webnovel

Mahal Kita, Severino

Magkaibang pamumuhay Magkaibang pamilyang pinanggalingan. Langit, lupa kung ihahalintulad Pag-iibigang susubukin at pagtitibayin Pag-iibigang iikot sa dalawang panahon. Sa mapait at mapaglarong mundo, ganito ang mararanasan ni Emilia at Severino, dalawang taong magmamahalan ngunit maituturing na sa maling panahon ipinagtagpo. Mapipigilan ba ng panahon ang kanilang pag-iibigan o mas lalo lang nito pagtitibayin ang sinisigaw ng kanilang mga puso? "Naniniwala akong isinusulat ng tadhana ang ating pag-iibigan tulad ng aking paniniwala na tayo'y magkikita at magsasamang muli sa kabilang buhay." -Emilia "Sa panahon na iyon, pareho na nating makakamtan ang inaasam nating walang hanggan na kaligayahan. Ikaw at ako sa panibagong panahon. Ikaw at ako hanggang sa kabilang mundo." -Severino I love you Series 1~ Date started: June 13, 2020

hazel_partosa · História
Classificações insuficientes
41 Chs

Kabanata 33 ✓

------------------Abril 18, 1944-----------------

"Akala ko noong una, imposibleng magkita kayong muli. Marahil nga'y walang imposible sa taong tunay na nagmamahalan."

Napangiti na lamang ako sa kanyang tinuran sabay napayakap sa aking sarili. Ang lamig ng hangin ay tumatagos sa aking manispis na balat. Kasalaukuyan akong nakaharap sa kanilang bakuran na punong-puno pa rin ng mga nagaggandahang bulaklak.

Ilang taon na ang nakalilipas, buhay na buhay pa rin ang hardin na ito. Idagdag pa ang ang mainit-init na sikat ng araw na tumatama sa aking mukha. Napakaginto. Napakagintong kalangitan.

"Kumusta ka naman? Ang tagal kitang hindi nakita, Ginoong Angelito" sabay lingon ko sa kanya. Tulad ni Severino, unti-unti na ring kumukulubot ang kanyang balat ngubnit ang kanyang buhok ay hindi pa naman ganoon kaputi. "Parang kailan lamang, binatilyo ka pa lang noong huli kitang nakita." Ganoon nga marahil kung matagal mo ng hidni nakikita ang mga taong naging parte ng iyong buhya, kusang bumabalik sa iyong isipan ang mga alaala.

"Heto, mayroon na rin pong mga apo. Humihina na rin ang katawan." Bahagya siyang natawa at napailing nang hindi nakatingin sa akin. Sa kanilang apat na magkakapatid, siya lamang ang naiwan dito sa kanilang hacienda, sa Las Fuentas. Ang dalawa niyang kapatid na babae na si Lydia ay nanirahan sa Espanya at si Juliana ay nanirahan sa Maynila. Matagal na ring namayapa sina Don Faustino at Dona Criselda dahil sa katandaan.

"Hindi ba't masyadong tahimik dito?" Kanina ko pa napapansin na pawang mga kasambahay lamang ang kanyang kasama rito sa loob ng hacienda at iilang mga nagbabantay sa labas mula nang kami ay makarating dito ni Severino kaninang tanghali. Dapit-hapon na, tila wala man lang dumadalaw sa kanyang pamilya.

Tumingin siya sa akin at sumilay ang kanyang ngiting hindi man lang umabot sa kanyang mga mata. "May sarili na hong pamilya ang aking mga anak, Ginang Emilia. Sila'y naninirahan sa kanilang sariling tahanan kaya ho hindi niyo sila nakikita ngayon."

"Ang iyong maybahay? Nasaan?"

"Nasa kabilang tahanan po."

Kumunot ang aking noo. Kabilang tahanan? Mayroon pa ba silang ibang hacienda bukod dito?

"Mayroon na pong ibang pamilya."

Napaawang ang aking labi habang napatulala sa kanya na kanyang ikinatawa. "P-Paanong...?" Hindi ko alam ang aking sasabihin. Kaya pala hindi ko nakikita ang kanyang asawa rito. Akala ko nasa ibang lugar lamang nanirahan. Nasa ibang tahanan na pala.

Muli siyang natawa at napatingin sa kalangitan sabay napabuntong-hininga. "Kung ang aking mga kapatid ay sinuwerte sa pag-ibig, ako naman po ang minalas."

Dahil hindi ko pa rin mahanap ang tamang salita upang mapagaan ang kanyang kalooban, tinapik ko na lamang siya sa balikat upang mapgaan ang kanyang pakiramdam. Hindi man ako nakapag-asawa ngunit batid ko kung gaano kahirap na magkaroon ng hindi buong pamilya lalo na't kung ito'y magkaroon ng panibagong pamilya sa iba.

"Kailan pa? Kailan ka pa niya iniwan?"

"Dalawampu't limang taon na rin po ang nakararaan."

"Ipinaglaban mo ba? Sinubukan mo bang buuin muli?"

"Maraming beses na po, Ginang Emilia, ngunit ayaw na niya talaga. Kahit ano pang gawin kong pagsuyo o pagsusumamo sa kanya, ibang lalaki na talaga ang tinitibok ng kanyang puso." Saglit siyang tumingin sa akin. Ang kanyang mga mata ay sobrang lungkot. Sobrang tamlay. Kitang-kita kung gaano katamlay ito dahil nataman ng sikat ng araw pagkaharap niya sa akin. "Sa ibang lalaki niya po nakita ang kaligayahan na hindi niya nakita't naramdaman sa akin sa tuwing ako'y kanyang kasama."

Hinawakan ko ang kanyang kanang kamay at mahigpit itong pinisil. Nais kong maramdaman niya na sa paghawak kong ito ang aking presensya. Sa tamlay pa lamang ng kanyang mga mata, ramdam ko na ang bigat na kanyang nararamdaman.

"Alam naman ito ng iyong pamilya, hindi ba?"

"Opo, maging sina ama at ina. Nagkakaroon na lamang po kami ni Esmeralda ng komunikasyon kung patungkol sa mga bata. Mga anak na lamang po namin ang nag-uugnay sa aming dalawa."

Esmeralda.

Iyon pala ang pangalan ng kanyang dating maybahay.

Pinisil kong muli ang kanyang kamay at ngumiti nang kaunti. "Akala ko pa naman kayong dalawa ni Delilah ang magkakatuluyan. Napansin ko kase ang kakaiba mong mga tingin sa aking kapatid noon." Pareho kaming natawa, siya'y umiling. Naalala ko pa noon ang pag-iwas niya ng tingin sa aking kapatid, ang kanyang pagtatanggol at simpleng pagtanaw mula sa malayo.

"Sinabi ko nga po pala sa kanya ang aking nararamdaman noon. Kung kailan kami ay may sarili ng panilya, doon ko lamang naamin sa kanya ang lahat." Siya'y tumawa at humarap sa akin sabay lagay ng magkabilang kamay sa kanyang bulsa. "Akala ko nga po, siya'y aking magiging nobya. Nagkataon lamang na pagtungo ko sa Maynila noong ako'y kolehiyo na, nakilala ko si Esmeralda."

"Hindi mo nga naman masasabi ang tadhana, Angelito. Minsan nga kung anong mga nais natin, iyon pa ang hindi ibibigay."

"Ngunit ako'y masaya para sa inyo ni Kuya Severino, ilang dekada ka rin niyang hinintay. Lahat na ng mga tao sa kanyang paligid ay umaasa ng susuko siya ngunit hindi niya ginawa bagkus pinatunayan niya lamang na sa tagal ng paghihintay, sa huli ay may magandang bunga."

Nagpatuloy pa ang aming pag-uusap patungkol sa ibang mga bagay. Sa dami ng nangyari sa aming mga buhay nitong mga nagdaang dekada marami kaming napagkuwentuhan ni Angelito. Kung hindi lamang kami hinanap ni Severino, hindi pa kami papasok sa loob.

"Tayo'y kumain muna," wika ni Severino at pinangunahan ang panalangin.

"Mabuti naman, Kuya, naisipan mong dumalaw rito?" tanong ni Angelito matapos ang panalangin.

"Malilimutan ba kita?" Ngumiti si Severino sabay subo ng pagkain. "Nais ko rin kaseng makita mong muli si Emilia. alam mo na, kaunting kwentuhan...ganoon ba. Sa dami ng nangyari sa ating lahat, dapat lamang na magkita-kita tayong muli makalipas ang ilang taon."

Tumaas naman ang gilid ng labi ni Angelito na tila ba ngumingiwi at mukhang hindi naniniwala sa sinabi ng kanyang kapatid. "Nais mo lang ipagyabang na nakasama mo na si Ginang Emilia, e. Huwag nga ako. kapatid kita kaya kilala kita."

Kumunot naman ang aking noo habang palipat-lipat ng tingin sa kanilang dalawa. Samantalang tumawa naman ng malakas si Severino. Ang mukha ni Angelito na kanina'y ngumingiwi, ngayo'y napalitan na ng pagtawa.

"Aba dapat lamang! Ang tagal ko kayang naghintay sa babaeng ito. Dapat lang na ipangalandakan ko sa buong mundo," saad ni Severino sabay lingon sa akin at kindat.

Muntikan na akong mabilaukan mabuti na lamang napansin kong napatingin sa aking gawi si Angelito kaya hindi ko natuloy. Uminom na lamang ako ng tubig para itago ang aking nararamdamang hiya at ngiti.

Ilang araw na ang nakalilipas mula nang kami ay muling magkita, hanggang ngayon hindi pa rin ako nasasanay sa kanyang mga salita. Pakiramdam ko, daig pa namin ang mga kabataan ngayon sa istorya ng aming pag-iibigan.

"Ano na ang balak niyong dalawa ngayon? Kayo ba'y mag-iisang dibdib?" tanong muli ni Angelito nang hindi na tumitingin sa akin.

Mabuti na lang hindi pa ako nakakasubong muli nang iyon ay kanyang tanungin. Ako'y naubo kaya mabilis akong inabutan ni Severino ng tubig.

"Dahan-dahan lang kase, Emilia, ang bilis mong kumain, e," natatawang sambit niya kaya sinamaan ko siya ng tingin. Tanging pagngiti niya lamang ng matamis na kita ang dalawang biloy ang kanyang itinugon sa akin. Iyan na naman siya, idinadaan ako sa kanyang pagngiti. Pilyong matanda.

"Hindi naman kami maaaring ikasal dahil siya'y kasal sa iba, hindi ba?" tanong ko. Hindi maaaring dumoble ang babaeng pakakasalan ni Severino. hindi naman dahil yumao na si Floriana ay magpapakasal na siya sa iba. Kahit naisin ko man, kahit hindi na kami magkaanak, maikasal lamang kami ayos na sa akin ngunit siya nga'y kasal sa iba kaya hindi maaari. Labag iyon sa batas. Labag iyon sa mata ng Diyos.

Tumigil ang galaw ng kamay ni Angelito sabay tingin sa akin nang nakakunot ang noo. Ilang segundo pa siya tumitig sa akin ng ganoon ang mukha bago siya lumingon sa kanyang kuya. "Hindi niya batid?" Muli na naman siyang tumingin sa akin at dahan-dahang sinubo ang pagkain.

Ako naman ngayon ang palipat-lipat ng tingin sa kanilang dalawa. Hindi ko maintindihan. Anong hindi ko alam? "May dapat ba akong malaman?" Higit pa sa normal na pagtibok ang tibok ng aking puso ngayon. Bakit pakiramdam ko'y mayroon silang itinatago sa akin? Mayroong itinatago sa akin si Severino na hanggang ngayon ay hindi pa rin niya sinasabi sa akin.

Nanatili silang dalawa na tahimik habang kumakain hanggang sa tumikhim si Angelito at ngumiti sa akin. "Hindi po ba dadalawin niyo bukas si Delilah sa San Diego? Pakikamusta na lamang po ako sa kanya."

Tumango ako bilang tugon. Wala ni isa sa kanila ang sumagot ng aking tanong. Kung mayroon man akong dapat tanungin dito—si Severino iyon.

Ano kaya iyon?

--------------------Abril 19, 1944-----------------

Naglikha ng makapal na tunog ang pagkahulog ng dalawang pinggan nang kami ay makita ni Delilah. Nakaawang ang kanyang labi habang nanlalaki pa ang kanyang mga mata.

"Hindi mo ba kami papapasukin?" tanong ko sa kanya sabay ngiti. Doon lamang siya natauhan at mabagal pang naglakad palapit sa amin.

"Mukhang hindi siya makapaniwala sa kanyang nakikita, Mahal," bulong sa akin ni Severino.

"Ikaw ba iyan, Ate Emilia?"

"Mayroon ka pa bang ibang kapatid bukod sa akin?"

Kung kanina siya'y gulat na gulat ngayon naman, bigla siyang tumawa. "Ikaw nga. Nagsungit ka na, e."

Narinig ko namang naglikha ng matinis na tawa si Severino kaya ako napasulyap sa kanya. Tiningnan ko lamang siya sandali bago ako tuluyang pumasok sa loob.

"Ginoong Severino, kumusta na po kayo? Ilang taon ko po kayong hindi nakita."

"Ayos lamang ako, Delilah."

"Nasaan si Bernardo?" pagtukoy ko sa kanyang asawa. Silang dalawa na lamang ang naninirahan dito dahil ang kanilang tatlong anak na puros babae ay may sarili ng pamilya.

"Nasa sakahan, Ate, hindi naman kayo nagsabi na kayo'y darating. Hindi man lang ako nakapaghanda!" Inayos niya ang iilang unan na nandito sa upuan at ang mga sapin nito at pinulot ang nahulog na pinggan kanina.

"Ayos lang, De---." Hindi na naituloy pa ni Severino ang kanyang sasabihin nang biglang nagsalitang muli ang aking kapatid nang ito'y humarap sa amin.

"Kay tagal kitang hindi nakita, Ginoo! Kumusta ka na? Kailan pa kayo nagkita ng aking kapatid? Paano? Saan? Bakit ngayon lamang kayo nadalaw rito? Kumusta na po ang inyong mga kapatid?"

"A, e..."

Palipat-lipat ang aking tingin sa kanilang dalawa. Bahagyang nakaawang ang labi ni Severino at napapakurap pa ang mga mata habang nakangiti naman si Delilah at naghihintay ng sagot.

Natawa na lamang ako. Hindi pa rin nagbabago ang aking kapatid. Maingay at madaldal pa rin bagay na namana sa kanya ng kanyang anak kaya nakuha rin ng kanyang mga apo.

"Sandali lamang, ako'y maghahanda ng inyong makakakain," wika niya sabay tungo sa kusina.

Nagkatinginan na lamang kami ni Severino at sabay natawa.

"Malakas pa rin ang enerhiya ni Delilah, a?"

"Hindi na iyon mawawala sa kanya."

"Tulad mo, masungit ka pa rin."

"Ano pa ang maitatawag sa iyo, aber?" taas-kilay kong tanong sa kanya. Kung makapagsabi siya sa akin na ako'y masungit, parang siya'y nagbago ng ugali. Pilyo at palabiro pa rin kahit matanda na.

"Masungit nga, mahal ko naman." Unti-unting lumalaki ang kanyang pagkakangiti na sinabayan pa ng dalawang beses na pagkindat. "Ano? Hindi ka makatugon, ano? Kinilig ka ba, Emilia?"

Ngumiti ako at dahan-dahang inangat ang aking kamay upang haplusin siya sa mukha. "Hindi" sabay bura ng aking ngiti at pinisil ng malakas ang kanyang pisngi.

"Aray, a-aray masakit." Haplos-haplos niya ang kanyang namumulang pisngi habang lumalayo sa akin, nakakunot pa ang noo at napapangiwi pa. "Masakit iyon, a. Kung hindi lamang kita iniibig, matagal na kitang idinala roon sa bahay ng mga baboy."

Pinaikutan ko na lamang siya ng mata  at napatingin sa paligid. Sa tagal kong hindi nakadalaw rito, pakiramdam ko'y halos lahat ng kagamitan dito ay bago. Mayroong nakasabit na burdang bulaklak ng adelpha, larawan ng kanyang buong pamilya na idinaan sa pagpinta. Kailan lamang niya ito pinagawa? Hindi ko ito nakita  noong ako'y napadalaw rito bago dumating ang mga hapones.

Bumalik si Delilah na mayroong dalang bandeha (tray) at inilapag sa maliit na mesa na narito sa gitna.  "Heto, kumain na muna kayo." Mayroong apat na suman at dalawang tasa ng tsaa -- saktong-sakto ngayong kalagitnaan ng hapon.

"Salamat," sabay naming saad ni Severino.

Kung ano-ano lamang ang aming napag-usapan tulad ng pagsagot ni Severino sa mga tanong ni Delilah at iyong pangyayari sa buhay niya rito sa San Diego.

Makalipas din ang dalawang oras, saktong dumating si Bernardo na  pawisan mula sa sakahan. May suot na salakot, nakapulang manggas at itim na salawal na medyo maluwag sa kanya.

Nakangiti siyang sumalubong sa amin ngunit pagdating kay Severino, medyo natitigan niya ito ng ilang segundo. Oo nga pala, hindi niya kilala si Severino. Ngayon niya lamang ito nakita.

"Mahal, si Ginoong Severino nga pala, ang asawa ni Ate Emilia," pagpapakilala ni Delilah kay Severino sa kanyang asawa.

Asawa? Kapwa kami nagkatitigan ni Severino nang may pagkagulat sa isa't isa. Mayamaya lamang, unti-unti siyang ngumiti at hinapit ako sa aking baywang papalapit sa kanya. Ang aking kanang kamay ay napahawak sa kanyang dibdib dahil sa pagkabigla.

"Si Emilia nga pala, AKING maybahay." Humigpit ang pagkakahawak niya sa aking baywang matapos niyang sabihin iyon. At talaga nga namang idiniin pa ang salitang 'akin' na mas nagpangiti sa mag-asawang nasa aming harapan.

"Ako'y nagagalak na mayroon ka ng asawa, Ate Emilia. Akala ko ikaw ay babalik dito ng nag-iisa, e," sambit ni Bernardo nang may ngiti sa labi at sandaling napatingin sa kanyang asawa. Ganoon din si Delilah. Muli siyang tumingin sa akin at sumulyap kay Severino.

Naligo at nag-ayos muna si Bernardo ng kanyang sarili matapos ang pagpapakilala saka sumali sa aming usapan. Doon na rin kami naghapunan ni Severino at balak naming bukas na lamang ng umaga mauwi sa hacienda.

Kinagabihan, habang ako'y abala sa pag-aayos, nakaharap sa maliit na salamin, lumapit sa akin si Delilah at pumuwesto sa aking harapan at sumandal sa maliit na aparador na sa kanyang gawing kanan.

Hindi ko naman siya pinansin at nagpatuloy sa aking ginagawa. Sa gilid ng aking mata, siya'y aking nakikita. Ngunit lumipas na lamang ang ilang minuto, ganoon pa rin ang kanyang posisyon - nakatayo at nakatingin sa akin.

Tumingin ako sa kanya nang may pagtataka at tumigil saglit sa aking ginagawa. "Bakit?"

"Iniisip ko lamang kung naisalaysay mo na ba sa akin kung paano mo nakita noon si Kuya Cinco. Hindi ko na matandaan, e."

"Hindi ba't naikuwento ko na iyon sa iyo?"

"Hindi ko nga maalala. Bakit hindi mo na lamang isalaysay muli? Aba, limang taon ka ring hindi nagpakita sa akin."

"Nagpapadala naman ako sa iyo ng liham" saka ko muling sinuklay ang aking buhok na hanggang balikat ang taas. Kahit malayo kami sa isa't isa, hindi pa rin nawawala ang aming komunikasyon. Mahirap mawalan ng komunikasyon lalo na't kami na lamang dalawa ang natitira sa aming pamilya. Ayaw ko naman na maging sa kanya ay mawalan ako ng balita.

"Liham liham, e, hindi ka nga nagpadala sa akin ng liham ngayong buwan. Huling padala mo sa akin ng liham ay noon pang nakaraan!"

Tumayo ako at naglakad palapit sa higaan at naupo. "Sa dami ng nangyari sa akin ngayong buwan, akin ng nalimutan. Paumanhin." Sa unang araw pa lamang ng buwan na ito, kay rami ng naganap. Gawin ka ba namang bihag ng mga hapones, ni hindi ko nga batid noong mga oras na iyon kung mamamatay na ba ako o hindi pa.

"Sus, nalimutan!" Tumabi siya sa akin at kinurot ako sa tagiliran. "Kung kailan na maputi na ang iyong buhok saka ka natuto sa mga ganiyang bagay, Ate Emilia, a!" sabay tawa niya. Kinuha niya ang unan at niyakap ito.

"Anong ganiyang bagay ang iyong piangsasabi?"

"Iyan. Iyang mayroon kayo ni Ginoong Severino. Asawa mo na ba siya? Bakit wala pa akong nakikitang singsing sa iyong kaliwang kamay?" Ang kanyang tawa ay napalitan ng pagtataka sabay tingin sa aking kamay. "May balak na siyang pakasalan ka?"

"Ikaw ang nagpakilala sa akin sa iyong asawa bilang maybahay niya tapos ngayon magtatanong ka?"

"Sinabi ko lang iyon ngunit hindi naman ako nakasisiguro. Ano mayroon ba siyang balak?" Ang kanyang mga mata ay naghahanap ng kasagutan. Ano ba ang dapat kong itugon? Hindi pa naman namin iyon napag-uusapan ni Severino. Hindi ko nga alam kung mayroon bang kasal na magaganap.

Tiningnan ko ang aking palasingsingan. "Batid mo namang kasal sila ni Floriana, hindi ba?"

"Ngunit nabanggit niya sa akin kanina na siya'y matagal ng pumanaw. Hindi ba't maaari na rin naman siyang magpakasal muli kahit ganoon?"

Tumingin ako sa kanya at napakibit-balikat. "Hindi ko alam. Ang aking nalalaman, asawa niya pa rin ito. Bawal iyon, hindi ba? Sila'y mag-asawa sa mata ng Diyos."

"Asawa nga, mahal nga ba niyang tunay?"

Napatahimik ako at napatigil sandali. Sinundan ko naman ng tingin ang kanyang galaw. Siya'y umayos ng higa at tumingin sa akin. "Bago ako makatulog, isalaysay mo munang muli kung paano ka napunta sa pamilya ni Kuya Cinco."

Ang alam ko naikuwento ko na iyon sa kanya ngunit hindi ko lang maalala. Matutulog na nga lang kami, kailangan pang magkuwento.

"Ano na?" tanong niya.

"Oo na, heto na." Huminga muna ako nang malalim at napatingin sa orasan. Alas otso na ng gabi. Tila umikot paatras ang oras nang ito'y aking titigan at nanumbalik sa aking isipan ang alaala kung paano ako napatira sa kanyang pamamahay kasama ang kanyang pamilya.

Enero 13, 1939

"Ate Emilia, sigurado ka na ba riyan sa iyong pasya?" tanong sa akin ni Delilah habang tinutulungan akong ayusin ang aking kagamitan.

"Oo naman."

"Maaari ka namang tumira rito ng mas matagal pa. Ano ang iyong gagawin sa Bataan?" Siya'y napasimangot at naging mabagal ang pag-ayos sa aking gamit.

Tumigil ako sandali. "Naalala mo ba ang babaeng tumulong sa akin noon sa bahay-aliwan, si Miguelita? Siya'y naroon sa Bataan ngayon. Mayroon siyang ipinapatakbong negosyo roon na karinderya." Noong sa Maynila pa lamang ako naninirahan, kami ay nagkita ni Miguelita nang siya'y nagbakasyon doon saglit kasama ang kanyang asawa. Naikuwento niya sa akin na sa Bataan na siya nakatira at ikinahahanapbuhay ang kanilang lumalaking karinderya.

Kumunot ang kanyang noo at tuluyan ng napatigil sa kanyang ginagawa. "Anong gagawin mo roon? Tutulungan mo siyang magtinda?"

"Inalok niya ako kung maaari raw ba akong maging punong tagapagluto."

"Maaari ka namang magpatayo ng sarili mong karinderya rito, Ate Emilia. Bakit kailangan mo pang magtungo ng Bataan?"

Ngumiti ako at tinapik siya sa balikat. Halata sa kanya na ayaw niya akong umalis. "Nais ko rin namang magtungo sa ibang lugar at sumubok doon. Malay mo, naroon pala ang aking suwerte, hindi ba?"

Huminga siya nang malalim at maraming beses na tumango. "Oo na, oo na basta ipangako mo sa akin na ikaw ay mag-iingat doon. Malayo ang Bataan dito sa San Diego. Hindi kita agad mapupuntahan kung sakali mang mangyaring masama sa iyo. Buwan-buwan ka magpadala ng liham sa akin. Balitaan mo ako."

Tuluyan akong natawa at nagpatuloy sa aking pag-aayos. "Opo, Ate Delilah." Tila siya pa ang nagmukhang matanda sa amin sa pagpapaalala niya sa akin.

"Ate ka riyan," wika niya na sabay naming ikinatawa.

Napatingin ako sa labas ng bintana. Malapit ng lumubog ang araw. Dalawang oras na lamang ako'y aalis na. Nais ko rin namang mamuhay ng aking sarili, na hindi na tumitira sa bahay ng aking kapatid kahit wala akong nabuong sariling pamilya at magkaroon ng sarili kong mapagkakakitaan kahit sa simpleng trabaho lamang.

Ang inialok sa akin ni Miguelita na trabaho ang susi upang mangyari iyon. Hindi ko rin naman malalaman ang bunga kung hindi ako susubok.

Enero 16, 1939

Tatlong araw ko na rito sa karinderya ni Miguelita at masasabi kong kay laki na nga ng kanyang negosyo. Maya't maya ang pagdating mga tao upang kumain lalo na't malapit ng magtanghali.

Tatlo kami ritong tagapagluto, dalawang nagtitinda at tatlong nag-aasikaso sa mga tao. Sa bilis kumilos ng aking mga kasama, hindi problema ang kakulangan sa manggagawa. Tamang-tama lamang ito sa kanyang lumalaking negosyo.

"Ginang Emilia, magpahinga ho muna kayo," wika ng isang babaeng sa tansya ko'y nasa dalawampu't taong gulang.

Ngumiti ako at marahang umiling. "Ayos lamang ako." Uminom muna ako ng tubig bago magpatuloy sa aking pagluluto.

Pagsapit ng hapon, medyo kaunti na lamang ang mga taong kumakain at bumibili na lang ng lutong ulam. Dahil wala na rin namang lulutuin, ako'y tumulong sa paglilinis ngunit sinabi sa akin na magpahinga na lamang ako.

"Hindi pa naman ako pagod. Mas nanaisin ko pang may ginagawa kaysa umupo," wika ko ngunit hindi pa rin sila pumayag. Ilang beses ko pa silang pinilit para lamang sumang-ayon sa akin at sa huli, napilit ko rin sila subalit ang ibinigay nila sa aking trabaho ay magtinda na lamang para raw hindi gaanong mabigat para sa akin. Hindi na rin naman na ako tumutol doon basta ba sa akin lamang, mayroon akong ginagawa.

"Pabili po," wika ng isang lalaki na matangkad ngunit mukhang bata pa.

"Ano iyon?" Siya'y aking tinitigan. Iba ang kanyang itsura. Tila may ibang lahi. Siya'y maputi at matangos ang ilong.

"Isa nga pong paksiw, caldereta at tatlo pong tinapa."

"Heto," sabay abot ko sa kanya. "Sampung piso lahat."

"Uno! Uno!" sigaw ng isang lalaki sabay lapit sa kanya. Nanlaki ang aking mga mata ng sila'y magkamukha. Kambal? Uno?

Lumingon ang lalaking bumili sa akin sa lalaking tumabi sa kanya. "O, bakit?" 

"Samahan mo naman ng itlog na pula, binigyan ako ni Mang Samuel ng dalawang kamatis, e," wika nito sabay ngiti.

Muling tumingin sa akin ang lalaki at bumili ng dalawang itlog na pula. "Salamat po," tugon niya sabay abot niya sa akin ng bayad.

"Magtago ka na, Uno, nakikita ko iyong babaeng patay na patay sa iyo," natatawang tugon ng isa habang nakatutok ang pares ng mata sa isang direksyon.

Bigla namang lumaki ang mata ng nagngangalang Uno at mabilis na nagtago sa aking likuran. "Ale, patago muna ako sandali, a? Mayroon lamang akong tataguan."

"A, e..." Hindi ko na naituloy pa ang aking sasabihin ng mayroong dalagang tumatakbo palapit dito.

"Dos! Kasama mo ba ang iyong kakambal? Nasaan siya? Hindi man lang siya sumipot sa aming usapan."

Uno? Dos? Anong klaseng pangalan iyan?

"Hindi ko siya kasama. Huwag kang mag-alala, sasabihin ko sa kanya," sagot nito sa babae. Siya'y aking tinitigan. Unti-unting nanlaki ang aking mga mata nang mapagtanto ko na mayroon silang pagkakahawig kay Cinco.

Kahit na ilang taon ko ng hindi nakikita ang heneral na iyon, hinding-hindi ko malilimutan ang kanyang mukha.

"Aasahan ko iyan. Sige ako'y aalis na."

"Sige." Sinundan niya ng tingin ang babae hanggang sa tuluyan na itong makalayo. "Lumabas ka na riyan, Uno."

Lumabas mula sa pagkakatago si Uno at inayos ang kanyang sarili habang papalabas dito sa loob ng karinderya. "Kung minamalas ka nga naman, o. Wala akong matandaan na ako'y pumayag. Bakit ako sisipot?"

Tumawa ang kanyang kakambal at tinapik siya sa balikat. "Hirap maging gwapo, ano? Ganiyan din sa akin si Rosa, e, hinahayaan ko na lamang" sabay tawa na naman niya.

Muling lumingon sa akin si Uno, humingi ng pasensya at nagpasalamat. Sabay na silang umalis ng kanyang kakambal habang nag-uusap.

Nais ko sanang itanong kung sila ba'y anak ni Cinco subalit malabo naman na siya'y naririto. Hindi ko rin naman alam kung nasaan na silang dalawa ni Georgina, matagal na akong walang komunikasyon sa kanya.

Ngunit kung sila nga'y anak ng heneral na iyon, ibig sabihin narito rin si Georgina. Muli ko na siyang makikita't makakausap.

Enero 20, 1939

Alas-tres pa lamang ng umaga (3 am), ako'y gumising na upang maghanda sa pagpasok sa aking trabaho. Mayroong maliit na bahay na pinapagamit sa akin si Miguelita. Nais ko sanang siya'y bayaran sa aking pagtira rito ngunit tinanggihan niya lamang ito. Nais niya raw bumawi sa akin sa lahat ng aking sinapit sa kamay n kanyang ina na si Doña Israel noon.

Hanggang ngayon, hindi pa rin iyon nawala sa kanyang isipan. Nabanggit niya pa sa akin na araw-araw daw siyang binabagabag ng kanyang konsensya. Muli rin siyang humingi ng tawad kahit wala naman siyang kasalanan.

"Emilia, halika, kumain ka na muna," bungad sa akin ni Miguelita nang ako'y pumasok sa kanyang karinderya. Siya'y abala sa paghahanda ng mga sangkap na gagamitin sa pagluluto ng pagkaing pang-agahan habang kumakain ng mainit na tinapay. "Nais mo ba ng kape? Ipagtitimpla kita," dagdag pa nito.

"Ako na ang magtitimpla."

"Maraming salamat, Emilia."

Sumulyap ako sa kanya saglit nang may pagtataka sa aking mukha habang abala ako sa paggawa ng kape.

Tumigil siya sa kanyang ginagawa, kinuha ang isang kwaderno at lumapit sa akin. Pinakita niya sa akin ang nakasulat dito. "Mula nang ikaw ay maging punong tagapagluto, dumoble ang kita ng ating karinderya sa isang linggo lamang." Sobrang lapad ng kanyang pagkakangiti at iniabot sa akin ang kwarta. "Heto, tanggapin mo. Hindi pa iyan kasama sa iyong sahod. Mamaya ko pang hapon iyon ibibigay. Iyan ay bonus ko sa iyo dahil hindi naman kikita ng malaki ang karinderya kung hindi dahil sa iyo."

Bonus? "Hindi ba't sobra na ito? Hindi mo na nga ako pinapabayad sa aking pakikitira tapos ngayon mayroon pa akong bonus."

Siya'y umiling. "Walang sobra sa iyo. Para sa iyo talaga iyan para naman kung may nais kang bilhin, iyong mabibili."

Ngumiti ako at tumango. "Salamat, Miguelita, lagi mo na lamang akong tinutulungan mula pa noon. Salamat muli."

Nagpatuloy ang aming pag-uusap ng kung ano-ano hanggang sa dumating ang iba pa niyang manggagawa. Sinimulan na namin agad ang pagluluto dahil mamayang alas-sais ng umaga (6am), magbubukas na ang kanyang karinderya.

Ilang araw ko na rin pa lang hindi nakikita ang kambal na iyon. Nahihiya naman akong magtanong kay Miguelita kung kilala niya ba ang mga iyon. Baka mamaya sila'y aking makita.

Ngunit natapos na lamang ang araw na ito, hindi ko man lang sila nakita. Maraming tao ang kumain at bumili kanina subalit wala man kang bakas nilang dalawa. Ni hindi ko rin silang nakitang dumaan man lang. Bukas na lamang. Baka makita ko sila.

Pebrero 1, 1939

"Heto, maraming salamat," wika ko at sabay iniabot ang liham na aking ipapadala para kay Delilah. Araw ng Linggo ngayon kaya naisipan kong sumulat sa kanya. Mag-iisang buwan na rin pala mula nang ako'y pumunta rito. Marami-rami rin akong ikinuwento sa kanya.

"Salamat po."

Lumabas ako mula sa tanggapan at tumambad sa akin ang biglaang pagbuhos ng ulan. Mabuti na lamang mayroon akong dalang payong dahil kung hindi, hihintayin ko pang tumila ang ulan bago ako makaalis.

Dahan-dahan akong naglalakad kasabay ng mga taong nagmamadali makasilong dahil walang dalang payong, ang iba nama'y tulad kong mayroong dala at hindi alintana ang buhos ng ulan.

"Bilisan mo naman! Ang kupad mo! Nababasa na tayo!"

Napalingon ako sa sigaw ng lalaking dumaan sa aking gilid na ngayo'y nakatalikod. Nagmamadali siyang tumakbo at napapatigil din dahil mayroon siyang hinihintay.

"Bilisan mo!"

"Saglit lang ito na!"

Sandali...pamilyar sa akin ang mukha ng isa, a. Nang tuluyan ng makalapit ang lalaking tumatakbo, nanlaki ang aking mga mata nang maalala ko na sila nga ang kambal.

"Tayo'y sumilong muna, Uno, malakas ang ulan."

"Ngayon pa tayo magpapasilong kung kailan tayo'y basang-basa na? Maligo na lamang tayo."

Akmang sila'y aalis na nang ako'y magsalita. "Mga iho, maaari na kayong sumabay sa akin. Malaki naman ang aking payong."

"Sandali, diba po kayo ang nagtitinda roon sa karinderya ni Aleng Miguelita?" tanong ng isa. Hindi ko alam kung siya ba si Uno o Dos. Hindi ko matukoy. Hindi ko rin naman nakalimutan ang kanilang pangalan sapagkat naaalala ko sa kanila si Cinco. Isa pa, hango ito sa mga numero.

Tumango ako at ngumiti. "Ako nga. Hali na. Sumilong na kayo. Ihahatid ko na rin kayo sa inyong tinutuluyan."

"Huwag na po. Ayos lang po kami. Maliligo na lamang po kami sa ulan."

"Mahirap ng magkasakit ngayon. Sumilong na kayo."

Saglit pa silang nagkatinginan at kapwa muling lumingon sa akin sabay sabing, "Maraming salamat po."

"Inay! Lolo! Narito na po kami!" sigaw ni Dos pagkarating namin sa kanilang bahay.

Nilibot ko ang aking paningin. Katamtaman lamang ang laki ng kanilang bahay, maayos at maaliwalas.

"Naku! Susmaryosep, bakit ngayon lamang kayo! Maligo kayo roon, baka kayo ay magkasakit," wika ng isang babae na nakasuot ng asul na bestida at nakalugay ang buhok na hanggang balikat. Ito marahil ang kanilang ina. Kitang-kita ang pagiging lahing banyaga nito na namana ng kanyang mga kambal. Maputi, maganda ang pagkakahugis ng kanyang mukha at may katangkaran. Mas matangkad pa marahil ito sa akin.

"Inay, tinulungan po kami ni Ginang Emilia. Hinatid niya ho kami rito," wika naman ni Uno at sumenyas na mas lalo pang lumapit para makita niya ako.

Ngumiti ako at sumunod. Kanina habang kami ay naglalakad, tinanong nila ang aking pangalan. Nabanggit din nila sa akin na pinuntahan nila ang babaeng inaakyatan nila ng ligaw.

"Ginang Emilia? Ikaw po ba iyon? Naku, maraming salamat po. Pasok po kayo," nakangiti niyang saad. Inayos pa niya ang telang nakasapin sa kanilang upuan. 

Hindi ko maintindihan ang aking nararamdaman. Ang bilis ng tibok ng aking puso. Pinagpapawisan din ako ng kaunti kahit malamig naman ang panahon dahil sa malakas na ulan.

Ito na nga ba ang anak nina Georgina at Cinco? Siya'y aking tinitigan, kung sa kambal ay lumabas ang pagkakahawig nila kay Cinco, sa babaeng ito ay kawangis na talaga. Malamang, anak. Ano ba iyan, Emilia?

"Ipaghahanda ko lamang po kayo ng kape," dagdag pa nito. Sinabihan naman niya ang kanyang mga anak na maligo muna bago kumain ng tanghalian.

Habang ako'y naghihintay, nakita ko naman ang dalawa pang bata, isang lalaki at babae. Marahil ay anak niya rin ito.

Dumako ang aking mga mata sa mga larawang nakasabit dito sa dingding. Naningkit ang aking mata ng makitang mayroong lalaking matanda na nakasuot ng unipormeng pamilyar sa akin. Hindi ba't ito ang uniporme noon ng guardia sibil?

Tumayo ako at lumapit pa. Larawan ni Cinco nang nakasuot ng uniporme.  Hindi nga ako nagkakamali sa aking hinala noon. Ito nga ang kanilang pamilya. Sa tabi nito, narito naman nakasabit ang larawan ni Georgina noong siya'y dalaga pa -- nakangiti, nakasuot ng pulang baro't saya na bumagay at nagpalitaw sa kanyang kagandahan. Ang ibang mga larawan ay litrato ng mga bata noong sila'y maliliit pa lamang.

Bumalik ang babae ng walang dalang kape. "Ginang, kumain na ho ba kayo? Sumalo na po kayo sa hapag-kainan. Kain na po tayo. Siya nga pala, ako po si Gregina, ang ina ng kambal na iyon."

Tututol na sana ako ng biglang magsalita ang kambal ng sabay. "Huwag na po kayong tumanggi, masama po ang tumanggi sa grasya."

Ngumiti ang kanilang ina at tumango. Ngumiti rin ako, tumayo at naglakad papalapit sa kanila. Ano nga ba ang magagawa ko kung tatlo sila at mag-isa lang ako?

"Blanca, pakitawag nga ang iyong lolo sa likod ng bahay. Pakisabi tayo'y kakain na."

"Opo, Inay."

"Upo ho kayo, Ginang Emilia. Huwag po kayong mahiya."

"Salamat," tugon ko at muling ngumiti. Ang mga bata ay nakatingin sa akin - ang kambal ay nakangiti samantalang ang babae ay seryoso lamang ang mukha.

Saktong pag-angat ng aking mata, nakita ko ang pagbalik ng bata kasunod ang kanyang lolo.

Nang magtama ang aming mga mata, siya'y nagulat at napatigil sa paglalakad, kumunot ang noo at sandali pa akong tinitigan.

Kahit naman na batid kong narito siya, nabigla pa rin ako sa kanyang itsura. Hindi pa rin nawawala ang taglay nitong kagwapuhan kahit matanda na. Matikas pa rin ang pangangatawan kahit kumukulubot na kaunti ang balat. May iilang hibla naman ng buhok ang pumuputi na.

"Señora Emilia, is that you? (Señora Emilia, es usted?)"

Napatigil ako sa pagkukwento nang aking marinig ang mahinang hilik ni Delilah. Napabuntong-hininga na lamang ako at napailing sa kanya. Nais magpakuwento ngunit tutulugan lamang ako.

Sa susunod na araw ko na lamang ikukwento sa kanya ang lahat. Inayos ko na ang kanyang kumot at umayos na rin ng higa.

Napatingin ako sa aking palasingsingan at muling inalala ang mga tanong nila sa akin kung mayroon bang kasal na magaganap.

Severino, mayroon nga ba?

--------

<3~