webnovel

His Good Karma (BL)

Toy always teasing his childhood friend, High because of his smaller height when they were young. Now that they're in high school, he can't accept the fact that the guy he teased is now taller and more famous than him and there is something worse than that... Is it a karma? But why it seems to be good?

xzhxngx · LGBT+
Classificações insuficientes
9 Chs

Karma 6

Tinignan ko si High na mukhang malalim ang tulog. Pinatong ko ang baba sa kama habang pinapanood ang bawat paghinga niya. Hawak hawak niya ang kanyang notebook at may ballpen na nakahulog sa tabi niya.

May kumatok sa pintuan kaya gumalaw si High. Halos magmura ako kung sino ang kumatok. Tumayo ako at binuksan iyon.

Pagkabukas ko ng pintuan ay nakita ko si Muse na kakatok pa sana ulit.

"S-sorry..." Aniya. "Uhm..." Nakita kong lumibot ang paningin niya sa buong kwarto ko at bigla iyong napatigil sa may banda ng kama ko. Alam ko na agad kung sino ang kanyang nakita.

"Hi..." Nalito pa ako kung bati ba iyon o nagulat siya ng makita si High kaya nabanggit niya ang pangalan nito.

Binitawan ko ang pintuan at nilingon si High na kababangon palang. Kinusot niya ang mata niya saka nanlaki ang mata ng makita ako.

"T-toy..." Aniya at aayusin sana ang kalat sa kama ngunit natigil nang makita kung sino ang nasa pintuan.

"Ano 'yon?" tanong ko kay Muse na nakatingin kay High. Lumingon siya sa akin.

"Ano... uuwi na sana kami. Magpapaalam lang."

"Toy!" Sumulpot si Drei sa likod niya sabay walang hiyang pumasok sa kwarto ko. "Oh, High! Andito ka pala. Kanina ka pa?"

"Uh, hindi naman..."

Sumunod na rin si Rate at pumasok na rin sa kwarto ko. Dumiretso siya sa may study table ko ng wala man lang na kahit na anong sinasabi.

"Hindi ba uuwi na kayo?" Pinipigilan ko ang inis sa tono ko.

"Grabe naman ito. Oo, uuwi na sila. Ihahatid na natin di ba?"

Lumingon ako kay Muse na nakatingin ngayon kay High. Tumingin ako kay High at nakita kong may sinasabi sa kanya si Drei. Lumapit ako sa kanila at hinila ang braso ni Drei.

"Tara na." Sabi ko.

"Oo, eto na." Aniya saka umayos. "Halika na, Muse."

Tumigil ako saglit sa may pintuan saka nilingon si High. "Ihatid lang muna namin." Sabi ko kaya tumango siya.

Tinignan ko ang reaksyon niya ngunit hindi ko maintindihan kung ano ang ibig sabihin noon. Hindi siya ngumingiti at hindi rin naman siya sumisimangot. Naguguluhan tuloy ako. Parang gusto ko na maiwan nalang kami at sina Drei at Rate nalang ang maghahatid pauwi sa mga babae naming kasama.

"Tara na!" Sigaw ni Drei na nasa baba na.

Isasarado ko na sana ang pintuan kaso naalala ko na naroon pa rin si Rate na nakaupo sa dulo. Naglalaro ng kung ano sa computer ko. Dali dali akong pumunta sa kanya at hinila siya.

"Kayo nalang. Tinatamad ako." Aniya.

Lumingon ako kay High na nakaupo sa kama ko at nanonood sa amin.

"Halika na nga sabi. Hahayaan mo ba si Drei dun sa mga babae? Tara na."

Hindi na rin naman siya nakapagreklamo at nagpahila sa akin.

Naroon sila sa baba at naghihintay sa amin. Naroon si ate Tay sa sofa at nakaupo kasama si Chem. Nanlaki ang mata ko nang makita siya.

"Hi, Toy!" Bati nito sa akin. Ngumiti ako sa kanya at bumati rin.

Kapit-bahay namin siya noon ngunit nag-migrate sila ng pamilya niya sa Canada. Kasing edad ko lang siya at minsan na naming nakalaro ni High noong mga bata palang kami. Mas madalas nga lang na si ate Tay ang kasama niya noon dahil minsan na siyang pinagbawal na makipaglaro sa mga lalaki noon.

"Kailan ka pala nakauwi?" tanong ko.

"Kahapon lang. Kamusta school?" tanong niya habang tinitignan ang mga kaklase ko. Ngumit siya sa akin. "Group study? Seryosong seryoso."

Ngumisi ako at nagkibit balikat.

Tumabi sa akin si Drei at alam ko ang ibig sabihin niya.

"Chem, mga kaklase ko."

"Best friend niya ako." Segunda ni Drei na hinayaan ko lang. Nakipaghand shake pa ang ulupong kay Chem.

"Si Drei, Rate, Muse, Mitch at Rhea..."

"Hi, Chem. Ganda mo talaga." Ani Drei. Nakita kong siniko siya ni Rhea at sinimangutan.

"Hello, Drei. Hi sa inyo."

Bumati rin silang lahat. Nakita kong nagtagal ang tingin ni Chem kay Muse na tahimik ngayon.

"Ah, salamat po ate Tay." Ani Muse.

"Naku walang anuman. Balik kayo next time, ah? Ingat kayo sa pag-uwi." Ani ate Tay. "Boys, ingatang ang mga babae. Ihatid ninyo yan maayos."

Sumaludo si Drei. "Yes, ma'am."

Lumabas na rin kami at hinatid sila sa sakayan ng jeep.

"Sa lunes na ang examination... Kaya dapat tandaan niyo ang pinag-aralan natin." Ani Drei.

"May natandaan ka ba?" Ngumisi si Rate.

"Oo naman. Galing magturo ng girls, e. Sa susunod ulit, ah."

Tumawa sina Muse. Lumingon siya sa akin kaya natigil ang tawa niya.

"Toy..." nagtaas ako ng kilay sa tawag niya.

Nahinto rin sa biruan sina Drei at tumingin sa amin.

"Kung pwede sana hingiin ko ang number mo? Uh..." umiwas siya ng tingin. Agad na tumabi sa akin si Drei.

"Dude, your chance." bulong niya at siniko ako.

"Bakit?" tanong ko.

Narinig ko ang mga mura ni Drei dahil sa pagtatanong ko na kesyo bakit pa raw ako nagtatanong.

"Kapag may mga tanong lang sana sa... math. Oo mga ganon..."

"Toy, ibigay mo na." Ani Mitch sa likod niya.

"Dali at nakikita ko na may sasakyan na." Si Rhea.

"Huh... hindi ko kabisado ang number ko."

Nagmura muli si Drei. Humalakhak si Rate kaya sinamaan ko siya ng tingin. Alam ko ang tawa niyang iyon kaya sinenyasan ko siyang huwag magsalita.

Nakita ko ang masamang tingin ni Rhea sa akin pero hinayaan ko lang iyon. Mabuti nalang at may jeep nang dumaan kaya sumakay na sila.

"Sayang naman... uhm, sa lunes... See you." namula ang mga pisngi niya.

Tumango ako.

"You lose it, dude." Ani Drei saka pabiro akong sinuntok.

Ngumisi lang si Rate sa akin. "Dito na kami."

"Sige na." Saka tinaboy sila.

"Paregards ako kay Chem." Pahabol pa ni Drei na tinutulak na siya papasok sa jeep.

Umupo muna ako sa gilid dahil tirik ang araw at sobrang init. Pagtayo ko ay nakita ko si High na naglalakad na yata pauwi.

"Oh, bakit hindi mo ko hinintay?" tanong ko.

Malungkot ang mukha niya ngunit binigyan niya ako ng malaking ngiti.

"Uuwi muna ako." Sabi niya at nilagpasan ako ngunit hinawakan ko ang braso niya.

"Hindi ba magrereview pa tayo?"

"Nagreview ka na diba? Tsaka... nakapagreview na rin ako."

"Hindi. Tara sa bahay."

Hihilahin ko sana sita ngunit hinawakan niya ang kamay kong nakahawak sa braso niya.

"Uuwi na ko." Aniya saka inalis ang kamay ko.

Bago pa bumagsak ang kamay ko ay kinuha ko ang kamay niya.

"May problema ba tayo?" Habol ko.

Hindi siya makatingin ngayon at alam ko na agad ang sabihin noon.

"Anong problema natin?"

Umiling agad siya at binawi ang kamay niya ngunit hindi ko iyon binitawan. Kapag ganito siya ay alam ko tungkol ito sa akin. Siguro'y may nagawa akong mali sa kanya.

"Kung hindi ka magsasalita, doon muna tayo sa bahay." sabi ko saka hinila siya.

Nagprotesta siya ngunit nagpadala rin.

Pagkauwi sa bahay ay nanatiling tikom ang bibig niya. Inis ko siyang tinitigan. Alam ko kasi na kapag ganoon ay nagsasalita na siya. Ayaw niyang nagagalit ako.

"Kumain ka na ba?" Tanong ko at hindi na siya pinilit. Mahuhuli ko rin ito.

Tumango siya.

"Halika sa baba. Kain tayo."

"Kumain na nga ako."

"Hindi pa ako kumakain."

"Edi kumain ka na roon."

"Wala akong kasama."

"Si ate Tay nasa baba."

"Tapos na siyang kumain."

"Oh... edi..." Nauubusan na yata siya. "Basta kumain ka kung gutom ka."

"Hindi ako nakakakain ng walang kasama." Magsasalita pa sana siya ngunit sinegundahan ko na. "Alam mo 'yan."

Tumingin siya sa mga mata ko at ganoon din ako sa kanya. Nagmamatigas talaga siya. Ang hirap niyang amuhin. Isa nalang ang natitirang bala ko rito.

"Kumain na tayo sa baba." lumambot ang boses ko.

Ngumuso siya.

"Sige na... gutom na ako." nagpaawa ako.

Halos magmura ako. Hindi ko naman ito ginagawa! Matagal na panahon na yata nang huling nagpabebe ako ng ganito!

Babawiin ko sana ang pagiging malambot ko kaso natigilan ako nang unti-unti siya ngumiti saka tumango.