webnovel

WANTED PROTECTOR

When the protector of the law became the protector of the lawless.

Phinexxx · Urbano
Classificações insuficientes
107 Chs

Chapter 45 - The Revelation

LOPEZ MANSION...

"Lolo! Lolo!" gimbal na dinaluhong ni Ellah ang matanda.

Tarantang binuhat ni Alex ang don at ipinahiga sa sofa saka niyugyog ang balikat.

"Don Jaime? Don Jaime!"

Ang galit at poot na unti-unting lumulukob sa kanyang pagkatao ay biglang naglaho.

"Tumawag kayo ng ambulansiya!"

" Opo! "

Takbuhan palapit ang mga kasambahay sa mansyon.

Taranta ang lahat dahil ang hari ng tahanan ay biglang nawalan ng ulirat!

Pinipisil nila ang mga parte ng katawan ng matanda upang muling magbalik ang malay nito.

"Lolo! Gumising kayo please! Lolo!" Tigmak ng luha ang mga mata ng dalaga.

Sa ilang saglit napag-isip- isip niyang hindi niya mapapatawad ang sarili kung sakali may masamang mangyayari sa kanyang lolo.

Saglit lang may ambulansiya ng dumating.

Binuhat ni Alex ang don papahiga sa stretcher at pinagtulungang ipinasok ng mga staff sa loob ng ambulansiya. Agad naman inasikaso ng mga naroon ang kanyang lolo.

Binalingan siya ni Alex.

"Ms. Ellah, kung susunod kayo magdala kayo ng bodyguard!"

"O-oo. "

Mabilis ng umalis ang mga ito.

Napahagulgol ang dalaga.

Sinisisi niya ang sarili sa nangyari.

"Patawarin niyo po ako lolo! Patawad po!"

Naawang nilapitan siya ng mayordoma. "Ms. Ellah, tama na po."

Inayos niya ang sarili.

"Manang, ihanda niyo ang gamit ni lolo at susunod ako sa hospital. "

"Opo Ms. Ellah. "

Umakyat siya sa kwarto at mabilis na nagbihis.

Kasalanan niya ang nangyaring ito!

Binuksan niya ang cellphone at may nakita siyang mensahe mula kay Gian.

Kumusta ka na? Mahal na mahal kita Ellah! Tandaan mo sana!

Parang nanghina ang dalaga sa nabasa ngunit kailangan niyang magdesisyon ngayon.

Matapos basahin ay binuksan niya ang cellphone tinanggal ang simcard at maging ang battery!

Habang nasa byahe papunta sa ospital ay panay ang dasal ng dalaga. Tahimik siyang humihikbi hanggang sa nakarating sila.

Inayos niya ang sarili, hindi siya dapat makitaan ng pagkakamali.

Ang pagbaba sa sarili ay hindi gawain ng mga Lopez!

---

CIUDAD MEDICAL...

Taas-noong naglalakad ang dalaga habang nakasunod sa naunang dalawang bodyguard. Kasunod naman niya ang dalawa.

Kaya ang kanilang madadaanan ay kusang dumidistansya at binibigyan sila ng daan.

Dumereto sila sa kinaroroonan ng matanda matapos malaman ang pinagdalhan nito.

Nang makapasok siya nagpaiwan ang kanyang apat na gwardya at lumabas ang isa sa mga kasambahay na nagbabantay sa kanyang lolo.

Nakahiga ito at nakapikit.

Maya-maya ay bumisita ang nurse.

"Ms. kumusta na ho siya?"

"Maayos na po sa ngayon ma'am, iwasan lang sana ang mga bagay na nakakapagdulot sa kanya ng matinding stress."

Hindi sumagot ang dalaga.

Hanggang sa makaalis ito.

Naalala niya ang sinabi ng kanyang lolo.

"Huwag mong subukang suwayin ako Ellah, dahil kapag pinilit mo 'yang gusto mo ikaw ang papatay sa akin!"

Muli na namang napaluha ang dalaga.

"Pangako hindi na po lolo. Hindi ko na kayo susuwayin, gumising na kayo diyan."

Pinagmamasdan niya ang matandang lalaking nakahiga sa isang payak na kama.

Marami na itong kulubot sa mukha at mga kamay.

Nakalarawan sa mukha nito ang bigat ng dinadala.

Sa isang iglap ang hari ay nawalan ng kapangyarihan. Napagtanto niyang tao pa rin itong nagkakasakit, nasasaktan at nahihirapan.

At ang masaklap siya ang dahilan ng paghihirap nito.

Paghihirap ng kanyang pinakamamahal na lolo.

Muling namasa ang kanyang mga mata. Pinigilan niya ang luhang nagbabadya na naman.

Hinaplos niya ang kamay ng don.

Kahit papaano payapa na itong natutulog.

Maayos na ang don at kasalukuyan na lang itong nagpapahinga.

Umupo siya sa tabi nito.

Yumuko siya sa dalawang kamay at ipinikit ang mga mata.

Hindi man lang niya napansin na pumasok si Alex.

"Matulog ho muna kayo Ms. Ellah, makakasama ho sa inyo ang ganyan, marami naman ang magbabantay kay don Jaime. Pinapunta ko na dito si manang. "

"Salamat Alex, pilitin mong hindi ito malalaman ng medya. Ayokong maeskandalo si lolo. "

"Makakaasa kayo Ms. Ang mabuti pa ho ay umuwi muna kayo, may trabaho pa kayo bukas."

"Babantayan ko si lolo. "

"Ms. Ellah, sinabi na sa inyo ni don Jaime, huwag ninyong pababayaan ang kumpanya. Tiyak hindi siya matutuwa pag gising niya na makikita niya kayo dito."

Hindi umimik ang dalaga at nagpasyang umuwi na lang.

"Ihatid niyo siya" utos nito sa dalawang bodyguard.

"Opo!"

Parang wala sa sarili ang dalaga. Hindi man lang niya namalayang nakauwi na pala sila, dumeretso siya sa kwarto at nahiga.

"I'm sorry lolo! Patawarin niyo ako."

Hanggang sa nakatulugan niya ang pag-iyak na 'yon!

Kinabukasan, maaga pa lang ay gising na siya, naghanda para sa pag-oopisina pero dumaan muna siya sa kanyang lolo.

Nadatnan niyang gising na ito!

"Lolo!" mabilis niya itong niyakap ng mahigpit!

"Ellah, hija" niyakap din siya ng matanda.

"Patawarin niyo po ako lolo,

pangako hindi ko na po kayo susuwayin, magpagaling po kayo agad."

"Oo, sige sinabi mo eh."

"Salamat po."

"Papunta ka ba ng opisina niyan?"

"Opo, ayokong pabayaan ang kumpanya."

"Tama 'yan hija. O sige na baka ma late ka pa."

Kumalas siya sa pagkakayakap dito.

"Aalis na po ako lolo, mamaya babalik po ako."

"Oo, sige, umalis ka na."

"Opo!"

Huminga ng malalim ang dalaga.

Kahit gaano niya ka gustong bantayan na lang niya ito ay nagpasya siyang sundin ang kagustuhan ng kanyang lolo.

---

MEDC OFFICE...

Sa loob ng opisina ay halos wala silang imikan ng kanyang sekretarya.

At iginagalang nito ang kanyang pananahimik.

"Jen, tapos ko na itong pirmahan wala ba akong meeting ngayon?"

"Next day pa po Ms."

Huminga siya ng malalim.

"Jen, kailangan ko ng hiwalayan

si Gian."

"Ho?"

"Na ospital si lolo dahil sa akin, kaya kailangan ko ng mamili sa kanilang dalawa. At mas pipiliin ko si lolo."

"Kawawa naman po si sir Gian."

"Hindi na ako magpapaalam, baka kasi hindi ko kaya eh."

"Talaga bang 'yan na ang desisyon ninyo Ms.?"

Tumango ang dalaga.

Nilapitan siya ni Jen at marahang tinapik ang balikat bilang pampagaan ng kalooban.

'Patawad Gian! Patawad.'

"Pag-isipan mo muna ng maigi ang desisyon mo Ms. Naguguluhan ka lang sa ngayon, mas masasaktan ka kapag pinakawalan mo si sir Gian."

Mariin siyang umiling.

"Nasunod mo ang kagustuhan ng chairman pero ikaw naman ang nagdurusa."

"Kaya kong mawala si Gian, maraming pwedeng ipalit sa kanya pero si lolo nag-iisa lang siya."

"Nag-iisa lang din si sir Gian Ms. Wala siyang katulad. Kapag pinakawalan mo siya, wala ka ng makikitang pang ibang Gian. Kaya mo bang makikita siyang masaya sa piling ng iba?"

Maiisip pa lang niyang mangyayari 'yon ay tila ba hindi niya matanggap.

"Hindi ko na alam ang gagawin ko."

---

ZC RESTAURANT...

Malakas na tinadyakan ng binata ang lalaking nakatayo sa tabi ng kotse sa loob ng basement ng naturang restaurant.

Tumimbuwang ito ngunit agad bumangon.

Ilang araw din ang lumipas bago niya ito nahuli.

"Sino ka!" nanlalaki ang mga mata ng lalaki.

"Gago ka! Papatayin kita!" inundayan niya ito ng mga suntok sa mukha habang niluhuran.

Panay ang ilag ng lalaki pero hindi ito nakakaiwas. Hindi niya tinigilan hanggang sa mawalan ito ng ulirat.

"Pare, tama na baka mapatay mo 'yan!" inawat siya ni Vince dahil kung hindi ay matutuluyan na ito.

"Ikaw ang dahilan ng pagkakaospital ni don Jaime hayop ka!"

Tumayo siya at tinadyakan ito sa sikmura.

"Sir, tama na!"

Malakas siyang hinatak ni Vince sa balikat kaya halos matumba siya.

"Hayop 'yan! Iyan ang may pakana sa lahat ng nangyayari. Ipinadala niya sa mga Lopez ang mga kuha namin ni Ellah sa couple restaurant. Paano kapag lumabas 'yon sa medya? Masisira na naman si Ellah nang dahil sa akin!"

"Alam na ba ito ni Ms. Ellah?"

"Hindi ko alam, pero hindi ko na siya makontak. Nang puntahan ko sa opisina agad akong hinarang ng mga gwardya doon. At dahil 'yon sa hayop na 'yan! May palagay akong alam na ni don Jaime ang tungkol sa amin kaya hindi ko na siya makontak ngayon at iniiwasan na ako!"

"Paano 'yan?"

"Hindi ko alam, ang alam ko lang gusto kong patayin ang taong 'yan!"

"Huwag, may mga batas pa rin tayong dapat sundin."

Inilayo siya ni Vince sa lalaki.

Matagal silang walang imikan. Halos hindi na na niya alam ang gagawin kaya kailangan niyang kumalma.

"Pare, pupuntahan ko si Ellah sa bahay nila."

"Huwag muna ngayon pare, alam mo namang inatake ang don."

"Damn it! Nakakasigurado akong alam na nga ni don Jaime ang tungkol sa amin ng apo niya."

"Ano ang mangyayari sa inyo?"

"Hindi ko na siya makontak pare, baka iniisip na niyang iwan ako."

"Huwag kang pumayag!"

Hindi siya sumagot.

Napabuga ng hangin ang binata.

"Paano na kung hihiwalayan ako ni Ellah? Pare ngayon pa lang nararamdaman ko na ang sakit."

"Pare, magpakatatag ka, ipaglaban mo siya, ikaw na ang nagmamay-ari sa kanya, naguguluhan lang siya ngayon dahil sa sitwasyon, ikaw ang mas nakakaintindi kaya habaan mo ang pasensiya mo. Kung kinakailangang kalampagin mo na naman ang gate ng mga Lopez gawin mo!"

Hindi siya nakasagot.

"Pero pare, huwag lang ngayong mga panahong ito dahil nakaratay pa si don Jaime sa ospital. Kapag ginawa mo 'yon baka hindi ka na haharapin ni Ms. Ellah."

Napatingin siya dito.

"Vince pare, parang gusto kong dalawin si don Jaime. "

"Lintek! Eh 'di ikaw ang sunod na na ospital? Sa palagay mo ba palalagpasin ka ng mga Lopez kapag ginawa mo 'yon? Baka nga hindi ka pa pansinin ni Ellah eh."

"Ano ang dapat kong gawin?"

"Wala, maghintay ka kung kailan gagaling si don Jaime saka mo siya kalampagin sa bahay niya."

"Pare papaano kung hindi na ako haharapin ni Ellah?"

"Hindi kita masasagot diyan pare, ikaw ang mas nakakakilala sa girlfriend mo."

Napabuntong hininga ang binata.

Isipin pa lang niya ang pakikipaghiwalay ng dalaga ay parang hindi na siya makahinga!

Ipinikit ng binata ang mga mata.

Nagmamaneho si Vince para sa kanya at pauwi na sila nang magsalita ito.

"Pare, may bibilhin lang ako."

Ilang sandali pa may bitbit na itong isang supot sa tingin niya ay pagkain.

"Nagugutom ka na agad? Eh nanood ka lang naman?"

"Gamot po ito sir."

Hinawakan nito ang kanyang kamay.

"Hindi mo ba napansing dumudugo ang mga kamay mo?"

tanong nito habang ginagamot ang mga kamay niya.

"Hindi ko napansin."

"Ibang klase ka talaga."

Hindi na siya kumibo.

"Pare pang anim na araw na ngayon na wala kang kontak sa kanya. Ang sabi mo pa nga hanggang text at tawag ka na lang sa loob ng limang araw. Pero ngayon wala na talaga at anim na araw na! Kung susumahin labing isang araw na kayong hindi nagkikita. Bukod pa sa anim na araw na wala siyang paramdam. "

Marahas na napabuga ng hangin ang binata.

"Pare, huwag mo nang patagalin pa 'yan baka tuluyan na kayong maghiwalay. "

"Tarantado ka talaga, ano ba talaga? hindi muna ako kikilos sa ngayon dahil sabi mo malala pa ang kundisyon ng lolo niya tapos ngayon huwag ko ng patagalin? Ang gulo mo talagang kausap kahit kailan!"

"Pare ang sinasabi ko hintayin mo ang pag galing ni don Jaime bago ka magpakita."

"Ano kaya ang nararamdaman niya ngayon? Kumusta na kaya siya?"

" Ang hirap ng sitwasyon mo, ikaw ang syota pero hindi ka man lang makakalapit? Maghanap ka na lang ng iba. "

"Hindi ko 'yon gagawin alam ni Ellah kung gaano ko siya ka mahal."

"Eh 'yong malaking dibdib na sinasabi ni Ellah, ayaw mo ba doon?"

Tiningnan niya si Vince.

"Kung gusto mo sa'yo na lang. "

"Gago eh, 'di napatay ako ng siyota ko."

Hindi na siya umimik.

"O hayan, tapos ko ng gamutin 'yang sugat mo, pwede mo na uling ipanapak 'yan!"

Natawa ang binata.

"Salamat pare. "

"Wala 'yon, basta ipaglaban mo ang pag-ibig mo!"

"Pare, tatanggapin ko ang mission."

" Mas lalong hindi ka na pwede, ngayon pa na may problema ka. "

"Maayos ko 'to pare, kaya ko itong ayusin. "

" Sana nga pare, sana mabilis mong maayos. "

Napatango-tango ang binata.

"Pare, alam kong kaya mo 'yan. Ngayon pa ba na sinagot ka na. Ikaw na ang nagmamay-ari sa kanya, iyo na siya. "

Marahil tama nga si Vince siya na ang nagmamay-ari sa dalaga!

Ang kailangan lang ay maprotektahan niya si Ellah!

Pagkatapos ng kanyang ginawang paggulpi sa may pakana ay dumeretso ng opisina si Gian.

Pagdating niya ay agad siyang ipinatawag ng boss upang ipaalam ang kanyang tugon sa pinakikiusap nitong misyon.

"Good morning sir," aniya sabay saludo na tinugon nito.

"Ano Villareal? Nakapagdesisyon ka na ba?"

Huminga ng malalim ang binata.

"Yes Chief."

"Anong desisyon mo?"

Tumingin siya ng derekta sa mga mata ng head, kitang-kita niya ang umaasa nitong mga tingin na ayaw niyang biguin.

"I'll accept the job."

Ngumiti ang amo.

"Very good Gian!"

"Sa isang kundisyon sir."

Naglaho ang ngiti nito.

"Si Maravilla ang ipasok ninyo sa grupo."

"Ano?" Napatayo ang head sa pagtataka. "Akala ko ba ikaw ang gagawa?"

"Sir, kilala ko si Maravilla, alam kong kaya niya, ang plano ko siya sa loob ako sa labas. Kung dati ako sa loob at siya sa labas ngayon gusto kong siya naman ang nasa loob."

"Villareal you don't know how critical is this! Paano kung pumalpak tayo? Ikaw ang magiging dahilan ng pagkapahamak ng kasama mo!"

Alam niyang hindi talaga 'yon ang totoong rason kung bakit tutol ang head nila.

"Sir, pagkatiwaalan niyo ang kaibigan ko. Paano ninyo makikita ang kakayahan niya kung palagi lang siyang naka back up sa akin?"

"Ayaw ko lang maulit ang nangyari noon na dahil sa kanya muntik ka ng mamatay."

"Alam natin na sa trabahong ito nakasunod sa atin ang kamatayan, kaya lang sana bago mamatay si Vince ay bigyan niyo ng pagkakataong maipakita ang kakayahan niya. Magaling siya Chief, sigurado akong kaya niya."

"Alright, dalawa kayo sa misyong ito, bibigyan ko siya ng isa pang pagkakataon dahil may tiwala ako sa'yo."

"Thank you sir."

Pinindot nito ang intercom at tinawagan ang assistant.

"Bring Maravilla here."

Siya naman ang napangiti.

Ilang sandali pa pumasok na ang kaibigan niya.

"Sir!" alerto itong sumaludo sa head nila at sa kanya.

"Come in," anang head.

Tumabi ito ng upo sa kanya.

"Maravilla, I want you and Villareal to hold the case of Congressman Delavega."

Nanlaki ang mga mata ni Vince at halatang masayang-masaya ito.

"Thank you sir!"

"This is one of the biggest mission, do your best, Maravilla."

"Thank you sir!"

"Good luck!"

Nagpasalamat silang dalawa at sumaludo bago lumabas.

Paglabas nila ay nagulat si Gian nang  yakapin ni Vince.

"Pare, salamat! Maraming salamat talaga!"

Kumalas ito at sumaludo.

Natawa si Gian.

"Pare, wala kang utang na loob sa akin. Sadyang hindi pa lang nakikita ng amo natin ang kakayahan mo at ito na ang pagkakataong 'yon. Naniniwala ako sa' yo."

"Thank you sir!"

"Isa pa sa dahilan kaya ko ipinasa sa' yo ang misyon ay dahil sa sinabi mong ayaw mo akong mapahamak, ayaw ko ring masaktan ka dahil hindi kita pinakinggan. Alam mong sa opisina natin ikaw lang ang pinagkakatiwaalan ko at nag-iisang kaibigan. "

"Ikaw lang din ang itinuring kong kapatid."

"Salamat, kaya pagbutihan mo."

"Opo sir!"

"Nga pala, hindi ko na ipinaalam sa head natin na kilala ako ng mga Delavega."

"Bakit?"

"Ayaw ko ng mag-aalala pa siya at baka hindi ka niya isama sa misyon."

"Kaya nating pabagsakin ang Congressman na 'yon."

"Tama, kaya natin."

"Alam mo ba kung ano ang mas nagpasaya sa akin ng husto?"

"Ano?"

"Iyon ang ma protektahan ka dahil kasama ako sa misyon."

"Hindi mo kailangang gawin 'yon dahil trabaho natin 'to."

"Pero dehado ka dahil kilala ka, kaya nagpapasalamat ako ng husto dahil nakinig ka sa akin ibig sabihin pinahahalagahan mo ako, at gagawin ko ang lahat para magtagumpay."

Nakita niya ang determinasyon sa mga mata ng kaibigan.

Ito ang nagustuhan niya kay Vince, bukod sa pagkapalabiro nito ay seryoso ito pagdating sa trabaho at tunay itong nag-aalala sa kanya.

Napangiti si Gian.

Alam niyang hindi siya nagkamali sa kaibigan.