Abala ako sa paghihiwa ng mga rekado para sa iluluto kong pansit nang tumunog ang cellphone ko. Kaya ibinilin ko muna sa assistant ko ang pagtuloy sa ginagawa ko bago dinukot ang phone ko sa bulsa ng suot kong jeans habang naglalakad palabas ng kusina upang magtuloy sa maliit kong opisina.
"Hello?"
"Jake." Napatingin pa ako sa screen ng phone ko upang siguraduhing si Alex ang tumatawag.
"Napatawag ka? May problema ba?"
"Narinig kong papunta diyan iyong babae na nalaman kong Liane ang pangalan. Kasama si Melanie."
"Ako na ang bahala."
"Umayos ka, Jake. Baka may gawin kang kalokohan at matakot siya."
"Ito naman. Wala ka bang tiwala sa akin?"
"Wala. Kaya magtino ka. Sige na." Bago pa ulit ako makapagsalita ay binabaan na ako nito ng tawag. Napapailing na ibinulsa ko na lang ang phone ko bago humarap sa salaming nakapatong sa ibabaw ng table ko upang tiyaking presentable ang itsura ko. Ilang ulit ko pang pinadaanan ng mga daliri ang hanggang balikat kong buhok upang siguruhing hindi iyon magulo.
"Okay na 'to…" bulong ko sa sarili bago lumabas ng opisina. Eksakto naman sa pagdating ni Liane.
Liane…napakagandang pangalan.
Ilang sandali muna akong nanatili sa kinatatayuan ko upang pagmasdan ito habang naglalakad papasok ng restaurant. At bago pa man may makalapit na waiter ay nauna na akong makalapit sa mga ito.
"Welcome! Please follow me." Nakangiting salubong ko sa mga ito pero na kay Liane lang ang mga mata ko.
"Hello, Sir Jake," bati ni Melanie. "Siya nga pala, Liane, si Sir Jake. Kapatid ni Sir Alexander," pakilala sa akin ni Melanie sa kasama nito.
"Hello, sir…" Mahinang sabi nito at napansin ko ring napatingin ito sa buhok ko. At halata sa mukha niya ang pagkamangha dahil alam kong bihirang-bihira lang ang taong may natural na kulay pulang buhok.
Kaya lihim akong napangiti habang iginigiya ko ang mga ito sa bakanteng mesa dahil sa aming magkakapatid, ako lang ang may unique na kulay ng buhok. Hindi na ako makapaghintay na makauwi at ipagyabang sa kanila ang nangyari.
"Sir Jake, si Liane, bagong dating dito sa lugar natin."
"Hello, nice to meet you," bati ko rito habang sinasabayan itong maglakad. "Dito na kayo maupo." Tukoy ko sa mesang katabi ng glass wall at tanaw ang mini garden. Hindi ko napigilan ang sarili kong alalayan ito sa pag-upo. Na naging sulit naman dahil narinig ko ang boses niya nang pasalamatan ako. "Here's the menu." Sabay abot ko sa dalawang manipis na menu book.
"Ahm…ano…"
"Hindi ba't sinabi kong ako nang bahala. Umorder ka kung anong gusto mo."
"Sige, ahm…isang special pancit bihon at tubig lang ang akin," sabi ni Liane habang isinasara ang menu book.
"Carbonara at orange juice naman ang sa akin."
Mabilis kong inilista ang mga order nila at nagmamadaling nagtungo sa kusina upang kunin ang kanilang order. Kahit ayaw ko pa itong iwan ay hindi maaari dahil baka kung ano ang isipin nito.
Halos wala sa sariling inasikaso ko ang pagluluto sa order ng mga ito mabuti na lang at naging maayos pa rin naman ang kinalabasan. Kaya ilang sandali pa ay dala ko na ang order ng mga ito at patungo na sa mesang kanilang inookupa.
"Enjoy your meal!" Nakangiting sabi ko sa mga ito bago bantulot na umalis at nagtuloy sa direksyon ng opisina ko. Pero sa halip na pumasok ay nakapamulsang sumandal lang ako sa pader malapit sa pinto upang pasimpleng tanawin ang babae. "Ikaw na ba talaga ang babaeng matagal na naming hinihintay?" 'Di ko napigilang ibulong kasabay ng pagsibol ng isang damdaming matagal ko ng pilit na pinipigilan. Ang pangungulila at pag-asam.