webnovel

Easy To Get But Don't Regret

Babaeng siga, babaeng laging tama. Babaeng topakin, babaeng madaling paibigin. Isang babaeng nagngangalang Althea del Rosario, ang hindi naniniwalang pinatatagal dapat ang panliligaw. Mas dapat daw kasing pagtibayin at patagalin ang isang relasyon. Ito ang dahilan kung bakit napakaraming beses na siyang niloko at nasaktan. Libo-libong pagsubok na ang kaniyang pinagdaanan, pero nananatili siyang buo at patuloy pa ding lumalaban. Ipinanganak siyang nag-uumapaw sa karangyaan. Anuman ang kaniyang naisin ay nalalapatan ng kaniyang kamay. Subalit sa kabila ng tinatamasang kaginhawahan ay nakakaramdam siya ng kakulangan, na tanging isang mapagmahal na binata ang maaaring makapuno. Marami nang lalaking nagdaan sa kaniyang buhay. Lahat sila'y hindi nagtagal. Paulit-ulit man siyang nabigo ay walang tigil pa din siyang nagmamahal. Ayos lang na masaktan, ayos lang na maging luhaan. Gusto niyang magmahal dahil gusto niyang maging masaya. Magawa pa kaya niyang makita si Mr. Right, kung nasa kaniya na ang lahat ng dahilan para iwan siya ng lalaking pinakamamahal? Hindi mahirap na pasukin ang kaniyang mundo. Sa simleng ngiti at titig—maaari mo na siyang mapa-ibig. Sa loob ng isang minuto ay maaari na siyang mapasa'yo. Babaeng espesyal, bagama't malandi sa paningin ng karamihan. Babaeng hindi daw dapat seryosohin, mas masaya daw kasing laruanin. Naghahanap siya ng taong handa siyang tanggapin sa kabila ng kaniyang kahinaan. Maaari bang maging ikaw? Marami siyang pera. Seseryosohin mo naman ba? Selosa siya't mainitin ang ulo. Nagbago na ba agad ang isip mo? Malakas siyang sumampal, malakas sumuntok at marunong bumaril. Kaya mo pa din ba s'yang mahalin? Lahat ng naisin mo'y mapapasa'yo. Payag ka na ba na maging kayo? Hanggang kailan ka tatagal? Hanggang kailan mo kayang magtiis para sa taong gusto mong makasama habang buhay?

Tyo_Caloy · สมัยใหม่
เรตติ้งไม่พอ
9 Chs

Kabanata II: Bagong Pag-ibig

Tila nagkaroon ng sariling mundo si Theya, matapos ang nangyari sa kanila ni Piolo. Wala itong ibang pinagmamasdan kundi ang hanging nasa kaniyang harapan. Hindi man lamang siya kumukurap. Hindi man halata pero totoong nasaktan siya sa mga nangyari. At habang ganoon ang kaniyang itsura ay mayroong dalawang matangkad na lalaking pumasok sa kaniyang restaurant, kasama si Janice. Pareho silang nakasuot ng rubber shoes, shorts at sando.

"Goodmorning sir!" pagbati ng security guard.

Malinaw na narinig ni Theya, ang boses na nagmula sa gawi niyang likuran. Nagawa nitong pukawin ang kaniyang pandinig, subalit nanatiling nakapako ang kaniyang paningin sa malayo.

"Sarado po kami," wika ni Theya. "Bumalik na lang kayo sa ibang araw."

"Bukas na tayo!" sabat ni Janice.

"Sarado pa," bulong niya.

"Tapos na ang date mo kaya bukas na tayo!"

"Sarado pa," bulong muli ni Theya.

Akmang susugurin ni Janice, si Theya, nang hawakan ng isa sa dalawang lalaki ang kaniyang kamay. Pinagmasdan niya ang binata. Umiiling ito na tila ba sinasabing huwag nang ituloy ang kaniyang balak. Umangat ang magkabila niyang balikat bago niya binitawan ang kamay ni Janice. Gumalaw ang dalawa niyang paa papalapit sa lugar kung saan naroroon si Theya. Tumayo siya sa gilid ng couch kung saan nakaupo ang dalaga. Nakakasilaw ang mukha ng binata. May maamo itong mga mata na tila pinapahupa ang kan'yang kalungkutan. Siya si Philip, ang kapatid na panganay ni Theya.

"Ano na naman bang problema ng kapatid ko?" aniya. "Mukha kasing pasan mo na naman ang mundo sa dami ng problema mo."

Napatingala si Theya. Bigla na lamang siyang napahagulgol nang makita ang isang pamilyar na mukha. Kumawang ang pwetan niya sa couch. Sabay na naging tuwid ang dalawa niyang paa habang nakatungtong sa sahig. Sinundan ito ng biglaang pagyapos sa katawan ng kapatid niyang si Philip. Malayo ang agwat ng kanilang taas. Mas matangkad si Philip kaysa kay Theya, kaya nakalapat ang mukha ng dalaga sa dibdib ng kaniyang kuya.

"Nawalan na naman ako ng boyfriend, kuya," wika ng umiiyak na si Theya.

"Ano namang bago?" bulong ni Philip.

Nagbibiro lang naman siya. Hindi nga lang ikinatuwa ni Theya, ang kaniyang mga sinabi. Duguan pa ang kaniyang mapagmahal na puso. Hindi pa nito kayang tumanggap ng biro. Dahil na din sa galit ay bigla na lamang tinapakan ni Theya, ang kanang paa ni Philip, habang magkadikit ang kanilang katawan. Pakiramdam ng kaniyang kuya'y may ipagluluksa siyang kuko matapos itong tamaan ng takong ng boots ni Theya. Naghiwalay ang kanilang katawan. Napasipol si Philip. Hindi maipinta ang kaniyang mukha. Ilang ulit din siyang nagpatalon-talon gamit ang kaliwa niyang paa para lumayo sa kaniyang kapatid.

Nakaramdam ng awa si Theya, nang makita ang kalagayan ng kaniyang kuya. Sinundan niya ito. Humarang siya sa daraanan ni Philip, para humingi ng tawad. Magkadikit ang dalawa niyang palad habang nakatingin sa mga mata ng kaniyang kapatid. Napakaamo ng kaniyang mukha. Masasabing nagsisisi na talaga siya sa kaniyang nagawa.

"Kuya, sorry."

Nauunawaan ni Philip, ang naging aksyon ni Theya. Alam naman niyang mainitin ang ulo ng nag-iisa niyang kapatid kaya hindi na siya dapat nagsalita ng ganoong bagay. Hinawakan niya ang magkabilang balikat ni Theya, at ginawaran ito ng halik sa kaniyang noo.

"Ayos na! Huwag mo na akong alalahanin. Matibay yata ang katawan ng kuya mo," nakangiti niyang sambit.

Umalis siya sa harapan ni Theya. Sinundan naman siya ng tingin ng nakababata niyang kapatid. Nakita niyang may kinausap itong isang kalbong lalaking may maskuladong katawan at may makapal na balbas.

"Halika na! Sa iba na lang tayo kumain."

Nagawang makalabas ng restaurant ni Philip. Subalit bigla na lamang siyang napahinto nang mapunang mayroong nawawala. Lumingon siya sa kaliwa niya at sa kanan. Wala doon ang kaniyang kaibigan. Nang ibaling niya ang kaniyang paningin sa loob ng restaurant ay nakita niyang naroroon pa ito at pilit na hinahatak ni Theya.

"Patay kang bata ka!" bulong ni Philip, na dagliang bumalik para hatakin ang kamay ng kaniyang kaibigan. "Halika na sabi! Ang tigas naman ng ulo mo!"

Naghihilahan sina Philip at Theya, habang hawak ang braso ng lalaki. Walang gustong magpatalo. Pareho nilang gustong makasama ang lalaking kanilang hinihila.

"Bitiwan n'yo nga akong magkapatid! Nasasaktan ako!" wika ng binata.

"Sumama ka na sabi sa'kin! Aalis na tayo!" wika ni Philip, na halatang nahihirapang hilahin ang kaniyang kaibigan. Kapareho lang ng kaniyang itsura si Theya, na nagpupumilit din na hilahin ang binatang bumihag sa kaniyang puso.

"Bakit ba parang nagmamadali kayo? Dito na kayo kumain! Ililibre ko kayo!"

Para walang masaktan sa kanilang tatlo ay pinatigas ng binata ang kaniyang mga braso. Pareho napalapit ng unti-unti sina Theya at Philip sa binata. Para silang mga bakal na hinihila ng isang magnet. At ilang sandali pa nga ang lumipas ay natagpuan na lang ni Philip, ang kaniyang kapatid, na nakayapos na sa kaniyang kaibigan.

"Bitiwan mo nga s'ya, Theya!"

"Ayoko! Ikaw ang bumitaw sa kan'ya!"

Binitiwan ni Philip, ang kamay ng kaniyang kaibigan. Lumapit siya kay Theya. Inalis niya ang mga kamay nito mula sa pagkakapulupot sa katawan ng binata, at walang sabi-sabi niya itong itinulak papalayo sa kanila. Tumilapon ito at bumagsak sa sahig.

"Pasensya ka na," wika ni Philip, habang nakatingin kay Theya. "Umalis na tayo," pagpapatuloy pa niya, bago simulang itulak palabas ng restaurant ang kaniyang kaibigan.

Alam niyang tinamaan na naman ng pana ni kupido ang puso ng kaniyang kapatid. Gusto din naman niyang lumigaya si Theya. Ang hindi niya gusto ay ang maaaring mangyari sa mga susunod na oras. Tagumpay na nakalabas ng restaurant ang magkaibigan pero hindi pa sumusuko si Theya. Bumangon siya at hinabol ang kaniyang kapatid kasama ang kaibigan nito.

Nang lumingon si Philip, sa gawi niyang likuran, ay nakita niya ang kaniyang mahal na kapatid. Nagmamadali itong tumatakbo, nanlilisik ang kaniyang mga mata—halatang mainit ang ulo.

Hinawakan na niya sa braso ang kaniyang kaibigan. "Takbo pare!"

Bago pa man makabwelo sina Philip, ay nagawa na silang abutan ni Theya. Sa puntong iyon ay kinagat na ni Theya ang kamay ni Philip, na nakahawak sa braso ng kaibigan nito.

"Aray!"

Nabitiwan ni Philip, ang braso ng kaniyang kasama nang makaramdam siya ng sakit. Nang mangyari ito'y ikinawang na ni Theya, ang kaniyang ngipin sa kamay ng nakatatanda niyang kapatid. Napalayo si Philip, sa kaniyang kaibigan, na ngayon ay katabi lang ni Theya.

Niyakap ni Theya, ang braso ng binata. "Sama ka sa'kin... ipagluluto kita."

"May lakad pa kami Theya! Huwag ka ngang makulit!" sabat ni Philip, na hindi magawang kumilos mula sa kaniyang kinatatayuan. Natatakot siyang lumapit kay Theya.

Bumitaw si Theya, sa braso ng binata at lumapit kay Philip, nang marinig niya ang pananaway nito. "Hindi ikaw ang kinakausap ko!"

Sinundan ang kaniyang pahayag ng biglaang pagsara ng kanan niyang palad. Ginamit niya ang buo niyang lakas nang patamain niya ito sa sikmura ni Philip. Maliit man si Theya, ay may itinatago itong angking lakas. Maskulado man ang pangangatawan ni Philip, ay nakaramdam pa din siya ng kirot. Unti-unti siyang napatungo habang nakahawak sa kaniyang sikmura. Habang bumababa ang posisyon ng kaniyang balikat ay bigla na lamang siyang sinabunutan ni Theya. Kinaladkad siya nito patungo sa harapan ng isang haligi. Doon ay iniumpog ng kaniyang kapatid ang kaniyang ulo nang tatlong beses.

Sumara ang dalawang mata ni Philip, matapos tumama ng ulo nito sa haligi ng restaurant. Ngumiti si Theya, nang makitang wala na itong malay. Sa wakas ay wala nang hahadlang sa kaniyang kagustuhan.

"Ang sweet n'ya," wika ng binata, na bigla na lang napapanganga.

Nang lingunin ni Theya, ang kinaroroonan ng binatang bumihag sa kaniyang puso ay nakita niya itong dahan-dahang tumatalikod. May ngiti ito sa labi bagama't may halong takot. Nagsimula na din itong maglakad na parang isang robot.

"Sandali lang—sweetie!"

Nagtayuan ang balahibo ng binata nang madinig ang boses ni Theya. Namumutla siya habang humaharap nang dahan-dahan kay Theya. Nagpalinga-linga siya sa kaniyang paligid. Hinahanap niya kung sino ba ang tinatawag nito.

"Ikaw ang tinatawag ko!" wika muli ni Theya.

"A-a-a-a-ako?" tanong niya habang itinuturo ang sariling mukha gamit ang kaniyang hintuturo.

"Oo! Ikaw nga!"

"Sigurado ka?"

Hindi siya makakilos, kaya si Theya na ang lumapit sa kan'ya. Muli ay niyakap nito ang kaniyang braso.

"Halika! Ipagluluto kita ng masasarap na pagkain."

Hindi maipinta ang mukha ng lalaki. Tumungin siya sa lugar kung saan naroroon si Philip. Wala itong malay habang nakadapa malapit sa isang haligi. Pinaliligiran siya ng mga kalalakihang nakasuot ng itim na suit at ilang empleyado ni Theya.

"A-ayos lang ba si Philip?"

"Oo," buong kumpyansang tugon ni Theya. "Kapatid ko s'ya kaya 'wag kang mag-alala. S'ya na din ang nagsabi kanina na matibay ang katawan niya."

"Ihanda n'yo na ang sasakyan, dadalhin natin si Sir Philip sa ospital!" wika ng isang bodyguard ng kanilang pamilya.

"Wag na!" pagtutol ni Theya. "Paamuyin n'yo na lang ng vicks, magigising din 'yan mamaya!"

Hanggang doon lang ang sinabi ni Theya. Para bang wala itong pakialam sa maaaring mangyari sa kaniyang kapatid. Ang mahalaga ay nakuha niya ang kaniyang gusto.

Sa huli ay nangyari ang lahat kagustuhan ni Theya. Naisama niya pabalik sa loob ng restaurant ang binata. Hindi na nadala sa ospital si Philip, sa halip ay pinahiga na lang ito sa pinagtabing couch. Sa ngayon ay hihintayin na lang nila itong magkamalay.