webnovel

Ika-anim na Kabanata

"Monica, ika'y bumangon na riyan at mag-uumaga na," rinig kong saad ni Nanay Conchita. Tinatapik-tapik niya pa ako para tuluyan akong magkaroon ng malay.Nang imulat ko ang aking mga mata, namataan kong nakaupo siya sa may papag habang nakayuko sa 'kin. Agad naman akong napabangon kahit pa iniinda ang nangalay kong batok at likod."Naging maayos ba ang iyong pagtulog?" nag-aalalang tanong ni Nanay Conchita. "Ang sabi ko naman sayo ay ako na lamang ang matutulog sa sahig," dagdag pa niya.Hinawakan ko ang kamay ni Nanay Conchita at saka ngumiti."Naging maayos naman po ang pagtulog ko kaya't huwag na po kayong mag-alala," paninigurado ko.Sa totoo lang, mukhang nanibago ang katawan ko dahil tanging banig lang ang naging sapin ko. Sanay ako sa lambot ng kama. Ayos na rin, hindi naman ako nakaramdam ng lamig sa likod. May dalawa ring unan at kumot akong nagamit sa pagtulog. Hindi ko naman maaatim na si Nanay Conchita ang nasa sahig lalo na't may edad na rin siya."O siya, mabuti pa't maligo ka na muna bago tayo mamalengke. Ipapasyal kita sa Calle Soledad at Plaza Soledad, pati na rin sa Plaza del Reparo upang malaman mo ang bayang ito nang lubusan," nakangiti na niya ngayong saad.Hindi na ako nagsayang ng oras at hinalughog na ang cabinet kung saan ko isinalansan ang mga damit na ibinigay sa 'kin. Kumuha na ako ng pamalit, tuwalya, at mga bagay na gagamitin ko sa paliligo. Bumaling muli ako kay Nanay Conchita saka ako lumabas ng kwarto pa-kusina. Tinungo ko ang isang pintuan katabi ng aming kwarto kung nasaan ang banyo.Binilisan ko ang pag-aayos sa sarili. Nakakahiya namang paghintayin si Nanay Conchita.Nang makalabas na sa banyo ay rinig na rinig ko ang mga kuliglig sa kusina. Mukhang madilim pa rin sa labas. Napapaisip tuloy ako kung anong oras na lalo na't wala naman akong sariling relo. Mukhang mahal rin naman 'yon sa ganitong panahon. Sa pagkakatanda ko ay mayroong mala-cabinet na orasan sa salas kaso matatagalan ako kung susubukan kong alamin ang oras, at isa pa, madilim pa ro'n."Monica, ayusin mo na ang iyong buhok at baka tayo'y matanghali kung hindi tayo magmamadali," nag-uutos na atas ni Nanay Conchita na binubuksan ang pintuan sa likod kaya napabalik agad ako ng kwarto.Mabilisan kong sinuklay ang buhok at pinusod 'yon kahit basa pa.Lumabas na rin ako at kinuha ang bayong na nakapatong sa lamesa na paglalagyan ng aming ipamimili."Halika na at baka magliwanag na," nagmamadaling saad ni Nanay Conchita kaya naman natataranta na talaga ako.Lumabas na kami sa Casa at dumaan sa likurang bahagi. Pinauna niya pa ako para siya ang magsara sa mga pinto.Nang makalabas sa makipot na daan ay namataan ko ang paligid at kung gaano pa rin kadilim. Sa mga ganitong panahon, kapag malapit na ang Pasko, madilim-dilim pa rin kahit mag-alas sais na ng umaga. Ramdam ko ang lamig na dulot ng panahon. Rinig na rinig ko pa rin ang mga kuliglig na sadyang masakit sa tainga, pati na rin ang pagsayaw ng punong nasa tapat ng bahay."Magandang umaga, Monica. Bakit ka naririto sa labas?" tugon ng isang pamilyar na boses. Nang mapalingon ako sa aking gilid ay naroroon si Ate Alana, kasama ang isang morenong lalaking may katangkaran. Nakaakbay ito sa kaniya."Magandang umaga rin sa inyo," pagbati ko. Napaisip pa ako sa itinanong niya kaya natagalan ako sa pagsagot. "Ako ang isasama ngayon ni Nanay Conchita sa pamimili ngayong umaga," sagot ko sa kaniyang tanong. Napapakamot pa ako sa ulo dahil kahit papano ay nahihiya pa rin ako sa pakikipag-usap sa kanila."Naririto ka na pala, Alana," nangibabaw ang boses ni Nanay Conchita mula sa aking likuran. Sabay naman na nagmano ang dalawang tao sa harapan namin."Magandang umaga sa 'yo, Romualdo," bati naman ni Nanay Conchita sa katabing lalaki ni Alana. "Mag-iingat ka sa pagtatrabaho hijo, at kaawaan ka sana ng Diyos. Salamat sa paghahatid-sundo lagi kay Alana," natutuwa niya pang saad.Nagpalitan pa ng salita ang tatlo habang ako ay nanahimik lang. Matapos noon ay nagpaalam na rin kami sa kanila at naglakad palayo sa Casa Real.Tahimik ang daan. Tanging paglalakad lang ng mga tao ang naririnig ko. At karamihan sa 'min ay iisang direksyon lang ang tinatahak."Alam mo ba hija, napakabait ng asawa ni Alana," biglaang sambit ni Nanay Conchita. Ramdam kong nakangiti siya dahil halata 'yon sa tono ng boses niya. Nagulat rin ako sa katotohanang may asawa na pala si Alana."Naaalala ko tuloy ang aking yumaong asawa at ang aming pagsasama sa tuwing nakikita ko ang dalawang 'yon." Kung kanina ay masaya siya, ngayon naman ay biglang lumungkot ang kaniyang tono.May itatanong pa sana ako nang gumawa siya ng paraan para iwaksi ang pinag-uusapan namin."Halika na sa Plaza del Reparo at baka mahuli tayo sa pamimili. Gusto ni Don Sergio ngayon ng Sinigang na Bangus para sa tanghalian," huli niyang salita at nanguna na sa 'kin.Nilakad na namin ang kalyeng puno ng mga mamimili. Sala-salabat ang mga nagtitinda sa gilid ng kalsada. Nakahilera rin ang iba't ibang establisyimento sa kalyeng ito. Halos nagkakasiksikan na kaya hindi ko maiwasang makabangga ang iba. Mabuti na lang at kahit papano ay may kalawakan ang batong daan.Pumihit na kami sa isang eskinita at nang marating ang dulo noon ay bumungad sa 'min ang mabuhanging daanan pati na rin ang pader, isang seawall, na humaharang para makita ang sigurado kong dagat at pigilan ang pag-alon noon sa dalampasigan. Hindi na ako nagtaka kung bakit tinagurian itong "Little Intramuros" dahil sa mga batong pader.Samantala, may ilang hilera na rin ng puno dito. Kahit pa nasa malayo, kitang-kita ko na mula sa aming nilalakaran ang mga nagtitinda at namimili."Ito ang Plaza del Reparo. Tuwing umaga, dito dapat binibili ang mga sariwang pagkain. Nawa'y matandaan mo ang direksyon para naman kung hindi ko kakayaning mamili ay alam mo, alam ninyong tatlo ang dapat gawin," saad ni Nanay Conchita.Iginaya niya na ako sa mga nakahilerang nagtitinda. Karimihan sa kanila ay mga nagtitinda ng isda, karne, gulay, at prutas. Ako ang may hawak-hawak ng bayong sa ngayon at ramdam na ramdam ko ang lamig sa likod ko na mula sa dagat.Habang nakikipagtawaran pa si Nanay Conchita sa kaniyang pinamimili ay napatingin ako sa likuran ko. Namataan ko na open na ang parteng ito sa dagat. Isa rin palang daungan ang matatagpuan dito. Isang bapor ang aking nakikita at ilang tao na rin ang pumapasok doon. Mukhang babiyahe paalis dito.Bumalik ang atensyon ko nang ilagay ni Nanay Conchita ang mga gulay na kaniyang nabili sa bayong."Monica, halika na. Doon na tayo sa may isdaan," utos niya kaya naman sumunod naman ako.Bago pa man kami makarating sa pwesto ng isdaan ay natigilan na si Nanay Conchita."Monica, may nais lamang sana akong ipakiusap sa 'yo kung maaari," namomroblema niyang tugon."A-ano po ba 'yon?" Masyado akong pinapakaba sa inaakto ni Nanay Conchita. Kahit kasi malamig ay pinagpapawisan siya."Matatanghali tayo sa pagbabalik sa Casa kung hindi tayo maghihiwalay. May ilan pa akong rekados na hindi nakukumpleto kabilang na ang panggabing putahe," paunang paliwanag pa niya. Naging attentive ako sa susunod niyang sasabihin."Maaari bang ikaw na ang bumili ng pandesal at mantikilya sa panaderia? Nasa kalyeng dinaanan natin kanina ang naturang panaderia at pinipilahan ito lalo na't linggo ngayon dahil iyon lamang ang panaderia sa Puerto. Ayos lang ba iyon sa 'yo?" pakiusap niya pang muli. Napahinga naman ako ng malalim. Akala ko naman kung ano na ang inaaalala ni Nanay Conchita dahil masiyado niya akong pinapakaba."Ako na po ang bahala," nakangiti kong pagtalima sa request ni Nanay Conchita. "Ayos na rin po ito para naman mapag-aralan ko ang lugar," dagdag ko pa.Hindi na nagtagal ang pag-uusap namin ni Nanay Conchita. Binigyan niya lang ako ng pera na ipinagtaka ko dahil sentimos lamang iyon. Hindi na ako nagsalita pa at nagbilin siya na magkita kami sa simbahan ng Ermita na aniya'y makikita ko naman agad kahit pa nasa loob ako ng kalye ng pamilihan.Hindi naman talaga ako bago dito sa lugar na 'to, nasa ibang panahon lang ako. Wala namang pinagbago sa istruktura ng mga streets kaya naman masayang-masaya ako nang sinusuyod ang mataong eskinitang 'to dahil alam kong hindi naman ako maliligaw. Ang kailangan ko lang ay hanapin ang panaderyang sinasabi ni Nanay Conchita.Hindi naman ako nabigo dahil natagpuan ko ang panaderya. Totoo ngang pinipilahan iyon at doon rin ako sumunod. Mukhang matatagalan pa ako sa pagpila. May kabagalan ang pag-abante ng mga tao kaya nakuha ko pang bilangin kung ilan ang nasa harap ko.Halos lagpas pa ng isang dosena ang mga tao. Kaya pala pinahiwalay na ako ni Nanay Conchita sa kaniya dahil marami nga talaga ang bumibili dito. At naramdaman kong may mga dumagdag pa sa likuran ko.Mano-mano akong nagbilang sa isip. Ginugutom ako ng amoy ng pandesal pero hindi ko 'yon hinayaang i-distract ako. Lumabas na humigit-kumulang tatlong minuto na ang nabibilang ko nang marating ko ang pinaka-counter ng panaderia. Namataan ko doon ang isang matandang lalaki, siguro'y taga-pamahala ng panaderya. May ilan ring kalalakihan sa kaniyang likuran, ang iba ay inaasikaso ang pagsasalansan ng pandesal at ang ilan naman ay nasa mga nakahilerang pugon."Tila ika'y bago sa aking paningin. Magandang umaga sa iyo. Ano ang aking maipaglilingkod sa 'yo, Binibini?" Nakangiting tanong ng namamahala."P-pandesal po ang sa 'kin," nauutal kong sagot dahil kinakabahan ako sa pagharap sa nasa counter. Normal lang sigurong kabahan kapag bumibili, 'di ba?"Ilang piraso ang iyong bibilhin?" tanong nito na nagpatigil sa 'kin. Ha? Ilang piraso?Napapikit ako sa hiya. Humarap ako dito na hindi alam kung ilan ang bibilhin ko. Hindi 'yon sinabi ni Nanay Conchita at hindi ko naman natanong ang bagay na 'yon. Kung aalis naman ako para lang hanapin si Nanay Conchita at itanong kung ilang piraso ba ang bibilhin ay kakain 'yon ng oras. Hindi ko naman alam gastahin ang pera dito.Ewan ko ba kung bakit ako napunta dito!Inilahad ko ang kamay ko na para ipakita sa kaniya ang sentimong hawak-hawak ko."Kung ilang piraso ho ang magkakasiya dito," sagot ko habang itinuturo ang mga barya. "At saka kasama na rin po sa halagang 'to ang isang garapong mantikilya," nahihiya ko pang dagdag.Napatitig ang manong doon, mukhang pati siya ay napapakwenta sa isip kaya natatagalan ako sa harap ng counter. Rinig ko ang reklamo ng ilan pang customers sa likod."Dalawampung pirasong pandesal at isang garapong mantikilya po," salita ng isang tao sa likod ko, boses ng isang lalaki.Hindi ako makapaniwala! Sa sobrang pagkainip niya sa 'kin ay nagsalita na siya."Señor," gulat na sambit ng matanda. "Ang ibig kong sabihin, Ginoong Joaquin, hijo, nariyan ka pala!" Gulat pa ang manong sa pagkakasabi.Napalingon ako sa likuran ko at napatingala pa dahil may katangkaran ito. Pamilyar ang mukha ng binatang bumungad sa 'kin kaya nanliit pa ang mata ko para maalala siya."Sa tingin ko po ay sasapat na iyon para sa halagang nasa kaniyang palad," nakangiti niyang dugtong. Nanlaki ang mata ko nang magsalita siya.Ang boses na 'yon! Ang mukha ng lalaking 'to!Siya ang lalaking humila sa 'kin noong isang araw sa kabilang kalye! Ang pangyayari kung saan muntikan na akong masagasaan.Tinalikuran ko na siya dahil naalala ko ang kahihiyan ko noong araw na 'yon simula sa suot ko hanggang sa kapabayaan ko, pati na rin ang pag-iisip ko ng masama sa kaniya ngayon. Sa halip na ibalandra ang pagmumukha ko sa kaniya, hinarap ko na lamang ang matandang lalaki. Nag-iinit na rin ang mukha ko dahil sa halo-halong kahihiyan sa memorya ko."S-siguro nga po ay 'yon ang ipinabibili sa 'kin," halos ibulong ko na ang sinasabi ko at inabot ang bayad ko sa manong.Tinanggap naman niya ang mga baryang ibinigay ko sa kaniya. Isinigaw na rin ng matanda ang sinabi ng lalaking nasa likod ko.Mabilisan rin ang serbisyo nila kaya hindi na nagtagal ang binili ko. Nakita ko pang inilagay sa hiwalay na papel na lalagyan ang isang garapong mantikilya."Ito na ang iyong binili. Sa susunod ay alamin mo na ang bilang ng iyong bibilhin upang hindi ka na mataranta," nakangiti ang matanda sa 'kin nang sabihin niya 'yon, sabay abot ng binili ko sa akin. Yinakap ko naman ang mga 'yon para siguruhin na walang malaglag o ano pa man."S-salamat po ulit. Mauuna na po ako," huling salita ko at yumuko sa kaniya.Dire-diretso kong nilakad ang direksyon pa-Ermita church nang hindi ko man lang tinatapunan ng tingin ang binatang nasa likuran ko kanina sa pila."Binibini!" pagtawag ng isang lalaki sa bandang likuran kaya napalingon ako sa direksyong 'yon. Agaran akong tumalikod nang mapag-alaman kong iyon ang lalaki sa panaderya at ako ang tinatawag niya.Wala ba siyang balak bumili ng pandesal? Kakaalis ko lang pero nakasunod na rin siya agad.Hindi ko inalintana ang taong sumasalubong at bumabangga sa 'kin. Sa mga pagkakataong hinahabol ka ng kahihiyan, dapat kang tumakas hanggang sa abot ng makakaya mo basta ba ay wala kang natatapakang tao. Kaya 'yon ang ginagawa ko."Sandali lamang!" habol niya pang sigaw. Hindi ko siya pinakinggan at nagpanggap na hindi ko siya naririnig dahil maingay naman sa pamilihan.Ang mabilis kong paglalakad ay biglang napatigil dahil sa humarang sa 'kin. Hindi ko alam kung magugulat pa ba ako dahil walang ibang mangangahas na humarang sa 'kin kundi ang lalaking 'to."M-magandang... umaga... sa iyo," putol-putol niyang pagbati dahil sa hingal. "Nais kong humingi ng tawad sa mga ikinilos ko kanina kung ikaw man ay may sama ng loob sa 'kin. Gayunpaman, nais ko lamang na makatulong sa iyo dahil tila may suliranin ka kanina patungkol roon," nakangiti pang saad nito. Ramdam kong sinsero siya sa kaniyang sinasabi, nakukuha niya pa ngang mapakamot sa batok niya. Nagpalinga-linga ako sa paligid. May ibang nakamanman sa amin. Naalala ko kung gaano ka-konserbatibo rito na magsama ang isang babae at lalaki, pribado man o sa publiko. Ginapangan ako ng kaba.Para matapos na 'tong kalokohan niya, para makaalis na ako, at para hindi na rin naman siya makonsenya ay nagsalita na ako."Ginoo, huwag kang mag-alala dahil wala ka namang kasalanan. At ipinagpapasalamat ko rin na tinulungan mo 'ko sa una at ikalawang pagkakataon," tugon ko sa kaniya nang hindi tumitingin direkta sa kaniyang mga mata. "Kung iyong mamarapatin ay nagmamadali ako at may naghihintay sa 'kin sa dulo ng kalyeng 'to kaya kung maaari lang ay umusod ka naman para makadaan ako," dugtong ko pa.Ang lalaking nasa harap ko ay hindi man lang gumilid o umatras para sana makadaan ako, at sa halip ay nginitian pa ako.May topak na ata. Malapit na talaga akong mawalan ng pasensya sa kaniya dahil nang-aasar pa siya.Liliko na sana ako sa kaniyang kanan ngunit humarang siya. Nang kumaliwa naman ako ay gano'n rin. Hindi ko na talaga kaya. Wala na akong pakielam kung mai-intimidate siya sa 'kin dahil nauna naman siya."Kung gusto mong makipag-patintero ay maghanap ka na lang ng mga batang makakalaro mo. Wala akong panahon sa 'yo at baka matanghali ako sa pagbalik sa bahay ng amo ko. Nakaharang din tayo sa daan. Please lang," nakikiusap na ako ng lubos-lubos sa lalaking 'to. Halata na naman 'yon dahil napa-English pa nga ako. Akala mo ay walang pupuntahan, naka-pormal pa naman siya mula ulo hanggang paa. Meron din siyang briefcase na hawak-hawak."Papayag ako na padaanin ka kung magkakakilala tayong dalawa at hahayaan mo akong samahan ka hanggang sa dulo ng kalyeng ito." Hindi pa rin natitinag ang kaniyang ngiti sa pangungulit.May pagpipilian naman ako na huwag ko siyang pagbigyan, pero sa kulit ng mokong na 'to, mukhang ayaw niyang magpatalo. Napatango na lang ako sa pagod sa pakikipagtalo sa kaniya. Lalo lang lumawak ang ngiti niya."Joaquin Mercado ang aking ngalan, Binibini," pagpapakilala niya sabay tanggal ng kaniyang sumbrero para itapat sa kaniyang dibdib at yumuko sa 'kin. Muli siyang tumindig sa harap ko at isinuot muli ang kaniyang sumbrero.Napabuntong-hininga naman ako. Mukha naman siyang mapagkakatiwalaan at ibang pangalan naman ang gamit ko kaya't wala akong dapat problemahin."Monica," tipid kong sagot. "Papayag na akong samahan mo ako hanggang sa dulo ng kalye kaya maglakad na tayo," muli kong pakiusap."Binibining Monica?" Hindi niya inalinta ang huling sinabi ko. Mukhang kahit peke kong apelyido ay gusto niya pang malaman. Napapalatak na lang ako."Del Rosario. Monica del Rosario," pagbubuo ko. "Happy? Masaya ka na? Kung gano'n, tara na at lalamig na'tong pandesal," bulalas ko sa kaniya kaya gumilid na siya.Mabilis ang paglalakad ko pero dahil mas mahaba ang biyas niya ay nakakayanan niya akong habulin."Napakaganda ng iyong pangalan. Ipinangalan ka ng iyong mga magulang sa isang santa at nagkataon pang isang patrona dito sa Puerto. Kaya naman nababatid kong ika'y may mabuting puso katulad ng ina ni San Agustino." Kahit hindi ako nakatingin sa kaniya ay alam kong hindi pa rin natatanggal ang ngiti niya.Napataas naman ako ng kilay. Kung alam lang niyang si Sister Rosa ang nagpangalan no'n sa 'kin at hindi ang sarili kong mga magulang ay malamang magugulat siya. Sumagi na naman sa isip ko kung hanggang kailan ko kaya gagamitin ang pangalang 'to. Nako naman!"Sa aking pagkakarinig kanina lang rin ay may mga salita kang sinasabi na hindi ko maintindihan. Pamilyar ang mga 'yon sa 'king pandinig ngunit hindi naman klaro sa aking kaalaman at isipan ang wikang iyong isinalita," tugon nito na akala mo ay isa siyang imbestigador.Bahala na siya mag-isip diyan. Ang mahalaga ay natapos na ako sa kaniya.Nang hindi ako rumeresponde ay kusa na siyang nanahimik. Siguro ay nakaramdam ng konting kahihiyan. Mabuti naman.Sa wakas ay narating na namin ang dulo ng kalyeng 'to. Mula dito ay kitang kita ko ang gilid ng Ermita church. Agaran ko rin nakita si Nanay Conchita kahit pa nasa kalayuan pa ito.Mamamaalam na sana ako sa kasama ko nang bigla namang nagbulungan ang mga tao kumpara sa malakas na ingay na nililikha nila kanina. Ipinagtaka ko naman 'yon at inobserbahan kung sa'n nakatingin ang halos lahat ng tao.Isang matikas na lalaki ang nakasakay sa kayumangging kabayo, nangunguna sa mga nagmamartsa. Nakasuot siya ng pang-militar na damit at may sumbrero siyang iba ang disenyo sa mga guardia civil na nakasunod sa kaniya. Ramdam ko ang pigil na hininga ng ilan sa mga taong nasa bukana ng kalyeng 'to, pati na rin ng mga tao sa Plaza Soledad, na hindi ko naman maintindihan kaya wala akong nararamdamang kahit ano maliban sa pagkaasiwa sa katulad nila. Pinanood pa ng lahat ang pagpasok niya sa Porta Vaga Gate kasama ang iilang guwardiya sibil na nakasunod sa kaniya.Nang makalapit siya sa aming kinatatayuan, mas lalo kong napansin ang hitsura nito. Siya ay bata pa, tantya ko ay kasing-edad lang ng lalaking nagngangalang Joaquin. Sigurado akong isa siyang kastila. May kaputiang taglay, matangos na ilong, magandang hugis ng labi at ang kaniyang mukha ay hugis puso. Napatingin ako sa kaniyang mga mata na kulay kayumanggi.Nagitla ako nang biglang magtama ang aming mga tingin. Tumagal iyon nang ilang saglit. Naputol lang iyon nang makalagpas na siya. Tila sumigla muli ang paligid nang tuluyang mawala na sila at makalagpas. Sala-salabat na ingay ang umusbong at nagpatuloy sa paglalakad ang mga tao. Napatitig na lang ako sa kawalan hindi dahil sa takot, ngunit dahil sa wirdong pakiramdam na parang hinihila ako ng mga mata ng isang estranghero."Marahil ika'y nagtataka sa ikinilos ng mga tao. Nakikita ko rin sa iyong kilos na hindi ka man lang natinag. Sadyang kakaiba ka. Siguro ay tama ang hinala ni Mang Lucio na bago ka lamang sa bayang 'to," masaya niyang lahad sa 'kin. Nagsalubong naman ang kilay ko at napatingin na sa kaniya."Huwag mo nang isipin ang sinasabi ko dahil wala naman 'yong katuturan," pag-iiwas niya naman ngayon sa usapan. Bahala na nga siya!Nangibabaw ang pagtunog ng kampana mula sa simbahan ng Ermita at sabay kaming napatingin doon. Napansin ko rin na kahit papano ay lumiliwanag na."Mamamaalam na ako...Ginoo," simpleng tugon ko sa kaniya."Ako rin ay mamamaalam na," aniya. Napahinga naman ako ng maluwag dahil nakapag-isip na rin siya. "Batid kong muli kitang makakadaupang-palad, Binibining Monica. Maaari mo rin pala akong maging kaibigan at lubos ko 'yong ikagagalak," halos mapunit na ang gilid ng kaniyang labi kakangiti habang kausap ako.Bahagya siyang sumeryoso nang hindi nawawala ang masaya niyang mukha. Patuloy pa rin siya sa pagngiti."At sa susunod na ating pagtatagpo ay nais kong marinig mula sa iyong tinig na sinasambit ang aking pangalan. Hanggang sa muli," huli niyang salita.Napataas ako ng isang kilay. Pati rin pala ang hindi ko pagbabanggit ng pangalan niya ay big deal sa kaniya.Hindi na ako umalma pa sa mga sinasabi niya at tipid na lang akong ngumiti para hindi na mapahaba pa ang usapan dahil siguradong mangungulit lang siya. Tumalikod na ako at naglakad papunta kay Nanay Conchita para makauwi na sa Casa Real.