webnovel

Prologue

"Sige habol pa!" Sigaw ko habang mabilis na tumatakbo. Lumingon ako sa aking pinanggalingan. Mukhang hindi na ako mahahabol ng mga 'to.

Lumiko kaagad ako sa madilim na eskinita kung saan matatagpuan ang isang bahay. Inaayos ko muna ang gusot-gusot ko nang school uniform, ang buhok kong nakatali ngunit magulo at ang mukha ko na puno ng pawis dahil sa pagod sa pagtakbo.

Mapapagalitan na naman ako ni Master dahil sobrang tagal kong dumating. Tss.

Lumingon muna ako sa magkabilang gilid bago pumasok sa itim ngunit kinakalawang na gate na hanggang leeg. Kinatok ko nang dalawang beses ang kulay kayumangging pinto.

Pagkatapos kong kumatok ay huminga muna ako nang malalim dahil sa kaba. Hinawakan ko na ang doorknob at agad binuksan. Bumungad sa akin ang makalat, madumi at mabahong sala. Nakakalat ang mga bote ng alak na wala nang laman, mga sigarilyo na nasa ashtray at si Master na nakahiga at natutulog sa isang mahabang sofa.

Dahan-dahan akong naglakad papuntang hagdan para hindi makagawa ng ingay. Ngunit parang minamalas talaga ako ngayong araw dahil biglang nagising si Master.

"May nakuha ka ba?" Malumanay niyang tanong habang nanatiling nakahiga. Tumango lamang ako at lumapit sa kaniya ng dahan-dahan. Iniabot ko sa kaniya ang kulay pulang backpack. Binuksan niya naman ito at inilabas ang kulay kayumangging bagay na kasinglaki ng tsinelas. Nakabalot ito gamit ang packaging tape. Bumangon siya mula sa pagkakahiga.

Napayuko nalang ako nang bigla niya ang lagpasan at dumiretso sa kusina. Hindi man lang niya ako nilingon. Nang hindi ko siya nakita ay umakyat na ako sa hagdanan para makarating sa ikalawang palapag na kung saan matatagpuan ang aking kwarto.

Pumasok na ako sa loob at dire-diretsong nahiga sa maliit at hindi gaanong malambot na kama. Napapikit na lang ako dahil sa pagod.