webnovel

Their Fill

Editor: LiberReverieGroup

Ang mga tao mula sa ibang spaceship ay dinala sa kaparehong lugar. Para salubungin sila, ang United Nations ay nagtayo ng isang embassy hall sa Country R. Si Xinghe at ang iba pa ay dinala sa bulwagan para magpahinga at iulat ang kanilang misyon.

Gayunpaman, ang mga pinuno sa embassy hall ay hindi sila agad kinausap tungkol sa misyon kundi ay pinadalo sila sa engrandeng hapunan bilang pagsalubong sa kanilang pagbabalik. Natatakot si George na ang grupo ni Xinghe ay isipin na pinaaalis na sila, kaya agad itong nagpaliwanag, "Hindi ito ang aktuwal na pagdiriwang ng tagumpay. Ang sinabi ng mga nakakataas ay, ang kontribusyon ng bawat isa sa inyo ay napakalaki, at magkakaroon ng mas malaking pagdiriwang sa susunod."

Iniiling ni Xinghe ang kanyang ulo. "Hindi na ito kinakailangan, pero salamat na din para sa hapunan na ito. Ano ang nasa menu?"

"Ang lahat ng klase ng pagkain na maiisip mo. Naghanda kami ng menu para sa bawat mesa."

Umabot ng makapal na menu sa mesa si Xinghe at tiningnan ang nasa loob nito. Ang mga pagpipilian ay talagang kahanga-hanga. Ang mga pagkain na nabanggit ni Shi Jian at ng iba pa ay nakalistang lahat doon. Nasisiyahang tumango siya nang makita iyon.

"Baka gusto mong sabihan ang mga nagluluto na maghanda ng mas maraming pagkain dahil baka hindi iyon maging sapat," may konsiderasyong paalala ni Xinghe matapos ang ilang sandaling pag-aatubili.

Inisip ni George na ang hiling nito ay medyo kakaiba pero hindi na iyon masyadong pinansin. "Huwag kang mag-alala, maraming pagkain, sigurado akong hindi tayo mauubusan."

Gayunpaman, hindi nagtagal ay nalaman niya kung gaano siya nagkamali at kung bakit sinadya ni Xinghe na sabihan siya nito. Ito ay dahil ang mahigit sa isang daang tao mula sa buwan ay parang mga black hole!

Gusto nilang subukan ang lahat at ang bawat isa sa kanila ay may malaking gana sa pagkain. Ang pinaka abalang tao noong gabing iyon ay hindi ang mga tagasilbi kundi ang mga panauhin…

Kung hindi dahil sa nalasing ang mga ito hanggang sa mawalan ng malay, hindi magtatapos ang piging. Nakainom din ng ilang baso ng alak si Xinghe para makapag-relax. Matapos kumain, nakaramdam siya ng pagod at nais nang magpahinga sa kama. Mula nang nagpakita si He Lan Yuan, hindi na siya nagkaroon ng maayos na pahinga.

Ngayong ang krisis ay tapos na, ang lahat ng pagod niya ay kanya nang naramdaman, kaya nahihirapan na siyang idilat ang kanyang mga mata.

Napansin ito ni Ali at nag-aalalang nagtanong, "Xinghe, pagod ka na ba?"

Tumingin si Xinghe sa kanya at bahagyang tumango. Kahit sa ganoong sitwasyon, kalmado pa din si Xinghe.

Biglang lumapit si Mubai at magiliw na bumulong, "Halika na, magpahinga na tayo."

"Okay." Hindi na tumanggi pa si Xinghe at hinayaan ang sarili na alalayan palayo ng lalaki. Matapos nilang bumalik sa presidential suite na itinalaga para sa kanila, tinulungan ni Mubai si Xinghe sa kama at buong suyo na nagtanong, "Gusto mo bang maligo muna?"

Kumukurap na dumilat ang mga mata ni Xinghe para tumingin sa kanya at bahagyang umiling. "Hindi na kailangan, maghihilamos na lamang ako."

"Kaya mo pa bang lumakad?" Tanong ni Mubai habang inaalalayan siyang tumayo dahil napansin niyang napadami ang inom ng alak ni Xinghe.

Ngumiti si Xinghe at sinabi, "Hindi ako lasing, pagod lang."

"Okay, maghilamos ka na, kailangan na nating pareho na magpahinga." Binigyan siya ni Mubai ng halik sa kanyang noo. Dampi lamang ito pero parang nakahinga ng maluwag si Xinghe, na tila ang malaking pressure sa kanya ay nawala. Matapos ang mabilis na hilamos, nagbihis na si Xinghe ng pajama na nakahanda at nahiga na sa kama.

Habang nakahiga sa malambot na kama, nasisiyahang napabuntung-hininga si Xinghe. Matapos ang paglalakbay sa buwan, nagkaroon na siya ng panibagong pagpapahalaga sa lahat ng bagay sa Earth.

Gayunpaman, habang nakahiga sa kumportableng kama, nahihirapang makatulog si Xinghe.

Next chapter