webnovel

Queen of the Night

NAPAHIKAB ulit si Cass, maaga kasi siyang ginising ni Ansel dahil marami raw silang gagawin sa araw na iyon. Kahapon simula ng ito ang pumili nang gagawin nila, hinayaan na niyang ito ulit ang magplano para bukas. Ngunit, hindi niya naman inaasahan na alas-sais pa lang ay gusto na nitong lumabas sila ng cabin. Hindi pa sila kumakain noon.

"Saan tayo pupunta?" Tanong niya rito, kanina pa kasi sila naglalakad at nakakaramdam na rin siya ng gutom.

"Trekking," simpleng sagot nito habang inaabutan siya ng ensaymada. Tinanggap niya naman iyon at nagtatakang tumingin rito. "Talaga?"

"Sabi ko nga," inabutan naman siya nito ng bottled water na tinanggap din niya. "May kakabukas na trail kahapon. May nag-suggest sa mga staff na sinabihan ko kahapon tungkol sa ipis."

Ang sumunod naman na ipinasa nito ay isang leaflet na kung saan naroroon ang mga detalye patungkol sa Queen of the Night. Bagong trail iyon na ngayon lang bubuksan at isasara ulit matapos ang isang taon. Ini-skim niya ito at kulang na lang mailabas niya bigla ang kinakain. "Baliw ka ba?" Hindi makapaniwalang tanong niya rito.

Hindi kasi mukhang safe ang Queen of the Night. Kung ang Magnolia ay aabot lang hanggang sa gubat, ang Queen of the Night naman ay may trail na bukod sa aabot din sa gubat ay aakyat pa sila ng bundok. Gagawin nila lahat ng iyon para lang maabot ang isang clearing kung saan pwede silang mag-camping.

"Hindi pa," flat na tonong sagot nito. Nagmamadaling lumapit naman siya rito at ipinakita ang leaflet. "Paano kung umulan ulit? Paano kung mawala tayo? Paano kung--"

Inabot na naman nito ang kamay niya at marahang pinisil iyon. "Come on, you have me."

"Kung gagawa ka ulit ng ewan na joke kung gaano ka kagwapo, sisipain na kita."

"Well, okay. But seriously, you have me, Caz. 'Wag kang mag-alala."

Sinipat niya ito at dahil inaantok pa siya kanina, ngayon lang niya napansin na marami palang dala ito. Isang malaking bag at isa pang shoulder bag. Mukha tuloy itong isang backpacker kahit na mag-tre-trek lang naman sila.

Binalikan niya ng tingin ang natapos na nilang distansya at mukhang imposibleng makabalik siya. Curse this guy for waking me up so early in the morning.

Kapag hindi kasi siya nagigising ayon sa oras niya, she usually go through things half-asleep. Kaya kung napansin lang niya kanina pa na mag-tre-trek sila ay baka nag-backtrack na siya.

Napabuga na lang siya ng hangin. Well, at least, may kasama na siya ngayon. Hindi na siya mag-isang mangingiyak-ngiyak kung sakaling na-stranded na naman siya.

"Fine. Lead the way."

HINDI SINASADYANG NADAPA si Cass sa kalagitnaan ng paglalakad nila. Hindi niya na-control ang kanyang momentum kaya sumubsob siya sa damuhan. Mabilis na kumirot ang nasugatang parte ng kanyang tuhod at napadaing siya sa sakit. Nauunang naglalakad si Ansel kaya hindi siya agad narinig nito. Ngunit, nakapansin naman agad itong hindi na siya sumusunod at nang mahanap siya ng binata ay pinagtitiyagaan niyang hipan ang sugat.

"What happened to you?" Tanong nito at napaluhod pa ito sa harap niya. Nakakunot noong sinipat nito ang injury niya.

"Na-miss ng lupa ang mukha ko e," biro niya at sinabayan pa niya ng tawa.

"God, woman," anito sabay walang emosyong pinitik nito ang noo niya.

"Hey!"

Umiiling na kinalkal nito ang bag nito hanggang sa may mahanap itong first-aid kit. "Do you really have the talent for diving headfirst sa mga patag na daan?" Wala kasing kabato bato kung saan siya nadapa. Ang trail lang ang naroroon. Hindi niya nga rin alam kung bakit bigla siyang nadapa.

"Sorry," nausal na lang niya.

"Yes, dapat lang na mag-sorry ka," nahihimigan niya pa rin ang inis sa tono nito ngunit hindi niya maintindihan bakit ito naiinis.

Wala naman siyang planong mas palalain ang inis nito kaya sa halip, pinanood niya na lang itong mag-apply ng first aid. In fairness, magaling naman ito sa ginagawa nito. In fact, ngayon lang ata siya nakakita ng napakaayos na paglalagay ng benda. "Wow, IT ba talaga ang natapos mo?" Natutuwang tanong niya nang hinayaan na siya nitong gumalaw.

"Oo naman," sagot nito. "I just read a lot and know a lot, kaya alam ko ang simpleng first aid. Okay ka na bang tumayo?"

Sinubukan niya at mukha namang wala na siyang ibang pinsala. Malawak ang ngiting binalingan niya ito. "Thanks, Ansel."

Sa halip na ngumiti ay tinitigan lang siya nito na para bang may gusto itong sabihin. Pinanatili niya ang kanyang ngiti at hinintay itong magsalita. Ngunit hindi rin lang ito nagtuloy, umiling lang ito. "Tara. May bench na malapit dito kaya pwede tayong mamahinga muna doon. Gutom ka na ba?"

"Hi--" bago niya matapos ang sasabihin ay inunahan na siya ng tiyan niya. Napahiyang napahawak siya sa tiyan. Para kasing may biglang animal na nag-roar. Tinignan naman siya nito at tumango. "Here, have some candy bar. Sa bench na tayo mas kumain nang maayos."

Tinanggap niya ang candy bar at nagsimula na naman itong maglakad patungo sa lane. Sumunod naman siya. Nang makarating na sila sa bench, naglabas ito ng naturang lunch nila. Sandwich iyon at mukhang mga limang layers. Hindi rin mukhang binili nito iyon sa 7-eleven. "Ikaw ba ang gumawa nito?"

He smiled, a little proud. "Tinawagan ko pa si Greta para turuan niya ako."

"Really? Hindi mo naman kailangang gawin 'yon..."

Eksaheradong sinimangutan siya nito na ikinatuwa niya lang. Sanay na kasi siya sa pabirong pagsisimangot nito. "What?"

"Ang cute mo," walang emosyong sabi nito.

"Alam ko."

Napailing na lang ito. "Gusto ko lang bumawi."

"Saan? Wait, ano may poison ba ito?"

Kinurot na naman siya nito sa pisngi. "If ever man plano kitang patayin, hindi sa ganyang paraan."

"Paano naman?"

"I'll kill you with love."

Kinurot niya ito sa tagiliran. "Wag mo akong ginaganyan ah."

"What do you mean?" Inosenteng tanong nito at nagpaka-poker face pa ang binata. Stop making flirting jokes, it doesn't suit you, naisaisip niya. Naalala niya pa rin kasi ang sinabi nito sa kanya noon kahit pa napatawad na niya ito. Hindi talaga bagay rito ang nakikipag-flirt. It's weird. He's being weird.

"Wala, ang sarap nung sandwich," sabi na lang niya sabay kagat sa sandwich at natural ngang masarap iyon. "Paano mo nasundan ang instructions ni Greta?"

"It wasn't that hard."

She rolled her eyes. "Of course."

Nahirapan siya ng siya naman ang sumubok na magpatulong kay Greta para magluto. Hindi kasi niya naintindihan ang ibang terms na ginamit nito at hindi naman ito marunong mag-simplify. Hindi na bago kung masusundan nga iyon ng matalinong kakambal nito.

"Gusto mo turuan kita pagbalik natin sa cabin?" Tanong nito at napatitig lang siya rito. Inosente na naman ang ekspresyon nito.

Ngumiti na lang siya. Well, kung nag-offer naman bakit tatangihan niya pa. "Sure, thanks."

"ITO TALAGA ANG plano mong gawin, ano?" Hindi makapaniwalang tanong ni Cass nang naroroon na sila sa huling destinasyon ng Queen of the Night. Maganda ang scenery at papalubog na ang araw. Puro orange na ang nakikita niya. Iyon lang sana ang papansinin niya pero nang nakita niya itong nagsisimulang gumawa ng tent ay napailing na lang siya.

"What? Hindi naman tayo kakainin ng mga hayop at kung may plano man sila, I'll take them down for you."

Pinalo niya ang braso nito na ikinatawa lang nito. "Himasin mo na lang kaysa pinapalo mo, masakit ka ring mamalo, Caz."

"Che!"

Iginaya niya ang tingin sa paligid at maganda pa rin naman doon. Malawak ang clearing kung saan pwede silang mag-camping. Maraming non-fruit bearing trees ang naroroon at ramdam na ramdam niya ang lamig dahil nasa elevated area sila.

Masasabi niyang worth-it nga talagang naroroon siya. "Kakaiba ka rin maghanap ng adrenaline, ano?"

"Come on, 'di ka naman na-disappoint, di'ba?"

Nag-iwas siya ng tingin, kung tutuusin totoo naman ang sinabi ng binata. Masaya naman siya sa mga kalmadong parte ng Villa Montenuma na napuntahan niya ngunit ng kasama na niya ito at in-e-explore na nila ang iba pang parte ng Villa, ay hindi niya maitatanging nagustuhan niya nga ang nakikita niya.

It was nice being able to not be afraid of some things for once and needless to say... it was actually nice having him around than being on her lonesome. At napaka-dependable rin ng binata kaya masasabi niya ring mapagkakatiwalaan niya nga ito when it comes to life-and-death situations.

Nang sa wakas ay lumubog na ang araw, nagsimula naman na ito na gumawa ng apoy at nag-barbecue sila. Ansel even taught her some things na hindi niya alam when it comes to survival. Manghang-mangha na pinakikinggan niya ito. Kung ganoon kalabo ang kakambal nitong si Greta sa pag-e-explain ng isang konsepto, ito naman ang kabaligtaran. Marunong itong mag-simplify at may tiyaga rin itong magturo. And he just felt different somehow. Useful nga ang itinuturo nito at nagkaroon tuloy siya ng ideya sa maaring maging article niya pagbalik nila sa bakasyon.

He still wasn't too keen with small talk though kaya nang nawalan na sila nang paguusapan, pumasok na sila ng tent. Nagsisimula na kasing mas maging malala ang lamig sa labas.

May kalawakan ang tent at may dalawang sleeping bag na nakalatag roon. At kahit maaga, pinasya nilang matulog na lang para maaga rin silang makabalik bukas.

ANSEL WOKE UP in the middle of the night. Naririnig niya kasi ang dalaga na nanginginig. Nag-cha-chatter na ang ngipin nito at mukhang nahihirapan itong makatulog. He blinks and sighs. Ang alam niya ay sinabihan niya itong magdala ng extra sweater ngunit mukhang nakalimutan nito.

Lumapit siya sa sleeping bag nito at ibinaba niya ang zipper noon. Tinanggal niya na rin pati ang T-Shirt niya para mas umepekto ang plano niyang gawin. Maingat na hinila niya ang dalaga papunta sa direksyon niya at ikinulong ito sa kanyang mga bisig. Umayos naman ito at isinubsob ang mukha sa kanyang dibdib.

He breathes in. She smells like nature. Maliit ang dalaga at medyo hindi ganoon kaseksi and yet, she fit so snugly in his arms. Nang una siyang niyakap nito, hindi niya alam ang gagawin.

Hindi naman siya bago sa female interactions at nagkaroon na rin naman siya ng maraming mga short-termed relationships. Ngunit ng ang dalaga na ang yumakap sa kanya, parang nakalimutan niya ang lahat ng iyon at pinagisipan niya pa kung yayakapin niya ba ito. Ngayon, sa hindi niya kaalamang dahilan, mas komportable siyang kasama ang dalaga. Natural na komportable siya sa iilang tao lang pero bukod sa pamilya niya, dito lang siya nakarandam ng kakaibang sense of comfort.

He reveled at the sound of her breathing, the sound of heart beating, and her warmth. Minsan hindi na siya mapakali kung hindi niya ito nakikita. It was funny. Ito ang dalagang ni-reject niya ng buong puso nang malaman niyang may damdamin ito para sa kanya and yet it was this same woman whom he's embracing right now.

Baka kung nakita siya ng nineteen-year-old self niya ay mapilitan pa itong tawanan siya. Kaya kahit ngayon lang, under the guise of helping her, magpapaka-selfish siya ng kaunti. At nilalamig na rin naman siya.

NANG MAGISING SI Cass muntik na siyang malaglagan ng panga sa nakita. Nakasubsob kasi ang mukha niya sa dibdib ng binata at ang braso naman nito ay nakapatong sa gilid ng tiyan niya. Mabilis na nag-init ang kanyang mukha at napahawak na siya rito para sana ilayo ang sarili ngunit mas lumapit lang ang binata at humigpit ang pagkakahawak nito sa kanya. Naramdaman na naman niya ang kakaibang kaba na biglang bumalot sa katawan niya. It felt like a protective mechanism and that mechanism wants her out of his arms. Right now.

Kaya minabuti niyang maingat na umalis muli sa pagkakahawak nito sa kanya. Mabilis naman siyang nakaalis dahil lumuwag ang pagkakahawak ng binata sa kanya. Gumawa siya ng distansya rito at kinastigo ang paligid para makita kung ano nga ba ang nangyari kagabi.

Magkadikit na ang sleeping bag nila na mukhang binuksan nito. Nasa tabi naman nito ang suot-suot nitong T-shirt. Tinignan niya ang sarili at mukha namang wala ring naalis sa kanya.

Nakahinga siya nang maluwag at dali-daling lumabas ng tent. Mahirap na baka iba na namang kamunduan ang pumasok sa kanyang utak.

She appreciated the gesture though. Nilalamig kasi siya ng gabing iyon kahit na may suot naman na siyang jacket. Ang naalala niya lang ay may naramdaman siyang kung anong mainit na bagay na tumulong para makatulog siya. At wala namang ibang naroroon kundi ang binata.

He must have been woken up by her chattering at ito na mismo ang nag-isip na tulungan siya. Na-a-amuse na napailing na lang siya. Huh.