webnovel

START

Sabi nila, hindi daw malalaman kung hindi susubukan. Pero paano ko susubukan kung simula pa lang takot na akong sumubok? Takot akong makaranas ng saya kung ang kapalit naman nito ay ang sakit.

Bata pa lang ako ay puro sakit na ang naranasan ko. Iniwan ako ng mga magulang ko dahil sa tingin nila ako ang malas sa buhay nila, na ako ang dahilan kung bakit nagkandeleche-leche ang buhay na meron sila noon. Nabuhay ako sa mundo na itinuturing na sumpa ng sarili kong mga magulang. Wala akong nireklamo ni isa dahil alam ko sa sarili ko na totoo ang sinasabi nila. Heto ako ngayon, tanggal na naman sa part-time job na pinagtratrabahuan ko. Minsan iniisip ko, nasan na ang swerte? Ang saya? Naranasan ko na naman ang sakit kailan ko mararanasan ang saya? Pwede bang maranasan ko na ngayon ang saya?

Gustong-gusto kong rumanas ng saya pero nasasaktan lang ako sa tuwing ginugusto ko iyon. Sanay ako na masaktan kaya mas gugustuhin ko nalang ang masaktan kesa makaranas ng saya. I'll prefer pain than being happy. Pain maybe won't last long pero gayon din ang pagiging masaya.

"Hey! Can you move out--- Hannah? Hannah my friend? Ohmyghad! Ikaw nga!! Wah!.." napatalon ako sa gulat nang bigla akong yakapin ng kung sino. Huminga ako, pamilyar ang pabango. Naamoy ko na to dati.

"A-ashley?" Mahinang sambit ko nang maalala ito.

"Hi, Hannah. Surprised! Nakabalik na ako and I'm staying here for good. Are you surprised?.." aniya nang kumalas siya sa pagyakap sakin. Abot tenga ang mga ngiti niya. Hindi ako makasagot dahil sa pagkakatulala. N-nakabalik na siya. A-ang dami ng nagbago sa kanya pero ang amoy niya ganon pa rin gaya ng dati.

"Uhmm.. S-sorry, nabigla ba kita? I'm very sorry, hindi naman talaga ngayong araw ang balak kong magpakita sayo but I guess universe want us to meet early as what I never expected. I'm really so--" hindi ko na siya pinatapos at kaagad na niyakap ng mahigpit. Hindi ko alam kung bakit kusa nalang tumulo ang mga luha ko nang mayakap ko siya. Miss na miss ko na siya. Sa tingin ko'y dahil sa tuwa at gulat ay nagiging emosyonal ako.

"H-hey! Don't cry..." bulong niya habang hinahaplos-haplos ang aking buhok at likod. Hindi ko mapigilang mapahikbi dahil sa pagiging emosyonal. Hindi ko nga magawang magsalita dahil miss na miss ko siya. Mahigit ilang taon din siya nawala at sa ilang taon na yon mas lumala ang pagiging sumpa ko dito sa mundo.

"M-miss na... k-kita" hikbi ko

"Hey! Wag ka na ngang umiyak baka kung ano ang isipin ng mga tao. You shouldn't be crying.." sermon niya "I miss you too..." malambing na bulong niya

Ilang minuto din kaming dalawa nagyakapan at kung ano-ano ang mga sinasabi. Ano pa ba ang masasabi ko? Miss na miss ko siya. Nang makita ko siya ngayon para napawi lahat ng mga  masasakit at kamalasan na nangyari sakin ngayong araw at nong nakalipas na taon na  wala siya.

Si Ashley ang taong pinagkakatiwalaan at itinuring kong kapatid sa buong buhay ko. Dahil sa kanya marami akong natutuhan na mga bagay sa mundo. Siya ang nagbigay liwanag sa madilim ko na nakaraan. Tinulongan niya akong umahon sa pagkakalubog sa malalim na karagatan. Siya ang pangalawang tao na alam ang kwento ng buhay ko at paano ito tumatakbo. Minsan nga hiniling ko na sana kapatid ko nalang siya para may masasabihan  at masasandalan ako sa lahat ng mga kamalasan sa buhay. Nang makilala ko siya inisip ko na hindi kami pwedeng magkaibigan dahil mahirap ako, mayaman siya. Malayong-malayo ang agwat namin sa isa't isa pero mapaglaro nga talaga ang tadhana at pinaglapit niya kami ni Ashley.

Pagiging kaibigan ni Ashley ay mahirap lalo na't bantog ang kanilang apelyido sa larangan ng politika at sa showbiz. Ang mommy niya ay isang sikat na  actress habang ang daddy niya ay isang sikat at respetadong gobernador. Bawat galaw at kilos kong kasama si Ashley ay binabantayan ng mga  nakapaligid sa kaniya. Maraming mga nagagalit at naiinis sakin dahil bakit daw ako nakikipagkaibigan kay Ashley eh wala naman daw akong ipagmamalaki. Yan din ang tanong ko, pero sa tuwing tinatanong ko si Ashley niyan, sasagutin niya lang ako na 'nonsense' wala na rin akong magawa kundi manahimik.

Maraming mga gustong ikwento si Ashley sakin tungkol sa mga naranasan niya sa states kaso kailangan niya na daw na umalis dahil hindi siya nakapagpaalam sa parents niya na aalis siya. Napailing nalang ako, gaya pa rin ng dati. Strikto pa rin ang parents niya. Sa nagdaang taon na magkasama kami ni Ashley, hindi ko pa nakilala ng personal ang mommy at daddy niya bukod sa busy ang mga to, wala din akong oras dahil palagi akong abala sa pag-aaral kaya sa tuwing niyayaya ako ni Ashley na dumalo sa family dinner nila ay tinatanggihan ko. Nahihiya ako at  takot rin lalo na't makapangyarihan ang kanilang apelyido.

"Oh? Pagod ka?" Bungad sakin ng kababata kong si Loui habang bitbit ang bag ko. Ngumiti ako.

"Walang araw na hindi ako pagod, Loui" sagot ko. Pinanlisikan niya lang ako ng kayumanggi niyang mga mata at marahan na inakbayan.

"Wag ka na kasing magtrabaho, doon ka nalang samin tumira para wala kang babayaran at masusustentuhan pa ni mama ang pag-aaral mo pati rin ak--"

"Napag-usapan na natin to, Loui..." agap ko at huminto. Hinarap ko siya at pagod na nginitian.

"Alam mo kung bakit ayaw kong iwan ang bahay nami--"

"Dahil yon nalang ang iniwan na ala-ala sayo ng walang kwenta mong magulang? Ano ka ba naman, Hannah? Titiisin mo ba talagang mamuhay mag-isa sa bahay na yon? I'm here, kaya ka naming buhayan ni mama lalo na't kami lang dalawa alam mo naman na hindi ka iba samin di ba? Mahalaga ka sakin pati narin kay mama kaya please, listen to me.." aniya, pumikit ako at bumuntong hininga

"Bukas na tayo mag-usap, pagod ako.." sagot ko

"Han--"

"Please, Loui... pagod na pagod ako ngayon, pwede bang bukas na lang?" Putol ko, tinitigan niya ako ng may pag-aalala sa kanyang mga mata. Kalauna'y tumango siya at naunang maglakad kesa sakin.

Aside from Ashley, si Loui ang mas matagal ko ng kaibigan dahil magka-babata kami. Mas marami siyang alam sa pamilya ko kesa kay Ashley. Lahat ng alam ni Ashley ay ang mga sinasagot ko kapag nagtatanong siya tungkol sa  pamilya ko habang kay Loui naman ay lahat. Kahinaan at kalakasan ko alam niya. Galaw at pag-iisip ko, alam din niya. Kung si Ashley ang nagturo sakin sa liwanag na dapat kong tahakin si Loui naman ang nagturo sakin na labanan at ngitian lang ang problema. Pareho silang mahalaga sakin. Pareho silang bumuo sa pira-piraso kong buhay.

"Matulog ka ng maaga, Hannah" aniya sabay abot ng bag

"P-pasensya ka na, Loui. Pagod na pagod lang talaga ako, masyadong marami ang nangyari ngayon kaya mas pipiliin ko munang magpahinga.." ngiting sambit ko at kinuha ang bag na inabot niya

"Naiintindihan ko, basta kung may kailangan ka tawagan mo lang ako." Aniya

"Sige, mag-ingat ka" sagot ko at binuksan na ang maliit na gate ng bahay

"Ikaw rin, Hannah. Stay safe.." nang talikuran niya na ako ay pumasok na ako sa loob ng bahay. 

Maliit lang ang bahay na tinutuluyan namin ng mama at papa ko. Namuhay kami noon ng simple lang. Nagtratrabaho ang papa ko habang kami lang nila mama ang nandito sa bahay. Hindi ko alam kung bakit nagbago nalang iyon bigla nang dahil sa isang trahedya. Ako ang sinisi nila sa lahat, ni mismo ako walang alam sa nangyari. Bata palang ako non at walang kamuwang-muwang sa nangyari. Hindi ko gusto ang nangyari at wala din akomg alam pero bakit ako ang sinisisi nila? Am I that bad luck?

Nang iwan nila ako ay sobrang sakit. Yong sakit na hindi ko inaasahan na mararanasan ko sa murang edad. Wala akong alam, ni magluto nga hindi ko alam non. Mahigit ilang linggo akong walang kain non dahil sa kakaiyak at wala ring pagkain. Nasa bahay lang ako palagi, walang kinakausap ni kung sino. Takot ako, takot akong lumabas dahil baka tratuhin din ako ng parang basura ng mga tao gaya ng ginawa nila mama. They abandoned me. Sobrang sakit.... napakasakit. Sariling magulang mo, iniwan ka? Tss.. ramdam ko nga mamamatay na ako non lalo na't walang tutulong sakin at hinang-hina na  ang aking katawan. Napahawak ako sa aking pisngi nang may kung anong basa ito. N-naluluha ako...

"H-hannah? Hannah! Gumising ka!! Hannah! Bakit ba kasi hindi ako agad pumunta dito?! Putang tampo to!! Hannah, please.... wake up.. hey!" Sino yon? Si Loui? N-nandito siya?

"Anak, dalhin na natin siya  sa ospital baka kung ano pang mangyari sa kaniya..." si Aling Rena ba yon? Bakit sila nandito? P-paa-no sila nakapasok? A-alam ba nila? Gustong kong magsalita o kaya'y imulat man lang ang aking mga mata para sabihin sa kanila na okay lang ako pero hindi ko magawa.. hindi ko kaya.. masyado na  akong mahina at gutom na gutom na rin. Ito na ba ang katapusan ko? Ang pagiging malas ko? Ito na ba talaga, panginoon? Kung ganon, bukas puso kong tatangapin ang oras na ito.

"Hey, Hannah.. please.. wake up.. wag mo akong iwan.. Hannah, malapit na tayo.." mga huling katagang narinig ko bago ako tuluyang nawalan ng malay.

Pinahid ko ang mga luha sa aking pisngi. Mapakla akong ngumiti dahil sa ala-ala na yon. Ang sakit... kahit ilang taon na simula nong nangyari yon, masakit pa rin. Nagpapasalamat ako sa buong maykapal na binigyan nila ako ng pangalawang buhay kahit na puro pasakit at kamalasan ang nararanasan ko. Masaya pa rin ako na binigyan nila ako ng pangalawang pagkakataon na kung saan may mga kaibigan na akong nag-aalalay sakin para magpatuloy pang mabuhay. Tanga na yata ako dahil hiniling ko pa na sana makita ko uli ang aking mga magulang, na sana bumalik ang dating relasyon namin. I've never hated them because of what they did. Mas galit ako sa sarili ko dahil sa tingin ko ako ang may pagkukulang bilang anak nila.

"Hannah.. Hannah" kaagad kong inayos ang mukha ko dahil sa may kumatok sa pinto.

"Hannah.." katok nito muli. Pinihit ko ang sirang doorknob para mabuksan ito. Gulat kong tinignan si Loui. Anong ginagawa niya dito? Gabi na at nasa labas pa siya. Baka mapagtripan siya ng mga tambay diyan sa may kanto.

"L-loui, a-anong ginagawa mo dito?" Tanong ko sabay iwas ng tingin. Hindi ako komportable sa mga titig niya lalo na't galing ko lang sa kakaiyak baka mahalata niya.

"I brought foo-- I mean, nagdala ako ng pagkain. Kumain ka na ba? O hindi..." umangat ang tingin ko para tignan siya na sinsilip ang loob ng bahay. "I bet you're not eating again. Move, we'll eat together.." aniya at nilampasan ako. Hindi ako nakagalaw, manghang-mangha parin ako sa pagsasalita niya ng Ingles. Minsan lang siya magsalita ng ganon pero sa tuwing naririnig ko iyon, namamangha ako. Para talaga siyang amerikano pagnagsalita ng ganon.

"Come on, Hannah.." rinig kong tawag ni Loui. Napalunok ako at kaagad na sinara ang pintuan.

"Baka hanapin ka ni Aling Rena, Loui. Tsyaka gabi na baka pagtripan ka ng mga tambay sa kanto pagbalik mo sa iny--"

"Advance thinker ka na ngayon, Hannah ah. Wag mo ng isipin ang mga yon at kumain ka na dito, alam kong hindi ka pa nagluluto. Pinasadya ko talaga to kay Mama na lutuin dahil alam kong madami ang kakainin mo pag ang paborito mo ang niluluto.." ngiting aniya. Hindi ko alam pero bigla nalang napawi ang pag-aalala ko sa kanya dahil sa mga ngiti niya. Ang mga ngiti niya ay parang sinisiguro talaga ang mga mangyayari na ayon sa gusto niya. Umiling ako. Hindi ako pwedeng magpadala sa mga sinasabi niya.. tahimik akong umupo sa gilid na upuan habang siya naman ay kaharap kong upuan umupo.

"Kumain ka na.." aniya, tahimik akong nagsandok ng pagkain sa aking pinggan. Kung kanina ay masaya siya ngayon naman ay parang galit o ewan ko.

"Bakit ka umiiyak?.. Did you remember the past again?.." naestatwa ako nang bigla siyang nagtanong. A-alam niya.. masyado yatang halata na umiiyak ako

"Dito ako matutulog..." nanlaki ang mata ko at kaagad na binaba ang kubyertos.

"Anong pinagsasabi mo? Bakit? Pinayagan ka ba ni Aling Rena? May trabaho ka bukas di ba?.." natatarantang tanong ko,  agad nanliit ang kanyang mga mata.

"Wag ka ng maraming tanong at kumain ka nalang. Akala mo naman ngayon pa ako nakatulog dito eh hindi ko na mabilang kung pang-ilan na akong matutulog dito.." aniya, yumuko ako at nagpatuloy sa pagkain. Sa bagay, ilang beses na siyang nakikitulog dito. Tinatanong ko kung bakit pero sasabihin niya lang na sasamahan niya ako. I can manage myself, okay lang sakin na ako lang mag-isa dito pero siya hindi. Hindi nga yata siya nakakatulog ng maayos dahil kakaisip sakin dito.

Tahimik kaming natapos sa pagkain. Siya na ang nagpresentar na maghugas dahil sabi niya pagod daw ako kaya kailangan kong magpahinga, wala na din akong nagawa at sinunod siya. Nagtungo ako sa sala para magbasa, sa tuwing pagod o kaya'y gusto kong mag-relax ay nagbabasa lang ako. Reading is my stress-reliever kung baga. Pakiramdam ko kasi kapag nagbabasa ako ay naglalakbay din ang utak ko sa iba't ibang mundo.

Kaming dalawa ni Loui ay parehong paaralan lang ang pinapasukan. Mas ahead lang siya sakin ng year dahil mas matanda siya sakin ng isang taon. Nasa panghuling senior year na siya sa pasukan habang ako ay magsesenior year pa lang. Bakasyon ngayon kaya kanya-kanya kaming diskarte para magkapera. Kung totuosin hindi na niya kailangan magtrabaho dahil may nagsusustento naman sa kanila at yon ang tito niya na nasa america. Siya lang talaga ang gustong magtrabaho para daw dagdag sa konsumo. Siya yong tipo ng tao na gagawin ang lahat, madiskarte kung baga kaya nga bilib na bilib ako sa kanya.

"Akala ko matutulog ka na? Why are you still reading?" Natigilan ako sa pagbabasa nang marinig ang boses niya. Tapos na siya? Lilingonin ko sana siya nang bigla nalang akong mapangiti. Nag-iingles na naman siya at ang sarap pakinggan. Walang duda, may lahi talaga siyang amerikano.

"Bakit ngumingiti ka? Hoy, Hannah!" Iling lang ang sagot ko at nagpatuloy sa pagbabasa. Nagpa-alam siya sakin na bubuksan niya ang TV, tango-tango lang ang sagot ko dahil nakapokus ako sa pagbabasa.

"Hannah, pwedeng kumuha ng snack sa cabinet?" Aniya, tango-tango lang ako halatang ayaw magpastorbo. Nathri-thrill na ako sa story. Nandon na ako sa puntong, malalaman na ng babae kung sino ang nagpapadala sa kanya ng mga rosas at sulat sa nakalipas na limang taon. Hula ko, ang asawa niya, na akala niyang patay na pero buhay pa pala.

"Hannah, gusto mo?" Napahinto ako saglit para lingonin siya.

"Sayo nalang, Loui..." ikling sagot ko at kaagad bumalik sa  pagbabasa. Ililipat ko na sana sa susunod na pahina nang bigla nalang mawala sa kamay ko ang libro dahilan para manlaki ang mata ko.

"Put--- Loui, naman.." angal ko, tinaasan niya ako ng kilay at umupo katabi ko. Nakadekwatro siya habang binabasa ang libro. Anong problema niya?

"It's me... I am the one who gave all of that thing in the past years. Your welcome, My Wife" basa niya habang nakatitig sakin. Kumunot ang noo ko. Anong nangyayari sa kanya?

"Akin na yan, Loui.." mahinang sambit ko

"Ganitong mga storya ba ang mga binabasa mo? Gusto mo na ba agad magkaboyfriend at nagbabasa ka na ng mga ganyan? Hanna--"

"Porket ba binabasa ko yan gusto ko ng magkaboyfriend?.." agap ko, nagkibit balikat siya.

"Ewan ko, siguro? I don't know really.." sagot din niya, napangiwi ako at kaagad na hinablot ang libro ko. Tumayo na ako at nag-unat.

"Mabuti yan. Matulog ka na, hindi yong kung ano-ano ang binabasa mo." Panenermon niya, may problema yata talaga siya. Napailing ako at nagpatuloy sa paglalakad papasok ng kwarto. Bahala na siya don, sanay na  naman siyang sa sala natutulog nang walang kumot. Gusto ko pang magbasa pero hindi na kakayanin ng mga mata ko bumibigat na siya. Bukas ko nalang tatapusin..