webnovel

First Song

"Sino sa inyo ang marunong kumanta?". tanong sa'min ng aming principal na kanina pang nakatayo sa ibaba ng stage sa gym ng school.

First day ng klase noon at freshmen year ko sa St. Ruther, isang private school na medyo malapit sa bahay namin kaya't alam kong marami akong kakilalang makikita sa unang araw ko pa lamang doon. Maliit lamang kasi ang community namin, kaya't alam kong may mga mangilan-ngilang pamilyar na mukang makakakilala sa'kin.

At dahil nga mga bagong salta sa napasukan ay sinalubong kaagad kami ng halos dalawang oras lang namang orientation at isang maliit na welcoming program sa pangunguna syempre ng pamunuan nang eskwelahan. Isa daw kasi itong paraan para i-welcome ang mga baguhang tulad namin, kung saan apat na taon din kaming mamamalagi't magsusunog ng aming mga kilay sa pag-aaral.

Nagpalitan ng tingin ang lahat ng mga estudyanteng naro'n na para bang naghihintay na may mag-volunteer man lang ni isa sa amin, habang ako nama'y busy na nakayuko't ipinagdarasal na sana'y walang makakilala man lang sa'kin doon kahit alam ko namang napaka-imposible dahil gaya nga ng sabi ko, maliit lang ang komunidad na nasa paligid ko.

"Sige na, wag na kayong mahiya". rinig ko pang magiliw na aniyaya ng aming principal sa'min habang hawak ang isang mikropono na para bang handang ibigay ito sa kung sinuman ang mag lakas-loob. "Starting from today, at sa loob ng apat na taon ay magiging magkakasama na tayo kaya parang family niyo na din. Kaya't gusto lang sana naming makita kung sino ba sa inyong mga bagong estudyante ang may potential at talent sa kahit anong larangan".

Nakita kong magsipag bulungan ang kapwa ko mga katabing freshmen, ang iba nga'y animo'y nagtutulakan pa sa pagtuturuan kung sino ang dapat na pumunta sa harapan at mag-perform.

At mas lalong napag panay-panay ko ang aking prayers, dahil talagang ayaw kong ako pa ang unang mag perform sa harapan at ipahiya ang sarili ko. Dahil oo nga't sabihin ng marunong naman akong kumanta't tumugtog ng guitara kahit papaano, pero alam ko sa sarili kong hindi ko kakayaning mag-perform sa harapan nilang lahat dahil sadiyang mahiyain talaga ako lalo na kapag bagong salta sa isang lugar. Baka mapatakbo pa nga ako palabas ng school gate at mapauwi sa bahay ng 'di oras sa sobrang kahihiyan.

Ngunit mukhang hindi ata effective ang mga prayers ko ng pagkakataong iyon at may biglang nag salita sa bandang likuran ko.

"Ma'am siya po oh!". tinig ng isang pamilyar na boses ng isang dalaga na nasa likuran ko't hindi pa man lumilingon ay sigurado na 'ko no'n na ako ang kaniyang itinuturo dahil ramdam kong lahat ng mga mata'y sa'kin nakatuon.

Hintakot akong napalingon at napalunok ng makumpirma kung sino ba yung sira ulong nagtuturo sa'kin.

Si Angela pala 'yon. Kapwa freshmen at kasama ko noon sa children's choir sa simbahan. Kababata ko siya pero hindi kasi kami gano'n ka-close kaya't hindi ko inaasahang ako pa ang ituturo niya para mag-perform. Isa pa'y hindi ko inasahang makita siya doon, dahil sa pagkakaalam ko'y sa ibang eskwelahan siya mag-aaral. O siguro'y talagang maliit lang ang community namin noon kaya't kahit anung pag-iwas kong 'wag mapansin at manatiling invisible sa nakararami, lalo na sa pagkakataong iyon, ay malabong mangyari dahil ang kilala ng isa ay kilala ng lahat sa lugar namin.

"Siya po Ma'am principal, marunong po siyang kumanta". nakaduro parin sa'kin si Angela at parang proud na proud pa ang pagkakangiti't ng makita akong nakatingin sa kaniya'y pilyang kumindat pa.

"Totoo bang marunong kang kumanta hija?". nakangiti't halatang excited na tanong kaagad sa'kin ng aming principal, dahil sa hinaba-haba naman ng paghihintay ay sa wakas may naituro ng mag pe-perform. "Halika nga hija, magpakilala ka dito sa harapan".

"A-ahh..e-ehh.." nakayuko at halos pabulong na naisagot ko na lang habang parang nanlalambot na lumakad ako papunta sa harap ng stage. "O-opo. Y-yata".

"Sige na Hailey...pagbigyan mo na kami. Kumanta ka na". pag chi-cheer pa sa'kin noon ni Angela na todo ngiti at akala mo proud na nanay sa kaniyang anak na first time aakyat sa stage.

"Oo nga ate. Kantahan mo na kami para matapos na 'to". nakangiting segunda naman ng dalagitang katabi ko lang sa bleachers.

"Hailey...Hailey...Hailey..."

Rinig kong sigawan ng mga kapwa ko estudyante na ni hindi ko naman kilala ang karamihan, maliban kay Angela at sa mangilan-ngilang kakilala o kapitbahay, pero ang lahat ay nag chi-cheer ngayon para sa'kin na para bang isa akong aikat na singer na magtatanghal para sa kanila for the first time. Kaya't mas lalong umahon ang kaba sa dibdib ko pero binalewala ko na lamang, nasa isip-isip ko'y napasubo na 'ko't wala ng magagawa pa kun'di ang kumanta, kaya papanindigan ko na lang siguro't sana kayanin kong 'wag himatayin sa nerbiyos. Napabuntong-hininga ako't pumikit saglit.

Narinig kong magpalakpakan ang lahat ng nasa gym, kabilang na ang mga magiging guro namin pati na ang aming principal na nakangiting sinalubong ako't ibinigay ang hawak nitong mikropono sa'kin.

"Anong buong pangalan mo hija?". nakangiting tanong muli ni Madam Principal.

"H-hailey Bautista po". kabado't nahihiyang sagot ko naman.

"Anong kakantahin mo?". balik na tanong niya sa'kin na halatang excited sa akong gagawin.

"F-forever's not enough po".

Pagkasabi ko noon ay pumailanglang na sa gym ang tugtog ng kakantahin ko.

Napalunok akong muli at saglit na napalibot ang aking mga mata sa mga nanunuod sa'kin, hinihintay na ako'y magsimulang umawit. Muli akong napapikit sandali at sinubulang isipin na walang tao sa paligid ko, na para lang akong nasa bahay o kaya ay sa banyo, katulad ng turo sa'kin ng nanay at ng mga tiyahin ko sa tuwing pinipilit nila akong pakantahin at mag audition sa kung saan-saang mga barangay fiesta at mga contest sa tv.

Aminado akong no'ng una'y kabado ako dahil halata sa'king boses ang panginginig. Ngunit kinalaunan ay naging komportable na na ko't lumabas ang itinatago kong natural na boses.

Ngunit lingid pala sa kaalaman ko'y, sa isa sa mga bleachers sa bandang itaas ng gym ay may isang binatilyong lihim na nagsisimula na palang humanga sa'kin at nakangiting pinagmamasdan ako habang may isinusulat sa kaniyang sketchpad.

Ang binatilyong kinalaunan ay magiging malaking bahagi pala ng buhay ko't magiging dahilan kung bakit ko naisulat ang aming kwento.