webnovel

Paalam Muna Sa Ngayon

Kilalanin ang tatlong characters sa kakaibang kwentong di nyo malilimutan... Ito ang aking First Installment sa aking Ibraim Sorrento Novel Universe... Happy Reading at ihanda ang inyong puso sa pagbabasa.

IbraimSorrento · Urbano
Classificações insuficientes
19 Chs

Chapter 9 - ISANG BAGONG SIMULA

Tulad ng nakagawian, bago pa man tuluyang maghari ang liwanag ng araw sa kalangitan, ay gising na ang dalagang si Rachael. Araw iyon ng linggo at kailangan niyang maghanda para sa mga bagay na laan sa araw na yun.

Naisipan niyang sumandali sa kanilang balkonahe upang makita ng buo ang umaga. Pagbukas niya ng pinto ay may ilang segundo rin ang lumipas bago napukaw ang kanyang pansin ng natutulog na binata sa kanilang duyan na kanyang ikinabigla. Di niya inaasahan makikita niya ang binata at ngayo'y tulog na tulog sa duyan. Nagtataka man at nilapitan niya ito at kanya agad nalanghap na amoy alak ang natutulog na lalaki. Sandali niyang pinagmasdan ang natutulog na binata. Bakas sa mukha nito ang lungkot at pagod sa kabila ng maamong mukha. Naroroon pa rin ang natamong sugat sa labi.

Malamig ang umagang iyon. Dama sa bawat dampi ng hangin mula sa mga puno. Napansin ni Rachael ang panginginig ng binata na dahil na rin sa malamig na hanging tumatama dito. Paano niya natiis ang lamig ng buong magdamag? Tanong ng dalaga sa sarili.

Bweno isa lamang ang naaalam niyang gawin. Sumandali pa'y iniwan ng dalaga ang natutulog na binata at tinungo ang sariling silid upang doo'y kuhanan ng makapal na kumot para sa lalaki. Pagbalik niya, naiilang man na baka magising niya ang binata ay nagawa niya pa rin itong kumutan. Mukha naman nagustuhan ng natutulog na lalake ang nadamang pangsalang sa lamig na dala ng kumot na inilatag sa kanyang katawan at marahang umayos pa ito sa kanyang pagkakahiga. Lihim na napangiti si Rachael sa animo'y kilos baby na inasal ng binata.

"Ate... naunahan mo na naman ako sa paggising." Masayang bati ni Elijah habang papalabas ito ng pinto. Huli na upang ito'y sawayin na wag maingay ni Rachael at dahil dito ay tuluyan na ngang naalimpungatan mula sa pagkakatulog ang lalaki.

Tila napako ang magkapatid sa kanilang kinatatayuan habang pinagmamasdan ang paggising ng binata. Pupungas-pungas pa ito at nang makita silang dalawa ay agad ito nagbigay ng isang ngiti, naroroon pa rin ang bahid ng pagpapaumanhin sa mga ngiti nito.

"P-pasensya na nakatulog ako dito sa labas nyo. Nagpunta ko kagabi para isauli 'tong pera kaso walang tao..." paliwanag ng lalake animo'y isang batang paslit na nagpapaliwanag sa nagawang kasalan sa mga oras na iyon.

"Wala namang kaso yun." mabait na tugon ni Elijah.

" Kung hindi ka lasing nakauwi ka na sana sa inyo. 'Yan tuloy nilamig ka na at nilamok." may bahid pa rin ng taray na wika ni Rachael.

Yumuko lamang ang binata na sadyang nahihiya sa dalawang magkapatid. Sandali pa nitong kinamot ang likod ng kanyang batok habang nakayuko. Mula sa bulsa ng hapit nitong pantalon ay inilabas nito ang kanyang wallet, kinuha ang ilang perang papel na laman nito at saka tumayo. Naglakad patungo sa kinatatayuan ni Elijah na nasa bandang likuran ni Rachael at dito niya direktang ibinalik ang pera.

Di na kinailangang bilangin isa-isa ni Elijah ang pera ng iniabot sa kanya ng binatang ito para malamang mas malaki ang halagang iyon kaysa sa nakuha mula kanya. "S-sobra to..."

Isang ngiti lang ang sinukli dito ng binata.

"Hindi ko matatanggap to lahat." Pagpapatuloy ni Elijah.

Sumingit na ang nakatatandang kapatid sa pagkakataong ito. Kinuha mula sa kapatid ang sobrang halaga at humarap sa binata upang ibalik dito ang pera. "Hindi mo kailangang dagdagan ang perang nakuha mo."

Ngunit matigas ang binatang kaharap. "Tulong ko yan. Maliit pa nga kung tutuusin."

Pero di patatalo si Rachael, "Kunin mo na to bago pa kami mainsulto ng tuluyan."

Ayun. Nakuha ng binata ang dahilan kung bakit nais nila ibalik ang sobrang pera. Alam niya na sa kabila ng lahat, matatag ang magkapatid na nasa kanyang harapan. Buong respeto niyang kinuha ang ibinabalik na sobrang pera mula sa dalaga. Tahimik na isinilid ang mga ito sa kanyang wallet at saka ipinasok sa likurang bulsa ng kanyang pantalon.

Sandali niyang tinapunan ng tingin ang dalaga saka muling hinarap si Elijah, kalmado ang binata nang muli itong magsalita, "Kumusta ka?" - na ang ibig sabihin ay kumusta na ang iniindang sakit ng binatilyo sa tinamong mga pasa.

"Mas mabuti na ngayon." sagot ni Elijah nay may konting ngiti.

Tumango-tango ang binata sa narinig. Bakas sa mukha na tila ba may isang pangambang kumawala sa dibdib nito. "Kahapon... nung wala kayo..." umpisa ng binata na tila ba tinitimbang ang susunod na sasabihin.

Naintindihan naman agad ni Elijah ang nais pakahulugan ng binatang kaharap, kaya pinutol na niya ito at nagwika, "Di kami pumuntang ospital kung iyon ang nasa isip mo." di nawawala sa labi ni Elijah ang ngiti. Tinuro ng binatilyo ang kasunod na bahay saka nagpatuloy, "... binilin ako ni ate kila Mrs. Vera kasi may inasikaso siya kahapon. Umuwi din kami kagabi nang sinundo ako ni ate. Tulog na kami nang dumating ka."

Hindi na naitago pa ng binata ang ngiti sa mga mata at sa labi nang marinig na mabuti naman pala ang naging kalagayan ng binatilyo sa nakalipas na araw. Hindi naman nakaligtas ang mga ngiting iyon ng binata sa dalaga habang tahimik na pinapanood ang dalawang nag-uusap.

Naisip ng binata na marahil ay nakaka-istorbo na siya sa dalawa at nagpasya na lamang na magpaalam ng umalis nang , "Tara at magkape ka man lang muna." anyaya ni Elijah sa kanya.

Tila naman nabigla ang binatilyo sa pag-anyaya niya na marahil ay di-pabor na makasama ng kanyang ate sa almusal ang binata. Ganun din ang binata, na tila ba tinitimbang ang magiging reaksyon ng dalaga.

"Teka't ihahanda ko na ang amusal." tugon ni Rachael, na walang bigat sa himig nito, at saka nagpaalam sa dalawa upang mauna na munang pumasok sa kanilang bahay.

Bago pa man tuluyang pumasok ng bahay ang dalaga ay nagpasalamat pa ang binata.

"Salamat."

Sumulyap dito ang dalaga, tapos sa kanyang kapatid, bago tuluyang pumasok sa kanilang bahay. Wala ang galit sa mga mata ng kanyang ate, ito ang napuna ng nakababatang kapatid.

At sa mga sandali ding iyon ay batid ni Elijah na ang umagang ito ay may hatid ng isang bagong simula...