Matapos naming kumain ni Melanie ay nagyaya na akong umuwi dahil nakakaramdam na ako ng pagkaasiwa dulot ng mga matang sumusunod sa bawat kilos ko. Lalong-lalo na iyong ipinakilala ni Melanie na si sir Jake.
Hindi ko alam kung bakit napaka-big deal sa kanila ang isang bagong salta. Ngayon lang ba sila nakakita ng estranghero? At dahil abala ako sa pag-iisip ay hindi ko na namalayang nasa tapat na pala kami ng apartment. Kung hindi pa ako kinalabit ni Melanie ay hindi ako matatauhan.
"Ayos ka lang ba? Kanina ka pa tulala mula ng umalis tayo sa restaurant. May problema ba?" Tanong nito habang naglalakad kami palapit sa gate.
"Ha? Ayos lang ako, h'wag ka na mag-alala. Medyo napagod lang ako."
"Sigurado ka?"
"Oo. Siya nga pala, sasabay na ba ako bukas sa pagpasok mo para sa pag-a-apply ko?"
"Oo. Alas-otso ang pasok ko kaya maaga kang gumising."
"Sige, salamat sa pagpasyal mo sa 'kin at sa pagtulong mo sa paghahanap ko ng mapapasukan."
"Wala 'yon. Sige na, pumasok ka na ay may titingnan lang ako."
Napatango na lang ako at nauna ng pumasok sa pinto. Sinulyapan ko pa ito bago ko tuluyang isara ang pinto at napansin kong parang may hinahanap ito sa paligid. Binalewala ko na lang iyon at wala sa sariling naglakad patungo sa hagdan habang iniisip ang mga nangyari kanina.
Nang mabuksan ko ang kwarto ko at makapasok sa loob ay ang nakasarang bintana ang una kong napagtuunan ng pansin. Wala sa sariling naglakad ako palapit doon at binuksan iyon. Nang tuluyan ko iyong mabuksan ay sumalubong sa akin ang malamig at sariwang hangin kaya napapikit ako para langhapin iyon.
Kahit na halos tanghali pa lang ay malamig na ang simoy ng hangin kaya hinayaan ko na lang iyong nakabukas para mapreskuhan ako.
Bago ko pinagtuunan ng pansin ang bag ko at isa-isang inilabas ang mga damit na laman niyon at ipinatong sa ibabaw ng mesa. Hindi ko napigilang mapaluha nang muli kong maalala na mag-isa na lang akong mamumuhay simula sa mga oras na iyon. At hindi ko alam kung makakaya at matatagalan ko lalo na at hindi ko pa sigurado kung matatanggap ako sa trabahong a-apply-an ko.
Lalo akong napahagulgol nang makita ko ang family picture namin kung saan kasama pa namin si nanay. Kumpleto at masaya kahit may kahirapan ang buhay.
"Patawarin n'yo po ako, 'tay, kung nagawa kong maglayas. Hindi ko na kasi matiis, pero huwag po kayong mag-alala kapag may pagkakataon at may pera na ako bibisitahin kita…" Bulong ko habang yakap iyon ng mahigpit.
Naputol ang pag-iyak ko nang makarinig ng mga kaluskos sa mga halamang malapit sa tapat ng bintana ko at sisinghot-singhot na pinunasan ang mga mata ko gamit ang suot kong damit upang silipin iyon. At nahagip ng mga ko ang likod ng isang taong papasok sa kakahuyan.
"Si Melanie ba iyon? Anong ginagawa niya roon?" Nagtatakang bulong ko ng mahagip ng mga mata ko ang likuran ng taong papasok sa kakahuyan at mapansing kakulay ng suot nito ang pulang blouse na suot ni Melanie, pero napailing din ako dahil wala akong karapatang makiusyoso sa buhay ng iba, lalo na at bagong salta lang ako.
At upang hindi na ako muling lamunin ng lungkot ay sinikap ko na lang itinuon sa ibang bagay ang isip ko. Nang pumasok sa isip ko ang dalawang pares ng mga mata na may kakaibang mga kulay.
Hindi ko napigilang mamangha dahil sa kakaibang mga mata nila. Dahil ang bilog ng kanilang mga mata, sa halip na itim ay pula iyon na may manipis na itim ang lining ng bilog. Na tila ba umiilaw pa.
Pakiramdam ko ay may pwersang humihila sa akin palapit sa mga ito habang nakatitig sa mga matang iyon. At para bang matagal ko na silang kilala kahit na ito pa lamang ang unang pagkakataon na nakita at nakilala ko ang mga ito.
"Bakit ba ako nagkakaganito? Ang kailangan kong pagtuunan ng pansin ay ang kung paano ako mabubuhay ng mag-isa at hindi ang mga lalaking iyon. Wala akong panahon sa mga ganitong bagay," sermon ko sa sarili habang pasalpak na inilaalagay ang mga gamit ko sa loob ng aparador. "Kailangan ko nga palang ayusin ang mga requirements na dadalhin ko bukas. Mabuti na lang at nagawa kong dalhin ang mga personal kong papeles."
Muli akong napalingon sa labas ng bintana nang makarinig ng mas malakas na kaluskos kasunod ang paglipad ng ilang mga ibon.
"Hindi lang siguro ako sanay na masyadong tahimik, kaya naririnig ko lahat ng mumunting ingay sa paligid ko." Napapailing na bulong ko sa kawalan. "Makaligo na nga lang. Nangangati na ako dito sa suot ko."
Matapos kong maayos ang mga dadalhin ko bukas ay kumuha na ako ng bihisan at naglakad na patungo sa pinto. At kasabay ng pagtalikod ko ay ang mabilis na pagdaan ng tila anino sa ibabaw ng mga puno patungo sa mas masukal na bahagi ng kakahuyan.