webnovel

I

"---bini? Binibini?"

Binuksan niya ang kaniyang mga mata upang pumikit lang ulit. Maliwanag...

Ang sakit sa mata ng liwanag.

"Binibini, kumusta po ang inyong pakiramdam?"

"Ugh..." pag-ungol niya.

"Binibini?" May pag-alala sa tinig na iyon.

Dahan-dahan siyang bumangon at dumilat muli. May pagkirot sa kaniyang ulo na hindi niya maintindihan.

Sinulyapan niya ang paligid habang ang isang kamay ay nakahawak sa kaniyang ulo. Mukhang nasa loob siya ng isang... kuwarto?

Kumunot ng bahagya ang kaniyang noo habang unti-unting iniisip kung ano ang nangyari sa kaniya at kung nasa...an...

Tila ay tumigil ang oras hanggang sa dahan-dahang bumilog ang kaniyang mga mata at napabalikwas siya nang maalala na naaksidente ang sinasakyan niyang bus.

𝘖𝘴𝘱𝘪𝘵𝘢𝘭?!

Nasa ospital ba siya?

Agad niyang tinanggal ang makapal na kumot na nakapatong sa kaniya at-----

𝘈𝘯𝘰 '𝘵𝘰?

"Binibini?! Sandali lamang po at ikukuha ko po kayo ng tubig at gamot."

Nagulat siya sa tinig na narinig. Nilingon niya kung saan galing iyon ngunit madaling lumabas ng kwarto ang babae na sa paningin niya ay kakaiba ang kasuotan.

Hindi.

Hindi kakaiba.. pero---

Kumirot ang kaniyang ulo na pumukaw sa kaniyang atensyon at nakalimutan niya ang babae at ang kasuotan nito. Ilang minuto rin ang lumipas hanggang sa humupa ang pagkirot at nang lumipas ito ay inilibot niya ang tingin sa kaniyang kinaroroonan sa pangalawang pagkakataon.

Malawak, mataas ang kisame, ang mga dingding ay may nakaukit na mga disenyo, ang mga bintana ay malalaki at may makakapal na kurtina, at maging ang sahig ay may nakalatag na... carpet? Marangya ang silid na ito sa kabila ng tila makaluma nitong disensyo.

Bahagyang kumunot ang kaniyang noo. 𝘖𝘴𝘱𝘪𝘵𝘢𝘭 𝘣𝘢 𝘵𝘢𝘭𝘢𝘨𝘢 𝘪𝘵𝘰?

Masyadong magara ang kwartong ito para sa kaniya. Paubos na ang kaniyang ipon at magsisimula pa lamang siya sa trabaho. Ano ang ipapambayad niya dito?

Patuloy na lumibot ang kaniyang tingin. May tatlong pinto ang kwarto na ito. Una na ang nilabasan ng babae kanina na sigurado siya ay ang daan palabas. Ikalawa ay ang pinto na kahilera ng kamang inuupuan niya na marahil ay ang papunta sa banyo, at ang ikatlo ay ang nasa may kanan niya na sa palagay niya ay papunta sa balkon.

Pumikit siya at bahagyang napayuko nang makaramdam ng hilo. Ilang minuto rin siyang nanatili sa ganoong posisyon hanggang sa iyon ay nawala. At sa pagdilat niya, hindi niya maiwasan ang pagkunot na naman ng kaniyang noo nang mapansin na ang may pagkakulot niyang buhok ay mahaba na at ang damit na kaniyang suot ay hindi isang hospital gown kundi ay isang pantulog na gawa sa sutla at may mahahabang manggas.

Gaano ba siya katagal nakatulog na ang buhok niya ngayon ay umabot na hanggang sa kaniyang baywang at tila ay wala siyang kahit anong galos o peklat? Ni ang kulay ng balat niya ngayon ay maputla na. Malayong-malayo sa dapat ay moreno niyang balat.

Ayaw man niyang aminin, namumuo na ang kutob niya na may hindi tama sa nangyayari. At ang tangi niyang naisip ay ang posibilidad na nakita na siya ng mga dating kasamahan dahil sa aksidente at maaaring matagal na siyang itinatago at ikinulong.

Maaari rin na may kakaibang gamot na itinuturok o ipinapainom sa kaniya kung kaya ay iba na ang itsura ng kaniyang balat. Tila may karamdaman siya kung pagbabasehan ang itsura ng kaniyang katawan. Napakapayat at napakaputla.

Naalala niya ang kakaibang sakit sa kaniyang ulo nang magising. Marahil iyon ang side effect.

Sa isang iglap, agad siyang tumayo dahil kung ganoon nga ang mga nangyari, kailangan na niyang makaalis dito. Ngunit sa biglaan niyang pagtayo, hindi niya inaasahan ang pagkirot ng kaniyang kaliwang paa na halos mapasigaw siya. Mabuti na lamang at mayroon silang mga pagsasanay noon kung saan hinasa sila na tiisin ang iba't-ibang klase ng paghihirap kung sakaling mabihag sila ng mga kalaban kung kaya ay hindi lumabas ang sigaw sa kaniyang bibig.

Maingat ngunit mabilis siyang naglakad papunta sa pinto sa may kanan niya. Mas maliit kasi ang tyansang may makakita sa kaniya doon at maaaring makatakas siya sa balkon. Sana nga lang ay hindi nakakandado ang pinto at wala sa mataas na palapag ang kwartong ito.

Ngunit unti-unting bumagal ang paglalakad niya habang papalapit sa pinto. Alam niya ang lahat ng hideout sa samahan at sigurado siyang hindi isa ang lugar na ito sa mga iyon.

Umiling siya sa isiping iyon. Halos tatlong taon rin siyang nawala. Madali para sa mga taong iyon ang makahanap ng bagong hideout...

At siguradong kung ang mga iyon nga ang nasa likod ng pangyayaring ito sa kaniya, hindi magiging madali ang pagtakas niya.

Inikot niyang muli ang paningin at sinuri ang mga sulok kung may nakatagong camera. Alam niyang huli na siya para maisip iyon ngunit umaasa pa rin siya na hindi na nag-aksaya ng oras ang mga tao sa samahan na bantayan pa siya.

Pero sino ba ang niloloko niya? Imposibleng hindi siya binabantayan ng mga iyon dahil sa matagal at malalim niyang koneksyon sa mga ito.

At malaki ang posibilidad na ang Mama niya ang tunay na dahilan kung bakit siya nandito ngayon. Hindi niya nga lang alam kung ano ang gusto nito sa kaniya dahil kahit kailan ay hindi naman ito nagpakita ng interes sa kaniya. Hindi siya nito tinuring na anak kung hindi ay isang pag-aari...

At marahil ay isang sandata o kaya ay proteksyon na magagamit nito sa boss.

Kumuyom ang kaniyang mga kamay. At ngayon, dahil naaksidente at mahaba siyang nakatulog, marahil ay ginawa na lamang siyang guinea pig nito para sa mga bagong ilegal na drogang ginagawa ng mga ito. Katulad nalang sa mga taong kini-kidnap ng samahan.

Nilibot niya ang tingin sa buong kwarto upang maghanap ng maaari niyang magamit na pangdepensa. Hindi siya sigurado kung ano'ng mangyayari sa kaniya kapag nalaman ng Mama niya na nagising na siya ngunit ang alam niya lang ay malaki ang posibilidad na papatayin lang din naman siya nito sa huli. Dahil wala pang nakaaalis sa samahan ng buhay.

At kung nalaman na nito ang kaniyang tunay na pagkatao...

Dumapo ang tingin niya sa isang sulok ng silid at halos mapako siya sa kinatatayuan nang may babaeng nakatingin sa kaniya na tila ay nagulat rin sa presensya niya. Ang sunod niyang napansin ay ang pagkahaba-haba nitong buhok na katulad ng sa kaniya at ang suot nitong pantulog na malaki rin ang pagkakapareho sa suot niya.

Hindi niya maiwasang ibaba ang kaniyang tingin sa suot dahil hindi lang malaki ang pagkakapareho nito sa babae. Eksaktong-eksakto ito mula sa kulay nito na rosas, sa laso sa may parteng dibdib, pati ang haba ng mismong damit at mga manggas.

𝘏𝘪𝘯𝘥𝘪 𝘬𝘢𝘺𝘢 𝘢𝘺 𝘯𝘢𝘴𝘢 𝘰𝘴𝘱𝘪𝘵𝘢𝘭 𝘯𝘨𝘢 𝘢𝘬𝘰 𝘢𝘵 𝘨𝘢𝘯𝘪𝘵𝘰 𝘭𝘢𝘯𝘨 𝘵𝘢𝘭𝘢𝘨𝘢 𝘢𝘯𝘨 𝘪𝘵𝘴𝘶𝘳𝘢 𝘯𝘨 𝘩𝘰𝘴𝘱𝘪𝘵𝘢𝘭 𝘨𝘰𝘸𝘯 𝘥𝘪𝘵𝘰?

"Sino ka?" hindi niya mapigilang itanong ngunit hindi niya rin mapigilang mapaatras nang bumuka rin ang bibig ng babae sa harap, kasabay na kasabay sa pagsasalita niya at kaparehong-kapareho sa sinabi niya.

At ang tinig na narinig niya, bagama't alam niyang siya ang nagsalita, ay ibang-iba. Malayong-malayo sa boses niya.

Ibang kilabot ang gumapang sa buo niyang katawan nang mapagtantong isang malaking salamin ang nasa harap niya. Hinawakan niya ang kaniyang pisngi at ganoon din ang ginawa ng babae sa salamin. Unti-unting bumilog at lumaki ang mga mata niya at ganoong-ganoon rin ang reaksyon nito.

Umatras siyang muli at pumikit habang ang mga kamay niya ay sumambunot sa kaniyang buhok. Ni hindi na niya maramdaman ang kirot sa kaniyang kaliwang paa.

Ang kaniyang repleksyon ay hindi siya. Ibang mukha ang nakikita niya.

𝘏𝘪𝘯𝘥𝘪... 𝘈𝘯𝘰'𝘯𝘨 𝘯𝘢𝘯𝘨𝘺𝘢𝘺𝘢𝘳𝘪?

Pilit niyang kinalma ang sarili. Alam niyang sa mga ganitong pagkakataon, hindi dapat manaig ang kaniyang takot at kaba dahil kapag nagpadala siya sa kaniyang mga emosyon, mas malaki ang posibilidad na mapahamak siya. Isa iyon sa mga natutunan niya. Isang bagay na itinatak niya sa kaniyang puso at isip.

Huminga siya ng malalim nang ilang ulit. Maaaring pinaglalaruan lang siya ng kaniyang mga mata dahil sa aksidenteng nangyari sa kaniya.

Makalipas ng ilang paghinga, ibinalik niyang muli ang tingin sa salamin na nasa harap, umaasang tama ang hinala niya at panandaliang nag-ilusyon lamang siya.

Ngunit nang makita niya ang repleksyon, ibang mukha, ibang pangangatawan, ibang itsura pa rin ang ipinapakita nito.

Umiling-iling siya, hindi makapaniwala sa nangyayari. Alam niya na may mali talaga noong una pa lamang niyang nakita ang kwartong ito. Ngunit hindi niya inakala na ganito...

Lumipas ang mga segundo na nakatitig lamang siya sa salamin, sa bilog na bilog na mga mata ng babae... sa mukha nitong puno ng takot.

At sa unang pagkakataon sa kaniyang buhay, sumigaw siya na parang nakakita siya ng isang multo.

Sumigaw siya nang sumigaw hanggang sa ang kamalayan niya ay nawala.

Next chapter