webnovel

Hapi Balentayms

BUTI NA LANG WALA NAMAN TALAGANG KLASE, kaya kahit tanghaliin na si Jack, wala siyang guilt na nararamdaman habang nakahilata pa siya sa kama. Puro fun and games lang naman ang maabutan niya sa school—fun and games na hindi naman talaga siya kasali. Siguro kung ka-close niya pa rin si Camille, damay siya sa saya nito—malamang isabak siya nito sa wedding booth at kissing booth at kung anu-ano pang booths na nakakalat ngayon sa campus. Si Camille ang taga-tulak sa kanya na makipag-socialize—at dahil vice president siya nito, wala siyang choice—kaya ngayong "break" na sila, mag-isa na ulit siya. Alam na ni Jack ang mapapala niya sa school: magmumukhang tanga lang siya.

Nasa dulo ng kanyang huling panaginip si Jack nang tumunog ang cellphone. Napaigtad tuloy siya sa gulat. Ang unang naisip niya ay si Camille—baka nakikipagbati—kaya disappointed siya nang mabasa na ang text ay galing kay Thea. "Anong isusuot mo mamaya sa school?"

Napakunot-noo si Jack. Bakit naman interesado si Thea na malaman pa ang isusuot niya? "Magbabahag ako."

"Kainis ka naman," balik ng text ni Thea. "Seryosong tanong. Wag mo sabihing magususuot ka na naman ng uniform. Dali ano kulay ng isusuot mo?"

Ang aga-aga ay sumasakit na agad ang ulo ni Jack. Ang pangungulit na ganito ni Thea ang isa sa mga bagay na ayaw niyang harapin kapag ganitong umaga at kulang ang tulog niya. "Red t-shirt lang ako," sabi na lang ni Jack, wala talagang intensyon na magsuot ng red.

"Yun lang? Hindi ka magpapantalon? Pulang t-shirt tapos underwear? Don't tell me Hello Kitty din favorite mo." Saka sinundan ng sandamakmak na naglulupasay sa katatawa na smileys.

Natawa si Jack—obvious na may nakapagkuwento na kay Thea ng nangyari kahapon. At dahil dun, feeling niya di na niya dapat patulan pa ang pangti-tease nito. Binuksan niya ang bintana—tanghali na nga. Kahit nahihilo pa'y pinilit ni Jack na gawin na lang ang dapat gawin. Stop overthinking, utos niya sa sarili. Naligo. Kinain ang itinabing pagkain para sa kanya ni Nanay Rosing (maaga pa lang ay nasa pwesto na ito sa palengke, nagtitinda ng mga kung anu-anong prutas). Nung naghahanap na siya ng isusuot, noon niya lang nakita na wala pala siyang gaanong choices—halos lahat ay nasa labahin na. Ang nakita niya lang ay isang lumang puting Hanes t-shirt at isang pulang Transformers t-shirt, yung may logo ng Decepticons sa dibdib. Masyado naman kasing nagmamakaawa ng atensyon ito, naisip niya habang sinisipat ang pulang t-shirt. Naalala niya bigla si Thea—pulang t-shirt nga pala ang nasabi niya dun na isusuot. Kibit-balikat na lang si Jack—what's the big deal? E di isuot kung isusuot.

Ang kaso habang naglalakad papuntang labasan si Jack suot ang pulang Transformers na t-shirt—cool sana at bibilib ka kung fan ka ni Michael Bay at ng mga robots na ito—puro pang-aasar ang inabot niya. Ang mga tao kasi sa kanila, hindi kilala si Michael Bay at ang Transformers, at ang alam lang sa buhay ay batiin ka ng "Happy Valentines!" kapag naka-pula ka at "Merry Christmas!" kapag green naman ang suot mo. Kaya sa hinaba-haba ng paglalakad niya at sa dami ng tambay na nadaanan, hulaan mo kung naka-ilang "Happy Valentines!" ang tinanggap nya.

Pagdating niya sa school, sa may entrance pa lang ay natanaw na niya agad si Thea. Nakangiti ito, nakasuot rin ng pulang blouse.

"Happy Valentines!" bati nito sa kanya, sabay hawak sa kamay niya. Napalinga siya sa paligid—andami rin kasing mga nakasuot ng pula. "In advance!"

"Ha?" Nalilito pa rin si Jack.

"Sa isang araw na ang Valentine's Day, ano ka ba?" sabi ni Thea.

Oo nga pala! At karugtong nun: Prom Night na.

Prom Night na, ulit ng isip ni Jack. Naalala niya kasi si Camille. Hawak niya ang kamay ni Thea ay parang nakaramdam siya ng panlalamig. Hindi kasi ito ang kamay na gusto niyang hawak pagdating ng Prom Night. Papasok sila sa school ay parang gustong mahilo ni Jack—ang gulo, ang ingay kasi ng buong campus. Kasing-gulo at ingay ng nadarama na ng kanyang puso—mga bagay na hanggang ngayon ay di niya kayang aminin. Parang sasabog na ang dibdib niya.

"Thea," sabi niya bigla, hatak-hatak ang kamay ng dalaga. "May sasabihin ako sa iyo. Mag-usap tayo."

"Saan?"

"Dito lang," sabi ni Jack, hawak ang kamay ni Thea papuntang botanical garden.