ika-tatlong araw ng Hunyo, 1887
Simula nang araw na iyon ay wala namang nagbago sa atin. Alam mo lamang ang nararamdaman ko at alam ko ang nararamdaman mo. Hindi mo pa rin ako binabati muli kapag nagagawa kong sulyapan ka mula sa aking bintana. Inaabangan ko na lamang na dumating ang Sabado upang makita kita sa batis.
Hindi naman ako nadismaya at lagi kitang nakikita roon. Lagi kang nag-aaral sa tuwing nadadatnan kita ngunit kung alam mong naroroon na ako ay babatiin mo naman ako. Ngingitian naman kita at uupo lamang ako sa batuhan. Nagdala na rin ako ng libro at nag-aral roon.
Mas nakakapag-aral pa ata akong mabuti kung ikaw ang kasama ko. Maingay kasi si Socorro at mas gugustuhin pa niyang pag-usapan ang mga pagkikita nila ni Eustacio. Ah, Ginoo. Kinasal na pala sila kahapon. Ako ang nakasalo ng bulaklak na tinapon ni Socorro at hindi ko napigilang malungkot muli.
Ikaw lang ang gusto kong pakasalan, Pole. Ikaw lang ang gusto kong makasama habambuhay. Ngunit paano ko gagawin iyon kung wala ka na sa tabi ko at ikaw mismo ang pumutol sa relasyon natin?
Kaya malungkot at naluluha kong ipinasa ang bulaklak kay Mariana, siya kasi ang pinakasabik na ikasal sa amin. Matagal na niyang hinihintay na tubuan ng lakas ng loob ang nobyo niyang si Juan. Malaki ang ngiting sumilay sa mukha ni Mariana nang ibinigay ko ang bulaklak sa kanya. Kung naroroon ka at ako ang nakasalo, siguro iyon rin ang mukhang makikita mo.
Kung ano-ano na naman ang aking sinasabi.
Ito na, ibabalik ko na ang punto ng aking liham. Ikwekwento ko naman kung kelan ka nagsimulang umamin sa akin. Sa ating dalawa mas lalaki pa ata ako kaysa sa iyo, ngunit alam ko namang nahihiya ka lamang. Alam ko rin na kahit hindi mo sabihin alam kong mahal mo ako.
[ - ]
HINDI napansin ni Manuela na nakatulog na pala siya. Nagising lamang siya na nasa kandungan siya ni Pole. Hindi pa niya pinaniwalaan iyon dahil hindi niya naman kasi makita ang mukha nito. Naging sagabal kasi ang librong binabasa nito para makita niya kung anuman ang ekspresyon ng binata.
Napakurap-kurap siya at pinakiramdaman ang kandungan nito. Medyo may laman ang hita ni Pole, ngunit kumpara sa kanya mas payat pa rin ito. Lihim siyang napangiti. Ang alam niya kasi ay wala naman sa kanyang tabi si Pole. Sa tuwing nagkikita sila sa batis ay hindi na ito tumabi muli sa kanya.
Nanatili ang binata sa pwesto nito at lagi lang siya nitong tinatanguan mula roon. Kahit kung aalis at magpapaalam ito ay hindi ito lumalapit sa kanya. Ngayon lang... at nung oras pa na hindi niya napansing nakatulog siya.
Nang natapos na ang masaya niyang pagpapantasya ay bigla siyang kinabahan. Ako ba ay naglaway? Humilik? Hala naman, nakakahiya. Nahihiyang napaubo siya sa kanyang kamao at doon naman napansin ni Pole na gising na siya.
Iniangat ni Pole ang binabasang libro at nakita niya ang maamong mukha nito. Namula lamang siya dahil baka nga may nagawa siyang nakakahiya sa harap nito. Ngiti lang naman ang iginawad sa kanya ng binata.
"Magandang hapon, Manuela. Ang ganda ng iyong tulog kaya hindi na kita ginising."
Mas lalo naman siyang namula sa sinabi nito. "A-Ah... Ako ba ay humilik, Pole?" nahihiyang tanong niya.
Natawa naman ang binata sa kanya at nahihiyang napatakip siya ng mukha. Hindi niya alam kung naghihilik ba siya sapagkat hindi naman nagsasabi si Socorro sa kanya. Mas nauuna rin kasing natutulog ang pinsan kaya hindi nito mapapansin.
"Sagutin mo ako, Pole. Huwag mo akong ipahiya nang ganito."
Natatawang inabot nito ang mga kamay niya at inilayo sa kanyang mukha. "Kahit humihilik ka man ay tayo lang naman ang naririto, Binibini. Ako lang naman ang makaalam."
"Kahit na, nakakahiya naman sa'yo. Mabuti naman at nagawa mo pa ring magbasa kahit na sigurado akong naririndi ka na sa paghihilik ko."
Napailing ang binata at inilagay nito ang kamay niya sa kaliwa nitong pisngi. "Binibiro lang kita, Manuela."
"Hindi ko alam na mahilig ka pa lang manukso," pinaningkitan niya ito ng mata ngunit hindi naman siya masyadong naiinis rito. Mas nabibighani lang siya sa ekspresyon nito ngayon. Nakapikit ang binata at masuyong hinahaplos ang kanyang kamay. Pinapanood niya lamang ito at nagpipigil siyang mapangiti. Kakaiba kasi magpakita nang nararamdaman si Pole.
Minsan gusto lang ng binata na nandyan siya at nakakaya nitong batiin. Mag-iisang buwan na itong ganito simula nang hinarana niya ito. Ngunit ngayon para itong hindi nalapitan ng kung sino at nauuhaw sa haplos ng tao.
Ayaw niya namang magsalita at baka may kung anong magising kay Pole at ito pa ang lumayo sa kanya.
Wala naman siyang reklamo. Ito naman ang isa sa mga rason kung bakit niya inibig si Pole. Hindi kasi ito normal kung magpakita ng damdamin subalit kung gawin man nito iyon ay lulubusin naman nito. Mas gusto niya pa ang pagpapakita nito ng damdamin kaysa kay Eustacio. Mas tahasan ang pagdikit ng lalaking iyon sa kanyang pinsan at wala namang kime si Socorro. Buti na lang at may respeto naman ang magkasintahan sa ibang tao at hindi nila ginagawa ang ginagawa nila sa harap ng publiko.
Kahit nangangalay na siya ay hindi niya binawi ang kamay. Pinapanood niya lang ang binata hanggang sa ito na mismo ang nakaramdam. Dahan-dahang hinila siya nito hanggang sa nakayakap na siya sa leeg ng binata. Naramdaman naman niya ang pagpulupot ng mga braso nito sa baywang niya at ang pagbaon nito ng mukha sa kanyang leeg.
Napayakap naman siya sa binata at hindi naiwasang mapangiti. "May nakain ka bang masama, Pole?" tanong niya.
"Wala naman," mahinang usal nito. "Nais ko lamang pakinggan ang pintig ng iyong puso. Mas kalmado ka na ngayon kaysa sa dati."
Marahang natawa siya sa sinabi ni Pole. "Bakit? Tutuksuhin mo na naman ba ako dahil baliw na baliw ako sa'yo? Hindi ko itinatanggi iyon. Gusto kita, Pole."
Naramdaman naman niya ang pagpigil nitong tumawa at dahil ang mukha nito ay nasa leeg niya, hindi niya napigilang makiliti. Pinigilan na lamang niyang gumalaw. Mas mabuti atang hindi siya hinahawakan ni Pole.
Itinaas ng binata ang mukha sa kanya at napatitig lang siya rito. Napakalapit kasi ng mukha nito sa kanya. Matamang nakatingin naman ito sa kanya. Nagniningning na naman ang mga mata ni Pole at parang labis itong natutuwa.
"O, bakit tuwang-tuwa ka, Ginoo? May dapat ka bang ikatuwa?"
Umiling lang ang binata at hinalikan muli ang noo niya bago inilagay ang ulo niya sa braso nito kaya hindi niya nakita ang ekspresyon ng binata. Naramdaman na lang niya ang masuyong paghaplos nito sa kanyang buhok. Hindi na siya nagsalita.
Kapag ganito na kasi ito ay alam niyang wala na namang sasabihin ito sa kanya. Natuto na rin siyang makuntento na lang sa kaya nitong ibigay. Ang importante naririto lamang ito sa tabi niya. Ang importante naririnig niya pa rin ang pintig ng puso at ang payapang paghinga nito. Dahil ang ibig sabihin noon ay buhay si Pole at hindi niya ito imahinasyon.
Hindi niya naman alam na sa susunod na Sabado pala ay hindi na niya ito makikita. Pati sa susunod pang mga Sabado. Nalaman niya na lang kay Eustacio na umalis na pala ito upang ipagpatuloy ang pag-aaral sa Maynila. Ang pakiramdam niya tuloy ay noong nasa bisig siya ng binata ay tahimik itong nagpapaalam sa kanya.
[ - ]
Dalawang taon kang nawala, Pole. Dalawang taon mo akong iniwan na hindi ka man lang nagsabi. Ni magpadala ng sulat hindi mo ginawa. Wala ka man lang iniwan sa akin. Ngunit, hindi naman kita masisisi, lalo na nang nalaman ko ang rason nang biglaan mong pag-alis.
Bukod sa kailangan mo talagang umalis, naging rason ang aking mga nakakatandang kapatid. Nakita kasi tayo ni Kuya ng araw na niyakap mo ako sa batis. Inabangan ka nila nang pabalik ka na at bukod sa binugbog ka nila ay pinagbantaan ka pa nilang huwag nang lumapit pa sa akin.
Mas napalitan ng pighati ang namumuong galit sa aking puso dahil doon. Hindi ko sila kinibo ng ilang buwan dahil sa ginawa nila. Kahit na makailang beses nilang sinubukang ipagtanggol ang kanilang mga sarili. Kung hindi lang nila ako matiis ay baka isinumbong pa nila ako sa aming mga magulang. Ngunit, hindi nila nagawa dahil gusto nilang mapatawad ko sila.
Araw-araw ay gusto kong magpadala sa iyo ng sulat upang humingi ng paumanhin dahil sa ginawa ng aking mga kapatid. Ilang gabi rin akong nagdasal na sana maganda ang iyong kalagayan at sana ako'y iyong kalimutan na lamang.
Ngunit, sinasaktan ko lamang ang aking sarili dahil ayaw kong kalimutan ka. Pinilit ko, Ginoo. Pinilit kong makipagkilala sa mga lalaking ipinapakilala sa akin ng aking mga magulang. Pinilit kong ngitian ang mga nirereto ni Ina. Ngunit, hindi ko sila gusto.
Mas gusto ko ang Pole na nakakasama ko sa batis, ang tahimik at mapagmasid kong Pole. Ang Pole na mas gugustuhin lang ang presensya ko at hindi hihingi ng higit pa roon. Ang Pole na minsan lang tubuan ng pag-ibig at lakas ng loob.
Hindi kita kinalimutan kahit dalawang taon na ang nakalilipas. Hinintay kita kahit na pinipilit nila akong mag-asawa. Hindi alam ng mga magulang ko kung bakit ako ganoon at hindi sinabi ng mga Kuya ko ang dahilan dahil ayaw nilang hindi ko na naman sila kibuin.
Nanahimik lamang ako at sinabi kong maghintay sila ng apat na taon. Kapag dumating ang apat na taon at wala ka pa, agad akong papayag na ikasal sa nirereto nila sa akin. Hindi ko alam kung nahimigan mo ba, dahil nagpakita ka bago umabot sa tatlo ang dalawang taon mong pagkawala.
[ - ]
HUMINGA nang si Manuela. Naroroon na naman siya sa batis ng nobyo ng kanyang pinsan. Parang sa kanya na ang batis na iyon dahil mukha namang siya lang naman ang nakikinabang.
Naririto siya at naghihintay. Nakasanayan na niya iyon ng dalawang taon. Naghihintay siya kahit araw-araw siyang dismayadong umuuwi dahil hindi naman dumarating ang hinihintay niya. Minsan, naawa na sa kanya si Socorro at Eustacio at sinasamahan na lamang siya roon.
Hindi naman siya ginagambala masyado ng magkasintahan. Pinaparamdam lang ng mga ito na naroroon rin sila kung kailangan niya man ng kausap. Minsan kasi bigla na lamang siyang lumuluha ng hindi niya nalalaman. Dadaluan naman siya ng magkasintahan at yayakapin, aaluin.
Ngayon, mag-isa siyang pumunta sa batis. Namatayan na ata siya ng damdamin dahil ngayon na niya napagisipang ito na ang huli. Hindi na siya babalik dito kailanman at kinabukasan kakausapin na niya ang magulang niya ukol sa magiging kasal niya kay Senyorito Salazar.
Ngayong araw na ito nagpapaalam na siya sa binatang labis niyang minahal.
"Malalim na naman ang iyong iniisip," ani ng isang boses na matagal na niyang hindi narinig. Isang boses na kahit dalawang taon na ang lumipas ay kilalang-kilala pa rin niya. Agad siyang napatayo mula sa kinauupuan at hinarap ang nagmamay-ari niyon. Nasa harapan niya si Pole at nahihiya itong nag-iwas ng tingin.
Hindi gaano kalaki ang ipinagbago ng hitsura ng binata. Mas tumangkad lamang ito at kaunti lang ang laman ang naidagdag sa katawan. Ito pa rin si Apolinario. Ito pa rin ang pinakamamahal niyang si Pole.
Naluluhang lumapit siya rito ngunit sa halip na yakapin ay sinampal niya ito. Agad namang napuruhan ang binata at napangiwi. Sinapo nito ang namumulang pisngi.
"Akala mo ba yayakapin kita kapag nakita kita ulit? Hindi pa ako baliw, Apolinario," naghihimutok na sabi niya sa binata. Lumamlam ang kanyang mga mata at hindi niya napigilan ang mga luhang umalpas sa kanyang mga mata. "Bakit ba nagpakita ka pa? Itinuloy mo na lang sana ang iyong pagkawala sa aking buhay!"
Saglit na hindi ito umimik at hinayaan niya lang naman ang pagdaloy ng mga luha sa kanyang mga pisngi. Gusto niya itong yakapin. Gusto niya itong halikan ngunit gusto niya rin itong sumbatan at sisihin.
Nang itinaas ni Pole ang mukha upang tignan siya ay mas lalo lang siyang napahagulgol. Bakas kasi sa mukha nito ang labis na pagmamahal at pangungulila. Dito ito magaling, sa pagpaparamdam ng damdamin nito.
"Pole naman..." aniya sa garalgal na boses at naiinis na napapunas ng kanyang mga luha. Mahal niya ito. Mahal na mahal niya pa rin ito.
Wala sa kanya ang dalawang taon na paghihintay ngayong naririto na si Pole. Naiinis siya sa sarili dahil hinayaan niyang mahalin ito nang lubos kahit na walang kapalit, kahit na walang bayad, at kahit na nagmukha na siyang kawawa at katawa-tawa sa mga taong nakapaligid sa kanya.
"Manuela," inabot siya ng binata at naramdaman na lamang niya ang mga braso nitong pumulupot sa kanyang mga balikat. "Patawarin mo ako..." halos pabulong na nitong wika. "Hindi ko gustong layuan ka. Hindi ko rin gustong kalimutan ka."
Saglit siyang inilayo ng binata at inilapat nito ang mga kamay sa kanyang mga pisngi. Nagsusumamo ang sinseridad nitong mga mata at isang malungkot na ngiti ang sumilay sa mga labi nito. Bago pa man siya makapagsalita ay naramdaman niya ang mga labi nito na lumapat sa kanya. Malambot pa rin ang mga labi ni Pole, malambot at may konting pagkagaspang.
Napahawak na lamang siya sa kamay nito. Randam na randam niya ang pangungulila nito at ang labis nitong pagmamahal na mas nagpaluha sa kanya. Parehas lamang naman pala sila nang nararamdaman.
Hindi lang pala siya ang nangulila. Hindi lang pala siya ang gabi-gabing humihiling na sana makita niya pa ito. Hindi lang pala siya ang naghihintay sa araw na mahawakan niya muli ang iniirog.
Hindi lang pala siya.
"Manuela," mahinang bulong ng binata nang pinakawalan na siya nito. Hindi ito umalis, idinikit lang nito ang noo sa kanya. "Iniibig kita, Manuela. Mahal na mahal kita. Nais mo pa rin ba akong tanggapin kahit na matagal akong nawala?"
Halos hindi na niya ito makita dahil sa mga luhang namumuo sa kanyang mga mata. Ngumiti na lang siya at tumango. Ngayon lang siya ngumiti ng totoo makalipas ang dalawang taon.
Bakas naman sa mga mukha nito ang labis na saya at hindi nito napigilang halikan siyang muli.
Hindi niya alam na posible palang mabalot ng sobrang kasiyahan.
[ - ]
Nang araw na iyon, tayo ang pinakamasayang tao sa mundo. Ikaw at ako. Tayo.
Walang naroroon para magsabing mali ang ating nararamdaman para sa isa't isa. Walang naroroon upang sabihin na hindi tayo nararapat dahil mayaman ako at mahirap ka. Nang araw na iyon, ako si Manuela at ikaw si Apolinario. Dalawang tao lamang na pilit pinaghiwalay ng panahon at ng sitwasyon ngunit pinili pa ring magkita.
Marami kang isinakripisyo upang ako'y iyong mabalikan.
Akala ko doon na magsisimula ang pinapangarap kong habangbuhay, Ginoo. Akala ko lamang pala.
Dito ko na muna tatapusin ang liham. Palalim na rin ang gabi at alam naman natin kung ano ang susunod sa kwentong ito.
Nagmamahal,
Manuela