'Ang sarap mong magmahal.'
Mistulang bangungot ang pagbulabog sa isipan ko ng huling pinaka masayang tagpo ng aking buhay. Tulala at malayo ang tingin, walang magawa kundi ang mag balik tanaw sa kahapon.
"Focus, you need to focus, Justin," sabay buntong hininga. Tinapik tapik ko ang aking pawisang noo sabay pahid ng panyo; hindi rin nakakatulong ang suot kong semi-formal attire na hiniram ko pa kahapon.
Ang amoy ng alikabok at lumang kahoy sa pinilakang tabing ay syang sumusulasok sa mabilis kong paghinga. Humahangos narin ang tibok ng aking puso na nangingibabaw sa nakabibinging katahimikan. Ilang sandali na lamang ay sasalang na ako upang masimulan ang patimpalak sa aming baryo.
Kinurap kurap ko ang aking mga mata at sinubukang ibaling ang aking atensyon sa mga bagay sa paligid; tumingala ako at nakita ko ang pagtagos ng araw sa mga awang ng kisameng mas matanda pa sa akin. Parang ganito din nung huling taon; pero ngayon ako na ang panauhing pandangal na magsisilbing hudyat upang simulan ang patimpalak.
Inayos ko ang itim na necktie sa aking leeg at saka nag buntong hininga muli. Nabaling ang tingin ko half full na C2 bottle, ang balat ng Cheese Ring na chichirya. Ang choknat. Lahat nakakalat. Lahat nagbibigay ng pait sa puso.
Lalong humigpit ang aking pagkakahawak sa mikropono nang maalala ko na naman ang pilit na kinalilimutan.
Lahat may kanya kanyang significance sa pagsasama nating dalawa.
Kahit saan ako tumingin ay mukha mo ang aking nakikita.
'Dahil masarap kang mahalin. Hindi mahirap, hindi kailangang mag effort. Kung gaano ka natural sakin ang pag hinga, ganoon din kung pano ang pagmamahal ko sayo. Pakiramdam ko matagal na kitang kilala, siguro sa alternate na universe naging tayo rin. Ikaw ang nagturo sa akin kung paano magmahal ng tama. Ikaw ang naging inspirasyon ko. Ikaw ang kaligayahan ko at kalungkutan. Ikaw ang lahat lahat sa akin.'
Nagdikit ang ating mga labi kasabay ng pagkawala ko sa realidad. Hanggang ngayon ay hirap parin akong tanggapin ang katotohanan. Sariwa parin sa aking isip ang bawat halik, yakap, mga tampuhan, mga kasiyahan. Dama ko parin ang haplos ng iyong malalambot na kamay. Ang amoy ng iyong buhok na nakalugay. Ang 'yong mga matang walang kasing pungay.
Mula sa maliit hanggang sa malaking mga bagay, bawat lugar, at mga panahong magkasama kami ni Jeanne...
Lahat bumabalik, pero lahat napaka sakit.
Sa gitna ng aking taimtim na deliryo ay may tumapik sa aking likod. Si ate Len.
"Hey, ok ka lang? Cue ko na music mo in five minutes," sabay kindat. Mapula na naman ang kanyang mga pisngi at gulo gulo na naman ang buhok. Hawak hawak nya ang isang maliit na papel na naglalathala ng programa para sa hapon na iyon.
Tumango lamang ako upang sumang ayon. "Salamat po, ate" sinubukan kong ngumiti.
"Pogs, smile! Sayang yung gwapings natin." tumalikod na si ate Len at naglakad tungo sa mga nag oorganisa ng event.
Hindi mahulugang karayom ang kapal ng taong dumalo sa patimpalak. Ngayon, sa halip na ako'y kabahan, wala akong naramdaman kundi ang kalungkutan.
Mapusyaw ang asul na kalangitan. Kagaya nung huli nating pagkikita...
Gusto kong makita si Jeanne. Kahit ngayon nalang. Kahit hindi ko alam kung magkikita pa kaming muli.
Kahit sandali lang, please.
'Please, Jeanne. For the last time…'
Pagakyat ko sa stage ay inilabas ko agad ang pilit na ngiti upang mapagbigyan ang expectation ng mga manonood.
Tila may hinahanap, lumipad ang aking tanaw sa mga mukhang halos ay mga estranghero. Lahat nag aabang, yung iba nag bubulungan na parang mga bubuyog.
At sa isang iglap, tumahimik ang lahat ng nagsimulang tumugtog ang aking kanta.
"We had the right love
At the wrong time
Guess I always knew inside
I wouldn't have you for a long time"
'Ikaw ang definition ko ng right love at the wrong time'
Kanina lamang ay naaalala ko ang mga pinaka masayang ala-ala.
Masaya nga yung mga tagpo, pero bakit ganon? Masakit alalahanin.
Lalo na ngayong naririnig ko ang boses mong gumagaralgal dahil sa pagiyak. Alam kong mas mahirap para sa iyo ang mag paalam, ngunit kailangan mo itong gawin upang hindi na ako umasa.
Nanginginig ang aking kamay habang pinipilit na kantahin ng maayos ang aking piyesa. Huminga ako ng malalim.
'Those dreams of yours
Are shining on distant shores
And if they're calling you away
I have no right to make you stay'
"May mga pangarap din ako, Justin. Ngunit hindi ito matutupad kung mananatili ako rito. Masakit man pero kailangan. Mahirap man ngunit hindi imposible." Nangingilid ang mga luha ni Jeanne, habang ang kanyang palad ay naka sapo sa aking mukha.
"Justin, minahal kita. Alam mo 'yan, minahal kita ng buong buo. Kahit hindi ka gusto ng family ko, ginawa ko ang lahat para makasama ka lang." hindi ako makatingin kay Jeanne; ang mga salita nya'y mga karayom na lalong nagpapaigting ng hapdi na aking nararamdaman.
Inilihis nya ng bahagya ang kanyang mukha, upang makuha ang aking paningin. Nag tagpong muli ang aming mga mata.
"Kahit ilihim ko sa buong mundo, pangalan mo parin ang isinisigaw ng puso ko. Ngunit kailangan mo na akong kalimutan." bumuhos ang mga luha nya kasabay ng pag dalamhati ng kalangitan.
"I'm sorry, Justin..." sabay bitaw sa aking kamay.
'But somewhere down the road
Our roads are gonna cross again
It doesn't really matter when
But somewhere down the road
I know that heart of yours
Will come to see
That you belong with me'
Bumuhos ang aking emosyon nang kinanta ko ang chorus. Napapikit na lamang ako at pinagdasal muli na sana, bago ka man lang umalis ay masilayan ko yung Jeanne na minahal ko ng lubusan. Pumikit ako at taimtim na kumanta.
Salungat ng panghihina ng aking loob ay ang pamilyar na pakiramdam na biglang umagos sa buo kong pagkatao; Bumilis na naman ang tibok ng aking puso.
Si Jeanne?
Pag mulat ko'y naroon ka nga. Hindi ko na maialis ang paningin ko sayo. Gustong gusto kong tumakbo tungo sayo. Gusto kong mayakap kang muli. Pero, mistulang nakapako ang aking mga paa.
Sa kadahilanang nagkaroon na tayo ng paguusap, at hindi ko na maaaring bawiin ang nasabi na. Ang mga binti ko'y lalo pang nanghina.
Pinaghalong lubos na pananabik at kalungkutan ang naramdaman ko. Pero wala akong magawa.
Yan din ang ayos ng buhok mo. Ganyan din ang kislap ng iyong mga mata. Nagsalubong ang ating mga tingin. Nakita ko sa malayo ang unti unting pagpatak ng iyong mga luha.
Muli ay pinigilan ko ang aking sarili. Sa lahat ng mga bagay na hindi ko kayang tiisin, ito ay ang makita kang umiiyak. Hindi maaaring hindi ko punasan ang iyong mga luha at patahanin ka sa abot ng makakaya.
'Walang iwanan.'
Sabi mo walang iwanan. Pero ngayon…
Nadudurog ang aking puso habang pinagmamasdan ka.
Marahil ay ito na ang huli nating pagkikita.
'Letting go is just another way to say
I'll always love you so'
Ang huling araw ng pamamaalam ay dumating na, ngunit hindi ko man lang maririnig ang boses mo na nagbigay ng melodia at kulay sa aking buhay.
Punung puno ng lungkot at panghihinayang ang iyong mga mata, ngunit ayokong maging hadlang sa iyo. Kaya sana, sa awiting ito, malaman mong hihintayin kita, kahit kailan.
Kailangan nating magpaka -tatag.
'Sometimes good-byes are not forever
It doesn't matter if you're gone
I still believe in us together
I understand more than you think I can
You have to go out on your own
So you can find your way back home'
Hindi ko narin napigilan ang pag luha. Oo, kailangan muna kitang kalimutan. Sabi mo, mahirap ngunit hindi imposible.
Pero hindi ako susuko.
Darating din ang panahon, hahanapin kita.
Sana lamang, kung magkikita tayong muli, ay ako parin ang laman ng iyong puso't isipan.
'Somewhere down the road
Our roads are gonna cross again
It doesn't really matter when
But somewhere down the road
I know that heart of yours
Will come to see'
Hindi pa tapos ang awitin ay wala ka na. Tumakbo kang papalayo nang hindi lumilingon. Siguro nga ay puno na ang iyong pasya.
Tuluyan nang lumabo at nagdilim ang paligid.
'That you belong
With me...'
'Jeanne… Jeanne! Paalam na!'
"Mahal kita!"
Sa likod ng masigabong palakpakan ay ang iyak at sigaw na walang nakakarinig kundi ako lamang.
Sinubukan ko lang naman.
May nagtanong sakin kung gagawan ko ba daw ng sequel. Or prologue lang daw ba 'to.
Ano sa tingin nyo? Comment naman dyan ;)
Please support me on Ko-fi!
Ko-fi.com/nasabayabasan07