webnovel

Kabanata Anim [1]: Palahaw ng Salarin

Ngayong alam na ni Nevada ang mga taong pumaslang sa magulang niya ay mas lalo siyang naging maingat; gaya ng payo ni Steve ay masusi siyang nag-imbestiga ng mga impormasyon patungkol sa apat na mga lalake na maaari niyang magamit laban dito sapagkat kailangan niyang mag-isip ng magandang plano ngayong naging mas maingat na ang Black Triangle. Nagtaas na sila ng babala sa buong syudad, ayon sa kanila ay may serial killer na raw ang Brisven City at hanggang ngayo'y hindi pa ito nabigyan ng pagkakakilanlan. Dahil sa pangambang idinulot nito sa mamamayan ay hindi na gaanong lumalabas ang mga tao tuwing gabi, palagi na ring rumuronda ang pulis kada gabi, at tuloy-tuloy pa rin ang imbestigasyon sa sunod-sunod na kamatayan.

Kung kaya't desperadong-desperado na siyang makahanap ng paraan kung paano papaslangin ang kaniyang pangunahing mga salarin, sapagkat nangangamba siyang baka aalis o lilipad ng ibang bansa ang apat kapag malalaman nitong sila na ang sunod niyang pinapakay, roon ay mas malabong mahahanap pa niya ang mga ito. Kahit antok na antok na siya at pagod ay kailangan niyang pilitin ang sarili na magpursige, sapagkat ayaw niyang mauwi sa wala ang lahat ng pinaghirapan niya; siya'y nangangamba na baka sa mga oras na ito ay naghahanda na rin ang kabilang panig laban sa kaniya. Bawat segundong lumilipas ay kailangan niyang sulitin dahil sa hindi niya hawak ang tadhana at hinaharap at lalong hindi niya kontrolado ang panahon.

At naisip niya na kung sakaling mamamatay man siya sa huli nito ay nararapat niyang siguruhin na napatay niya muna ang apat na puno't dulo nito bago pa man siya malagutan ng hininga, dahil para sa kaniya ay sa gano'ng paraan na lang niya mabibigyang-hustisya ang kamatayan ng pamilya niya. Sa tinagal-tagal ng panahon ay wala siyang ibang hinangad kung hindi ang mapatay ang apat, wala na siyang pakialam pa sa mangyayari pagkatapos sa buhay niya,

"Nevada,"

Habang abalang-abala siyang nakatitig sa monitor ng laptop at binabasa ang mga posts na may kaugnay kay Luke Angeles ay nabaling ang kaniyang pansin kay Steve na kumuha sa kaniyang atensyon. Kahit iilang metro ang layo nito sa kaniya ay amoy na amoy niya ang singaw ng sigarilyo sa katawan at hininga nito, kung kaya't napag-alaman niyang mula sa labas ang lalake at nagpapalipas na naman ang oras sa pamamagitan ng paghitihit ng sigarilyo.

"Hindi ka pa ba matutulog?" tanong nito at dinaluhan siya sa maliit na mesa, "Alas onse na, tara matulog na tayo at rito na lang ako magpapalipas ng gabi."

"Hindi pa, kikilalanin ko muna 'tong si Luke." Aniya at saglit na binalingan ng tingin ang facebook profile nito, "Tsaka 'di ka ba hinahanap ng mga magulang mo? Iilang araw ka nang narito sa boarding house ko."

"Hindi naman, nakapag-paalam naman ako ng maayos." Ani nito, "Pero uminom ka naman ba ng Modafinil?"

"Hindi na, pero ayoko kasing magsayang ng panahon. Dapat kong magtrabaho."

"Bakit naman? Hindi maganda 'yan Nevada."

"Natatakot kasi ako na baka bukas ay malalaman na nilang patay na si Pluto kaya paniguradong matutunugan ng apat na sila na ang susunod kong pupuntiryahin." rason niya rito na lubusang nag-aalala at nangangamba, "Kaya kailangan ko silang maunahan."

"Pero maaari ngang bukas, pero maaari ring sa susunod pa na araw. Nevada tatlong gabi ka nang 'di nagpapahinga kailangan mo nang matulog ngayon; puyat na puuyat 'yang mukha mo't alam kong pagod ka na talaga." pamimilit nito at itiniklop pasara ang laptop, "Dalawang araw na ang nakalipas at wala tayong naririnig na balita tungkol sa pagkawala ni Pluto o kamatayan niya, kaya magpahinga ka muna. Nasa loob ng gubat yung katawan niya, paniguradong matatagalan pa sila bago mahahanap ito."

"Paano kung kumikilos na sila laban sa 'kin?"

"Nevada, maawa ka naman sa sarili mo. Kung gusto mong mapabagsak ang Black Triangle ay kailangan mo rin ng pahinga para sa lakas mo, hindi yung dahan-dahan mo ring pinapatay ang 'yong sarili."

"Pero---."

"Pero kung 'di ka magpapahinga ay babagsak 'yang sistema mo't bukas ay manghihina ka. Paano kung may mangyayari bukas at kailangan mong lumaban?" paliwanag nito upang hikayatin siya, "Tandaan mo na bukas ay magiging iritado ka. Laban natin 'to Nevada, sabay tayo at magtutulungan."

"Tulungan mo 'ko,"

Dahil sa hindi niya talaga kayang tanggihan si Steve ay niligpit na lang niya ang mga papel na nagkalat sa ibabaw ng mesa na pawang mga impormasyon patungkol sa apat na panibagong mga target niya; lokasyon, mga gawain, pamilya, at iba pang puwede niyang gamitin laban dito. Tinulungan naman siya ng lalake at maayos na isinilid sa loob ng malaki at kayumangging sobre ang lahat ng papel na na-organisa niya, hanggang sa ang natira na lang sa mesa ay ang laptop na pagmamay-ari ng lalake.

Pinailalim lamang niya ang sobre sa laptop at saka inaya si Steve na tunguhin ang kama upang magpahinga, kapuwa nila inukupa ang papag na may katamtamang laki na sakto lang sa kanilang dalawa. Tumagilid naman si Nevada at hinarap ang blangkong pader, at sa katahimikan ay muli siyang nalunod sa malalim na pag-iisip patungkol sa mga pangyayari nitong nagdaang mga araw. Upang pakalmahin ang sarili ay malalim siyang napabuntong-hininga at ibinaba ang mabigat na talukap ng mga mata niya. Habang siya'y unti-unting nahuhulog sa pagkatulog ay naramdaman niyang tinakpan ng lalakeng katabi ang kalahati ng katawan ng makapal na kumot, at saka namalayan ang bigat ng braso nito na yumakap sa kaniya.

"Magiging maayos din ang lahat."

▪▪▪

MABIBIGAT ANG HAKBANG NG lalake nang pasukin niya ang silid, isang tulak lang ng pintuan ay tuluyang bumulaga sa kaniyang paningin ang mukha ng mga kasamahan sa gaganaping pagpupulong-pulong. At nang dumako ang kaniyang tingin sa pinuno ng grupo ay saglit siyang napayuko rito bilang respeto. Dahil sa siya na lang ang hinihintay ng grupo ay dali-dali niyang inukupa ang upuang nakalaan na nagsilbing hudyat upang sila ay magsimula..

"Anong balita, Marvin?" tanong ng pinuno sa kaniya.

"Natagpuan na namin ang bangkay ni Pluto, nasa kakahuyan ito sa labas ng hangganan ng syudad ng Brisven." Aniya, "Nakabitin siyang patiwarik, sunog ang buong katawan, at may malaking sugat sa bewang." Bunyag niya na ikinailing na lang ni Patrix, ang kapatid nito, ayaw man nitong ipahalata pero sa kaloob-looban nito'y nanlulumo talaga ang lalake.

"Kung sino man 'tong pumapatay sa miyembro natin ay isang baliw, may malaking galit sa 'tin." Komento ni Luke, "Kailangan na nating mailigpit ito, wala pa bang resulta ang imbestigasyon?"

"Wala pang salita mula sa grupo, sinusyod pa nila ang iniwang bakas ng salarin. Konti pa lang ang impormasyong mayroon tayo."

"N-Nasaan na ang k-kapatid ko?" tanong ni Patrix na nauutal at nagtitimpi sa galit.

"Nasa morgue na, dinala namin kanina." Diretsong sagot ni Marvin na lalong ikinasama ng loob ng lalake.

"Kailangan n'yong kilalanin 'tong salarin bago pa kayo ang maliligpit nito." Utos ng pinuno, "Kung sana maayos n'yong tinrabaho ito ay wala sana tayong problema ngayon." Dismayadong saad nito.

"Siniguro po naming walang natira sa gabing yun, patay na ang buong pamilya ni Criston." Sagot ni Johan at saglit na napatingin kay Patrix, "M-Malabong konektado ito sa gabing yun."

"At sino naman itong pumapatay sa 'ting mga miyembro ngayon?" tanong nito, "May mga bagay pa ba akong hindi alam?"

"W-Wala po,"

"Kapamilya niya? B-Baka may nag-imbestiga sa kamatayan nila." Rason ni Patrix na pilit kinukubli ang totoong nangyari no'ng gabi.

"Problema n'yo 'yan, linisin n'yo bago pa lumaki ang problemang 'to." Saad ng pinuno at napahalukipkip na lang, "Iiwanan ko na kayo at pag-usapan n'yo ito, bago maubos ang pasensya ko't kayo ang ipapaligpit ko."

"Opo ma'am aayusin namin ito."

"Hannga't makakaya ay ikubli n'yo ito sa publiko nang sa gayon ay hindi siya maghihinala."