webnovel

Aktingan Blues

SIGURO KUNG MAY BEST ACTOR AWARD ang school nila, panalo na si Jack. Nakangiti lang siya, akala mo hindi nasasaktan. At tama nga siya: sinimulan nung Lunes, kaya buong linggo siyang bad trip. Para siyang sinisilihan kapag nasa classroom sila at andun pareho si Camille at Brett.

Naaalibadbaran siya tuwing nakikita niya si Camille na kinakausap si Brett; ni ayaw niyang naririnig ang boses nito, ang bawat halakhak nito. Pero in all fairness, lagi pa rin naman siyang pinapansin ni Camille; minsan niyayaya siyang sabay na kumain sa canteen kapag wala si Brett dahil may practice sa basketball. Siya lang ngayon ang panay tanggi, panay alibi: masakit ang tiyan ko, wala akong ganang kumain, magrereview pa ako, et cetera, et cetera. At sa bawat tanggi niya, nakikita niya ang reaksyon sa mukha ni Camille—mumunti lang yun, halos di mo makikita, pero hindi yun makakalusot kay Jack: yung bahid ng lungkot sa mga mata nito, na idinadaan na lang sa malakas na pagtawa. Na kahit sabihin ni Camille na, "Okay, next time sabay tayo ha," alam niyang may konting kirot na nadarama sa puso ang dalaga.

Pinagkikibit-balikat na lang yun ni Jack. Tanga ka eh, sa loob-loob niya, kaya paninidigan mo ang consequences ng katangahan mo. Pero kasabay ng mga ganung kaisipan ni Jack, nasasaktan rin siya, lalo na kapag nakikita niya si Camille na mag-isang umuuwi. Pero tulad ni Camille, idinadaan na lang niya sa ngiti, sa pagtawa.

And the school's BEST ACTOR AWARD goes to…

Lagi na rin niyang kasama si Thea. Minsan tinutulungan niya itong diligan ang mga pechay ng dalaga. Isa pa, mahilig pala ito sa siopao—may kahati na tuloy siya ngayon sa baon niya, pero OK lang. Hindi pa niya inuulit ang tanong niya tungkol sa Prom, pero siguro'y saka na lang yun. May tamang oras para dun.

Biyernes ng gabi'y tila natapos ang isang linggong pag-ibig ni Camille. Pauwi na nun si Jack, nag-aabang ng jeep, nang matanaw niya sa waiting shed si Camille na umiiyak. Biglang kumabog ang dibdib ni Jack: iba na ito. Kahit na ba lagi niyang sinasabihan mentally ng tanga si Camille, at lagi niyang isinusumpang hindi na niya ibabalik ang dati nilang samahan, iba na kapag nakita mong tila pinagbagsakan ng langit at lupa ang kaibigan mo.

"Ano'ng nangyari?" Ang naisip ni Jack ay baka may nambastos sa dalaga. Luminga-linga siya. Bukod sa matandang babaeng nagtitinda ng yosi sa waiting shed, wala namang ibang pwedeng suspek. "May masakit ba sayo?"

"Si Brett," hagulgol ni Camille, mugtong-mugto ang mga mata. "Nakita ko sila ni Joanna sa likod ng school."

What the fuck.

Nagdilim ang mukha ni Jack. "Dito ka lang," malumanay na sabi niya, saka walang lingon-likod na tinungo ang direksyon pabalik ng school. Dinakma nya ang unang dos-por-dos na kahoy na nakahambalang sa daraanan. Sa halos nagdidilim na isip, desidido na siyang turuan ng leksyon ang asshole na yun. Ang naglalaro sa isip ni Jack: si Bruce Lee, sa huling fight scene ng 'Enter the Dragon', kung paano pinulbos ni Bruce Lee ang maraming kalaban.

Tama, "pupulbusin" niya si Brett—ang mas matangkad, mas matipuno, at mas macho na si Brett.