webnovel

Chapter 28

"Nakapagpahinga ka ba ng maayos?" Bungad na tanong sa kaniya ng binata.

"Maayos ang pahinga ko, maliwanag na rin nang magising ako." tugon niya bago umupo sa kaharap na upuan nito. Nangalumababa siya sa maliit na mesa at nakangiting pinagmasdan ang binata.

"Bakit ka ganiyan makatingin? Pakiramdam ko tuloy nahuhulog ka na sa akin?" Usisa ng binata habang napapatawa sa iginagawi ng dalaga.

"Nagtataka lang ako sa'yo, bakit hindi ka umiinom ng dugo ng tao?" tanong ni Elysia.

"Hindi naman sa hindi ako umiinom, mapili lang talaga ako sa dugong iniinom ko. Isa akong maharlika, hindi ba dapat maging mapili ako sa kung ano ang dapat na iniinom ko?" paglilinaw ni Vladimir at napaisip naman si Elysia.

"Sabagay, tama ka nga naman. Malay mo naman 'yong taong kukunan mo ng dugo, pa'no kung may malubhang sakit pala?" natatawang wika ni Elysia at natawa na lang din si Vlad habang napapailing.

Mas naging magaan na ang kanilang pagsasama, kung dati ay naiilang pa si Elysia sa binata, ngayon ay nakakabiruan na niya ito. Nagagawa na rin niyang biruin o di kaya naman ay magpakita ng paglalambing o pag-aalala sa binata kapag may pagkakataon siya.

Mas naging open na rin siya sa kaniyang mga saloobin sa binata. Siguro nga ay matagal na rin ang kanilang pinagsamahan, at sa tagal na iyon, puro kabutihan lang ang pinapakita ng binata.

Sa pagdaan pa ng mga araw ay mas naging malapit pa sa isa't-isa si Vlad at Elysia. Bukod sa pagsasanay niya, madalas rin siyang kasama ni Vladimir sa trono nito sa tuwing gising ito sa umaga. Kapaga natutulog naman ang binata, madalas naman siyang kasama ni Loreen upang mag-aral.

Hindi man niya gaanong magamay ang mga ito, ay ms maigi na ring mayro'n siyang natututuhan. Malaking bagay rin ang kaalaman niya sa mahika dahil mas napapagana niya ng kalamado ang kaniyang isipan.

"Magaling Elysia, nagawa mo ring kontrolin ang apoy, mukhang sa natural na elemento ka nahahanay at hindi sa mga spells. Magandang senyales din ang pagkakaroon mo ng kaugnayan sa mga elemento, ibig sabihin mas malawak ang magiging abilidad mo kapag napag-ibayo mo ito." wika ni Loreen na halatang nagulat pa.

"Talaga, hindi ko alam na kaya ko pala ito. Posible pala para sa isang tao ang magkaroon ng abilidad na ganito?" takang tanong ni Elysia at maging si Loreen ay natahimik. Maging ito ay nagtataka dahil isan mortal na tao si Elysia at ang pagkakaroon ng kakayahang makakontrol ng mga natural na elemento ay imposible sa mga tao.

"Bakit Loreen, may nasabi ba ako?"

"Wala naman, nagulat lang din ako. Elysia, paano pala kung isang araw matuklasan mo na iba ka pala sa mga tao?" tanong ni Loreen at napakunot-noo si Elysia.

"Ano'ng ibig mong sabihin? Hindi ako tao, eh ano pala ako? Buong buhay ko tao ako, 'yon ang pagakakaalam ko, hindi naman siguro ako bampira, dahil hindi naman ako natatakam sa dugo. Lalong hindi rin ako isang lobo kasi hindi naman ako umaalulong sa gabi. Imposible rin na isa akong serena, ilang ulit na akong lumangoy sa lawa ng mga serena pero hindi naman ako tinutubuan ng buntot." Paliwanag ni Elysia habang iniisa-isa ang mga nilalang na alam niya at nakakasalamuha niya.

"Hayaan mo na muna iyon. Huwag mo munang pakaisipin. Ang mahalaga magagamit natin itong kakayahan mo. Hayaan mo't hahanapan kita ng isang pyromancer na magtuturo sa iyo. Hindi ko na gamay ang abilidad na ito. At isa pa, isa ang apoy sa pinakamahirap kontrolin." pag-iiba ni Loreen sa usapan. Tumango naman si Elysia bilang pagsang-ayon at doon na nila pinutol ang kanilang pagsasanay.

Napapatulala namansi Elysia habang naglalakad sa mahabang pasilyo ng palasyo ni Vlad. Pataungo siya sa mataas na tore upang doon magpalipas ng oras. Nasa kalagitnaan na siya nang makaramdam siya na may sumusunod sa kaniya. Paglingon niya ay wala naman siyang nakita kaya mas minabuti na niyang magpatuloy.

Mayamaya ulit ay naramdaman na naman niya ang mahihinang yabag na sumusunod sa kaniya. Akmang lilingon na sana siya ngunit isang matigas na bagay ang sumalubong sa ulo niya. Napaigik pa siya at nakaramdam ng matinding hilo dahil sa malakas na pagpokpok sa kaniyang ulo. Hawak-hawak niya ang nasaktang ulo nang muli siyan pukpokin nito sa batok na siyang nagpawala sa malay-tao niya.

Nang magising siya ay napaungol siya sa pagsidhi ng sakit sa kaniyang ulo at batok. Nakatali ang mga kamay niya, maging ang mga paa. Nakapiring din ang kaniyang mata at tanging kadiliman lamang ang kaniyang nakikita.

Sinubukan niyang igalaw ang kaniyang katawan at napagtanto niyang limitado lang ang galaw na kaniyang magagawa. Ibig sabihin, nasa maliit na espasyo lamang siya. Marahil ay isang kahon o isang banga na kakasya ang isang tao.

Sinubukan niyang sumigaw ngunit nakakapagtakang walang lumalabas na ingay sa kaniyang bunganga kahit wala namang pumipigil dito. Sa pagkakataong iyon ay nakaradam na siya ng kilabot. Paano ba siya napunta sa sitwasyong iyon?

Naglalakad lang naman siya papunta sa tore kung saan madalas siyang naglalagi. Tapos naramdaman niyang may sumusunod sa kaniya. Sa kaniyang pagninilay ay doon niya napagtantong may kalabang nakapasok sa palasyo ni Vladimir. Pero paano?

Muling gumapang ang kaba sa dibdib niya at nakaramdam rin siya ng pag-aalala para sa mga kasama niya, lalong-lalo na kay Vlad.

Nasa kalagitnaan siya ng pag-iisip nang makarinig siya ng pintuang nagbukas. At naulinigan niya rin na may nagsasalitang matandang babae.

"Konting dugo lang ang kukunin ko, hindi naman siya mamamatay, manghihina-oo," wika nito sabay tawa. Napakatinis ng boses nito habang tumatawa.

Matapos niyang marinig iyon ay narinig niya ang pagbukas ng kinaroroonan niya. Naramdaman niya ang paghaklit nito sa kaniyang braso dahilan para mapasigaw siya sa sakit kahit walang boses na lumalabas sa bibig niya. May kung ano itong tinusok sa kaniyang braso,at wala siyang nagawa kun'di ang tiisin iyon.

"Siguraduhin mo lang na hindi ako madadamay rito. Wala akong kinalaman dito." sabi ngisang boses na pamilyar na pamilyar sa kaniya. Kung hindi ito ang tiyahin niya ay sino pa ba?

Napaluha na lamang si Elysia dahil sa nalaman. Hanggang ngayon ay tila salot pa rin talaga ang tingin sa kaniya ng tiyahin niya. Hanggang ngayon ay wala pa rin itong hangad kun'di ang ipahamak siya. Ngunit, sino ang taong ito na kasabwat niya. At ano ang kailangan ng mga ito sa dugo niya?

"Hindi ka madadamay kung hindi ka mahuhuli ni Vladimir." tumatawang wika pa ng matandang babae. Pagkaraan ng ilang minuto ay tila lantang gulay nang nakalupaypay si Elysia sa kaniyang kinahihigaan. Nakabaluktot ang katawan niya dahil sa kakaibang lamig na kaniyang nararamdaman. Umiikot na rin ang mundo niya at pakiramdam niya ay gumagalaw maging ang kaniyang kinahihigaan.

"Napaakabango talaga ng dugo mo, Saktong-sakto itong pambayad utang para kay Haring Vincent. Hindi nasayang ang sakripsiyo ko." Tumatawang wika ng matanda at hindi pa ito nakontento, nilaslas pa niya ang pulsuhan ng dalaga. Sa pagkakataong ito ay napasigaw na siya at umalingawngaw sa buong silid na iyon ang boses niya.

Hindi niya alam kung ilang oras na siyang naroroon. Hindi niya alam kung alam na ba ni Vlad ang pagkawala niya o kung hinahanap na ba siya ng mga ito. Para siyang nauupos na kandila at sa pagdaan pa ng bawat minuto ay lalo siyang nanlalamig.

Samantala, hindi naman malaman ni Vladimir kung paano sila nasalisihan ng kanilang kalaban. Ilang oras nang nawawala si Elysia at hanggang ngayon ay hindi pa rin nila ito mahanap. Ang presensya at ang amoy ng dalaga sa palasyo ay parang bulang naglaho.

"Lahat kayo malalagot sa akin kapag hindi niyo nakita si Elysia. Ibalik niyo siya sa akin ng buhay!" galit na sigaw ni Vladimir.

Kanina lamang ay maayos pa niyang naamoy ang dalaga, nasa paligid lang ito ng palasyo, ngunit bandang tanghali nang bigla na lamang naglaho ito. Ginalugad na niya ang buong palasyo at maging ang paligid nito ngunit bigo siyang makita ang dalaga.

"Nasaan ang nanay niyo? Kapag nalaman kong may kinalaman ang nanay niyo sa pagkawala ni Elysia, hindi lang siya ang paparusahan ko. Maging kayo aaay babalatan ko ng buhay." paasik na wika ni Vlad sa nakaluhod na sina Alicia at Roman. May mga latay na rin ang mga ito, gawa ng latigo.

"Wala kaming alam, hindi rin namin alam kung nasaan si mama." Umiiyak na sagot ni Alicia.

"Ipanalangin niyong walang kinalaman si Elena rito, dahil hindi lang latigo ang aabutin niyo!" sigaw ni Vlad at mabilis na nilisan ang lugar. Sa kaniyang paglabas ay nanlaki ang mga mata niya nang bigla niyang maamoy ang dugo ni Elysia sa hangin. Tumahip ang kaba sa kaniyang dibdib nang mapagtanto niyang sugatan si Elysia dahil sa kapag ng amoy ng kaniyang dugo sa hangin.

Mabilis na nilisan ni Vladimir ang kinaroroonan, nagmistula siyang kidlat sa sobrang bilis. Pakiramdam niya ay nasa lalamunan niya ang kaniyang puso, dahil sa sobrang kaba na noon lamang niya naramdaman buong buhay niya.

Sa kaniyang pagsunod sa amoy ni Elysia ay natagpuan niya ang sarili sa harap ng isang malaking gusali na siyang imabakan ng mga bagay na hindi na masyadong nagagamit. Naningkit ang mga mata niya dahil sa lugar na iyon niya naaamoy si Elysia.

Wala na siyang inaksayang panahon at mabilis na niyang pinasok ito. Halos masira pa niya ang pintuan nitong gawa sa bakal at doon niya nakita si Elysia. Nakahandusay sa sahig, nakatali ang mga kamay at paa, nakapiring ang mga mata at namumutla na.