webnovel

Hu U? Txt Bak

PAHAMAK ANG TEXT NI THEA, DAHIL LALO lang idiniin nun ang fact na hindi nagtetext si Camille. Lalong hindi makatulog si Jack. Paikot-ikot lang siya sa higaan. Hindi maalis sa isip niya ang huling beses na nakita niya si Camille: kaninang hapon sa papalayong jeep, malayo na ito ay nakatanaw lang sa kanya. Ano'ng ibig sabihin nun? Hindi niya maiwasang malungkot—ano na ba ang nangyayari? Ambilis yata. Kaninang umaga lang iba pa ang mundo niya—kaibigan niya pa si Camille, hindi pa ganito kasikip ang ginagalawan niya. Ngayon ang babaeng lagi niyang kakwentuhan kahit ng mga pinaka-intimate at nakakahiyang mga bagay, ni hindi siya kinikibo kahit nakasabay na sa jeep. Kung kailan pa naman malapit na ang Prom Night.

Kasabay ng mga susurot-surot na alalahanin sa isipan ni Jack ay ang biglang pagkalam ng kanyang sikmura. Noon niya lang naalala na hindi nga pala siya naghapunan. Pagdating niya kanina, dumiretso lang siya sa kuwarto. Nung kinatok siya ni Nanay Rosing, hindi pa rin siya lumabas. "Mamaya na lang ako kain, Nay. Pahinga lang ako."

Ngayon tuloy, wala na siyang pagkaing nadatnan sa kusina. Sa sahig ay mga natirang tinik ng tinapang bangus na ulam nila, nakakalat ang plato—ebidensya na ninakawan na naman sila ni Muning, ang pusa ng kapitbahay na paboritong mang-arbor ng tsibog sa kanila. Magngitngit man siya ay huli na. A-arte-arte ka pa kasi, feeling artista lang. Noon niya naisip na siguro deserved niya rin ngayong gabi na i-treat ang sarili—tutal medyo grabe ang pinagdaanan niya sa maghapon. Bukas pa naman ang fastfood sa may bayan, pwede niyang lakarin. Isinuot na lang ni Jack ang lumang rubber shoes saka lumabas ng bahay. Hindi na siya nagdala ng payong—bakit ba lagi na lang wrong timing ang ulan at ambon?—idinaan na lang niya sa bilis ng paglakad, pilit ibinabaling ang isip sa kasalukuyan. Pero makulit ang isip niya—o ang puso kaya?—dahil paulit-ulit lang niyang binabalikan ang eksena nung hapon: si Camille, malungkot na nakatanaw sa kanya habang papalayo ang jeep.