webnovel

AGNOS

Ako si Cateline. Isinilid ko sa aking agnos ang iniingatan kong litrato ng aking pinakamamahal na ina't aking ikalawang pamilya. Mga litrato na sumasalamin sa aking buhay. Ngunit, bakit ganoon? Napakalupit ng tadhana. Hindi ko maisip kung ano ang dahilan at sinapit ko ang mga bagay na ito. Kaparusahan ba ito? Kaparusahan sa anong kadahilanan? Tunghayan natin ang kuwento mula sa mga mata ni Cateline. Ang kuwento ng pamilya, pag-ibig, poot, inggit, paghihiganti, trahedya -ang kuwento sa loob ng agnos. (WATTY'S STORYSMITHS WINNER)

mjtpadilla · ย้อนยุค
Not enough ratings
18 Chs

LUPIG

Maagang nagising sina Mara't Ravan at agad na naghanda ng mga lulutuin. Ngunit naisipan nila na magpahinga na lamang ngayong araw kaya't sopas na lamang ang napagkasunduan nilang gawing almusal. 'Di mawala sa dalawa ang galak. Hinahalo ni Mara ang lutuin nang magambala sila dahil sa katok sa kanilang pinto.

TInakpan ni Mara ang sopas at sabay nilang sinalubong ang taong naghihintay. Tumambad sa kanila ang isang sundalo na pumarito sa kanilang bahay upang ipaalam na pinapatawag si Ravan ng pinuno ng bansa. Muli, sa lihim na silid sila mag-uusap upang gawing pulido ang planong paglikas. Kinutuban si Ravan. May masama siyang pakiramdam sa mangyayari, sa usapan man, o sa magiging kinabukasan ng mga mamamayan. Alam niya ngayong gabi isasagawa ang plano at alam rin niya, na wala silang napag-usapan ng pinuno na magkikita sila ngayong araw. Bilang paghahanda, nagdala siya ng baril, kutsilyo, flashlight, at isinuot niya rin ang agnos na binigay sa kanya ni Mara.

"Mag-iingat ka mahal ko." niyakap ni Mara si Ravan bago ito lumisan.

"Kayo rin." paalam ni Ravan, "Alagaan mo ang ating mga anak. Mahal ko kayo." Niyakap rin ni Ravan si Mara at hinalikan sa noo. Hinalikan niya ang agnos. Tinitigan niya sa mga mata nang sandali si Mara bago siya tuluyang umalis.

Pinili niyang maglakad upang makapag-isip-isip ng maaring mangyari. Mas lalo siyang nagtaka nang makarating na siya sa Bahay Pamahalaan. Bukas ang silid ukol sa pinuno at kakaunti lang ang mga opisyal na nakabantay sa gusali. Itinindig niya ang sarili't napalunok. Iniusog niya pakanan ang salansanan ng aklat, na muli niya ring ibinalik pagkatapos makapasok. Dahan-dahan upang walang 'di kanais-nais na ingay ang mabuo. Inilawan niya ang kaniyang flashlight at tahimik na bumaba patungo sa lihim na silid.

Pinatay na niya ang flashlight nang makita na ang bumbilya sa silid. Hindi agad nagrehistro sa dilim ang kaniyang mga mata, tanging ang paggalaw pabalik-balik ng nakalambiting ilaw ang kaniyang nakita. Unti-unti niyang naaninagan ang isang lalaking patalikod na nakaupo mula sa kaniyang direksiyon. Dahan-dahan itong humarap at tumayo. Pinanatili nito ang ilaw. Tumambad kay Ravan ang mukha ng heneral na may napakahabang sugat at ang kaliwang mata nitong natatapalan. Pansin rin sa likod, ang nag-aagaw buhay na pinuno ng bansa katabi ng isang nagbabantay na sundalo. Nakayukod, nakasabit ang mga kamay nito sa gapos na nakakabit sa pader, mga damit nitong sira-sira na animo'y hiniwa ng kutsilyo, at balat nitong panay latay ang inabot — animo'y ipinako sa krus.

"A-anong ginawa mo." laking gulat ni Ravan. "Anong ginawa mo?!"

Tugon ng heneral, "Huminahon ka lang at maupo." Inayos ng heneral ang upuan sa ilalim ng nakasabit na ilaw, at siya naman ay naupo sa harap nito. "Mag-uusap pa tayo."

"Alam kong napakaganid, sakim, at napakataas na ng tingin mo sa sarili." namumula ang mga mata ni Ravan sa tindi ng galit at pagkadismaya sa heneral. "'Di ko akalain na isa ka na ring taksil. 'Napakalayo mo na sa kilala kong kaibigan."

"Huling pagkakatanda ko ay … itinakwil na kita noong inagaw mo sa akin si Mara." mahinahong tugon ni Magath. Hinawi niya ang kaniyang buhok at nag-de kuwatro. "Huli ko ring pagkakatanda ay hindi mo tinupad ang iyong pangakong gawing ligtas ang aking pamilya nang ipinadala ako sa ibang isla noong unang digmaan." Unti-unting mas nagiging mabagsik at matalas ang mga salitang lumalabas sa bibig ni Magath, "Hanga pa naman ako sa kakayahan mo." "Pinagkatiwala ko sila sa'yo! Tignan mo ang iyong sarili, Kumandante ka pa rin! Isa kang hangal!" ngasngas ng heneral.

Tumamlay si Ravan at nanlumo. Mapanglaw at nagmamakaawa niyang tugon, "Maniwala ka. Ginawa ko ang lahat ngunit hindi kinaya ng aking kumokonti at nanghihinang pangkat ang dagsa ng mga kalaban." Yumuko siya, "Tanging ang liham at kuwintas lamang ng iyong ina na aking iniwan sa iyong silid ang nagawa kong iligtas. 'Di ko kayang humarap sa iyo noon, patawad."

"'Wag ka mag-alala, nakaraan na 'yan." ngumisi si Magath habang madiin na hawak ang piraso ng kuwintas ng kaniyang ina. "Nakabawi na naman ako noong …" abot-tainga siyang ngumiti at nanlaki ang mga mata, "pinatakas ko ang kriminal ngunit ako ang nagtungo sa pinagtataguan ni Helen." Malakas itong humalakhak. Bumilis ang galaw at pag-ikot ng mga mata ni Magath, "Hindi ko akalain na makakaya ko 'yon. Ngunit nasisikmura ko na ang pagkitil matapos no'n."

Biglang nanlisik ang mga mata ni Ravan at mahigpit na dumiin ang kaniyang mga kamao. Sinugod at sinuntok niya ang heneral kaya't napataob ito mula sa kinauupuang bangko. "Isa kang taksil!" sigaw ni Ravan. Agad namang tinutukan ng baril si Ravan ng sundalong nasa tabi ng pinuno.

Ngunit humalakhak lang si Magath habang nasa sahig, "Sino kaya ang taksil. Mahal mo pa pala si Helen ngunit kinakasama mo si Mara?" Lumingon si Magath kay Ravan at nagsisigaw habang ang laway ay nagtitilamsik, "Katawa-tawa!"

"Ganiyan ba kalaki ang galit at poot mo sa akin?!" nanlulumong sigaw ni Ravan.

Tumayo si Magath at pinunasan ang nagdurugo niyang labi. "Hindi pa 'yon." Mapang-uyam na nagpatuloy pa sa pagkukuwento si Magath. "Hangal at inutil rin naman ang mga mamamayan, maging itong tuta namin." Tumuro ang heneral sa pinuno.

"Tuta? Namin?" pagtatakang sambit ni Ravan. "Ano pa ang iyong tinatago?!" bulalas pa niya.

"Tanda mo, noong mahulog ka sa Lanaw," nagpatuloy sa pagsasalaysay si Magath, "nang halos malipol ang ating hanay noong muling nagbalik ang mananakop sa silangang dalampasigan ng isla? At pagkatapos nama'y may bumaril sa iyong likuran?" Muling humalakhak na parang baliw si Magath, "Ako iyon! May sa masamang-damo ka rin." "Sa katunayan ako pa nga ang naghudyat sa kanila na lumusob!" malakas at mangiyak-ngiyak na naghahagikhik si Magath. Nakahawak pa ito sa kaniyang tiyan, tuwang-tuwa sa biro na kaniyang nilikha. "Alam mong hangal ang mga mamayan kasi ang kuwento nila tungkol sa akin, 'presensiya' ko lang ang nagpaalis sa mga mananakop. Napakatatanga!" bumuka nang pagkalawak ang kaniyang bibig. Lumapit siya sa pinuno't ipinatong ang kamay sa balikat nito, "Ipinresinta ko ang bihag at inialay namin sa kalaban ang aming sarili, ang aming katapatan." "Ako rin ang nagmungkahi ng kasunduan sa pagitan ng dalawang bansa sa harap pa mismo ng kanilang presidente noong araw na iyon. Upang hindi mahalata, pinanatili namin ang pamahalaan ng bansang ito." Sinikmuraan ni Magath ang pinuno na nagdulot upang muli itong mapasuka ng dugo. "Tampalasan!"

Nakatiim ang mga ngipin at nagngingitngit sa galit si Ravan.

"Akala siguro nitong tuta ay makakawala siya sa aking mga mata." patuloy pa ni Magath. "At dahil marami ka nang nalalaman, panahon na upang ika'y magpaalam." Lumingon kay Rava ang heneral at mabilis na nakabunot ng baril, ngunit mas mabilis na nakapagpaputok si Ravan.

Tinamaan ni Ravan malapit sa kanang pulsuhan si Magath kaya't nabitawan ng heneral ang kaniyang baril. Inasinta rin ni Ravan ang dibdib nito ngunit mabilis na isinalag ng heneral ang kasama niyang sundalo upang ito na lamang ang mapuruhan. Agad namang nagtungo at tumalon si Ravan sa lihim na lagusan. Pumunit ng tela at agad na inipit ni Magath ang nagdurugong kamay. Sinubukan pang sumunod ni Magath ngunit hindi na siya tumuloy gawa ng ragasa ng tubig na pagbabagsakan.

"Ilog?" Naglabas ng talkie ang heneral, "Mga sundalo sa tuktok ng gusali, pumuwesto't asintahin si Ravan kada aahon ito sa tubig." "Tuso ka rin talaga Ravan," nagngangalit na bulong ni Magath bago niya paputukan ng baril ang pinuno sa noo. "Simulan na."

Dahil hindi naging handa at kalkulado ang pagsuong ni Ravan, hirap na hirap niyang nilalabanan ang pagragasa ng tubig. Napakarami nang kaniyang tinatamong galos at sugat sa pagkiskis sa mga bato at sa pampang ng ilog. May mga pagkakataong nakakaahon siya sa tubig upang makapaghabol ng hininga, ngunit ito rin ang mga pagkakataon kung saan may naririnig siyang mga putok ng baril na sa kaniya'y umaasinta. Sa ikatlong pag-ahon upang kumuha ng hininga, tinamaan siya ng bala sa kaniyang dibdib. Napalubog ang kaniyang katawan sa tubig, umahon, at tila kalat na itinangay ng agos ng ilog.