webnovel

Finding Ethan: The Dream That You Seek (Tagalog, Filipino) - Falling For the Secret Superstar

“Kahit nakatayo ka lang diyan at nakangiti sa akin, kinikilig na ako.” Ethan Ravales just wanted to escape from his suffocating life as the Philippine’s prime leading man. Pakiramdam niya ay kinakain na ng kanyang sistema ang kanyang kaluluwa. Para hanapin ang sarili ay tumakas siya hanggang mapadpad sa Isla Juventus matapos iligtas mula sa isang magnanakaw ang isang magandang dalaga—si Aurora. Hindi inakala ni Ethan na makakaya niyang mabuhay sa Isla Juventus—na walang kuryente, Internet, o signal man lang ng cell phone, at bilang Alvaro Baltazar na isang ordinaryong lalaki. Hindi rin niya napaghandaan ang espesyal na naramdaman nang makilala at makasama niya sa isla si Aurora. Handa na siyang iwan ang mundong nakagisnan para kay Aurora. Ngunit nang may magpaalala kay Ethan ng mundong iniwan niya ay napaisip siya. Ano ang kaya niyang gawin para kay Aurora? Handa ba siya sa maaaring mangyari kapag nalaman ni Aurora ang tunay niyang pagkatao? The final book of Finding Ethan Series, a collaboration with Leonna, Gezille and @Tyramisu.

Sofia_PHR · Geral
Classificações insuficientes
55 Chs

Chapter 26

NAKAPANGALUMBABA si Aurora habang pinapanood si Alvaro na maghimay ng dahon ng sili para isama sa sabaw. Kasalukuyan na nitong pinakukuluan ang pangti-on sa sabaw ng buko para mabawasan ang alat. "Madalang akong makakita ng lalaki na mahilig magluto. Ang mga lalaki kasi dito sa amin, nagluluto lang kapag para sa pulutan."

"Simple lang naman itong pinapaluto ng tatay mo. Maggigisa lang ng bawang, sibuyas, kamatis at luya saka pampalasa itong seashell." Saglit lang itong binigyan ng instruction ni Tiya Manuela at nakuha na nito agad.

Bumuntong-hininga siya. "Ewan ko. Kahit yata anong gawin ko, di naman nasasarapan si Tatay. Kapag nagluluto ako niyan, laging may kulang."

"Huwag mong intindihin iyan. Ako ang bahala sa iyo kaya gusto ko mag-relax ka lang," anito at kinindatan siya.

Nag-init ang mukha niya at nangingiting yumuko. Anong klaseng relax naman ang gagawin niya kung nagririgodon ang puso niya sa kindat nito? Habang naiirita siya sa atensiyon na ibinigay ng ibang lalaki, iba naman ang epekto sa kanya ni Alvaro. Habang nakikilala niya ito, lalo niya itong nagugustuhan.

Habang nasanay na siya sa ama niya at kay Omar na itinuturing siyang isang babae na walang karapatang magdesisyon sa buhay, si Alvaro naman ay inaalam kung anong gusto niya. Nasasabi niya dito ang mga pangarap niya na di niya nasasabi sa iba. Pinagsisilbihan din siya nito para sumaya siya. Hindi rin nito minamaliit ang mga pangarap niya o ang kahinaan niya.

Hindi niya inakala na makakatagpo siya ng katulad nito. Akala niya ay dapat na siyang maging masaya sa kung anong pwedeng ibato ng ibang tao sa kanya kahit na nanliliit siya minsan. Na kailangang masiyahan na lang siya kung ano ang kayang ibigay sa kanya ng maliit na islang iyon. Sinasabi nito na maari niyang ibuka ang pakpak niya at lumipad dahil may magagandang bagay na naghihintay sa kanya.

At sa ngayon ay ito ang magandang bagay sa buhay niya.

Biglang pumasok ng kusina sina Tiya Manuela at Kenzo. "Naku, Rora! Ano pang ginagawa mo dito?"

"E di nakatitig lang po kay Kuya Alvaro. Hindi naman iyan marunong magluto," kantiyaw ng pinsan sa kanya. Di man lang nawala ang ngisi nito kahit nang mulagatan niya.

"Doon ka na lang sa labas kung wala kang maitutulong. Maghain kayong magpinsan. Dumilim na," utos ng tiyahin niya kaya napilitan siyang lumabas.

"Ang lakas mong mang-asar," sabi niya sa pinsan habang inaayos nila ang mesa at upuan sa ilalim ng niyugan.

"Ang galing ko kamong mambuko. May gusto ka kay Kuya Alvaro 'no?" nanunudyong tanong nito at pinagalaw pa ang kilay.

Bigla niyang tinakpan ng palad ang bibig nito. "Huwag kang maingay. Baka marinig ka ni Amay." Saka siya luminga sa paligid. Lagot siya kapag nagkataon.

"Dapat nga magpasalamat ka sa akin. Ako ang nagsabi kay Kuya Alvaro na paborito ni Tiyo Gener ang pang-ti-on kaya dapat ipagluto niya."

"At bakit naman gagawin niya iyon?"

"Siyempre para magustuhan din siya ni Tiyo para sa iyo," sabi ng pinsan niya at itinaas ang hinlalaki. "Ayos ba?"

Tumawa siya na parang kinikiliti. May pakinabang naman pala siya sa pinsan niya kung minsan. "Ipagluluto din kita sa susunod ng..."

"Ate, utang na loob! Huwag ka nang magluto. Si Kuya Alvaro lang talaga ang nagtitiyaga sa luto mo. Salamat na lang."

"Rora, bakit ba di ka pa nagluluto? Aba'y palubog na ang araw. Ayokong kumain sa dilim," anang si Manoy Gener nang pumasok siya ng bahay para kumuha ng plato at kubyertos.

"Sa labas po tayo kakain kasama nila Tiya Manuela. Mas presko po doon."

"E paano ang pang-ti-on ko?"

"Iyon pa rin po ang ulam. Huwag po kayong mag-alala."

Pero di lang sinabawang pang-ti-on ang ulam. May enseladang talong din at talbos ng kamote. May pritong isda din na sariwa dahil bagong huli. Pero ang sabaw agad ang pinuntirya nila ng ama niya.

"Masarap talaga ito. Tamang-tama lang ang lasa," anang si Manoy Gener nang humigop ng sabaw ng pang-ti-on.

"Si Alvaro ang nagluto niyan." May pagmamalaki sa boses ni Aurora nang sabihin iyon. Masaya siya dahil nagustuhan ng ama niya ang pinaghirapan ng binata.

Noong una ay kinabahan siya dahil tinitigan lang ni Manoy Gener si Alvaro. Subalit sa huli ay sumubo ito ng pang-ti-on. "Masarap. Tamang-tama lang ang alat at nakuha mo ang anghang na gusto ko. Mas masarap pa sa luto ng anak ko."

"Si Amay talaga," aniyang kunwa'y nagtatampo. Kailangan pa talagang idiin iyon?

"Kung gusto po ninyo, ipagluto ko rin po ulit kayo sa susunod," anang si Alvaro na masaya rin sa papuri ng ama niya.

"Ano ba ang trabaho mo sa Maynila?" tanong ni Manoy Gener habang kumakain.

"I-Iba-iba po," sagot ni Alvaro gaya ng sagot nito sa kanya noon. "Kung saan po may trabaho at kaya kong gawin."

Umasim ang mukha ng ama niya. "Ibig sabihin wala kang permanenteng trabaho?"

"Sa ngayon po nakabakasyon po ako. May naipon naman po ako at plano ko po na magtayo ng sarili kong negosyo pagbalik ko ng Maynila," paliwanag ni Alvaro.

"Ibig sabihin aalis ka rin dito?" tanong ng ama niya pero nahimigan ni Aurora ang bahagyang igting sa boses nito.

"Nasa Maynila pa rin po ang kabuhayan ko."

"At hanggang kailan ka naman dito?"

"H-Hindi ko pa po alam."

"Ano ang intensiyon mo sa anak ko?" direkta nang tanong ni Manoy Gener at tiningnan si Alvaro sa mga mata, humihingi ng sagot.

Don't forget to comment, vote, and rate this chapter.

And visit us at My Precious Treasures and www.shopee.ph/sofiaphr to get the complete set of Finding Ethan and other books.

Sofia_PHRcreators' thoughts