakto lang ang laki nito at gawa pa sa makinis na marmol. Simple ngunit elegante ang disenyo nito, at mayroong masikip na daanan papunta doon. Napaikot muna ang kalesa rito bago marating ang pinto ng tahanan ng mga Valiente.

"Maraming salamat po sa inyong tulong. Utang na loob po namin ito sa inyo," sinserong pagpapasalamat ni 'Nay Judith. Hindi na sumagot ang mayordoma at nagsimula na silang bumaba mula sa kalesa.

Nang marating na nila ang tapat ng pinto, nakaramdam si Espernaza ng kakaibang lamig mula sa ihip ng hangin – nakakatindig balahibo at tila hinahaplos siya. Parang may ibinubulong ito sa kaniya. Unti-unti namang namumuo ang mga malalamig na butil ng pawis sa kaniyang noo. Huminga siya ng malalim nang marinig niya ang paglagilit ng pinto. Kasabay nito ay ang pagtindig ng kaniyang mga balahibo.

"Magandang umaga po sa inyo" bati ng mayordoma. Nagbigay galang naman sila sa mga taong nasa kanilang harapan ngayon. "Sila ang mga bagong tagapagsilbi, na nagmula pa sa Laguna, na aking nasabi sa inyo, Don David," saad ng mayordoma.

"Buenos días," bati sa kanila ng Don, "maligayang pagdating sa aking hacienda. Ako ay nagagalak na makilala kayo" panimula nito. "Ako nga pala ang Don ng haciendang ito," pagpapakilala nito sa kaniyang sarili, "at ito naman ang aking asawa." Tinaasan lamang ng Donya ng kilay ang mga bagong tagapagsilbi habang ikinukumpas nito ang mamahalin nitong abaniko. "Ito naman ang aking anak na si Mariela." tipid silang nginitian ng mahinhing dalaga. Di tulad ng kaniyang ina, may kabaitan itong tinataglay.

"Batid kong kayo ay napagod sa matagal ninyong pagbiyahe, kung kaya't bukas muna kayo magsisimula sa inyong mga tungkulin. Nawa'y maging matiwasay ang inyong pagtatrabaho rito sa loob ng hacienda," pagtatapos ng Don at tinignan sila isa-isa.

 Natigil ang tingin ni Don David kay Esperanza na ngayon ay tuwid na nakatayo at abalang inililibot ang mga mata nito sa buong bahay. Hindi niya alam, ngunit may naramdaman siyang kakaiba nang makita ito. Tila ba may muling nabuhay sa kaniyang kalooban.

HINDI pa sumisikat ang araw, ngunit gising na ang mga tagapagsilbi upang maghanda ng agahan para sa kanilang mga amo. Abala sa pagluluto ng putahe si Manang Linda habang inaalalayan naman ito ni Nay Judith. Abala naman sa paghahanda ng lamesa si Esperanza sa sala kasama ang ibang kasamahan nito.

"Esperanza, ipinatatawag ka ng mayordoma" saad ng isang tagapagsilbi na kakalabas lang galing sa kusina at pinasalamatan naman ito ng dalaga.

Pagkapasok niya sa kusina, abalang-abala ang lahat sa kanilang mga niluluto. Ang ilan ay naghahalo sa mga palayok,  naghihiwa ng mga sangkap, at nagbabantay ng kanilang mga niluluto. Kumakalat ang mababangong amoy ng mga putaheng iniluluto sa loob ng kusina na nakakapagbibigay gutom sa kung sinoman ang pumasok sa loob ng kusina.

"Magandang umaga po Manang Linda," bati ni Esperanza, "at ina." Nilingon naman ito ng dalawang ginang na ngayon ay abala sa kanilang niluluto.

 "Ako ay inyo daw pong ipinatawag?" tanong ni Esperanza kay Mang Linda sabay yuko ng kaniyang ulo, bilang paggalang. 

"Hija, puntahan mo ang señorita sa kaniyang kwarto upang gisingin at alalayan ito. Hindi pa natatapos ang aking iniluluto, kung kaya't ikaw muna ang bahala" mabilis na utos ng mayordoma. Hindi na nakasagot ang dalaga nang tinalikuran na siya nito at nagsimula nang magluto. Tinanguan naman siya ng kaniyang ina. Hindi mahihirapang hanapin ni Esperanza ang kwarto ng señorita, sapagkat inilibot na sila ni Manang Linda sa buong hacienda kahapon. Lumabas na ito ng kusina at nagsimulang umakyat sa makintab at gawa sa kahoy na hagdan.

Isang mahabang pasilyo ang tumambad sa kaniyang harapan nang marating ang ikalawang palapag ng mansyon. Nakasabit sa pader ang mga ipinintang litrato ng mga ninuno ng mga Valiente. Nagbibigay ng kakaibang epekto ang liwanag na nagmumula sa mga kandilang nakasabit sa pader, sa mga litrato na nadaraanan ng dalaga. Hindi maiwasang mabagabag ng dalaga dahil sa mga litrato na nakasabit sa mga pader ng pasilyo. Pakiramdam niya ay tinitignan ng mga taong nasa litrato ang bawat paghakbang at paghinga na kaniyang ginagawa. Pinilit ni Esperanza na alisin ito sa kaniyang isipan. Binalewala niya na lamang ang mga matang nakatingin sa kaniya.

Napatigil sa paglalakad si Esperanza nang makaramdam siya ng kakaibang lamig sa kaniyang katawan. Tila bang may yelong dumadausdos mula sa kaniyang batok patungo sa kaniyang gulugod. Nagsimulang magsitindigan ang kaniyang balahibo, kung kaya't napahmas siya sa kaniyang batok. Gulat na napahawak siya sa kaniyang kanang tenga nang may marinig siyang maalim at magaspang na bulong ng isang babae. Nanlalaki ang mga matang nilingon nito ang kaniyang gilid, at  halos matumba't  mawalan siya nang hininga nang tumambad sa kaniyang harapan ang mukha ng isang matandang babae. Kulubot na ang mukha nito at matatalim ang kaniyang malalalim na mga mata. Ginawaran siya ng matanda ng isang katakut-takot na malaki at malawak na ngiti na umaabot sa kaniyang tenga. Hindi na nagawang sumigaw ni Esperanza dahil napangunahan na ito ng takot.

Napakalma niya ang kaniyang sarili nang mapagtantong isa lang pala itong litrato ng mga ninuno ng mga Valiente. Napa-iling nalang si Esperanza dahil kung anu-ano nalang ang pumapasok sa kaniyang utak.

Humarap nalang ulit siya sa kaniyang harapan at itinuloy ang paglalakad. Sandaling natigil ang pagtibok ng kaniyang puso nang makita ang isang babaeng naglalakad din papasalubong sa kaniya. Hindi masyadong maaninag ni Esperanza ang mukha ng babae, sapagkat medyo madilim ang buong pasilyo, ngunit napagtanto niyang isa itong tagapagsilbi na tulad niya. Nagpakawala siya ng buntong-hininga, at hindi niya maiwasang matawa sa kaniyang sarili.

"Naparami yata ako sa pag-inom ng kape" idinaan nalang sa tawa ni Esperanza ang kaniyang kaba at takot.

Muling nagpatuloy sa paglalakad si Esperanza upang marating na ang kwarto ng señorita. Unti-unti na rin niyang naaaninag ang itsura ng babae. Laking pagtataka niya nang makitang maputla ito at parang walang buhay ang kaniyang mukha. Malalalim ang kaniyang mga mata na pinalilibutan ng itim at malaking bilog ang mga ito. Namamalat na rin ang kaniyang mapuputlang mga labi. Nakalugay ang mahaba at magulo nitong buhok habang may malaking kahel na tela ang nakatali sa ulo nito. Nakasuot ito ng uniporme ng mga kasambahay.

Isang nakasusulasok na amoy ang pumalibot sa kaniya nang magkatapat na sila ng babae. Pinagsamang amoy bulok na pagkain at patay na daga o hayop ang kaniyang naamoy. Napapigil siya sa paghinga habang tinatakpan ang kaniyang ilong. Napatakbo naman siya palayo sa kinatatayuan ng babae bago pa siya masuka dahil sa masangsang na amoy.

Nang marating na ni Esperanza ang kwarto ni señorita Mariela, doon na siya nakalanghap ng sariwang hangin. Hinihingal pa ito dahil sa pagpigil nito sa kaniyang hininga. Nang mahabol na niya ang kaniyang hininga, kumatok na ito sa pinto ng señorita. 

"Señorita Mariela, ikaw po ba ay gising na?" tanong ng dalaga matapos niyang kumatok. Inulit niya ang kaniyang pagkatok nang hindi siya sinagot ang señorita.

Napalingon si Esperanza sa pasilyo at laking pagtataka niya nang nandodoon pa rin ang babae. Nakatayo ito at nakatalikod sa kaniya. Napansin niyang kumikibot ang kamay nito, maging ang kaniyang ulo. Biglang sumayaw ang apoy ng mga kandila nang unti-unting gumalaw babae. Napansin niya na nakapaa lang ito, at kasing-putla ito ng kaniyang mukha. Marumi na rin ang laylayan ng saya nito at punit-punit pa. Ngunit, ang nagpatigil sa kaniyang paghinga ay ang mga natuyong pulang mantsa sa dulo ng palda nito.

"Si-Sino ka?!" buong tapang niyang tanong. Naramdaman niyang may nakaharang sa kaniyang lalamunan nang lumakas ang kabog ng kaniyang dibdib. Sa bawat segundo na lumilipas, unti-unting namumuo ang mga mamalamig na pawis sa kaniyang noo.

Dahan-dahang gumalaw ang ulo nito paharap sa kaniya habang kumikibot. Hindi makita ni Esperanza ang mukha nito, dahil natatakpan ito ng mahaba nitong buhok. Bago pa tuluyang makita ng dalaga ang itsura nito, biglang natupok ang apoy ng mga kandia. Kinain ng dilim ang buong paligid.

Walang makita si Esperanza kundi ang kadiliman. Rinig na rinig nito ang pagtibok ng kaniyang puso at ang kaniyang paglunok. Lumalim ang kaniyang paghinga habang naghahalo-halo na ang kaniyang mga nararamdaman: pagkalito, takot, at kaba.

Sinubukang igalaw ng dalaga ang kaniyang mga paa ngunit bigla nalang siyang nanigas sa kaniyang kinatatayuan. Muling bumalik ang kakaibang lamig na nagpatindig sa kaniyang mga balahibo. Napahawak siya sa kaniyang dibdib nang mas bumilis ang tibok ng kaniyang puso na para bang nais na nitong kumawala sa kaniyang tadyang.

Nanginginig at nanghihina na ang kaniyang mga tuhod, at ilang segundo nalang ay matutumba na siya. Napalunok ulit siya nang makaramdam ng hininga sa kaniyang batok. Malalalim, malamig at dahan-dahan ang paghinga nito. 

Napakibot si Esperanza nang makarinig siya ng mga matitinis na paghikbi. Ramdam ng dalaga ang sakit, pighati, at lungkot ng taong umiiyak dahil sa mga hikbi nito, ngunit nangingibabaw pa rin ang kilabot. Wala siyang magawa kundi ang magdasal sa kaniyang isipan.

'Diyos ko, tulungan niyo po ako' sambit ni Esperanza sa kaniyang isipan, umaasang mawawala ang taong – tao nga ba ito? – malapit sa kaniya

Naramdaman niyang may humawak sa kaniyang balikat – kasing lamig ng yelo. "Tu... " isang magaspang na bulong ng babae "...long, Tulong..." puno ng desperasyon at pagmamaka-awa ang boses nito.

"S-si..." biglang bumalik ang liwanag sa buong paligid, kasabay ng kaniyang pagbagsak sa sahig. Saktong nagbukas ang pintuan ng kwarto sa kaniyang tapat, tumambad sa kaniyang harapan si Señorita Mariela na kakagising lamang.

Nagtaka naman ang señorita nang makita ang itsura ni Esperanza. Namumutla at nanginginig ito. "Ikaw ba ay ayos lamang?" nag-aalalang tanong nito habang inaalalayang makatayo ang dalaga. Napakapit naman si Esperanza sa gilid ng pintuan nang itinayo siya ng señorita.

Nais sabihin ng dalaga ang nangyari kanina, ngunit pinili na lamang nitong manahimk. "A-ayos lang po ako. Na-Natapilok lang po ako," nauutal na saad ng dalaga.

Muling nilingon ni Esperanza ang pasilyo upang tignan kung nandodoon pa ba ang babae. Tahimik at muling nabalik sa normal ang buong pasilyo, at walang bakas ng babae ang naroroon.

'Kulang lang siguro ako sa tulog' sambit ni Esperanza sa kaniyang isipan. ' Ngunit parang totoo ang lahat ng iyon.'  Sinarado na nito ang pinto at nagsimula na siyang gawin ang kaniyang trabaho.

KASALUKUYANG tahimik na kumakain ang pamilya Valiente ng kanilang agahan, habang naghihintay sa gilid ang mga tagapagsilbi. Hinihintay nilang matapos ang kanilang mga amo upang iligpit ang kanilang mga pinagkainan, pagkatapos nila. Tahimik at walang kibuan ang mga Valiente sa tuwing sila'y kumakain, kung kaya't medyo nakakailang ang hangin na nakapalibot sa loob ng hapag-kainan.

Hindi naman nagtagal at natapos na sila sa kanilang agahan. Saktong bumukas ang malaking pinto ng mansion at tumambad mula rito ang isang lalaking nakasuot ng kupas na kamiso de tsino at itim na pantalon, habang hawak-hawak nito ang kaniyang sumbrerong buri. Pawis na pawis at nanlilisik ang kaniyang mga mata, tila bang nakakita ito ng multo.

"Do-Don David at Donya He- Hermosa! M-May masama po akong... ibabalita sa inyo," agad na napaluhod ang hardinero habang nakapatong ang mga nanginginig na mga kamay nito sa sahig.

"May natagpuan pong bangkay ng isang tagapagsilbi sa bakuran!"

Have some idea about my story? Comment it and let me know.

Like it ? Add to library!

Creation is hard, cheer me up! VOTE for me!

Aifos_Bluecreators' thoughts