webnovel

Naku, Camille

MASAYA SI JACK NUNG WEEKEND NA YUN. Para sa kanya, ang umaga ng Sabado ay isang hinog na prutas ng oportunidad na naghihintay lang na pitasin niya. Marami syang free time. At tulad ng karaniwan niyang ginagawa—lalo na ngayon at nasa alaala niya pa ang nakaraang gabing masaya nilang pinagsaluhan ni Camille ang isang family-sized pizza—nasa harap siya ng computer at tinatrabaho ang Android app na lagi niyang nababanggit kay Camille. Si Nanay Rosing ay nasa mga kumare nito, kaya siya lang ang tao sa bahay. Tahimik, walang istorbo. Perfect.

Di tulad ng ibang kabataan na ang madalas na alam lang ay maglaro ng DOTA o mag-Facebook, ang kinalolokohan ni Jack ay computer programming, lalo na ng mga mumunting applications na may kinalaman sa Android. Hindi maintindihan ni Jack kung bakit sabi ng iba ay mahirap mag-program. Open-source ang Android system, ibig sabihin wala itong itinatagong sikreto, at nasa English naman ang instructions para sa mga gustong gumawa ng mga apps. Konting tiyaga lang, ilang araw na pag-aaral at pagbabasa at ilang ulit na trial and error ang puhunan. Nagsimula siya sa paggawa ng pinakasimpleng mga Android apps, tulad ng isang app na biglang nagpapalabas ng mga love quotes ng idol niyang si Elizabeth Barrett Browning. Nung biglang sumikat ang larong Flappy Bird at mabalitaan niyang kumikita ng malaki sa advertisements ang Vietnamese programmer nito, nagsimula ring gumawa ng larong kagaya ng Flappy Bird si Jack. Kaso nang bigla ring malaos ang game, itinigil na niya. Wala na nga namang sense na ituloy niya pa ang paggawa nun, kahit na konting code compiling na lang at pwede na niyang i-upload sa Google Playstore ang app, kung saan pwede na ito madownload ng kahit sino na gumagamit ng Android phone o tablet. Isa pa, na-realize niya na bakit siya manggagaya? Pwede naman siyang gumawa ng isang original na app na may actual na silbi?

Nun niya naisip gawin ang EasySpy. Isa itong app na kapag naka-install sa isang Android phone, maaari nitong i-record ang mga phone conversations ng may-ari ng phone. Ang mga recorded conversations naman ay pwedeng ma-access o ma-download ng isa pang phone kahit nasa malayo itong lugar. Unang nabuo ang idea ni Jack nung isang beses na maupuan niya at mapanood ang isang lumang movie ni Eddie Garcia. Yun bang ang role ni Eddie ay mambabae at lagi siyang inaaway ng asawa niya. Naisip ni Jack, kung may cellphone na sana nung araw, madali lang na mahuhuli ng misis ni Eddie Garcia ang panloloko ng mister nito. Tapos naisip niya: ngayon may cellphone na lahat, smartphones pa nga, kaya pwede na… Teka, naisip niya, wala pa yatang ganung app ah?

Boom! Dun sumabog ang idea sa isip ni Jack. Nanginginig pa siya sa excitement nung simulan niyang planuhin kung paano gagawin ang programming ng app na yun, na sa simula pa lang ay tinawag na niyang EasySpy. Imagine ang mga misis na namomroblema sa mga asawa nila? Hindi na nila kailangan mag-hire ng private investigator! Naguumpisa pa lang niyang i-code ang EasySpy, milyones na ang nakikini-kinita ni Jack na kikitain niya mula sa pagbebenta ng app. Yayaman siya dito!

Kaya madalas, kapag sinasabihan siya ni Camille ng "Antaba ng utak mo," hindi lang siya nagpapahalata, pero feel na feel niya yun. Antaba nga naman ng utak mo, dude, sabi niya madalas sa reflection niya sa salamin. Akalain mong ikaw lang yata nakaisip gumawa niyan? Kung kikita siya ng malaki sa benta ng app, kahit hindi na siya makakuha ng scholarship sa kolehiyo—kaya na niya gastusan ang sarili kahit saang university pa niya gustuhing pumasok.

Kaya nung weekend na yun, halos nangangalahati na si Jack sa pagpoprogram ng EasySpy. Sa kwenta niya, siguro kung uubusin niya ang buong maghapon ng Sabado at Linggo matatapos na niya ito. Tapos beta testing na lang. Sabay upload sa Google Playstore. Hintay na lang siya ng tunog ng ka-ching! ng mga bumibili ng kanyang app.

Bandang hapon, nasulyapan nya ang isang TV commercial ng cartoon show na Doraemon, naalala niya bigla si Camille. "Hoy musta ka dyan?" text nya sa dalaga. Walang response. Inulit nya ang text message; baka pumalya na naman ang cellphone network at hindi pala natanggap ni Camille ang text. Pero wala pa ring response. Nung gabi, nagkakape si Jack (pagpupuyatan nyang tapusin ang Android app na ginagawa) nang biglang kumanta ng "All of Me" ni John Legend ang cellphone niya. Si Camille, namumutiktik sa smiley ang text message.

"Andito ako sa mall," text ni Camille. "With Brett. I'm so happy. :)"

Muntik nang naibuga ni Jack ang iniinom na kape.

Bakit bakit bakit bakit bakit bakit bakit???

Nainis siya bigla kay Camille. Dapat ba maging happy siya for her? Biglang nalito si Jack—ano ba dapat ang maramdaman niya? Kaso nangingibabaw ang kanyang inis. Pinipilit niyang intindihin ang kaibigan—siguro talagang ganun nga ang love. Sabi nga ni Elizabeth Barret Browning, "I love thee with the breath, smiles, tears, of all my life." Ganun nga siguro ang pinagdadaanan ni Camille. Ang gagang si Camille. Ewan. Pero kung ano pa man ang dapat niyang madama, iisa lang ang nafi-feel niya: nanlulumo siya. Naalala niya bigla yung effort ng pagpapasaya niya kay Camille kagabi lang, yung ginastos niya na ilang araw din niyang pinag-ipunan. Nakakainis.

Napalingon sa nakatiwangwang na computer si Jack; naka-on ang monitor nito sa last page ng program niya. Naghihintay ang keyboard sa muli niyang pagtipa. Pero nawalan na siya ng ganang ituloy ito. Ni ayaw nyang buksan ang TV—baka makita na naman niya si Doraemon, lalo lang humapdi ang kirot na nadarama ng puso nya.