webnovel

The Confession

MATAGAL NA HINDI NAKAKIBO SI THEA matapos ikuwento ni Jack ang lahat. As in LAHAT: mula sa pagkakahuli niya kay Brett sa mall na kasama si Joanna, ang matinding katangahan ni Camille, pati na ang nakakahiya at nakakaumay aminin na namumuong feelings niya para kay Camille. Inamin rin niyang si Camille ang inspirasyon niya kaya niya pinilit tapusin ang ginawa niyang Android app, ang EasySpy.

"Talaga? Ang galing mo naman! Pwede na ba idownload ang app mo?"

"Oo naman!"

Ipinakita ni Jack kung paano idownload ang EasySpy mula sa Google Playstore—sa ngayon kasi ay libre pa ito para sa beta testing, kahit sigurado naman si Jack na gumagana ito ng maayos.

"Paano ba ito gagamitin?" panay ang tap ni Thea sa cell phone niya, halata ang pagka-mangha sa mukha nito.

Matiyagang ipinaliwanag ni Jack. Una, kailangan i-install nang palihim ang EasySpy sa cell phone ng taong gustong i-monitor. Halimbawa, yung lalaking pinagsususpetsahan ng misis niya na may babae. Dapat ma-install ang app sa phone ng lalaki nang hindi alam ng lalaki. "Kapag na-install na, saka mo ita-tap itong Stealth Mode icon." Pinindot nga ni Jack ang naturang icon. Biglang nawala ang app—nagbalik sa normal ang phone ni Thea.

"Nasaan na?" Bakit biglang parang nabura?"

"Hindi nabura yun. Naka-Stealth Mode lang. Ibig sabihin nakatago. May pipindutin ka lang na password para mapalitaw ulit yun." Ipinakita ni Jack kung paano gawin yun.

"Ang galing!" Bilib na bilib si Thea. "Tapos ano mangyayari?"

"Eh di depende sa settings mo, palihim na ire-record ng EasySpy lahat ng phone conversations ng lalaki na gamit ang phone na yun."

"Eh paano yun mapapakinggan halimbawa ng misis na nang-e-espiya?"

"I-i-install mo rin ang EasySpy sa phone ni misis. Kapag na-install na dun, ise-setup niya lang sa Receive Mode ang EasySpy niya. Yun na. Pwede niya idownload remotely ang mga recorded audio conversations nang hindi namamalayan ni mister."

"Wow!" Akala mo nakakita ng artista si Thea. "Sobrang genius mo naman, Jack." Bigla ring lumamlam ang mga mata nito. "Napakaswerte ni Camille."

"Sorry," nasabi na lang ni Jack. Dahil at this point ay GGSS (guwapong-guwapo sa sarili) na siya, in-assume niya na kaya biglang nalungkot si Thea ay dahil sobrang nanghinayang ito na hindi mapapasa-kanya si Jack. "Kung natuturuan lang ang puso, Thea. Kaso si Camille kasi ang itinitibok ng puso ko. I'm sure makakahanap ka rin ng taong para sa iyo."

Napatitig sa mukha niya si Thea—saka bumunghalit ng tawa. "Assuming ha! Kaya ako nalulungkot ay para sa iyo. Napaka-tanga mo kasi. Sa kabila ng lahat ng talento mo, wala ka pa ring tiwala sa sarili. Dapat noon mo pa inamin kay Camille iyang feelings mo."

"Eh anong magagawa ko? Si Brett ang gusto ng gagang yun."

"Kahit na. Laban laban rin. Lamang na lamang ka pa nga kay Brett eh—"

"Naku mas guwapo naman si Brett—"

"Hindi lang looks ang tinutukoy ko." Napaismid si Thea. "Kundi iba't ibang bagay. Si Brett, aminin na natin, lamang sa iyo sa kaguwapuhan. Ako nga kapag nangingitian nun, nalalaglag agad ang panty ko eh." Bungisngis. "Pero guwapo ka rin naman. At ang mas importante, may laman ang utak mo. Ang dami mong talents! Siguro kung marunong ka pang mag-twerk, sobrang panalo mo na."

"Ano yung twerk?"

"Hay naku, never mind. O basta, kung ako sa iyo, haharapin ko na yan sa lalong madaling panahon."

"Kailan kaya ang pinaka-magandang timing?"

"Seryoso iyang tanong mo?" May bahid na ng inis ang mukha ni Thea. "Eh di ngayon na. Ora mismo. Today. Hanapin mo si Camille, hatakin mo sa isang tabi, saka mo iconfess sa kanya ang lahat."

Hindi nakapagsalita si Jack. Napatahimik. As in ngayon na? Nung gumising siya kanina, wala sa plano niya na harapin ang pinaka-malaking takot na ito.

"Ano pa'ng hinihintay mo?" Napatayo na si Thea. "Hanapin mo na si Camille! Sabihin mo sa kanya ang lahat ng sinabi mo sa akin!"

Atubili pa rin si Jack. "Hindi ko alam kung nasaan ngayon si Camille eh."

"Ay juice colored! Di ba siya ang nagma-manage ng lahat ng booths? Isa-isahin mo ang mga booths! Makikita mo siya dun."

Shet, naisaloob ni Jack. Itinutulak na siya ni Thea palabas ng botanical garden ay halos mabibingi na siya sa kabog ng dibdib niya. "Go forth," pabirong pahabol pa sa kanya ni Thea, "and multiply."

Napahinto bigla si Jack. May ganun?