NATAKOT AKO NANG bigla siyang mahimatay, natuliro ako at parang nabingi. Pasigaw kong tinatawag ang pangalan niya pero maging sarili kong boses di ko marinig. May mga estudyanteng sumaklolo sa 'min pero bigla ko na siyang binuhat para dalhin sa school clinic – naiwan pa ang mga gamit namin.
Maayos naman daw si Chelsa sabi nung nurse. Normal naman ang vital signs niya. Pero tulog pa rin siya. Hawak ko ngayon ang kamay niya habang nakahiga siya rito sa kama ng clinic. Nasa kamay niya pa rin ang naiwang bakas ng paruparo. Nagtataka pa rin ako – ba't parang naging abo? Nasa amin na ang mga gamit namin, may estudyanteng nagmagandang loob na ihatid ang mga gamit. Wala namang kulang sa mga gamit ko. Hinanap ko ang cellphone ni Chelsa para sana tawagan ang parents niya, pero sabi ng naghatid ng mga gamit walang cellphone.
Ganito ba pagnamatay ang paruparo? Natanong ko sa sarili ko. Pero binalewala ko na lang yun. Ang importante maayos na siya. Inalis ko ang dumi sa kamay niya at hinalikan ang likod ng palad niya.
May naramdaman akong humaplos sa ulo ko. Nagising na siya. Nakangiti siya sa 'kin at ngumiti rin ako sa kanya.
"Maayos na ba ang pakiramdam mo? Ba't ba nahimatay ka? May sakit ka ba? Madalas ba mangyari yun? – Hoy! Sumagot ka! Okay ka na ba? Ha?" gusto ko sanang magpa-cool. Eh, kaso talagang nag-aalala ako.
Natawa lang siya sa dami ng tanong ko. "Pa'no ako sasagot? Sunod-sunod ang tanong mo." hinaplos niya ang mukha ko. "Siguro, masyado lang akong in love sa'yo. Kaya na-fall ako." Nakangiting sagot niya.
"Patay tayo dyan. Ako ba naman ang kainlaban mo. Baka araw-araw ka nang mahimatay niyan?" Biro ko rin.
"Sasalohin mo naman ako, di ba?"
"Hmm?"
"Nag-isip ka pa?!" at hinampas niya ako.
Napangiti na lang ako at hinaplos ang mukha niya. At unti-unting may dumaloy na luha mula sa kanyang mga mata.
"Bakit?" tanong ko habang pinapawi ng hinlalaki ko ang mga luha sa magkabilang-pisngi niya.
"Wala. Sobrang saya ko lang talaga." Sagot niya at hinaplos niya ang mukha ko.
"Ihahatid na kita sa inyo."
"Hindi na!"
"Pero dapat ko lang gawin yun. Strict ba masyado ang parents mo?" Tumango lang siya. "Kaya ba pati cellphone wala ka? Pa'no nila malalaman na nandito ka?" Di siya sumagot. Tapos biglang may epal na sumulpot.
"Chelsa! Ayos ka na ba?" si Kristan, hangos na tanong niya. At agad pang hinawakan ang kamay ni Chelsa. Loko!
Nagkatinginan kami ni Chelsa. Bago niya nilingon si Kristan. "Okay na ako. Salamat." Sagot niya. Tapos hahalikan pa sana ni ogag yung kamay niya. Pero hinawi ko.
"Problema mo?" aba! May gana pang magtanong?
"Hahalikan mo lang naman ang kamay ng girlfriend ko." Maangas na sagot ko.
"Girlfriend?" tapos tiningnan nito si Chelsa. "Alam ba niya?" maangas din na tanong nito. Lokong tanong!
I smirked. "Di tanungin mo siya."
"Kayo na ba?" tanong ni Kristan. Tumango si Chelsa bilang tugon.
"Pwede ka nang umalis." Suggest ko.
"Pero girlfriend mo pa lang naman siya. Asawa nga pwedeng maagaw – girlfriend pa kaya?" Nakakalokong sabi niya. "Mahal ko siya." at nilingon niya si Chelsa.
Di ko talaga alam ang trip ng taong 'to. Parang biglaan naman na gusto na niya si Chelsa? Naramdaman niya rin ba yung naramdaman ko kay Chelsa? O may balak lang 'to na kung ano? Haist! Upakan ko na kaya 'to? Total nasa clinic naman kami.
"Di natahimik ka? Natatakot ka bang mangyari yun?" pagyayabang pa ni kumag.
"Naaawa lang ako sa 'yo." May nakakalokong ngiting sabi ko. Ayun, usok yung ilong niya.
Napatingin sa likod ko si Chelsa. May pag-aalala sa mga mata niya.
"Tumigil nga kayo." Si Carly at lumapit siya kay Chelsa.
Nakita ko sa mga mata ni Carly ang pagpigil ng luha. Pero nakangiti pa rin siyang lumapit at kinamusta si Chelsa. May gusto nga pala si Carly kay Kristan. Siguro narinig niya ang usapan namin kaya parang ang lungkot ng mukha niya.
Masyado naman maglaro ang tadhana. Noon, gusto ako ni Carly pero si Cristy ang nagustuhan ko – kaya nag-away sina Carly at Cristy. Galit sa 'kin si Kristan dahil kay Cristy – dahil gusto niya si Cristy. Gusto na ngayon ni Carly si Kristan – kaya tuloy ang away nina Carly at Cristy. Pero si Kristan umeepal ngayon kay Chelsa – na ako naman ang gusto. Kaya galit ngayon si Cristy kay Chelsa dahil sa 'kin – dahil gusto ko na si Chelsa.
Napaka-shit lang ng love! Shit happens nga talaga! Pero shit na gugustuhin mong mangyari sa buhay mo.
Maya-maya, may dumating na lalaki. "Anak, ayos ka lang ba?" pag-aalala nito – papa pala ni Chelsa. Niyakap si Chelsa nito at tiningnan kaming tatlo nina Kristan at Carly. Medyo mga kaedaran din siya nina mama at papa kung titingnan. Maputi siya at sa kanya siguro namana ni Chelsa ang hitsura niya. Naisip ko na malamang, maganda rin ang mama niya.
"Okay na ako, pa." Nakangiting sagot ni Chelsa.
"Mga kaibigan mo ba sila?" tanong nito pero sa 'kin lang nakatingin.
"Opo." Matipid na sagot ni Chelsa.
Agad nang nagpasya umuwi ang papa ni Chelsa. Hinatid ko sila sa parking lot. Nasa loob na siya ng kotse. Ngumiti kami sa isa't isa bago sila umalis ng papa niya. Haist! Si Kristan nandito rin – nakingiti rin kay Chelsa. Upakan ko na talaga 'to, eh! Nag-smirked lang ako bago ko sila iwan ni Carly. Kita pa rin sa mukha ni Carly ang lungkot. Natanaw kong iniwan niya si Kristan mag-isa.
Nagtataka ako pa'no nalaman ng papa ni Chelsa na nasa clinic siya? Wala naman tumawag sa 'min. Yung school kaya? O nasabi ng guard? Baka nagtanong yung papa niya dun?
Mukha naman mabait yung papa niya. nasabi ko sa sarili ko. Pero baka naman yung mama niya ang istrikto?
Kanina, nag-text si Edward. Nandun daw sila ng buong tropa kay Nicole. Di ko alam kung pupunta ako?
BRO, UMUWI NA AKO. BUKAS NA LANG SIGURO TAYO MAGKITA-KITA. Reply ko sa text ni Edward.
Nandito ako ngayon sa mall. Gusto ko munang mapag-isa. Baka kasi magkainitan lang kami ng tropa. Wala ako sa mood pag-usapan yung isyu na yun dahil nag-aalala talaga ako sa kalagayan ni Chelsa. Sabi kasi nung nurse di naman normal mag-nose bleed lalo pa't di naman mainit ang panahon nang mga oras na yun. At nahimatay pa siya. Dapat daw para sure magpatingin na siya sa doctor. Sana naman okay lang siya.
~~~
> CHELSA'S POV <
PA, LUMALALA NA BA AKO? Tanong ko kay papa sa isip ko.
Matagal bago sumagot si papa. Nakita ko sa rearview mirror ang mugto ng mga mata niya. Pero ngumiti pa rin siya nang sulyapan ako.
SI NATE, GUSTO KA NIYA? malayo ang naging sagot niya.
PO?
SIYA YUNG GUSTO MO, TAMA?
OPO. SABI NIYA GUSTO NIYA RIN AKO.
DI MABUTI. KAYO NA BA?
H-HINDI PA PO! Kaloka naman ang tanong ni papa.
ILIHIM NA LANG NATIN SA MAMA MO ANG TUNGKOL SA INYO NI NATE. ALAM KONG NARINIG MO YUNG USAPAN NAMIN. WAG KANG MAGALIT SA MAMA MO. GUSTO KALANG NIYANG PROTEKTAHAN.
NAIINTINDIHAN KO PO, PA.
Sa isip lang kami nag-usap ni papa. Ayos din pala 'tong powers ko, unli-call. Alam pala ni papa na narinig ko sila ni mama nung gabing yun?
~~~
***FLASHBACK
ISA NA 'TO sa pinakamasayang Monday ng buhay ko. Payag si papa na maging magkaibigan kami ni Nate. At kanina sa school, nag-usap kami ni Nate. Kilig much! Hay, naku! Para akong baliw na paikot-ikot ngayon sa kama ko hawak ang straw na tinali sa buhok ko ni Nate. Nauhaw tuloy ako.
"Ano? Pumayag kang magkanobyo si Chelsa?" napatigil ako sa paglalakad ng marinig ko ang boses ni mama. Parang galit siya?
"Pero, wala namang masama dun?" si papa.
Nasa kusina sila kung saan sana ako pupunta para uminom ng tubig. Nagtago na lang ako at nakinig dahil alam kong tungkol sa 'kin ang pinag-uusapan nila.
"Pero nilalagay mo lang siya sa kapahamakan. Alam mo naman ang sitwasyon. Pa'no kung malaman ng binatang yun ang tunay niyang pagkatao? Pa'no kung katakutan siya? Pa'no kung malaman ng lahat? Pagpipyestahan nila ang kalagayan ng anak mo at ng pamilya natin. Alam mo namang di normal ang sitwasyong nating 'to!"
"Hindi mangyayari yun. Hayaan mong magmahal ang anak mo. Tulad ng pagmamahalan natin noon. Naging masaya naman tayo, di ba? Hayaan mong sumaya siya."
"Naririnig mo ba ang sinasabi mo Chelo? Iba ang sitwasyon natin sa anak mo. Naging masaya nga tayo, pero ito, may kapalit na sakit. Mawawalan tayo ng anak. Hindi ako papayag na sa mga huling araw niya, masasaktan siya. Pa'no kung lokohin lang siya ng binatang yun?"
"Magtiwala ka sa anak mo. Hayaan mong maging masaya siya sa mga huling araw niya. Hayaan mong maranasan niyang magmahal at mahalin. Yun lang ang gusto ko."
"Hindi kita maintindihan. Ba't parang napakadali sa 'yo ng lahat? Ba't pinagtutulakan mo ang anak mo? Hinahayaan mo siyang mapahamak."
"Hindi sa ganun yun. Wala ka bang tiwala sa anak mo? Sa tingin mo walang lalaking tatanggap sa kanya? Tinanggap mo nga ako, di ba? Nagsisisi ka ba, na tinanggap mo ako?"
Umiyak na lang si mama. Umalis na ako at bumalik sa kwarto ko.
***END OF FLASHBACK
~~~
NARITO NA AKO sa kwarto ko. Napaluha na naman nang maalala ang pag-uusap nina mama at papa. Isang sumpa ang kapalit ng naging kaligayahan nila. At ako ang sumpang yun. Ang bigyan sila ng panghabambuhay na kalungkutan.
Pero kahit kalungkutan ang dala ko sa mga mahal ko sa buhay, pwede naman siguro akong maging masaya. Kaya pipiliin kong ituloy ang pagmamahal ko kay Nate. Alam kong iiwan ko rin siya. At napakamakasarili ko sa lagay na yun. Pero kailangan bang maging malungkot na lang ako?
Alam ko ang sitwasyon. Pero mangyayari pa lang naman ang bagay na yun. Sa hinaharap pa yun – na mananatiling ispekulasyon lang yun hangga't di pa nangyayari. Pa'no kung may mangyaring himala? Pa'no kung di ako mawala? Di pagsisisihan ko na di ko tinuloy ang pagmamahal ko kay Nate?
"Aw! Aaaaaaahhh! Haaaaaaahhh!" bigla akong napasigaw sa sakit. Talagang napakasakit! Napahiyaw ako nang napakalakas. Hawak ko ang ulo ko ng isang kamay ko. At ang isang kamay ko nakahawak sa likod ko. Napahiga na ako sa kakasigaw.
Nakita ko ang pagpasok nina mama at papa – alalang-alala sila. Niyakap ako ni papa habang nagsisisigaw pa rin ako sa sakit. Parang mabibiyak ang ulo ko at mahahati ang likod ko?
Si mama napahawak na lang sa bibig niya at luhaang napaupo sa sahig. Nakita ko rin ang pag-iyak ni ate sa may pinto. Si papa pilit niya akong pinapakalma. Ngayon lang nangyari 'to. Natatakot ako.
Bumibilis ba ang pagkawala ko? Mamamatay na ba ako? Yun ang tamatakbo sa isip ko.
Pero inisip ko ang mga ngiti niya. Inalala ko ang tinig niya. Ang mga haplos niya. Ang mga titig niya. Ang mabangong amoy niya at ng kanyang hininga. Unti-unting bumubuti ang pakiramdam ko. Dahil siya ang nasa isip ko, si Nate – ang lalaking pinakamamahal ko. At higit sa lahat, ang pamilya ko.
~~~
MAAYOS NA ANG pakiramdam ko. Nakahiga na ako sa kama. Nakaupo sa tabi ko si mama. Maluha-luha ang mga mata niya, pero nakangiti siya. Hawak niya ang kamay ko at ang isang kamay niya haplos ang ulo ko. Mas gumaan ang pakiramdam ko dahil sa init ng mga palad ni mama. Ang mga kamay na yun ang sabi ni papa na minahal niya kay mama.
"Ma, pwede mo po bang ikwento ulit kung pa'no kayo nagkakilala ni papa." Hiling ko kay mama.
Humigpit ang hawak ni mama sa kamay ko at nakangiti siyang tumango. Pero tuluyan ng pumatak ang luha niya sa kanyang mga mata.