webnovel

Bloody Class (Completed)

"I will do anything just to be on top." Para sa pangarap, gagawin ni Vangelyn ang lahat kahit pa ang pumatay sa mga dati niyang kaibigan at para na rin sa kaligtasan niya. Si Erika na gustong makuha ang unang puwesto para makaahon sa hirap. Si Maybelle na gustong ipamukha sa mga magulang na may silbi siya sa pamilya. Si Chenerose na gustong patunayan na kahit hiwalay ang mga magulang ay kaya niyang magbigay ng karangalan. At si Rochelle, na kahit kulang sa atensyon ng magulang ay gagawin niya lahat para mapansin lang siya nito. How could those dreams kill their lives just to be on top? Sino ang mananalo sa madugong labanan para sa pangarap? Ito ang pasukan na hinding-hindi mo makakalimutan... Bloody Class Written by Zurichian

Zurichian · วัยรุ่น
เรตติ้งไม่พอ
23 Chs

Chapter One

"GUYS! Si Rochelle tatalon sa rooftop!"

Malakas na sigaw mula kay Chenerose ang pumutol sa tahimik na klase sa seksyon Sampaguita sa araw na iyon. Walang atubiling nagsilabasan ang kaniyang mga kaklase at agad na tumakbo ng malamang tatalon ang kanilang kaklase na si Rochelle mula sa rooftop.

Pagkababa nila mula sa ikatlong palapag ng gusali mula sa kanilang silid- aralan ay tanaw nila ang nagkukumpulang mga mag-aaral sa kanilang paaralan habang tinitingala ang babaeng nakatayo sa rooftop. At doon nila napatunayang si Rochelle nga iyon na kanilang kaklase. Kilala nila si Rochelle bilang isang matalinong mag-aaral. Maganda ito at minsan may pagka-maldita. Galing ito sa mayamang pamilya kaya naman kilalang-kilala ito sa buong campus.

Pansin nila ito noong nakaraang araw na medyo tahimik at balisa. Sinubukan nila itong kausapin kung ano ang naging problema ngunit wala naman silang natanggap na sagot. Pinabayaan na lamang nila ang kaklase baka personal na problema o hindi kaya ay tungkol sa pamilya. Hindi na sila nagpumilit na magtanong baka maisip rin nito na nakikialam sila ng may buhay.

Kitang-kita nila ang malungkot na mukha ni Rochelle. Nasa pinakagilid na ito ng harang sa rooftop. Kung may malakas na hangin na tatama sa dalaga ay tiyak mahuhulog na ito sa lugar na iyon. Nagulat na lang sila at nagsisigaw nang biglang iniangat ni Rochelle ang kaliwang paa nito. May pulis na ring kakarating lang. Ang hepe ng pulis ay sinubukang kumbensihin si Rochelle na huwag gagawin kung anuman ang nasa isip nito. Wala ring naging epekto ang pakiusap ng hepe dahil hindi man lang nakitaan ng anumang reaksyon ang mukha nito. Ganun pa rin ang reaksyon nito na parang binagsakan ng maraming problema.

Napapikit na lang sila nang tuluyan na itong tumalon mula rooftop. Basag ang ulo nito at nagsilabasan ang utak. Tumalsik ang napakaraming dugo ng dalaga sa semento na pinagbagsakan nito. Bali ang ilang bahagi ng katawan. Kiyang-kita pa ang paglabas ng buto sa kanyang tuhod at siko. Hindi na nakayanan ng ibang estudyante ang nasilayan na pangyayari. Ang iba ay nagsialisan at 'yung iba ay nandidiri sa nakita. Nanatiling nakatayo ang mga mag-aaral ng seksyon sa Sampaguita. Minasdan nila ng maigi ang kanilang kaklaseng malungkot ang kinahahantungan.

Nagsimulang magsibagsakan ang mga luha ng kanina pa pinipigilan. Gustuhin man nilang puntahan ang kaklase ngunit hindi sila pinayagan ng mga pulis. Sila na lang at may iilang mga pulis ang naiwan doon. Ang kanilang guro ay umalis upang ibalita ang nangyari sa magulang ni Rochelle. Nakatayo lamang sila sa kanilang pwesto at hindi gumagalaw dahil sa hindi nila inakalang pangyayari. Nagulat na lamang sila nang biglang gumalaw ang katawan ni Rochelle. Gumapang ito papunta sa kinatatayuan nila. Kitang-kita ng mga kaklase nito ang galit sa mukha at may ibinubulong na hindi nila maintindihan.

Kinakabahan sila at ang iba ay nilulukob na ng takot dahil sa mukha nito na may dumadaloy na dugo. May mga pasa at sugat rin ito mula sa pagtalon. Nais nilang tumakbo ngunit hindi nila maigalaw ang kanilang mga paa. Sinubukan din nilang sumigaw ngunit parang umurong ang kanilang mga dila at hindi sila nakapagsalita. Palapit na palapit na ito sa kanila nang bigla itong sumigaw.

"Magbabayad kayong lahat! "

Puno ng galit at poot na sinabi ni Rochelle sa harap ng mga kaklase. Ilang sandali pa ay sumuka ito ng maraming dugo at sumabog ang buong katawan. Tumalsik ito sa mga mapuputing uniporme ng mga kaklase niya.

Habol ang hininga ni Erika nang magising siya sa bangungot na iyon. Pawis na pawis siya at tandang-tanda pa niya ang mga pangyayari sa panaginip. Tiningnan niya ang wall clock sa kwarto niya at nalaman niyang alas tres pa lang ng madaling araw. Hinawakan niya ang kanyang dibdib at pilit na pinapatahan ang sarili.

Simple lang ang buhay ni Erika. Hindi sila mayaman at hindi rin sila mahirap. Sakto lang kumbaga. Kasalukuyan siyang umuupa sa isang boarding house malapit sa kanilang paaralan. Malayo kasi ang lugar nila at kung babiyahe pa siya araw-araw, sobrang mahal ng pamasahe at dagdag gastusin lang ito.

Maayos siyang pinalaki ng kanyang ina. Ito na lang ang nag-iisang bumubuhay sa kanya dahil namatay na ang kanyang ama dahil sa isang trahedya. Kahit simple lang ang kanilang buhay ay masaya at kuntento na siya rito.

Payat at sakto lang ang tangkad niya. Nababagay naman ito sa kanya. Morena ang kutis nito at ang mukha ay saktong- sakto sa bilugan at mapupungay niyang mata. Hindi naman gaano kataas ang kaniyang ilong. Sa katunayan nga ay bumagay ito sa kurba sa manipis niyang pisngi. Nais niyang maging nurse kaya pursigido siyang mag-aral upang maging una sa klase nang sa gayon ay makatanggap ng scholarship. Nasa huling taon na kasi Erika at gusto niyang makatuntong ng kolehiyo at ang scholarship ang magiging daan nito.

Pinilit niyang ipikit ang kanyang mga mata ngunit kahit anong pilit nito ay hindi na siya muling nakabalik sa pagtulog. Nang ipikit niya kasi ay naaalala niya muli ang nakakatakot na mukha ni Rochelle mula sa kanyang panaginip. Kinakabahan siya dahil mukhang totoong naganap ang bangungot na iyon. Naisip na lang ni Erika na buksan ang kanyang cellphone at sinimulang mag-browse sa newsfeed ng kanyang Facebook account.

Todo scroll siya nang mapahinto siya sa isang larawan na kaka-post lang ng isa niyang kaklase na si Johncel. Nag-post na naman ito ng bagong mamahaling damit galing sa isang sikat na brand. Mayaman, maganda at matalino si Johncel dagdag pa nito ang pagiging mabait nito sa kapwa. Marami ang humahanga kay Johncel dahil sa estado nito at maging sa kanyang ugali. Maraming nagsasabi na ang dalaga ay maihahalintulad na perpekto.

Ilang minuto pa lang na nakapost ang bagong damit nito, mayroon na ito limang daan na likes at higit pa. Sikat talaga si Johncel. Hindi niya maiwasan minsan na makaramdam ng inggit sa kaklase ngunit nagpapasalamat na lamang siya kung ano ang meron sa kanya. Ginagawa niya lang motibasyon ang inggit na iyon para paghusayan ang kanyang pag-aaral nang sa gayon makapagtapos siya at makahanap ng magandang trabaho upang mabili ang lahat ng gusto niya.

Hindi na namalayan ni Erika ang oras at ala-singko na pala ng umaga. Agad siyang bumangon at nag-ayos sa kanyang higaan. Naghilamos at sinimulan na niya ang pagsasaing. Sinunod na rin niya ang pagluluto ng ulam at pagkatapos ay naligo. Pagkatapos mag-ayos ay sinimulan na niya ang paglalakad patungo sa paaralan nila. Binagalan lang niya ang kanyang paglalakad dahil medyo maaga pa para sa kanilang unang klase. Hindi pa naman siya mahuhuli.

-------------

"OMG! This can't be happening!"

Nagulat na lang si Erika nang papasok na siya sa silid nila nang biglang sumigaw si Maybelle. Ang kaklase niyang palaging kakumpetensiya sa larangan ng pag-aaral. Si Maybelle ay matalino sa klase nila. Magaling ito sa asignaturang Math at Science. Si Erika naman ay sa English at History. Pareho silang kumakatawan at nagrerepresenta sa school nila sa iba't ibang quiz bee at challenge. Pareho rin sila umabot sa National Level at nag-uwi ng karangalan sa paaralan nila. Kaya naman silang dalawa ang nag-uunahan para unang pwesto sa honor roll at para na rin sa scholarship.

Nagkatinginan silang dalawa at doon napagtanto ni Erika na nagalit ito sa resulta sa standing. Tiningnan niya ang nakadikit sa board at doon niya nakita ang kanyang pangalan na una sa listahan. Pumapangalawa naman si Maybelle kaya siguro ganun ang reaksyon nito kanina dahil hindi natanggap nito ang resulta. Tinanaw ni Erika ang kinauupuan ni Maybelle at nakita niya ito na may matalim na tingin sa kanya. Tingin na nakakamatay. Iniwas na lamang ni Erika ang tanaw nito at tumungo na lang sa kanyang upuan.

"Congratulations!" isang bati at may kasamang ngiti ang iginawad ni Zethro sa kanya. Ang kaklase niyang mahilig sa gitara, pagreresolba sa mga cases at sa larong chess. May kagwapuhan din ito kaya naman maraming babaeng umaaligid sa binata. Hindi sila gaanong close noong una pero dahil sa pagiging makulit nito ay pinansin na niya ang lalaki. Unti-unti ay naging magaan naman ang loob ni Erika kay Zethro at masaya naman itong kasama.

"Salamat!" tugon ni Erika kay Zethro. Nakatanggap rin si Erika ng marami pagbati galing sa ibang kaklase. Ang pagbati na hindi niya maiwasang tumawa ay sa malapit niyang kaibigan.

"Congratulations, Beshie! Sabi ko na nga ba ikaw na ang magiging top one!" bati ng madaldal na kaibigan niyang si Rica.

Si Rica ang naging unang kaibigan niya simula sa unang taon sa sekundarya. Ito kasi ang tipong tao na madaling pakisamahan dahil sa pagiging positibo nito sa buhay. Palaging masayahin at approachable sa mga taong nasa paligid. Kaya madaling naging malapit siya kay Rica. Dagdag na rin ang pagiging magkatunog na pangalan at muntikan ng magkatulad.

Maya maya ay dumating na ang kanilang guro para sa unang klase. Nagsulat ito sa board at nagsulat din sila sa kanilang kwaderno. Huling quarter na ito sa school year nila kaya itinodo na ni Erika ang pag-aaral upang maabot ang nais. Ito na ang susi sa kanyang pangarap. Hinding- hindi na niya pakakawalan ang pagkakataong ito. Nilamon ng katahimikan ang kanilang silid dahil sa pagsusulat. Palihim siyang tumingin kay Maybelle. Nagulat lamang si Erika nang makita niyang tumingin ito sa kanya. Tingin na may masamang balak at unti-unti ay sumilay ang mala-demonyo nitong ngiti.