"MATATAPOS na rin sa wakas ang lahat ng paghihirap at sakit na nararamdaman ko!" sa isip ni Romeo.
Mga katagang naglalaro sa isip ni Romeo, balak nitong tapusin ang buhay niya sa pagbibigti. Nang hindi ito natuloy dahil sa isang misteryosong tinig na nagpahinto sa kanya.
Napapaligiran ng maraming puno, madamong kapatagan at ligaw na halaman ang kinaroroonan ni Romeo. Nakatali sa malaking sanga ng puno ang lubid habang nakatungtong siya sa silya. Isang sipa lang niya rito ay masasakal na siya ng lubid na nakapalibot sa leeg ni Romeo.
Dahil sa tinig na narinig niya, nahinto siya 't nakiramdam sa paligid.
"Mabuhay ka at huwag mawalan ng pag-asa!" Palingon-lingon si Romeo sa paligid nang magulat siya sa kakaibang bagay na lumutang sa harapan niya.
Bigla lang iyong sumulpot nang hindi niya namamalayan kung saan nanggaling. Basta ang napansin lang niya ay isang mabilis na liwanag ang tila bumulusok mula sa langit at heto nga ang bagay na nasa harapan niya.
"I-Isang…" nauutal at kinakapos na salita ni Romeo. "I-Isang—itlog?!" malakas na sigaw ng binata.
Nagpatalbog-talbog ang itlog sa hangin na parang ang saya-saya nito.
"Kumusta? Huwag kang matakot, ipinadala ako ng langit para sa isang misyon!" sabi ng kulay puti at malaking itlog sa hangin.
"N-Nagsasalitang—itlog?!" bulalas niyang muli.
Matapos sumigaw nang malakas, nawalan ng malay si Romeo't tuluyan nang humandusay sa lupa. Nagkaroon pa nang kaunting lakas si Romeo para silayan ang itlog na nagpapalutang-lutang sa hangin. Nahawakan niya ang leeg niya't nahawakan ang putol na lubid.
"A-Ano'ng klase ng nilalang…" putol ni Romeo nang hindi na niya matapos ang pagbulong dahil nawalan na siya nang malay-tao.
***
NAGISING si Romeo na nasa loob ng kuwarto't nakahiga sa kanyang kama. Bumangon siya't nasandal sa malambot na unan sa sandalan. Isang malalim na buntong-hininga ang ginawa ni Romeo, bago tuluyang alalahanin ang nangyari sa kanya bago siya mapunta sa loob ng kuwarto.
"Kanina lang…"
Bumukas ang pinto't dumating ang matandang babaeng naka-bulaklaking bestida at kulay puti na ang buhok. Si Lola Pasing ang nag-iisang karamay at kakampi ni Romeo sa buhay.
"Gising ka na pala, Romeo," nakangiting bati ng matanda.
"Lola, ano pong nangyari? Paano po ako nakauwi?" mga tanong ng binata sa kanyang lola.
"Hindi mo natatandaan?" sagot ng matanda.
"La, wala po talaga akong matandaan, sumasakit nga rin po ang likod ko." Pilit na inaabot ng kamay ni Romeo ang parteng sumasakit pero, hindi niya ito maabot.
Bumuntong-hininga ang matanda. "Nakahiga ka kanina sa tapat ng pinto. Akala ko nga lasing ka," pabiro ng matanda.
Napakunot-noo si Romeo nang marinig iyon sa matanda. "Po? Lola naman, hindi po ako umiinom," depensa ni Romeo.
Nangisi si Lola Pasing, kinuskos ang buhok ni Romeo bago hinalikan. "Alam ko naman. Mabuti pa magpahinga ka na uli."
Pinagpahinga na lamang ng matanda ang apo, hindi na nito inusisa pa kung ano talaga ang nangyari sa binata. Lumabas ng kuwarto si Lola Pasing saka sinara nang mahina ang pinto. Nakaramdam naman ng pagod itong si Romeo, hindi niya maintindihan ang mga pangyayari hanggang sa sumapit ang malalim na gabi.
Napabangon siya nang sumagi sa gunita niya ang lahat, alam niyang may nakita siyang itlog na nagsasalita. Bumaba siya sa kama't sinaliksik ang buong kuwarto. Napaupo siya sa sahig nang makita ang malaking itlog na nasa karpet. Dahan-dahan niya itong kinuha saka niyakap sa kanyang bisig. Muli siyang umakyat sa kama at nagkumot kasama ng itlog.
Tahimik na nagmasid si Romeo, hinawakan ang itlog at nadama nito ang kakaibang init hanggang sa siya'y mapapikit at makatulog.
***
KINABUKASAN, isang sorpresa ang gumulantang sa binatang si Romeo. Kahapon lang nais na niyang tapusin ang buhay niya. May mabigat na pinapasan ang binata na pakiramdam niya, wala sa kanyang nakakaunawa.
Nakaduro ang hintuturo ni Romeo sa harapan niya. Nanlalaki ang mga mata niya't nanginginig ang katawan nang magising siyang may kakaiba na sa higaan niya.
"B-Bata?!" pambungad niyang sigaw. "A-Ang itlog, naging bata?!" Mukhang nilamukos na papel ang hitsura ni Romeo sa pagkagulat.
"Hi po!" malambing na bati nito.
Isang cute na batang may suot na puting bestida, kulay ginto ang mahaba at kulot niyang buhok, gano'n din ang kulay ng mga mata nito. Nagliliwanag sa kaputian ang batang may porselanang kutis at mamula-mulang pisngi.
"Sino ka? A-Ano'ng ginagawa mo rito? Paano ka nakapasok?" sunod-sunod na tanong ni Romeo.
Nakangiti itong nagpakilala kay Romeo. "Mister, ako nga pala si Angelica! Nice to meet you po!" Sabay pa-cute ng mga mata niya na parang tuta.
"S-Sandali, a-ano'ng klaseng nilalang ka?" Naibaling ni Romeo ang tingin niya sa nagkalat na basag na itlog. "Dinosaur ka noh? Ano'ng uri ng dinosaur ka?" wala sa hulog na tanong nito sa bata.
"For your information, hindi ako dinosaur! Isa akong anghel!" Nag-finger snap ang bata't biglang lumitaw ang angel hallo nito sa ulo.
"Waaahhh!" gulat ni Romeo. "M-May hallo ka sa ulo?!" Turo pa ng binata sa bata.
"Syempre naman, anghel nga po ako 'di ba?!" pilosopong sagot naman ni Angelica.
Hindi lang ito ang ginawa ni Angelica, umikot pa ito saka lumitaw ang kumikinang at nakakaakit nitong pares ng pakpak. "Ako po si Angelica, at your service po!" Sabay ngiti at kindat.
Paulit-ulit na kinuskos ni Romeo ang mga mata niya at sinugurong hindi siya nananaginip ng mga sandaling 'yon. No'ng araw ring iyon ipinagtapat ni Angelica ang tunay niyang pakay, kung bakit siya nasa mundo ng mga tao.
Naupo si Angelica sa harapan ni Romeo nang nakalutang sa ere.
"Katulad ng ibang mga anghel dati rin akong mortal na tao! Nang magising ako kasama ko na ang iba pang kaluluwa sa langit. Doon binasbasan kami ng Panginoon upang maging cute na mga anghel pero, bago kami tuluyang makapasok sa tahanan ng Panginoon binigyan muna niya kami ng mahalagang misyon." Tumayo si Angelica nang nakalutang pa rin sa hangin. Itinapat niya ang mukha niya sa mukha ni Romeo saka ngumisi. Lumipad si Angelica patungo sa bintana at hinawi ang kurtina. Itinuro niya ang langit na puno ng mga bituin.
Tumingala si Angelica't pinagmasdan ang langit. "Nilagay ang kaluluwa namin sa loob ng sagradong itlog, ipinadala't ikinalat sa mundo ng mga tao. May kanya-kanya kaming distinasyon, misyon naming ibalik ang pagmamahal sa puso ng mga taong nawalan nang pag-asa sa buhay. May kundisyon ang pananatili namin sa mundo ng mga tao, bawal namin gamitin ang kapangyarihan namin lalo na sa personal na dahilan. Maaari lamang namin itong gamitin kung pahihintulutan kami ng Panginoon."
Takang-taka ang mukha ni Romeo, hindi niya maintindihan ang mga pangyayari. Nanatili siyang nakatingin kay Angelica.
Kumislap ang mga mata ni Angelica, may kung ano'ng bagay ang biglang tumusok sa puso ni Romeo. Napalihis ito nang tingin sa ibang dereksyon sabay subsob ng mukha sa unan na nakapatong sa kanyang dalawang binti.
"Kalokohan! Nagkamali ka siguro ng taong pinuntahan. Ang mabuti pa bumalik ka na lang kung saan ka nanggaling!" Ibinagsak ni Romeo ang katawan niya sa kama't nagtalukbong ng kumot.
"Uhm… Mister?" Lumipad papalapit si Angelica kay Romeo.
"Romeo Santiago ang pangalan ko! At siya nga pala, 16 years old lang ako huwag mo 'kong tawaging 'Mister'!" sigaw pa niya.
"Pero… nararamdaman kong kailangan mo po ng tulong, Mister!" nakakunot ang noo ni Angelica nang tabihan niya si Romeo sa kama. "Naniniwala akong may dahilan ang Diyos kung bakit nasa tabi mo ako ngayon. Wala akong memorya sa buhay ko noon basta ang alam ko misyon kong paghilumin ang sugat sa puso mo, Mister."
Naramdaman ni Romeo na tinabihan siya ni Angelica sa higaan, wala naman itong imik kaya hindi na rin nagsalita ang binata. Nakatagilid si Romeo habang nakadikit sa likod niya ang anghel na si Angelica. Naramdaman ni Romeo ang kakaibang ginhawa't tuluyan siyang napapikit at nakatulog.
Bumukas ang pinto't nakita ni Lola Pasing na mahimbing na natutulog si Romeo. Hindi nakikita ng ibang tao ang anghel maliban sa taong pinagpakitaan nito. Kaya gumuhit ang ngiti sa labi ng matanda nang masilayan ang maamong mukha ng kanyang apo.
Ito po ang 2nd Fantasy story sa anthology ko sana po ay magustuhan ninyo. ^_^