webnovel

Nag-aalala ng Husto Para sa Akin

Editor: LiberReverieGroup

Gayunpaman, natatakot si Sam na matatagalan ang mga ito na magdisenyo muli, kaya naman ginugol niya ang araw-araw na pamumuhay sa virtual na mundo habang may pagkakataon pa siya. Hindi na nagulat pa si Xinghe sa pangyayaring ito. Si Sam ay isang gamer, kaya naman inaasahan na niya ito.

Gayunpaman, nahumaling si Sam dito, hindi ito matutulog para lamang matuon sa virtual na mundo. Si Sam ay isang tao na may malaking kontrol sa sarili, mula nang mahumaling siya dito, marahil ang mundo ay mas maraming taong mahuhumaling kapag dinala nila ang teknolohiyang ito pauwi.

Sinabi ni Xinghe kay Mubai, "Siguro ay dapat nating kausapin si Shi Jian tungkol dito. Maaaring pabagalin ang progreso ng pananaliksik sa virtual reality device na ito kapag bumalik sila sa Earth."

Walang isyu dito si Mubai. Nakangisi nitong sinabi, "Hindi walang basehan ang iyong pag-aalala. Gayunpaman, isang araw, ang teknolohiyang ito ay lilitaw pa din."

"Alalahanin na ito para sa hinaharap."

"Pero isa itong malupit na parusa para kay Sam. Malulungkot siya ng husto dahil natikman na niya ang saya ng virtual reality na ito."

Walang pusong sinabi ni Xinghe, "Hindi ko na iyan problema; hindi ko kasalanan na masyadong mahina ang kontrol niya sa kanyang sarili. Ikaw naman, nasubukan mo na ba ito?"

Hindi siya naniniwala na hindi pa ito nasubukan ni Mubai. Siguro ay nasubukan na nito ang lahat ng makabagong teknolohiya na makikita doon. Sobra ang pagiging utak-negosyante nito, hindi nito isusuko ang kahit na anong pagkakataon na kumita ng pera. Kung ang virtual reality device na ito ay mabebenta sa Earth, magdadala ito ng malaking kayamanan dito, kaya bakit naman nito palalampasin ang magandang pagkakataon na ito?

Tulad ng inaasahan niya, tumango si Mubai. "Oo, nasubukan ko na ito minsan at aaminin ko, ang antas ng kanilang teknolohiya ay napakataas."

"Masaya ba?" Diin ni Xinghe.

Pilyong ngumisi si Mubai. "Napakaraming mundo na pagpipilian mo, ang ilan ay talaga namang interesante, ang iba ay wala akong interes. Pero kung susumahin mo, isa itong magaling na imbensiyon, mas mahusay kaysa sa lahat ng gaming device na kasalukuyang nasa merkado."

"Narinig ko kay Sam na mayroong mundo ng harem at sinabi niya na napakasaya nito, ano sa tingin mo?" Patuloy na pagtatanong ni Xinghe.

Sa wakas ay naintindihan na ni Mubai ang dahilan ng kanyang pagtatanong, naglalagay ito ng patibong para sa kanya.

Wala nang iba pa na nasa control room. Tumayo siya at naglakad patungo sa tabi nito. Iniyuko niya ang kanyang katawan at ibinaba ang mukha sa tapat nito, ang ilong niya ay halos dumaiti sa ilong nito. Hindi umalis sa kanyang harapan si Xinghe, gumanti ito ng titig sa maiitim niyang mata.

"Wala akong ideya na nag-aalala ka ng husto para sa akin," sabi ni Mubai na may nasisiyahang ngisi. "Hindi mo gustong naglalaro ako ng larong iyon?"

Hindi siya direktang sinagot ni Xinghe pero bahagya itong ngumiti. "Nagtatanong lang ako ng opinyon mo tungkol dito, huwag kang magbigay ng malalim na kahulugan tungkol dito."

"Pero nagbigay na ako ng ibang pakahulugan dito, ano ang dapat kong gawin tungkol dito?" Masayang bulong ni Mubai.

Hindi maiwasan ni Xinghe na bumulong din, "Hindi ko alam, ano ba ang naiisip mo?"

Ang mahahabang daliri ng lalaki ay hinaplos ang baba niya at mariing umangil, "May pabuya akong naiisip para sa iyo."

"Pabuya para sa akin?" Nalilito si Xinghe.

"Oo, pabuya sa pag-aalala mo tungkol sa akin kung hindi ay paano ako makakasiguro na patuloy mo itong gagawin?" Pagkatapos ay idiniin na ni Mubai ang mga labi nito ng may ngiti.

Nanginig ang mga mata ni Xinghe bago niya ito isinara. Ang mga daliri ng lalaki ay sinuklay ang mahaba niyang buhok at ang labi nito ay mas dumiin sa kanya. Ang bawat halik nito ay nahahaluan ng passion at pag-iingat.

Inaamin ni Xinghe na sa bawat pagkakataon na hinahalikan siya nito, pakiramdam niya ay naaakit siya, dahil ang amoy nito ay masyadong kaakit-akit…

Para sa kanya naman, si Xinghe ay tila isang ipinagbabawal na gamot. Kailangang pwersahin ni Mubai ang sarili na tapusin ang halik tuwing nangyayari ito. Minasahe niya ang sentido ni Xinghe, tumingin sa magaganda at may kaunting pagkaalerto sa mga mata nito at magiliw na bumulong, "Hindi ako interesado sa mundong iyon, kaya hindi ko iyon sinubukan."