webnovel

Simula ng Pagtatapos?

Madilim. Mapanglaw. Nagluluksa ang kalangitan at ang gabi ay mas pinalamig pa ng yumayapos na kalungkutan sa kanya. May ilang patak ng luha na nais kumawala--mga luhang pinipilit niyang ipiit sa kanyang mga mata.

Malungkot, napakalungkot. Maging siya ay naghahangad na tumakas; tumakbo palayo sa mga bagay na ni sa hinagap ay hindi niya kayang talikdan.

"Ella!" May tumawag sa pangalan niya.

Dumungaw siya sa bintana. Tama ang kanyang hinala, si Emil nga. Agad-agad siyang bumaba upang puntahan ang kanyang matalik na kaibigan.

"Bakit ka narito?" tanong niya rito.

Ngumiti ito sa kanya. "Palagi naman akong narito, 'di ba?"

"I'm busy, Emil," walang gana siyang sumagot kasabay ng pagtalikod niya rito.

"Sandali lang, Ella." Hinawakan siya nito sa braso. "Tungkol pa rin ba ito sa university na papasukan ko?"

Hindi umimik si Ella. Tiningnan lamang siya nito--isang makahulugang tingin na nagsasabing iyon nga ang kanyang ikinatatampo.

"Bakit naman kasi hindi ka na lang doon mag-aral? Maganda rin naman ang turo roon. Gusto ko rin na makasama ka sa kolehiyo. Iyong sabay tayo papasok, uuwi, at kakain. Dating gawi! Alam mong mahalaga ka sa akin, Ella," sabi ni Emil.

"Pero mas mahalaga siya dahil mahal mo siya, hindi ba?" tugon ni Ella.

"Mahal din kita, Ella. Alam mo 'yan," mabilis na tugon nito.

"Bilang matalik na kaibigan, Emil." Dismayado siya.

"Pareho kayong mahalaga sa akin," wika ni Emil.

"Mas matimbang si Alyssa kaysa sa akin. Alam ko kung saan ako lulugar. Ituloy mo lang ang gusto mo. Walang problema sa akin," sabi ni Ella para matapos na ang usapan.

"Ella naman." Halatang hindi ito naniniwala. "Alam kong hindi ka pabor na mag-aral ako roon."

"Alam mo naman pala, Emil. Bakit mo pa sinasayang ang oras nating dalawa ngayon? Kung inaakala mong mapapapayag mo ako, nagkakamali ka. Umalis ka na lang. H'wag mo nang hingiin ang opinyon ko."

"Ella naman! Don't be selfish! You know how much I love her!"

"Selfish?" Hindi na niya napigilan pa ang sarili. "Selfish ba na hayaan kitang umalis kahit alam kong mas kailangan kita ngayon? Makasarili ba ako ngayong sinasanay ko nang mabuhay nang malayo sa 'yo? Emil naman! Napakatagal na nating magkaibigan pero kailanman ay hindi ako dumistansya sa 'yo para suyuin mo. Sa tuwing pasasamain mo ang loob ko, sinasabi ko kaagad tapos ngayon inaakala mong umaarte ako kaya kita iniiwasan? Hindi mo na ba talaga ako kilala? Kung gusto kitang pigilan, sinabi ko na sana noon pa. Ngayon selfish ako sa paningin mo? Siguro nga selfish ako. Selfish ako para intindihin kung bakit hindi mo na matutupad ang pangako natin sa isa't isa na sa isang unibersidad tayo mag-aaral ng kolehiyo. Selfish ako para piliing itago na lang sa sarili ko ang takot na mawalan ng tagapagtanggol ngayon kailangan ko talaga ng tagaprotekta. Kung ganito ang definition mo ng 'selfish', bahala ka!"

"I'm sorry, Ella." Halatang nagsisisi ito.

"Stop saying sorry, Emil. Pagod na pagod na ako sa kahihingi mo ng tawad. Mula noong dumating si Alyssa, paulit-ulit mo na akong nababalewala. Palagi na lang siya. Pinalitan niya na ang lugar ko sa 'yo," panunumbat niya. "Let's face it. Hindi na tayo katulad noon."

"Pinalitan? Alam mong hindi totoo 'yang sinasabi mo," patanggi nito.

"Alam mong totoo ang sinasabi ko!" Tinalikuran niya ito at mabilis na pumasok sa kanilang tahanan.

"Ella, sandali lang! Ella!"

Bakit nga ba sila umabot sa ganito? Binalikan niya ang kahapon.

***

© Charina Clarisse Echaluce

(Ang pagkopya ng anumang bahagi ng akdang ito nang walang credit sa manunulat ay labag sa batas.)