webnovel

Paalam Muna Sa Ngayon

Kilalanin ang tatlong characters sa kakaibang kwentong di nyo malilimutan... Ito ang aking First Installment sa aking Ibraim Sorrento Novel Universe... Happy Reading at ihanda ang inyong puso sa pagbabasa.

IbraimSorrento · Urbano
Classificações insuficientes
19 Chs

Chapter 11 - ISANG DAANG LIBONG NAGKIKISLAPANG MGA ILAW

Ganoon pala ang taong may cancer sa buto, maraming dapat sundin sa usapin ng tamang pagkain. Sa maikling oras nila ng pamimili ay natutunan ni Josh kay Rachael ang maraming bagay mula sa mga suggested na pagkaing tulad ng high-calorie foods na panlaban daw ng katawan sa panghihina at kung anu-ano pa.

"Kaya nga sabi ko dito kay ate gawan nya ko lagi ng salad." ani ni Elijah sa binata.

Na sinundan naman agad ng huli, "Tamang-tama paborito ko yun eh." Sabay himas pa sa tiyan si Josh.

"Naku... magkakaron pa ako ng kahati pag nagkataon." ganting biro naman ni Elijah.

Ganito ang gawain ni Rachael. Pag sweldo eto at namimili siya agad ng mga pangangailangan nilang magkapatid. Mayroon din silang ibang mga kamag-anak na tumutulong ngunit alam niya na may mga kani-kanila na ding pamilya ang mga ito, kaya't hanggang sa maaari ay kinakaya niyang mag-isa ang mga gastusin.

Lalo na ngayon at nakuha na niya ang kanyang 13th month pay mula trabaho kaya naman mas marami-rami ang pinamili niya para na rin sa kanilang pang Noche Buena at handa sa Bagong Taon.

Sa totoo niyan, lihim siyang nagpasalamat na sumama si Josh at ngayon nga ay may katulong  siya kahit papaano sa pagbibitbit ng mga pinamili. Ayaw namang pumayag ni Elijah na wala siya ni isa mang bitbitin at naunawaan naman ito ng dalawa, kaya hinayaan na nilang bitbitin nito ang mga magagaang mga dalahin.

Bumili din si Rachael ng mga gamot. Nakita pa ni Josh ang mga gamot na parehas ng nasa wallet noon ni Elijah. Panlaban pala yun sa matinding kirot. Naalala nya ang lumipas na gabi na wala ang mga gamot ng binatilyo. Muli gusto niyang suntukin ang sarili.

"Josh." Tawag sa kanya ng dalaga. Paglingon niya dito ay may iniaabot ito sa kanya ng isang boteng softdrink, "Inom ka muna. Pawis na pawis ka na oh." wika ng dalaga na nakangiti.

Kinuha nya ang softdrink na bigay ng dalaga at saka nagpasalamat. Tumaba ang puso ng binata nang magpasalamat din sa kanya ang dalaga. "Salamat din."

Mainit ang sikat ng araw. Pagod sila pero masaya. Nang hiningal si Elijah, ay napagpasyahan na nilang mag-tricycle upang mabilis na makauwi. Inalalayan ni Josh si Elijah papasok sa loob ng tricycle na sinundan naman ni Rachael, at ng masigurong maayos na ang kanilang mga pinamili ay umangkas na siya sa likuran ng tricycle at saka humudyat sa driver.

May mga gamot na ininom si Elijah pagkauwing-pagkauwi ng bahay. Naroroon siya, nakaupo sa sofa habang pinapanood ang dalawa na abala sa pag-aayos ng kanilang mga pinamili.

Nang mag-umpisa ng mag-ayos ng kanilang pananghalian si Rachael ay sinamahan naman ni Josh si Elijah sala. Napagtanto niya na mahilig pala sa Nintendo itong si Elijah habang siya naman ay sa PS nahihilig.

Nalilibang si Elijah kay Josh. Makulit itong kalaro at maingay. Medyo pikon din pag natatalo. Mas madalas kasi ang talo nito kesa kay Elijah, na sa huli ay nauuwi lamang sa tawanan ng dalawa.

Natapos ang kanilang tanghalian at pilitin man ni Elijah ang sarili ngunit nanghihina siya at ginusto na lamang niya mahiga sa kanilang sofa.

Pagabi na ng mapagpasyahang umuwi na ng binata nang masiguradong ayos na ang kalagayan ni Elijah at mahimbing na ito sa pagtulog.

Sa balkonahe, inihatid siya ni Rachael. Malamig ang pagsapit ng dapit-hapon. Ipinamulsa ni Josh ang mga kamay sa magkabilang bulsa ng pantalon at bago tuluyang makababa ng hagdan ay lumingon ito sa kanya.

Kumukulay ang dapit-hapon sa mga mata ng dalaga ng mga oras na iyon. Nakangiti si Rachael pero may lungkot sa mga mata.

"Josh... salamat ah." Hindi maapuhap ni Rachael ang mga salitang hihigit pa sa nararamdaman niya. Pero bawat letra ng salitang "salamat" ay galing sa kaibuturan ng kanyang puso.

Ngumiti sa kanya ang binata at tumango... saka tumalikod at nagpatuloy sa paglalakad. Hindi alam ni Rachael kung kelan muli sila magkikita ng binata. Sana hindi na rin umasa pa si Elijah na babalik ito.

Nagbukas ng Christmas Lights ang katapat nilang bahay. Mukhang handa na sa pasko sila aling Lena, wika niya sa sarili. Ngayon lang niya napansin na karamihan na ng mga bahay ay may kanya-kanya ng Christmas Lights. Sandali niyang tinanaw ang papalayong binata habang naglalakad sa gitna ng mga nagkikislapang mga ilaw. Huminga siya ng malalim ng may ilan ring beses na tila ba tintimbang ang katatagan ng kanyang dibdib, bago tuluyang tumalikod at pumasok sa kanilang bahay.

Sayang nga lang dahil segundo lamang ang pagitan ay  si Josh naman itong muling lumingon sa kinaroroonan ng dalaga. Wala na dun si Rachael. Ang nandoon na lamang ay ang bahay, ang balkonahe. Sa hilera ng mga kabahayan na puno ng isang daan libong mga nagkikislapang mga ilaw ay napaka-hungkag ng istura ng tahanan ng magkapatid. Madilim at kay lungkot pagmasdan. Tumalikod ang binata mula sa tanawing iyon at saka nagpatuloy sa kanyang paglalakad.

At sa pagtalikod na iyon ni Josh, alam niya... babalikan nya ang magkapatid...

*****