Bumalik na ang pamilya ko siyudad kasi andoon ang kanilang buhay. Masaya ako na makasama kaya syempre hindi maiwasan na maramdaman ulit ang kalungkutan. Habang lahat sila ay tuloy tuloy lang sa usad ng buhay heto naman ako at para bang natigilan na ng panahon. Mabagal ang usad ko parang pagong pero alam ko naman sa sarili ko na isang araw ay malalagpasan ko din ito.
Maaga akong nagising kaya naisipan kong maglakad sa tabingdagat. Tanaw ko ang papasikat na araw. Hinubad ko ang aking tsinelas at nagsimulang maglakad sa dagat. Ang tunog na ito amg nagbibigay sa akin ng ginhawa. Dito sa lugar na ito tila bang tumigil ang panahon. Wala magsasabing kailangan kong bilisan na ayusin ang sarili ko dahil ako ang may hawak kung kailan ko gugustuhin umalis sa yugtong ito.
Sa kabila ng katahimikan ay di ko naiwasan na marinig ang isang tugtuging pamilyar sa aking pandinig. Alam na alam ko ang kantang iyon sapagkat awit sa akin yan ni Harris. Sa koro sabi nito:
"I won't give up on us" pero siya ang unang bumitaw.
"Even if the skies get rough" kahit ilang beses na akong umiyak dahil sa kanya di ako sumuko pero pinili niya pa ring iwan ako.
"I'm giving you all my love" binigay ko naman lahat pero masakit kasi di pa din ako sapat.
"I'm still looking up" nakatingala ako ngayon sa langit. Siya kaya?
Napalugmok ako sa aking kinatatayuan. Tumutulo pa rin ang luha ko. Hinawakan ko ang aking dibdib. Masakit pa din. Yung akala mo na ayos ka na pero hindi pa din pala. Yung hindi mo na dapat balikan ang lahat sa nakaraan pero di mo maiwasang lumingon pa din. Dinala na ng dagat ang bawat patak ng luha ko.
Ayaw na kitang isipin pero pabalik balik ka pa din sa utak ko. Tinakpan ko ang tainga ko pero naririnig ko pa din lahat ng pangako ko sa akin. Pangako mo na di matutupad. Gusto kong humagulgol na parang bata. Eto na naman ako. Kaya ka hindi makausad usad Carly dahil pinipilit mong bumalik sa nakaraang na kahit kailan ay hindi mo na mauulit. Hindi mo na magagawang ayusin ang pagkakamali mo dahil hindi na babalik ang oras. Walang rewind ang buhay. Lahat ng masasakit na salita hindi mo na mababawi. Bawat segundong lumipas ay lumipas na.
Tinatagan ko pa naman ang sarili ko habang andito ang pamilya ko pero ngayong wala na sila parang ngayon ko sila kailangan. Niloloko ko na lang ba sarili ko? Okay lang ba na hindi ako okay? Napapagod na ako umiyak. Gusto ko na lang mawala sa mundong ito. Para san pa ba bakit pa ba ako nabubuhay? Pirapiraso na ako... Basag... Paano ko pupulutin ang bawat piraso ko para mabuo ulit? Pag nabuo ba ako ulit sasaya ba ako ulit? Hirap na hirap na ako. Dapat natuluyan na ako nung panahon na yun e. Dapat nagpakalunod na ako. Dapat hindi na niya ako niligtas.
Isa isa kong naisip ang lahat ng taong tumulong sa akin kasama na ang aking pamilya. Nababaliw na ako. Hindi ko na maintindihan ang sarili ko. Gusto kong bumangon muli pero tanikala ng nakaraan na nakakabit sa aking puso ang pumipigil.
Pinagsusuntok ko ang buhangin kung saan sa bawat galaw ko ay siya namang tilamsik ng tubig dagat sa aking mukha. Tumingala ako sa kalangitan at pinilit kong sumigaw ngunit wala man lang lumabas.
"Bakit?" pabulong kong saad sa kalangitan.
"Bakit..." pabulong kong hikbi matapos kung iyuko ang aking ulo.
"Bakit..." kinuyom ko ang aking kamay sa mga buhangin.
"Bakit..." napahiga ako sa tabing dagat at tuminging muli sa langit. Sana agusin na lang ng alon sa kung saan. Yung malayo sa lahat. Malayo sa sakit. Ipinikit ko ang mata at naramdaman ang pag-agos ng namumuong mga luha.
Alam kong mga tanong na hindi masasagot kahit ilang "Bakit" pa ang aking sambitin...
27/05/2021