webnovel

WANTED PROTECTOR

When the protector of the law became the protector of the lawless.

Phinexxx · Urbano
Classificações insuficientes
107 Chs

Chapter 81-The Attack

Napalunok ang isang Rage Acuesta.

Aaminin niyang kinakabahan siya sa usapan.

Matinik na ang babaeng ito ngayon.

Nawala lang siya, tumalino na.

"Answer me Mr. Acuesta," mariin nitong tugon na ikinalito niya.

Inilihis niya ang tingin sa labas.

"Do you really feel that I am him?"

"Yes."

Napatingin siya rito derekta sa mga mata.

"Then are you inlove with me?"

Ito naman ang hindi makatingin.

"N-no ofcourse not! You're not him!"

"Ikaw na ang nagsabi hindi ako kaya bakit mo pa tinatanong kung ako siya?"

Natahimik ang dalaga.

"Eh kasi kung makapag react ka parang ikaw siya eh!" depensa nito.

"Iniisip mo lang 'yon, pero ipangako mong hindi mo siya papalitan, maawa ka naman sa kanya. Nawawala na nga papalitan mo pa. "

"Hindi ko 'yon gagawin."

Doon pa lang siya nakahinga ng maluwag.

"Mahal na mahal ko siya. Hindi ko yata kayang ipagpalit siya sa iba."

Lihim na natuwa ang binata.

Kahit paano mapapanatag na siya.

"Love him that's all you can do to make him feel safe."

"I will. Kaya lang bakit ba hindi niyo pa siya nakikita?

Akala ko ba maimpluwensiya ang mga Villareal? Tsaka bakit ikaw na step-cousin ang nandirito nasaan ba ang ibang Villareal?

Alam mo sa totoo lang gusto ko ng makausap ang pamilya ni Gian."

"Kami na ang bahala sa kanya."

"Na hanggang ngayon ay wala pa ring resulta. Matatapos lang 'yang Board meeting na 'yan ako mismo ang maghahanap."

Natigilan ang binata.

"Mas unahin mo ang kumpanya ninyo."

"Noon pa man palaging ang kumpanya ang inuuna ko ngayon gusto kong si Gian naman.

Siya ang lahat sa akin. Mawawalan ng saysay ang lahat sa akin kapag tuluyan na siyang nawala."

"Huwag kang mag-alala babalik siya."

"Puro kayo ganyan ni hindi niyo naman alam kung nasaan siya. O baka naman alam niyo ayaw niyo lang sabihin sa akin?"

Nagitla ang binata at tila nasukol.

Kailangan na niyang umalis.

Tumunog ang kanyang cellphone at laking tuwa niya dahil may paraan na.

" Yes? " sagot niya sa tawag ni Vince.

" Pare, nandito na ang intsik, may dalawang kotse ang susundo sa kanya."

Kumabog ang kanyang dibdib.

"Papunta na ako diyan."

"Sige."

Pagkuwan ay hinarap niya ang dalaga.

"Alis na ako," aniya at humakbang palabas.

"Ano? Aalis ka na? Hoy hindi ka namin kukuning investor yabang nito!"

Natigilan siya kaya lumingon dito.

"Kapag hindi mo 'yon ginawa lagot ka sa lolo mo," ngisi niya bago tumalikod.

"Ang yabang mo talagang Acuesta ka! Babayaran ka namin!" gigil na sigaw nito habang papalayo siya.

Inabutan niya ang don sa hardin.

"Don Jaime," lumapit siya rito kaya napatingin sa kanya.

"Oh aalis ka na?"

"Oho kailangan, dumating na ang tauhang intsik ng kalaban."

Marahang tumayo ang don at lumapit sa kanya.

Kinabig siya nito at niyakap.

"Mag-iingat ka Gian."

Nakaramdam ng tuwa ang binata.

"Maraming salamat ho."

Nang kumalas sila ay muling nagsalita ang don.

"Sigurado ka bang ayaw mong kumuha sa mga tauhan ko?"

Umiling ang binata.

Binigyan siya nito ng mga tauhan ngunit tinanggihan niya.

"Hindi ho maaari don Jaime, kapag nalaman ni Delavega na tauhan ninyo ay siguradong maghihinala siya."

"Hangad ko ang tagumpay mo."

"Salamat ho," bahagya siyang yumuko rito.

---

Nagngingitngit ang kalooban ni Ellah habang nakatingin sa lalaking kaaalis lang.

Wala itong suot na eyeglass dahil ibinato nga naman nito.

Mas nagmukha tuloy itong si Gian.

Mariin niyang ipinilig ang ulo at iwinaksi sa isipan ang isiping 'yon.

Hindi ito si Gian!

Dali-dali niyang pinuntahan ang abuelo na ngayon ay nag-iisa na lang at sininghalan.

"Lolo! Ayaw kong maging investor ang mayabang at aroganteng bilyonaryong Acuesta na 'yon!" duro niya sa nilabasan nito.

"Bakit hindi? May utang tayo sa kanya. Sapat ng dahilan 'yon para kunin mo."

"At paano naman si Raven Tan? Nakausap ko na siya at pumayag na siya!"

"Tanggihan mo sabihin mong nakuha mo ang rank two."

"Lolo naman! Ano na lang ang sasabihin ng tao?"

"Wala akong pakialam anuman ang sabihin niya. Ang mahalaga nasa atin si Acuesta."

"Argh!" napapadyak siya sa inis at ginulo ang buhok.

"Ano bang meron sa hambog na 'yon at nauuto kayo!"

"Ellah!" singhal ng matanda.

"Nakakainis kayo lolo!" tumakbo siya palayo rito.

Ngayon hindi niya alam kung paano tanggihan ang isang Raven Tan.

Bumuga siya ng hangin at tinawagan ang lalaki.

Ilang ring lang sinagot nito agad.

"Yes Ellah?" halata ang sigla sa tono nito.

Nakagat niya ang mga labi.

Matapang siyang mang-aya ngunit naduduwag siyang umatras.

"Ano, Raven ano," halos hindi niya masabi ang plano.

"What is it Ellah? May problema ba?"

"Ahm, si lolo kasi hindi ko alam na kumuha pala siya ng investor eh kaya pasensiya na kung hindi muna kita makukuha."

"It's fine but who's the lucky guy?"

"Acuesta," mariin niyang tugon.

Dinig niya ang malalim na paghinga ng lalaki.

"Close pala sila ng lolo mo?"

"Ewan ko sa mga 'yon!"

"Hey kalma, okay lang kung ayaw ni don Jaime sa akin marami pa naman sigurong pagkakataong makalapit ako sa' yo."

"Sorry talaga Raven."

"No it's okay."

"Salamat."

"You're always welcome."

Kahit paano ay napangiti siya bago tinapos ang usapan.

Nakakahiya ang kanyang pagtanggi ngunit mas nakakahiya kung dalawa ang pupunta bukas.

'Argh! Acuesta bakit ka ba kasi nakikialam!'

---

Sakay ng kotse ay katawagan ni Gian ang kaibigan.

"Nasaan na?"

"Papalabas pa lang ng airport. Pare, parang may karga ang mga bantay."

Nagtiim ang kanyang mga bagang.

"Handa ba ang mga tauhan mo?"

"Nakahanda na."

Hindi nila ito aabangan sa airport kundi ang paglabas nito.

Hindi sila basta-basta dapat kumilos kahit pa alam nila ang trabaho ng mga ito.

Hindi legal ang gagawin nila kaya pinag-iingat niya ng husto ang mga tauhan nila.

Kapag legal ang kanilang gagawin magtataka si Delavega paano nakakuha ng ebidensiya.

Samantalang kung illegal pwedeng isipin ng mga ito na kidnap for ransom ang motibo.

Mas ligtas ngunit mas delikadong paraan.

Sinulyapan niya ang mga dalang armas.

Bago pumunta kina Ellah ay nakahanda na ang binata sa plano.

Ikinasa niya ang mahabang baril, maging ang dalawang maiiksing baril.

Hindi nila papatayin ang target dahil kidnap for ransom ang pakay nila.

"Pare, lumabas na ang intsik, matanda na pala 'to kasing tanda ni Delavega."

"Sundan ninyo, parating na ako. "

Alam niyang buhay na naman ng kaibigan ang itinataya niya rito ngunit minsan ay hindi ito tumanggi.

Walang misyon ang mga ito sa ngayon kaya nakuha niya.

Ang mga tauhan naman ay madali lang dahil maraming kakilala ang kaibigan at pera lang ang itatapat pumapayag na.

Isang milyon ang ibinayad niya sa sampung tauhan.

Ang alam ng mga tauhan ay kikidnapin ng mga ito ang intsik at kapag nagtagumpay ay wala ng problema.

Walang alam ang mga ito na hindi pera ang layunin nila sa pagkuha rito.

Tanging sila lang ng kaibigan ang nakakaalam.

Mautak ang kalaban may hinala na ang mga ito sa tunay na siya kaya nag-iingat at naghahanda ng husto.

Hindi naman siya maaaring kumilos ng padalos-dalos dahil tiyak mahuhuli siya.

Sina Vince ay susunod dito, siya naman ay mag-aabang.

Kapag nagtagumpay sila at maipapalabas na kidnap for ransom ang pakay ay hindi siya ang paghihinalaan ni Delavega sigurado 'yon, ngunit ibang usapan kung mapatay ang target.

Tumunog ang kanyang cellphone na mabilis niyang sinagot.

"Pare, malapit na kami."

"Wala bang problema?"

"Wala pa."

"Maghanda na tayo."

Gagawin niya ang lahat upang harangan ang kalaban.

Siya na ang nasa itaas ngayon hindi siya papayag na muling lalagpak ngayon.

Isinuot niya ang itim na maskara.

Lahat sila ay may suot na ganito upang hindi makita ang mukha.

Ang kanilang gagawin ay aktong kidnapper lang.

Isinukbit niya sa balikat ang mahabang baril at dinampot nang magkabilang kamay ang maiiksi saka inilagay sa holster belt sa magkabilang tagiliran ng suot na pantalon.

Handa siya sa laban.

Ilang sandali pa, namataan na niya ang dalawang kotseng itim na parating.

Dalawampung metro ang layo ng mga ito at may kurbadang daan kaya hindi agad siya mamataang nakaharang.

"Pare, nandito na kami."

Humugot nang malalim na paghinga ang binata bago bumaba.

Madilim ang paligid at walang kabahayan, malayo na sa siyudad ang lugar patungo sa rest house ni Delavega.

Humakbang siya at humarang sa gitna.

"Pare nakahalata na sila!"

Kinabahan siya at hindi nasagot ang tawag ng kaibigan.

Tumakbo siya papasok ng kotse at halos paliparin ito makarating lang sa kinaroroonan ng kalaban.

Ang plano niyang abangan ito ay hindi natuloy.

---

"Boss, may sumusunod sa amin!"

Nagpanting ang tainga ni Xander Delavega.

Nakamonitor siya sa intsik nilang tauhan hanggang sa makarating ito ng rest house.

Ngunit ito ang ibabalita ng kanilang tauhan.

Sigurado siya kung sino ang kalaban.

"Ubusin ninyo! Walang ititira kahit isa!"

"Yes boss!"

"Anuman ang mangyari kailangang ligtas ang intsik naiintindihan ninyo!"

"Yes boss!"

Pinatay niya ang linya.

Anuman ang mangyari kailangang makarating ang intsik.

Wala siya sa rest house ngayon kundi sa mansyon.

May inaasikaso lamang siya sa mansyon at iniwan ang ama roon sa rest house nila.

Humigpit ang pagkakahawak niya sa cellphone.

Alam niyang mangyayari ito dahil ito nga ang kalabang nagpapanggap lang.

"Villareal!" sigaw niya.

Ngunit kung sakaling mabibigo sila kailangang may pumalit sa intsik.

Magagalit ang kanyang ama kung wala siyang maipapalit kapag pumalpak.

Tinawagan niya ang kaibigan.

"Jeric, may kakilala ka bang Chemist?"

"Meron pero taga Manila."

"Papuntahin mo rito ipapasundo ko ng plane."

"Bakit?"

"May ipa test kami."

"Ngayong gabi? Sandali lang baka hindi pumayag?"

"Matatangihan ka ba? Dalhin mo ang pangalan ni Dad."

Huminga ng malalim ang kausap.

"Alright, susubukan ko."

"Salamat."

Pinatay niya ang linya.

Ang alam ng kaibigan ay tungkol sa droga kaya kailangan nila ng Chemist.

Kung sakaling pumalpak ang intsik ay may isa pang reserba.

Ayaw lang niyang malaman ng ama na umatake na naman ang kalaban dahil hindi ito maniniwala.

Tiyak namang si Villareal ang may gawa ayaw lang maniwala ng kanyang ama.

Nauuto ito ng Acuesta na 'yon pwes siya hindi!

---

Malayo pa lang ay nakita na niyang naglalaban na ang mga ito.

Dinig na dinig ang putukan ng mga armas.

Tumalim ang tingin niya sa nakikita bago pabiglang iniliko ang sasakyan paharang.

Sumagitsit ang gulong kasabay ng kanyang pagbaba.

Subalit kasabay ng kanyang pagbaba ay ang sunod-sunod na pag-atake ng kalaban.

Walang habas ang pamamaril ng mga ito.

Ngunit mabilis siya kaya agad nakapagkubli sa gilid ng sasakyan.

Wala ng ibang maririnig kundi ang palitan ng putok ng baril at mga pagkabasag ng salamin ng kotse.

Inaatake ng mga ito ang kaibigan at ang mga tauhan nito.

Tinigilan siya kaya siya naman ang umatake.

Mula sa pinagkukublihan ay tumayo siya at nirakrakan ng Uzi Sub-machine gun ang kalaban.

"AAAAHHHH!" sigaw niya.

Marami na ang nalagas sa kanilang tauhan gano'n din sa mga Delavega.

Ubusan na at walang ititira!

Nagpang-abot sila ni Vince mula ito sa likuran at siya sa harapan ng kalaban.

Sabay nilang inuubos ang kalaban.

Nagliparan ang mga bala na sinasalo ng mga tauhan ni Delavega!

Ngunit hindi niya napansin ang balang patungo sa kanya at tumama sa kanyang balikat.

Napadaing siya ngunit itinuloy ang labanan.

Hanggang sa wala ng umaatake sa mga ito.

Naramdaman niya ang sakit ng tama ng bala.

Ilang buwan pa lang mula nang siya ay gumaling kaya mabilis siyang nahilo at natumba.

"Gian!"

Iyon ang tangi niyang narinig bago tuluyang nagdilim ang paningin.

---

"Boss, masamang balita!" ani Warren na humahangos papasok ng rest house.

Nasa rest house na siya at hinihintay ang pagdating ng tauhan.

"Ano 'yon?"

"Patay na si Mr. Teng pati tauhan natin."

"PUTANG INA!" sigaw ni Xander sa nalaman.

Walang habas siyang nagpaputok ng baril at walang pakialam sa kung sino ang tatamaan.

"Xander anong gulo 'to?" humahangos na tanong ng kanyang ama galing ito ng silid at natutulog habang naghihintay.

Hiningal siya sa galit bago hinarap ang ama.

"Pinatay ng demonyong Villareal ang Chemist dad!"

"Ano!"

"Tinambangan sila habang papunta rito, ang akala ko hindi sila matatalo."

"Hindi!"

"Maniwala kayo si Villareal ang may pakana nito!"

"Kidnapping ang pakay ng mga tumambang sa kanila. May nahuli sa mga kalaban."

"Kidnapping?" natawa siya ng pagak. "Naniwala talaga kayong hindi si Villareal ang may gawa nito? Gising dad! Inuuto kayo ng hayop na 'yon!" sigaw niya sa ama.

"Manahimik ka! Malalaman natin ang totoo kapag napatunayan ng ebidensiya! Tawagan mo si Mondragon may kakilala siya."

"Parating na siya."

Hindi kumibo ang ama at nagtatagis ang mga bagang habang nakatingin sa kawalan.

Sa oras na lumabas ang totoo hindi siya mangingiming itumbang muli ang isang Villareal!

Sa pagkakataong ito siya mismo ang papatay dito!

---

" PUNYETA! "

Napaigtad si Ellah sa lutong ng mura ng abuelo.

May kausap ito sa cellphone.

Kanina pa niya napapansing panay ang kausap nito sa kung sino sa cellphone nito.

"Pupunta kami asikasuhin niyong mabuti, salamat."

Ibinaba nito ang cellphone.

Nasa terasa ito at nagpapahangin habang umiinom ng wine.

Kape ang madalas iniinom ng don kaya nakakapagtatakang wine ito ngayon.

"Lolo may problema ba?"

Mabilis siya nitong nilingon.

"Magbihis ka pupunta tayong ospital," anito at iniwan siya.

"Ospital bakit?" sinundan niya ito.

"Nabaril si Acuesta!"

Saglit siyang hindi nakaimik.

May gumapang na pag-aalala sa kanyang dibdib ngunit saglit lang at naglaho.

"Kayo na lang lolo, inaantok na ako-"

"ELLAH!" singhal ng abuelo na ikinaigtad niya. "Sasama ka sa akin wala ka bang awa sa taong tutulong sa'yo?"

Hindi siya kumibo dahil natatakot siya sa nakikitang galit na nakabadha sa mukha ng abuelo.

"Kasama si Vince, nabaril din siya."

Nanlaki ang kanyang mga mata at sinagilahan ng takot.

"Magbibihis lang ako!" Tinakbo niya ang silid.

Wala siyang pakialam sa hambog at mayabang na Acuesta na 'yon ngunit iba kay Vince.

Mabait ito at malaki na ang naitulong sa kanila.

Sakay ng kotse ay tinungo nila ang ospital na kinaroroonan ng dalawa.

" Ano po bang nangyari lolo? Bakit nabaril si Vince?"

"Hindi ka ba nag-aalala kay Acuesta?"

"Nag-alala pero hindi gaya ng kay Vince."

"Nagkakamali ka ng pinag-aalahanan Ellah."

Kumunot ang kanyang noo at hindi nakuha ang sinabi ng abuelo.

"Kung alam mo lang hija. Kung alam mo lang!" anang don na umiiling pa.

Nagtataka na siya.

"Ang alin po?"

Hinintay niyang sumagot ito ngunit tumahimik na.

Napaisip ang dalaga.

'Ano ang hindi ko alam? Tungkol saan?'

Huminto ang sasakyan sa isang gusali.

Ito na pala ang ospital na kinaroroonan nina Vince at nang Acuesta na 'yon.

Habang naglalakad kasunod ng don ay may bumabati sa kanila na tinatanguan lang ng abuelo.

Ngayon lang niya naisip ang isang tanong.

' Bakit magkasama si Vince at ang Acuesta na 'yon?'

Pagdating ng silid ay may nurse mula sa labas.

"Kumusta ang dalawa?" tanong ng don.

"Ligtas na ho kaya lang wala pang gumigising sa kanila."

Tumuloy siya sa silid at bumungad sa kaniya ang dalawang lalaking nakahiga at parehong walang malay.

May harang na tila kurtina sa pagitan ng dalawa.

Unang nasilayan ng kanyang mga mata ay ang mukha ng isang Rage Acuesta, nakapikit ito at may benda sa balikat, may benda rin sa noo.

Inilipat niyang muli ang tingin sa isa pa.

Bumuhos ang kanyang pag-aalala nang makita si Vince na nakahiga at may benda sa mukha maging sa kamay.

Kusang humakbang ang kanyang mga paa patungo sa kinaroroonan nito.

"Vince! Vince gising!" hinaplos niya ang mukha ng lalake ngunit hindi man lang ito gumalaw.

Bumukas ang pinto.

Bumungad ang kanyang lolo at dinaluhong si Acuesta.

"Ga!"

Nagtaka ang dalaga sa nakikita.

"Ga gising!"

Sa halip na si Vince ang unang lalapitan nito ay ibang tao ang inuna.

Ilang beses pa lang naman nilang nakita ang lalaking ito ngunit bakit gano'n na lang ang pag-aalala ng kanyang abuelo sa lalaking ito?

"Ga, magpagaling ka ha?" hinaplos ng don ang kamay ng lalaking 'yon at kitang-kita ang takot at pag-aalala ng kanyang abuelo.

Takot na minsan na niyang nakita noong si Gian ang nakahimlay sa isang ospital.

"Gian," wala sa loob na bigkas niya habang nakatingin sa lalaking natutulog.

Napalingon ang don sa kanyang kinaroroonan ngunit nanatili ang kanyang tingin sa naturang lalaki.

Biglang bumukas ang pinto.

"RAGE!" sigaw ng isang babae at dinaluhong ng yakap ang naturang lalaki.

Umiyak ito ng husto habang mahigpit na nakayakap.

"Ga gumising ka please! Huwag mo akong iwan parang awa mo na!"

Tumikwas ang kilay ni Ellah.

Tingin niya ay hihimatayin ang babae habang halos maglumpasay na sa iyak.

"Isabel," hinaplos ng don ang balikat ng babae.

Humagulgol ito ng tuluyan na akala mo namatayan.

Lumabas ang don at naiwan sila.

Naiirita siya sa pagtatangis nito na akala mo asawa.

"Excuse me miss, buhay pa 'yan kung makaiyak ka parang nagluluksa ka na."

Doon pa lang ito tumigil at hinarap siya.

"Excuse me?" mataray na ang tono nito at nagpahid ng luha.

Hindi siya nagsalita.

Tig-isa sila ng lalaki ngayon.

Napatingin ito sa lalaking nasa gilid niya.

"Oh my God! Vince!" ito naman ang dinaluhong ng babae at umatras siya.

Napalapit siya sa tabi ni Rage Acuesta.

"My God Vince!" niyugyog nito sa balikat ang kaibigan ni Gian.

Kumunot ang kanyang noo.

Bakit kilala ni Isabel si Vince?

"Paano mo siya nakilala?"

Tumigil ito sa pag-iyak at umayos ng tayo.

"Ang kaibigan ng boyfriend ko ay kaibigan ko rin," matigas nitong tugon.

"Ikaw anong ginagawa mo rito?"

Napasulyap siya sa kinaroroonan ni Vince.

"Kaibigan ng fiance ko si Vince, pinsan ng fiance ko ang isa rito."

Sa kanyang pagkagulat ay tumawa ang babae.

Baliw ba 'to?

Pagkatapos ng matinding pag-iyak ay biglang tatawa?

"Fine, pero dito ka dapat magbantay sa kaibigan ng fiance mo huwag sa boyfriend ko," mariin nitong tugon at nilapitan si Acuesta.

Naiinis siya sa inaasta ng babae kaya sa halip na umalis ay nanatili siya sa tabi ng lalaki.

"Ano pang hinihintay mo? Alis na!"

Uminit ang kanyang dugo sa narinig.

"Hindi ako aalis, babantayan ko ang investor ko. Kasalanan niya kapag hindi siya makakasama sa akin bukas," mariin niyang tugon.

Humagkis ang tingin ng babae sa kanya.

"Anong ibig mong sabihin?"

"Ang boyfriend mo iginigiit ang sarili sa akin. Kahit ayaw ko namimilit pa rin.

Ngayon may kasalanan 'yan kaya gisingin mo at siguraduhing makakasama ko bukas!" aniya bago tumalikod at lumabas.

Napasandal siya sa dingding at kinalma ang sarili.

Aaminin niyang nakakaramdam siya ng galit.

Hindi nga lang niya alam kung para sa babaeng 'yon o para sa hambog na bilyonaryong Acuesta na 'yon.

Makalipas ang ilang sandali ay bumukas ang pinto at tumakbo palabas si Isabel.

"Nurse! Nurse!"

Muli siyang pumasok sa loob.

Pagkapasok niya ay nagtagpo ang tingin nila ng isang Rage Acuesta.

Gising na pala ito.

Lihim ang tuwa niyang nararamdaman.

"Mabuti at gising ka na," matigas niyang wika.

"Kung pinag-alala mong hindi ako makakasama bukas nagkakamali ka.

Sasamahan kita. Nangako ako at tutuparin ko 'yon, kahit ikamatay ko pa," matigas din nitong tugon.

Narinig ba nito ang sinabi niya?

"Then it' s good to hear Mr. Acuesta."

Nilagpasan niya ito at binuksan ang kurtina tumambad si Vince na ngayon ay tulog pa rin.

"Vince pare?"

Napalingon siya sa likod at napasinghap nang halos tumama ang mukha niya sa dibdib ni Acuesta.

Nalanghap niya ang nakakalangong bango ng amoy nito.

"Vince, gising!" niyugyog nito ang lalaki.

"Pare gising!"

Nagtaka siya nang makita ang matinding pag-aalala sa anyo ng isang Rage Acuesta para sa kaibigan ni Gian.

"Vince pare!"

"Paano mo nakilala si Vince?"

Napansin niyang natigilan ang lalaki.

"Kaibigan ko siya."

"Paano?"

"Noong naghahanap ako sa pinsan ko nakilala ko ang kaibigan niya."

"Bakit kayo magkasama?"

"May trabaho kami."

"Anong trabaho?"

"Hinahanap namin ang pinsan ko, may nakapagsabi kung nasaan siya."

Lumukso ang kanyang puso sa narinig at dinaklot ang suot nito.

"Saan? Sasama ako!"

"Hindi kami nakarating dahil may tumambang sa amin."

"Puntahan natin siya!" niyugyog niya ang damit nito.

"Hindi pa ako magaling."

"Sabihin mo kung saan ako ang pupunta!"

Napansin niya ang paglamlam ng tingin ng lalaki.

"Kailangan ko siyang makita. Miss na miss ko na si Gian. Sabihin mo kung nasaan!" naiiyak siya pinigilan niya lang.

Hindi ito kumibo.

"Saan!" naiinis na siya kaya't hinampas niya ang balikat nito.

"Ah!" napadaing si Acuesta na ikinabahala niya.

"Sorry! Sorry!" hinaplos-haplos niya ang balikat nitong may benda at hinipan.

Saka lang niya napansing tinitigan siya ng lalaki.

Umayos siya ng tayo ngunit hindi pa man niya nagawa ay bigla siya nitong kinabig at niyakap.

Natigilan siya at kumabog ang dibdib.

"Nag-alala ka ba?" malumanay nitong tanong.

Ramdam niya ang init ng katawan nito maging ang kamay na humahaplos sa kanyang buhok.

Ayaw niyang aminin ngunit panatag ang kanyang pakiramdam sa bisig ng lalaking ito lalo pa at idinikit nito ang mukha sa kanyang buhok.

Ngunit mali.

"Nasaan si Gian?"

"Huwag mo na siyang hanapin."

Kumunot ang kanyang noo at nakaramdam ng inis.

Akmang kakalas siya nang humigpit ang yakap nito sa kanya.

"Sabihin mo kung nasaan siya," giit na niya.

Bahagya nitong inilapit ang bibig sa kanyang tainga na agad nagpatindig ng kanyang balahibo bago bumulong.

"Nasa harap mo na."

"Ano?"

Nagtaka siya sa tugon nito.

"RAGE!"

Mabilis siyang kumalas sa yakap ng lalaki.

Kitang-kita niya ang matalim na tingin ni Isabel sa kanya bago lumapit sa kasintahan.

"Salamat at ligtas ka na!" niyakap nito ng mahigpit ang lalaki.

Nagtagpo ang tingin nila ni Rage Acuesta.

Hindi niya kayang makita ang mga ito kaya tumalikod siya.

"Babe, kumustang pakiramdam mo?" malambing na tanong ni Isabel.

Hindi na niya hinintay pang makasagot ang tinanong at tumakbo siya palabas.

"Ellah!" dinig niyang tawag ni Acuesta ngunit hindi niya pinansin.

---

Pigil ang hininga ng mag-amang Delavega habang nakatingin sa pagsusuri ng ebidensiya.

Tahimik sila habang nakatingin sa lalaking kaibigan ni Mondragon.

Panay ang lagok ni Senior Roman sa alak na nasa baso habang nakatingin sa Chemist.

Bukas ng gabi malalaman na nila ang resulta.

"Tapos na senior," anang lalaki.

Parang nakahinga siya ng maluwag.

"Bukas ba malalaman na ang resulta?"

"Oo."

"Magaling."

"Kaninong finger print ba 'yon?"

"Sasabihin ko kapag may resulta na."

Wala siyang sinabi basta pinasuri lang nila ang dalawang ebidensiya.

"Magpahinga ka na, Warren ituro mo ang silid ng doktor."

"Yes boss."

"Kung may kailangan kayo sa akin senior tawagin niyo lang ako."

"Salamat."

Nang tuluyan nang makaalis ang lalaki ay binalingan siya ng anak.

"Dad, paano kung positibo ang resulta?"

"Hindi ko na pasisikatan ng araw ang kalaban."

"Paano kung negatibo?"

Nilingon niya ang anak.

"Makakapasok siya sa ating mundo at magiging kaibigan."

---

Madilim ang kinaroroonan ni Ellah, nasa hardin siya.

Pinigilan niya nag mga, luha ngunit kusang kumawala ang mga ito.

Naiinis siya.

Alam niyang hindi ito ang kanyang kasintahan ngunit iba ang sinasabi ng kanyang puso sa kanyang isipan.

"Ano ba Ellah? Hindi siya si Gian, pinsan siya at may kasintahan na, ano bang mahirap intindihin doon?" bulong niya habang nagpapahid ng luha.

Tumingala siya sa langit bago ipinikit ang mga mata.

Natagpuan na raw ng mga ito ang kinaroroonan ng kanyang kasintahan kaya't tatapusin lang niya bukas ang meeting at sasama sa dalawa.

Bumuga siya ng hangin at nagpasyang uuwi na lang.

Bumalik siya ng ospital upang magpaalam kay Vince.

Patungo siya roon nang may bumangga sa kanyang babae.

Sa lakas nito muntik pa siyang matumba.

"Shit!"

"Sorry!" anang babae ni hindi siya nilingon.

Mas lalo siyang nairita.

"Hoy! Huwag ka ngang tanga!" sigaw niya na ikinahinto ng babae.

Lumingon ito.

"Ellah?" kunot ang noong tanong ng babae na hindi naman niya kilala.

Itinaas niya ang noo.

Ngayon kilala na siya nito siguro naman hihingi na ng tawad sa maayos na paraan.

"Yes, it's me, and who are you?" tikwas ang kilay na tanong niya.

"Ako si Anne, girlfriend ni Vince."

Umawang ang kanyang bibig.

Ito ba ang kasintahan ni Vince?

"Sorry kung hindi tayo nagkakakilala sa personal."

Pinagmasdan niya ito mula ulo hanggang paa.

Kagaya niya matangkad ang babae, balingkinitan at maputi, maganda at bumagay ang kulot na buhok sa dulo.

Parang siya kung pumorma.

Ginagaya ba siya ng babaeng ito?

"Ah sorry nga pala kanina, nandito ka ba para sa boyfriend mo?"

"Ha?" kunot ang noong tanong niya.

"Kay Gian, hindi ba magkasama sila?"

Umawang ang kanyang bibig sa narinig.

Dumagundong ang kaba sa kanyang dibdib.

"A-anong ibig mong sabihin?"

"Si Gian hindi ba boyfriend mo siya hiwalay na ba kayo?"

Wala sa sariling umiling siya.

"Oh sorry kung hindi ko nasabi nasa Hongkong kasi ako biglaan nga itong pag-uwi ko dahil sa nangyari kay Vince.

Nakalimutan kong sabihin na noong nakaraang buwan nakausap ko si Gian."

"N-nakausap mo?" tila nanigas siya sa narinig.

"Oo, bakit hindi pa ba kayo nagkakausap?" ito naman ang nagtataka.

"Si Gian sigurado ka?"

"Oo, nagpakilala siya at isa pa kilala ko siya. Papunta nga ako ngayon sa kanila eh. Magkasama yata sila? "

Nanlaki ang kanyang mga mata at biglang tumakbo pabalik sa silid ng mga ito.

"Sandali lang hintayin mo ako!" sigaw ni Anne.

Kung si Gian ang kasama ni Vince ibig sabihin hindi ito ibang tao kundi ang kanyang pinakamamahal na kasintahan!

Diyos ko!

Naiiyak na tinakbo niya ang daan pabalik sa kinaroroonan ng kasintahan!

Hello po!

Maraming salamat po sa paghihintay ng update.

Nagkasakit po ako kaya masyadong natagalan ang update.

Baka po magpa check up pa ako nito sa doktor.

Sana po ay wala akong matinding sakit para makapagpatuloy pa po ako sa pagsusulat.

Sa mga nagreview, comment at vote maraming salamat po sa patuloy na pagsuporta.

Maraming salamat sa inyong lahat!

Phinexxxcreators' thoughts