webnovel

TP: 3

Now playing: Sinta - CLUBS

Felicia POV

Hindi ko alam kung paano ako magpapatuloy ngayon sa buhay. Iniwan na ako ng tatay. Sumakabilang buhay na siya. Wala na akong makakasama sa bahay. Wala nang magluluto para sa akin. Paano na ako nito?

"Tatayyyy." Umiiyak pa rin na pagtawag ko sa kanya habang tinititigan ang puntod niya.

Madilim na ang paligid. Nakauwi na sina Mang Ben at Aling Lucia ang mga magulang ng matalik kong kaibigan na si Beauty pero ako nandito pa rin. Tulala, iyak ng iyak.

Walang ibang pumunta sa lamay at sa libing ng tatay dahil wala naman kasing gustong makipagkaibigan sa amin, dahil mahirap ang pamilya namin. Tanging ang pamilya lamang nina Beauty ang may mabuting loob na kaibiganin kami ng tatay.

Ngunit kahit na ganoon, napakabuti ng tatay ko. Palagi siyang tumutulong sa mga nangangailangan kahit kapos kami sa pera. Palagi siyang tumutulong sa maraming bagay basta kaya niya at bukal sa puso niya.

Siya lang ang meron ako eh.

Pero ngayon, nawala na rin siya sa akin. Paano na ako nito?

Hindi ako nakapag-aral. Hanggang isang daan lang ang kaya kong bilangin. Hindi ako marunong ng Ingles na sinasabi kaya kapag may nagsasalita no'n sa harap ko kung hindi ako natutulala, natatae ako.

Paano ako mamamasukan sa iba kung sarili ko nga mismo hindi ko mabuhat? Paano ko bubuhayin ang sarili ko? Gayong kulang-kulang ako sa kaalaman?

Napapayakap na lamang ako sa sarili ko habang umiiyak pa rin. Kahit na ilang beses kong sabihin sa sarili kong tumahan na ako, hindi ko magawa. Ayokong iwan ang tatay rito. Ayokong umuwi sa bahay namin na mag-isa lang ako.

Hanggang sa maya-maya lamang ay nakita ko si Beauty, ang kaibigan ko, na tumatakbo patungo sa akin. Iyong takbo niya kakaiba, 'yun bang parang may humahabol sa kanya at takot na takot ang kanyang itsura.

Awtomatikong natigilan ako sa aking pag-iyak at sinalubong siya.

"F-Feli...F-Felicia.." Hingal na hingal itong sinasambit ang pangalan ko.

"Asan?! Asan ang mga kabayo?" Natataranta na tanong ko rin sa kanya pero agad na binatukan ako.

"Shunga! Walang kabayo!" Sagot at saway nito sa akin bago ako tinignan sa aking mga mata. Pansin ko na pilit na kinakalma niya ang kanyang sarili, ngunit makikita sa kanyang mukha ang labis na pag-aalala pati na rin ang panginginig ng buong katawan niya.

"M-May nangyari ba?" Tanong ko sa kanya. Mabilis itong napatango.

"M-May mga...may mga humahanap sa'yo, Feli. Mga armado sila. Mga kalalakihan. Ang tatapang ng mukha nila. Ikaw ang pakay nila. Kaya tumakbo kaagad ako rito. Huwag ka na munang uuwi. Hindi naman nila sasaktan ang mga magulang ko dahil hindi sila ang sadya nila kundi ikaw. Itatago na muna kita rito dahil---"

"Mga armado sila?" Napatango si Beauty.

"Mga kalalakihan?" Napatango siyang muli.

"At hinahanap ako?" Muli siyang napatango.

"Eh bakit daw?" Walang ideya na tanong ko. Wala naman kasing kaibigan si tatay na natatandaan kong mga armado o mga pulis.

"Ano raw bang sadya nila sa akin---" Ngunit bigla akong natigilan at napaisip. Hanggang sa walang sabi na inihakbang ko na ang aking mga paa at nagsimulang maglakad pauwi.

Mabilis naman akong nahabol ni Beauty at pinigilan.

"Saan ka pupunta?! Hindi ka nga pwedeng umuwi muna roon dahil baka mapahamak ka!" Ngunit mariin na napailing lamang ako.

"Beauty, ako ang pakay nila." Sagot ko sa kaibigan ko. "K-Kung ako ang sadya nila, hindi sila aalis doon hangga't hindi ako nagpapakita." Dagdag ko pa.

"Pero Feli---"

"Hindi ko hahayaan na mapahamak ang mga magulang mo dahil sa akin." Putol ko sa kanya. "Pamilya ko na rin sila." Muling dagdag ko at tinalikuran na siya.

Kung ano man ang dahilan at pakay ng mga sinasabi ni Beauty na mga armadong lalaki, haharapin ko sila. Alam ko naman sa sarili ko na wala akong ginawa na anumang kasalanan para matakot. Dahil ang sabi ng tatay, matakot ka kapag may ginawa kang kasalanan. Pero kung inosente ka naman, bakit ka matatakot, 'di ba?

Kaya haharapin ko sila kung ako mismo ang pakay nila. Kahit na ang totoo, hindi ko rin alam kung ano ang mangyayari.

Pagdating namin roon, agad na sinalubong ako ng dalawang lalaki na itim ang kasuotan. At tama nga si Beauty, mga armado sila na akala mo'y nanghahamon ng digmaan. May tatlo pa silang kasamahan na nakapaligid sa buong bahay.

Napalunok ako ng mariin noong tuluyang makalapit na sa akin 'yung dalawa. Napasulyap ako sa mga magulang ni Beauty at tumakbo sa kanila para sila ay yakapin. Hindi ko pinansin 'yung dalawang lalaki na nasa harapan ko na kanina.

"A-Ayos lang ho ba kayo? Sinaktan ba nila kayo?" Napatango ang mga ito.

"Ayos lang kami, anak." Sagot ni Aling Lucia.

"Bakit nagpakita ka rito? Paano kapag saktan ka nila?" Pabulong na tanong ni Mang Ben.

Pero sa halip na sagutin ko ito ay muling ibinaling ko ang aking mga mata sa dalawang kalalakihan na ngayon ay nasa harapan ko na naman.

"A-Anong kailangan niyo sa akin?" Taas noo na tanong ko sa mga ito kahit na ang totoo ay sobrang kumakabog ang dibdib ko. "Wala akong ginagawang masama kaya bakit ninyo ako ikukulong?" Matigas na dagdag ko pa.

"Kailangan mong sumama sa amin. Sa ayaw mo at sa gusto." Matigas na sambit nung isa.

"At bakit naman siya sasama sa inyo? Sino ba kayo? Anong kailangan ninyo sa Felicia namin?" Umiiyak na tanong ni Aling Lucia.

"Tsaka na namin ipapaliwanag kapag nasa ligtas ka na na lugar. Nandito kami para protektahan ka at pati na rin sila." Paliwanag naman ng isa bago napalingon kina Mang Ben at Aling Lucia. Nakita ko naman ang lumuluha na rin na si Beauty.

"Huwag kang mag-alala, makakabalik ka rin sa kanila oras na masigurado naming ligtas na para sa iyo ang lugar na ito." Dagdag pa niya.

"At paano namin masisigurado na maibabalik ninyo pa si Felicia rito kung---"

Ngunit natigilan si Mang Ben noong bigla na lamang akong hawakan ng dalawang lalaki sa aking magkabilang braso. Noon din dumating ang isang itim na Van at mabilis na kinaladkad ako papasok roon.

Bigla na lamang ding napangawa at nagsisigaw si Aling Lucia.

"S-Sandali lang naman! S-Sasama naman ako sa inyo eh! 'Wag niyo naman takutin 'yung mga kaibigan ko." Dahil sa sinabi kong iyon ay muli nila akong binitiwan.

Naging pagkakataon ko naman iyon para magpaalam kina Mang Ben at Aling Lucia pati na rin sa kaibigan kong si Beauty.

"Nangako po sila na hindi nila ako sasaktan." Napatango iyong mga armadong kalalakihan. "Sasama po ako sa kanila dahil kailangan. At ayaw ko rin po na magmatigas pa dahil ayoko rin kayong masaktan nila. Pero pinapangako ko po na babalikan ko kayo. Magpapakayaman po ako. Mag-aaral po ako. Pagbalik ko po, ibibili ko kayo ng lahat gusto ninyo." Hindi ko rin alam kung bakit ko nasabi ang mga iyon.

Basta ang alam ko lang, napapanood ko lamang ito dati sa pelikula. Hindi ko akalain na mangyayari rin pala sa akin. Nakita ko na nagpipigil sa pagtawa iyong ibang kalalakihan dahil sa sinabi ko.

Bakit? Masama bang mangarap? Ang sasama naman nila.

"T-Talaga ba?" Tanong ni Aling lucia. "Hala! Sige, sumama ka na nga lang sa kanila. Basta babalik ka ha?"

"Huwag mo kaming kalilimutan, Feli." Saad naman ni Mang Ben.

"Feli, mamimiss kita." Umiiyak pa rin na wika ni Beauty.

"Mamimiss din kita, Beauty. Basta babalik ako ha? Mamamasyal tayo." Napatango naman ito bago pinunasan ang sarili niyang luha.

Napahinga ako ng malalim. "Paalam po. Babalik ako na mayaman na. Tapos...tapos ibibili ko kayo ng maraming gamit. Atsaka masasarap na pagkain." Pag-ulit ko pa sa aking sinabi kanina.

Hanggang sa tuluyang isinakay na ako ng mga ito sa loob ng sasakyan.

Noong nasa biyahe na kami ay panay ang tingin ko sa mga ito. Mayroon kasi akong hinahanap na bagay na hindi ko nakikita kanina pa.

"May kailangan ka ba, Miss?" Tanong nung isa.

Napailing ako. "Wala naman." Tipid na sagot ko. Ngunit nagpapalinga-linga pa rin sa paligid.

"Di ba kapag ganito dapat may posas?" Tanong ko sa kanila. "Atsaka 'di ba dapat may ilalagay o ibabablot kayong tela na itim sa ulo ko para wala akong makita, ba't wala?" Dismayado na tanong ko sa kanila.

Noon naman nagtinginan silang lahat na magkakasama sa loob ng sasakyan bago nagtawanan.

"Miss, kapag ginawa namin 'yun sa'yo papatayin kami ng boss namin." Sagot nung nagmamaneho.

"Oo nga, miss! Naku! Baka mawalan pa kaming lahat ng trabaho."

"Hindi lang trabaho," wika naman nung isa bago umakto na nagbabaril. "papatayin kami no'n, sigurado." Dagdag pa niya.

Habang ako naman ay napapalunok na lamang ng mariin sa kanilang mga sinasabi.

Nakakatakot pala ang boss nila. So kailangan kong magpakabait baka pati ako kitilan ng buhay. Napakamot ako sa aking ulo.

"Eh sino bang boss niyo?" Tanong ko sa mga ito nang bigyang tumigil ang sasakyan. Muntikan pa akong masubsob sa biglang pagpreno nito.

"Ah, nandito na pala tayo, Miss." Wika noong isa at muling binuksan na ang sasakyan bago ito naunang bumaba.

Noon ko lamang napansin na nasa isang malawak na kapatagan na pala kami, kung saan nasa gitna rin ng gubat. Mayroong helicopter sa may unahan na akala mo ay tatangayin ka ng hangin sa lakas at bilis ng pag-ikot ng kanyang elisi.

Grabe! Hindi ko mapigilan ang hindi mamangha dahil sa mga pelikula ko lamang talaga nakikita noon ang mga ganitong eksena. Ngayon, nasa harapan ko na.

Hindi ko mapigilan ang hindi magtatatalon sa tuwa habang napapapalakpak pa kahit na gusto na akong pagtawanan ng mga kasama ko kanilang lalaki sa sasakyan.

Maya-maya lamang ay mayroong matangkad na babae ang bumaba mula sa loob ng helicopter. Nakasuot din ito ng itim. Mula sa kanyang panloob, jacket, pantalon at sapatos na mukhang mamahalin tapos meron pang takong. Ang angas niyang tignan at pati na rin sa kanyang paglakad.

Tila ba ang bagal din ng paggalaw nito sa aking paningin. At tanging sa kanya lamang nakatuktok ang mga mata ko. Hindi ko alam kung anong nangyayari pero ito yata ang tinatawan nilang slow motion. Iyong pakiramdam na bumabagal sa paningin mo ang pagkilos ng isang tao, habang sa kanya lamang nakatutok ang mga mata mo.

Ngunit noong tuluyang makalapit na ang babae sa akin ay hindi ko mapigilan ang hindi mapatakip sa aking bibig gamit ang magkabilaan kong kamay.

Namumukhaan ko siya. Hindi ako nagkakamali dahil hindi ko makakalimutan ang mukha niya, lalong-lalo na iyong ginawa niyang pagbili sa lahat ng paninda namin ng tatay noong araw na iyon.

Magsasalita na sana ako noong may tumawag sa kanyang 'boss'. Kaya naman muli kong itinikom ang bunganga ko.

Nakakatakot pala siya. Baka naman ako ang patayin niya kapag 'di niya nagustuhan ang sinabi ko. Pagkatapos nilang mag-usap ng mga dalawang kasamahan niya ay muling ibinalik nito ang kanyang mga mata sa akin.

Noon naman ay napalunok ako ng mariin, na halos hirap pa akong lulunin ang laway ko dahil sa sobrang kaba.

"Relax, Felicia. I'm not going to hurt you---"

Bigla akong napahawak sa t'yan ko dahil sa biglang pagkulo nito.

Bakit naman kasi siya biglang umingles? Hindi ko naman maintindihan kung anong sinasabi niya. Yes at no lang ang alam ko halos sa salitang iyon.

"Oh no! Don't tell me, nagugutom ka na?" Napailing ako bilang sagot sa kanya.

Pero napatawa lamang ito noong mapansin na unti-unti na akong kumalma. Marunong naman pala siyang magtagalog.

"I'm Skyler and I'm---"

"P-P-Pwede bang t-tagalog lang ang gamitin niyong salita?" Utal na pakiusap ko sa kanya. "H-Hindi ko kasi kayo m-masyadong maintindihan." Sabay kamot ko sa aking batok dahil sa kahihiyan.

Mataman naman na tinitigan ako nito sa aking mukha. Iyong titig na titig sa aking mukha.

Hindi ko tuloy mapigilan ang hindi mapahawak sa aking pisnginat tignan din siya pabalik. Baka kasi mamaya nilalait niya na ako.

"H-Hindi po kasi ako nakapag-aral at---"

"Ako si Skyler." Pagpapakilala nito sa akin.

"Ako ang pinadala rito sa'yo para sunduin ka at dalhin ka sa isang ligtas na lugar." Napapangiwi ito habang nagsasalita. "Magpagkakatiwalan mo ako at pati na rin sila." Agad naman napatango ang lahat ng kasamahan nito.

Sa lahat ng sinabi niya, may isa lang akong katanungan na gusto kong masagot kanina pa.

"P-Pero bakit ako?" Naguguluhan at walang kaide-ideya na tanong ko sa kanya.

May katagalan bago ito nakasagot.

"Dahil special ka." Sagot nito habang nakatingin ng diretso sa mga mata ko.

Dahil espesyal ako?

Noong marinig ko ang katagang iyon ay isang matamis na ngiti na lamang ang pinakawalan ko.

Hindi nga ako nagkakamali. Isa siguro ako sa napiling tagapagmana ng yaman ng isang matandang tao, tapos wala siyang tagapagmana kaya ako ang napili nito at ipinahanap niya ako.

Ang galing! Akala ko talaga sa mga palabas ko lang 'yun makikita. Mangyayari rin pala sa akin.

"Ito ba ang sasakyan natin?" Sabay turo ko sa helicopter na kanina pa ikot ng ikot ang elisi.

Napatango 'yung babae na nagngangalang Skyler.

"Yes." Kaya noong masagot niya ang tanong ko ay ako na mismo ang tumakbo patungo sa helicopter para sumakay na rito.

"Uwaaaaahhhhhhhh! Ang galing!" Naluluha na sabi ko sa aking sarili dahil sa sobrang tuwa na nangyayari ito ngayon sa akin.

Habang iyong tatlong tauhan ni Skyler ay sumusunod sa akin para alalayan ako at sinabing huwag ako tumakbo.

Grabe! Alagang-alaga nila ako.

Ganito pala ang pakiramdam na magiging isang tagapagmana ka. Tuwang-tuwa na sabi ko sa aking sarili.