webnovel

"Bata pa ako. Marami pa akong gustong maabot sa buhay. "

Ito ang mga katagang madalas kong sambitin sa aking sarili at sa mga taong nakakausap ko sa tuwing tatanungin nila ako kung ano ang plano ko dahil umeedad na daw ako..

Well, naiintindihan ko naman sila dahil concern lang sila sa akin.

Ako ay isang private employee sa isang trustbank company at mula Lunes hanggang Biyernes lang ang aking trabaho sa isang linggo. 15 taon na ako sa trabaho kong ito at nakakuha na din ng ilang promotions mula nang pumasok ako dito. Mahal ko ang trabaho ko at aking ginagawa araw araw. Madalas nakaka-stress din ang trabaho sa dami ng office works at deadlines pero kinakaya naman sa awa ng Diyos.

Sa kabila nang pagiging abala ko sa aking trabaho ay madalas kong nakakalimutan na bigyang atensyon ang aking sariling kaligayahan. Mahirapang aminin ay madalas akong tulala sa tuwing mag isa na lang ako lalo na kapag nasa loob na ako ng aking silid at mag isang nagmumuni muni sa mga bagay bagay at sa darating na panahon. Marami akong katanungan sa Kanya at pilit na naghahanap ng kasagutan sa mga tanong na pumapasok sa aking isipan. Sa totoo lang, may plano naman talaga akong bumuo ng sarili kong pamilya. Marahil ay sadyang medyo metikuloso lang ako at masyadong mataas ang standard ko kahit alam kong hindi din naman ako ganun kaperpekto.

Nakakatawa lang minsan sa aking pag iisa, marami akong naiisip na mga bagay na hindi ko naman dapat pinoproblema dahil hindi lang naman ako ang nag iisang tao sa mundo na hindi pa lumalagay sa tahimik ika nga, sa edad kong ito, alam ko na bata pa ako at may plano ang Diyos sa akin. Sa mabilis na takbo ng panahon ngayon, siguro marami sa atin ang nag iisip ng kanilang magiging kinabukasan sa kani kanilang mga kinuha at piniling tahakin sa buhay. Oo, marami akong frustrations sa buhay, marami talaga at sinisikap kong bigyang katuparan ang ilan sa mga ito. Mahirap man minsan, kinakaya para sa pamilya. Ang mga frustrations na ito ang ginagawa kong inspirasyon upang tahakin ko ang landas na alam kong makapagbibigay sa akin ng mga kasagutang matagal ko nang gustong masagot sa aking buhay. Malalim ang aking pag iisip sa mga mangyayari sa mga susunod na araw, buwan at taon na darating. Hindi ko alam pero parang may mga bagay akong kinatatakutan sa hinaharap. Maaring takot akong mag isa, takot akong mawala ang aking pamilya, takot ako sa maaring mangyari kung sakaling tumanda ako na ako lang at walang katuwang sa buhay. Hindi naman siguro masama na bilang "single", ay tumulong ka sa mga magulang mo at sikaping tugunan ang kanilang mga pangangailangan bilang pagbabalik sa paghihirap na ginawa nila habang lumalaki tayo. Ito ang isang bagay na pinanghahawakan ko upang mas mabigyan ko ng pansin ang aking pagsusumikap sa buhay.

Tuwing araw na wala akong pasok, madalas ay nakaupo lang ako sa aming terrace sa kabilugan ng buwan at pinagmamasdan ang kinang nito pati ng mga bituin sa langit. Masyado akong humahanga sa ganda ng nilikha ng Diyos. Ito din ang nagbibigay sa aking puso ng sigla sa tuwing masisilayan ko ang ganda nito. It kept on reminding me na kinabukasan ay panibagong araw na naman ang masisilayan ko at panibagong araw ang nadagdag sa aking edad, lilipas ang mga araw at gabi na ganito na lang palagi ang routine ko sa araw araw. Magmula kasi nang magpandemya ay hindi na din ako halos nakakalabas ng aming bayan maliban sa pagpasok ko sa trabaho.

Araw araw ko ding binubuno ang mga katanungan sa aking isip kung ano ba talaga ang plano ko sa buhay ko? Sapat na bang may matatag akong trabaho? Sapat na bang may mga investments ako? Sapat na bang may mga ipon ako? Sapat na bang nakakatulong ako sa pamilya ko? O ang katanungan bang dpat kong sagutin ay , kung "Ano ba ang plano ng Diyos para sa akin?" Marahil ay tanging Diyos lang ang nakakalam nito.

Palagi ko itong dala dala sa aking puso at isip sa araw araw, laging may katanungang hinding hindi ko masagot. Kailngan ko bang matakot? Ito ba ay dahil sa pag uudyok din lang ng mga kaibigan ko?

Mahirap ba talaga ang tumandang mag isa???

Ano ba ang iba pang mga paghahanda ang kailngan kong gawin? Mas gusto kong maging panatag ang aking puso't isipan sa mga alalahaning ito na alam kong hindi nakakatulong upang mas makapagplano ako sa aking buhay.

Sadyang may mga bagay na hindi natin kontrolado sa ating buhay. Naniniwala pa din ako na anuman ang pinaplano ng tao, ay mas paniwalaan natin ang plano ng Diyos para sa atin..

Hanggang sa susunod na kwento mga kapatid..

Maraming Salamat sa inyo..