webnovel

II

"AH!" Napabalikwas siya nang may naramdaman siyang kamay sa kaniyang braso.

"Paumanhin po, Binibini! H-Hindi ko po sinasadyang magulat kayo. Patawarin niyo po ang taga-silbing ito."

Gulat na nilingon niya ang pinanggalingan ng natatarantang tinig na iyon. At sa kaliwa niya ay may isang babaeng nakatapis lamang at nakayuko na ang noo ay nakadikit sa sahig.

𝘚𝘪𝘯𝘰 𝘢𝘯𝘨 𝘵𝘢𝘰𝘯𝘨 𝘪𝘵𝘰 𝘢𝘵 𝘣𝘢𝘬𝘪𝘵---

Natigilan siya kasabay ng paglaki ng kaniyang mga mata. Naaksidente ang sinasakyan niyang bus, ang paggising niya sa kahina-hinalang silid na ito...

At ang mukhang nakita niya sa salamin.

Tinakpan niya ang bibig upang pigilan ang sigaw na nais kumawala sa kaniya at pilit kinalma ang kaniyang sarili.

Wala siyang ideya sa mga nangyayari. Hindi niya rin tiyak kung gising na ba siya o nananaginip lamang o kung nababaliw na ba siya. Ngunit alam niyang walang mangyayari kung uunahin niya ang nadarama.

Nilingon niya ang babaeng hindi pa rin kumikilos at nakapako sa pagkakayuko nito.

"N-Na---" Tumikhim siya. Garalgal ang tinig niya at iba talaga ang tunog na parang hindi siya ang nagsalita. Nagsimula ring manginig ang kaniyang mga kamay na hindi niya lubusang matanggap at mapaniwalaan. Sapagkat sa dami ng laban na pinagdaanan niya, ngayon lang siya nakaramdam ng matinding takot at kaba.

Pumikit siya at huminga ng malalim upang isantabi ang kilabot na nadarama. At nang may kumpyansa na siyang hindi lalabas sa tinig ang mga emosyong iyon ay nagpatuloy siya. "Nasaan ako?"

Gulat na itinaas ng babae ang mukha nito at nang makita niya ito ay isang pangalan ang pumasok sa kaniyang isip: 𝘔𝘪𝘯𝘥𝘺.

Hinawakan niya ang kaniyang ulo kasabay ng pagkirot nito. "Ah!"

"Binibini?! Binibini, ayos lang po ba kayo?"

"Huwag kang lalapit!" pagbanta niya kahit hindi siya sigurado kung tumayo ba ang babaeng nagngangalang Mindy o hindi.

Katahimikan ang sumunod ngunit taliwas doon ay ang pag-ugong ng kaniyang ulo sa sobrang sakit.

Hindi niya rin lubusang maunawaan kung bakit pamilyar sa kaniya ang babae at ang mga tanong sa kaniyang isipan ay nagsunud-sunod.

𝘈𝘯𝘰'𝘯𝘨 𝘯𝘢𝘯𝘨𝘺𝘢𝘳𝘪 𝘱𝘢𝘨𝘬𝘢𝘵𝘢𝘱𝘰𝘴 𝘯𝘨 𝘢𝘬𝘴𝘪𝘥𝘦𝘯𝘵𝘦? 𝘈𝘯𝘰'𝘯𝘨 𝘭𝘶𝘨𝘢𝘳 𝘪𝘵𝘰? 𝘗𝘢𝘢𝘯𝘰 𝘢𝘬𝘰 𝘯𝘢𝘱𝘶𝘯𝘵𝘢 𝘥𝘪𝘵𝘰? 𝘉𝘢𝘬𝘪𝘵 𝘢𝘬𝘰 𝘯𝘢𝘯𝘥𝘪𝘵𝘰? 𝘉𝘢𝘬𝘪𝘵 𝘬𝘪𝘭𝘢𝘭𝘢 𝘬𝘰 𝘢𝘯𝘨 𝘣𝘢𝘣𝘢𝘦𝘯𝘨 𝘪𝘵𝘰? 𝘉𝘢𝘬𝘪𝘵 𝘪𝘣𝘢 𝘯𝘢 𝘢𝘯𝘨 𝘣𝘰𝘴𝘦𝘴 𝘬𝘰? 𝘉𝘢𝘬𝘪𝘵 𝘪𝘣𝘢 𝘢𝘯𝘨 𝘮𝘶𝘬𝘩𝘢𝘯𝘨 𝘯𝘢𝘬𝘪𝘵𝘢 𝘬𝘰?!

𝘈𝘯𝘰 𝘣𝘢 𝘵𝘢𝘭𝘢𝘨𝘢 𝘢𝘯𝘨 𝘯𝘢𝘯𝘨𝘺𝘢𝘺𝘢𝘳𝘪?! 𝘈𝘵 𝘯𝘢𝘴𝘢𝘢𝘯𝘨 𝘭𝘶𝘱𝘢𝘭𝘰𝘱 𝘣𝘢 𝘢𝘬𝘰 𝘯𝘨 𝘮𝘶𝘯𝘥𝘰?!

"B-Binibi---"

"Labas," mariin niyang sabi.

"Binibini?"

Hindi maikakaila ang pagtataka sa tinig ng babae ngunit wala siyang pakialam. Wala siyang panahong intindihin ang nararamdaman ng iba kung siya sa sarili niya ay gulung-gulo sa mga nangyayari.

Isa pa, sino ba ang tinatatawag nitong 'Binibini'? Hindi siya iyon dahil Maia ang pangalan niya!

"LABAS! LUMABAS KA AT IWANAN MO AKO!"

Suminghap ang babae at madaling tumakbo palabas ng silid. Nang marinig niyang sumara ang pinto ay tila doon niya rin tuluyang naramdaman ang kakaibang sakit sa kaniyang ulo.

Sinambunutan niya ang sarili at halos tumiklop ang buo niyang katawan dahil sa sakit. Tila ay pinupukpok, pinipipi, at dinudurog ang kaniyang ulo.

At makalipas lamang ng ilang segundo, na tila ba ay hindi pa sapat ang mga sakit na nararanasan niya, ay sinundan ito ng paninikip ng dibdib na halos maghabol siya sa paghinga.

Madiing kumapit ang kaniyang kanang kamay sa bahagi ng dibdib ng suot na pantulog habang ang kaniyang kaliwang kamay ay lumukot sa sapin ng kama. Sinubukan niyang tumayo, sa pag-asang lumuwag ang kaniyang paghinga ngunit hindi niya magawang kumilos nang maayos. Ang kaninang maayos na pag-upo niya ay naglaho. Halos humalik sa kama ang kaniyang mukha na dumagdag sa sikip ng pakiramdam sa kaniyang dibdib.

Ilang ulit niyang sinubukang tumayo ngunit tila ang mga binti niya ay nanghihina at ang tanging nagawa na lamang niya ay ang ipihit ang katawan upang huminga.

𝘖𝘩, 𝘎𝘰𝘥... 𝘔𝘢𝘮𝘢𝘮𝘢𝘵𝘢𝘺 𝘯𝘢 𝘣𝘢 𝘢𝘬𝘰?

𝘜𝘭𝘪𝘵?

Lumukot ang mukha ni Maia kasabay ng hindi mawaring pagbaluktot ng kaniyang katawan.

Masasabi niya na marami na siyang napagdaanang sakit. Halos malunod, nasugatan, nasakal, nabugbog, nabaril...

Lahat na 'ata ng maaaring pisikal na sakit ay natamasa na niya. Na halos akala niya ay manhid na siya. Ngunit ngayon, nalaman niyang mali siya. Maling-mali siya.

Sunud-sunod na pag-ubo ang lumabas sa kaniyang bibig at sa kabila ng tila pagtusok sa buo niyang katawan ng isang hindi makitang bagay, ay pinilit niya ang sarili na tumagilid upang siya ay makahinga.

𝘏𝘢𝘯𝘨𝘪𝘯... 𝘏𝘢𝘯𝘨𝘪𝘯... 𝘒𝘢𝘪𝘭𝘢𝘯𝘨𝘢𝘯 𝘬𝘰 𝘯𝘨 𝘩𝘢𝘯𝘨𝘪𝘯...

Umubo siyang muli at sa katunayan, hindi na siya magtataka kung sumuka na rin siya ng dugo---

Natigilan si Maia nang maalala na hindi ito ang unang pagkakataon na maaaring umubo siya ng dugo. Hindi kaya na ang nararamdaman niyang sakit ngayon ay ang sakit na dapat niyang naranasan sa aksidente?

"Aaaah!" hindi niya maiwasang masambit nang kumirot ng husto ang kaniyang dibdib.

Ngunit bakit? Bakit kailangan niyang maranasan pa ang sakit? Ito ba ang impyerno at ngayon ay pinagbabayaran na niya ang lahat ng pagkakasalang kaniyang nagawa?

Dahil kahit labag sa kalooban niya ang mga bagay na iyon, ginawa pa rin niya at nagkasala pa rin siya?

At ngayon... Ngayon ang araw na lahat ng sakit na dinulot niya sa ibang tao ay babalik sa kaniya?

Humigpit ang hawak niya sa suot na damit kasabay ng pamumuo ng kaniyang mga luha. Hindi dahil sa lungkot kundi dahil sa sobrang sakit. Pati ang buo niyang katawan ay halos magsimula nang maligo dahil sa malamig at malagkit niyang pawis.

Pinilit niya muli ang sarili na tumayo ngunit hindi niya talaga magawa. Tila ang buo niyang katawan ay naging isang malaking bato na mahirap buhatin at pagalawin. Unti-unting lumalabo ang kaniyang paningin at sa pagkakataong ito, hiniling niya na sana ay tuluyan na siyang mawalan ng malay.

Panandalian siyang pumikit at sa kaniyang pagdilat, dumapo ang kaniyang mga mata sa bintana. Sa kabila ng nanlalabo niyang paningin, kitang-kita pa rin niya ang bughaw na langit. Buhay na buhay ang kulay nito na tila nagpapahiwatig na payapa at masaya ang kapaligiran. Na ang sakit at paghihirap niya ay para lamang sa kaniya.

Umubo siyang muli nang sunud-sunod na may kaakibat na kirot sa dibdib na tila sa bawat pag-ubo ay may punyal na sumasaksak sa kaniya. At sa bawat pagsaksak ay nagsasabi kung gaano siya nag-iisa ngayon.

Alam naman niya ang katotohanan na iyon. Na ang buhay na mayroon siya ay walang kakwenta-kwenta. Na karapat-dapat siyang maghirap at mag-isa dahil sa mga bagay na nagawa niya.

Ngunit ano ba dapat ang ginawa niya noon?

Noon nang iniwan siya ng taong nagsilang sa kaniya sa ampunan?

Noon nang inampon siya ngunit agad ding pinadala sa bundok upang sanayin sa pakikipaglaban?

Noon nang pinaniwala siya na mabuti ang ipinaglalaban ng samahan?

Noon na nalaman niya na anak siya ng boss ng samahan?

Noon nang mas pinili niya ang buhay ng mga bata kaysa ang ipaglaban ang katotohanan?

Mali ba talaga na nagsunud-sunuran lang siya? Mali ba na pinili niya ang buhay ng ibang tao?

At mali rin ba na tumakas siya at nagsimula ng bagong buhay?

Ano ba ang naging pagkakamali niya? Saan ba talaga siya nagkamali?

Dahan-dahan siyang tumayo nang unti-unting humupa ang lahat ng pisikal na sakit na nadarama. 𝘈𝘯𝘰 𝘣𝘢 𝘥𝘢𝘱𝘢𝘵 𝘢𝘯𝘨 𝘨𝘪𝘯𝘢𝘸𝘢 𝘬𝘰 𝘯𝘰𝘰𝘯?

Tumulo ang luha sa kaliwang mata ni Maia. At kasabay ng pagbagsak niyon ay ang malakas na pagpintig ng kaniyang dibdib na tila huminto ang buong paligid.

At sa loob lamang ng isa't kalahating segundo, tila libo-libong mga kutsilyo ang sumaksak sa kaniya mula sa loob palabas at isang nakabibinging sigaw ang lumabas sa kaniyang bibig.

___________________________

Napakurap si Maia nang makarinig ng sunud-sunod na katok sa pinto. Wala siyang ideya sa kung gaano katagal siyang nakatulala at kung paano pa siyang nabubuhay matapos ang lahat ng kirot at sakit na naranasan.

Sa kulay kahel na nagbibigay liwanag sa paligid, walang duda na malapit na ang paglubog ng araw. Ngunit hindi niya tiyak kung parehong araw pa rin simula nang magising siya o lumipas na rin ang ilang araw.

Tatlong sunod na katok na naman ang umingay. Ngunit hindi pa rin niya magawang kumilos. Nakahiga lamang siya at nakatingin sa pintuan na patungo sa balkon.

Sa pagsayaw ng mga dahon ng punong kaniyang nakikita sa labas, natitiyak niyang marahang umiihip ang hangin. May naririnig rin siyang huni ng mga ibon.

Tahimik. Payapa. Katulad na lang ng tanawing nakita niya noong nakaupo siya sa bus.

Kung sa ibang pagkakataon, maiisip niya na ganito nga ang normal na buhay. Ngunit sa lahat ng nangyari, alam niyang walang normal.

Sa mundong ito, siya si Malika---mali. Mas mabuting sabihin na ang may-ari ng katawang mayroon siya ngayon ay nagngangalang, 'Malika'.

Ngumisi siya. 𝘒𝘢𝘭𝘰𝘬𝘰𝘩𝘢𝘯...

Ngayong iniisip niyang mabuti, mahirap paniwalaan. Hindi kaya ay nagsisimula na ang pagkabaliw niya?

Na nag-iilusyon lamang siya at ang lahat ng alaalang biglang pumasok sa kaniya kanina ay puro imahinasyon lamang? Na dahil sa mabilis siyang makaalala ng mga bagay-bagay ay naghalo-halo lamang ang mga alaalang iyon at nakabuo ng isang kuwento sa isip niya?

Ngunit hindi niya maipaliwanag ang kaniyang nadarama. Dahil pakiramdam niya, ang lahat ng alaala at karanasan ni Malika ay sa kaniya rin. Na siya ang nakaranas ng lahat ng iyon. Na para lamang siyang nakalimot ngunit makalipas ang mga sakit ay nagbalik ang mga alaalang panandaliang nawala.

Ngunit alam niya sa sarili niya na siya rin si Maia...

Ang lahat ng nangyari sa kaniya, mula sa pagiging rebelde hanggang sa aksidenteng nagdala sa kaniya sa lugar na ito ay malinaw pa rin sa kaniya.

Nakakalito at nakababahala. Dahil sa katawang ito ay parang may dalawang tao...

Hindi.

Pakiramdam niya ay alaala na lamang ang naiwan sa katawang kumukulong sa kaniya.

"B-Binibini? O-oras na po p-para k-kumain. K-Kailangan niyo pong kumain upang bumalik po ang inyong lakas."

Pagkain... Oo nga. Simula nang nagising siya ay hindi pa siya kumain. Ngunit sa totoo lang ay wala siyang ganang kumain. Ni hindi nga siya makaramdam ng gutom.

Kung sabagay, sino'ng tao ang makakakain sa sitwasyong katulad ng sa kaniya ngayon?

"Binibini?" kabadong tawag ng babae sa labas.

Dahan-dahan siyang kumilos at umupo. Sa lahat ng nangyayari, ang pagkain ay huli sa mga iniintindi niya. "Pa---"

Hinawakan niya ang kaniyang lalamunan. Ngayon niya lamang tuluyang napansin na kumikirot ito dahil sa mga sigaw niya kanina. Tumikhim siya bago nagsalitang muli. "Pabayaan mo muna ako. Ayokong kumain."

"N-Ngunit Bini---"

"A.YO.KONG. KU.MA.IN," pagdiin niya sa kabila ng kirot sa lalamunan. "Hindi ko na uulitin, Mindy."

Nagulat siya sa pagbuhos ng kaniyang emosyon at sa pagbanggit niya sa pangalan ng babae na parang normal lang na sabihin iyon.

"P-Patawarin niyo po ako, Binibini. Masusunod po."

At sa mabilis na tugon nito, lalo lang niyang napatunayan na maaaring hindi talaga siya nananaginip o nasisiraan ng bait.

"Ugh!" Pabagsak siyang humiga muli sa kama na agad niyang pinagsisisihan dahil kumikirot rin ang buo niyang katawan.

Maingat siyang tumagilid at tinitigan muli ang balkon. Ang kulay kahel na liwanag ay tila dahan-dahang hinigop ng kadiliman hanggang sa wala na siyang maaninag na kahit ano sa labas. At kasabay rin niyon ay ang tila pagsuko ng katawang mayroon siya dahil sa pagod.

Next chapter