webnovel

Hilot (Part 1)

By: Lito

Cedric's POV

Nakaalalay sa magkabila kong braso ang dalawa kong kaibigan at kalaro sa basketball kanina lamang. Napasama ang bagsak ko nang hindi sinasadyang magkabunguan kami nang kalaban sa pagrebound ng bola. Napilayan yata ako kaya ihinatid na ako sa bahay dahil hindi ko na kayang maglakad pagkat masakit na masakit ito kapag ilalakad ko.

"Anong nangyari diyan. Napilayan ka ba." Tanong ni Nanay pagkakita sa akin na inaalalayan sa aking paglalakad na isang paa lang ang gamit.

"Napasama ang bagsak ko 'Nay sa laro. Masakit ang isang paa ko at hindi ko mailakad." Dahilan ko. Tiningnan niya ang paa ko.

"Namamaga na ah, baka may bale. Naku mga iho, kilala ba ninyo si Mang Enteng, yung nakatira sa nagiisang kubo diyan sa bukid. Pakitawag naman at pakisabing baka pwedeng tingnan ireng anak ko. Magaling na hilot iyon at baka kaya pang mapagaling." Pakiusap ni Nanay sa dalawa kong kaibigan. Sumunod naman ang dalawa. Kilala naman pala.

Kilala kasi itong si Mang Enteng bilang magaling na albularyo at hilot dito sa aming baryo. Siya ang takbuhan kapag simpleng bale o pilay lang. Kaya rin niyang magpagaling ng "na bati", "na balis", "na nunu", at kung ano ano pang hindi pinaniniwalaan ng marami sa panahon ngayon lalo na ang mga doktor. Maging ang kulam ay kaya rin niya daw pagalingin.

Ako nga pala si Cedric, at isang senior highschool student dito sa bayan namin sa Magdalena dito sa Laguna. Nag-init ng tubig si Nanay para ipang banyos sa namamaga ko nang paa. Nakaupo lang ako at nakataas ang napilayan kong paa sa ibabaw ng footstool.

Inilagay ni Nanay ang mainit na tubig sa isang plastik saka ito ibinuhol at sinapinan ng twalya. Idinadaiti niya ito sa parte ng paa ko na sumasakit. Medyo nawawala naman kahit papano ang sakit.

Dumating na ang aking mga kaibigan pagkalipas ng siguro ay 20 minutes. Wala daw si Mang Enteng at may nilalakad daw sa kapitolyo. Ang naroon ay ang kanyang apo at marunong din daw siyang manghilot. Tinuturuan daw siya ng kanyang Lolo Enteng.

"Kasama na ba ninyo?" tanong ni Nanay.

"Opo. Andyan sa labas."

"Eh bakit hindi pa ninyo pinapasok, dyaskeng mga bata ire. Nasaan ga." Lumabas si Nanay para papasukin ang hilot. Dinala niya ang nasabing hilot sa akin para matingnan ang aking paa.

Nang makita ko ang sinasabing apo ni Mang Enteng na hilot ay medyo nag-alangan ako sa kanyang kakayahan. Paano ba naman ay napakabata pa, parang sing edad ko lang o baka mas matanda pa ako. Isa lang ang ihinanga ko sa kanya, nakakabakla ang kanyang kagwapohan. Grabe, hindi ko akalain na may ganito kagwapong nilalalang dito sa aming baryo. Bakit hindi ko siya nakikita eh madalas naman akong nagagawi sa bukid.

Napakakinis ng kanyang kutis, hindi siya kaputian pero pino naman ang kanyang balat. Yung kanyang mukha ay tila hindi man lang natubuan kahit na isang tigyawat. Sa unang tingin ay maihahalintulad siya kay Ian Veneracion noong kabataan pa nito.

Hindi na ako nakatiis kaya nag tanong na ako sa sinasabing hilot. "Bro, sa spa ka ba nagmamasahe? Hilot kasi ang kelangan ko eh. May pilay ako, baka may bali ang buto ko."

"Nakakasakit naman kayo ng damdamin Bro. Kung wala kayong tiwala sa akin ay kayo naman ang masusunod eh. Sige, maghanap na lang kayo ng ibang titingin niyan. Nakita ko na naman ang paa mo at sa tingin ko ay naglinsad lang ang buto. Walang bale, kelangan lang na mabalik sa dati ang joint. Sa lalong madaling panahon ay dapat na mabalik na iyan sa dati, kung hindi ay mamamaga iyan lalo at baka sa orthopedic na iyan madala." Ang Sabi ng batang hilot. Sumama siguro ang loob niya sa sinabi ko na pagkawalang tiwala sa kanyang kakayahan. Natakot ako sa huli niyang tinuran. Ayoko sa ospital bukod sa wala kaming perang panggastos.

"Sandali. Sandali lang Bro. Hindi naman sa wala akong tiwala sa iyo, kaya lang ay napakabata mo pa para matutunan ang ginagawa ng iyong lolo."

"Simpleng pilay lang iyan, kung bale ang buto niyan ay siguro may umusli na diyan sa balat mo. Anong desisyon mo, marami pa akong ginagawa sa bahay at baka makagalitan ako ni Lolo at sabihin na wala akong ginawa maghapon." Wika ng hilot.

Kung hindi lang gwapo ang mokong na ito ay kanina ko pa pinalayas. May pagka arogante rin kasi kung sumagot. Sabagay ay mali naman talaga ako. Ako ang may kailangan sa kanya kaya dapat ay hindi ako nagsalita ng ikasasama ng kanyang loob. Pumayag na rin akong matingnan niya.

Sinundot sundot muli ng kanyang daliri ang paligid ng namamaga kong paa. Masakit ang bawat sundot na iyon kaya napapa-aray din ako. "Masakit diyan, dahan dahan naman, ahh sakit."

"Masakit talaga. Kakayanin mo ba ang sakit? Kasi ay kelangang itong maisaayos na." Wika ng hilot. May kinuha muna sa kanyang dalang kahon. Isang maliit na patpat o kawayan pero makinis iyon. 

"Kagatin mo ito." Wika ng hilot. "Huwag mong iluluwa, dapat ay kagat kagat mo at hindi malalaglag. Naintindihan mo ba?" 

Tumango na lang ako. Akala ko ay iyon na ang gamot. Pinadapa ako sa aming mesang kainan, mahaba kasi iyon at kasya ang aking katawan, at saka muling ginalaw galaw ang aking paa. 

"Kayong dalawa, hawakan ninyong mabuti ang mga baraso para hindi makagalaw. Nay, kaya ba ninyong pigilan iyang isang binti niyan, kelangan kasi ay hindi maibaluktot at maigalaw, kung pwede lang na igapos talaga eh.

"Kaya ko na. Malakas pa naman ako. Mas may lakas pa yata ako sa dalawang mokong na ito eh."

"Sige po sisimulan ko na. Pigil na mabuti nga tol, 'nay. Kagatin mo na ang kawayan at huwag mong ilalaglag." Ramdam ko na tangan na niya ang aking paa. Parang iniikot ikot ang aking binti. Napasigaw ako ng ubud nang lakas, na maaring ikinagulat nang aming kapitbahay. Tuloy ay nalaglag sa aking bibig ang kawayan na pinakagat sa akin. Nakadinig ako ng paglagutok ng aking buto. Parang guminhawa naman ang aking pakiramdam. Naigagalaw galaw ko na ang aking paa.

Pinabangon na niya ako at patingkayad na naglakad patungong sala kung saan ako nakaupo kanina. Itinaas uli sa footstool ang aking paa at nanghingi ng basahan o lumang tshirt na cotton. Hinaplasan muna ng efficascent oil saka binalutan ng pinagputol putol na tela ng tshirt. 

"Anong nararamdaman mo ngayon. Masakit na masakit pa ba?" tanong ng hilot.

"Hindi na masyado, naikikilos ko na nga eh. Ano ginawa mo."

"Wala, pinaikot ko lang. Syempre may teknik ako kung paano ibabalik ang naglinsad na buto sa dati. Huwag mo munang babasain ha. Kung maliligo ka ay balutan mo muna ng plastic para hindi mabasa.

"Salamat ha. Pasensya ka na kung medyo hindi ako agad nagtiwala sa iyo. Talaga namang napakabata mo pa eh, bukod sa napaka-gwapo mo rin."

"Kaya pala panay ang titig mo sa akin eh. Baka naman nababakla ka na sa akin ha hehehe. Joke lang. Dapat happy ka na kaya nag-jojoke na ako. Sige at alis na ako. Babalik ako bukas para tignan uli iyan. Huwag kang aalis ng bahay dahil hindi ko tiyak kung anong oras akong pupunta dito."

"Yabang mo naman. Sige na, salamat uli. 'Nay, aalis na raw si…. Ano nga palang pangalan mo. Nag-gamutan na tayo ay hindi ko pa alam ang pangalan mo. Ako si Cedric. Huwag mo na lang alamin ang pangalan ng dalawang iyan. Wala namang kwenta ang mga iyan."

"Aray ko ang sakit naman. Ako si Ome at siya naman si Pons." Pakilala ni Ome.

"Tawagin mo na lang akong mahal hehehe, joke lang uli, baka mapikon ka eh. Mandy, Mandy ang pangalan ko."

"Nay, naghihintay si Mandy, yung ano niya."

"Hindi nagpapabayad ang mga iyan anak. Donasyon lang at kahit magkano. Pagdamutan mo na lang ito ha. Maraming salamat."

"Pwede naman kahit wala 'Nay. Pero tatanggapin ko na rin po, pandagdag sa bayad sa kuryente hehehe. Sige po, paalam na po.

---------------oo00oo---------------

Mandy"s POV

Dalawang binatilyo ang humahangos patungo sa kubo namin. Malayo pa ay tanaw ko na sila at alam kong emergency iyon at si Lolo ang pakay nila. Hindi nga ako nagkamali dahil si Lolo nga ang hinahanap nila.

"Wala si Lolo at nasa Kapitolyo. May aasikasuhin daw doon. Ano bang pakay ninyo kay Lolo."

Nalaman ko na napilayan daw ang kaibigan nila at namamaga na raw ang paang napilayan.

"Sige, sama ako sa inyo at titingnan ko. Marunong din kasi ako ng hilot at baka kaya ko na."

Naiwan pa ako sa labas pagdating namin sa bahay ng napilayan. "Mga bastos, hindi agad ako pinapasok." Wika ko sa isipan ko. Dinig ko rin ang sinabi ng isang babae na kung bakit hindi agad ako pinapasok, na sa hula ko ay ang may-ari ng bahay.

Pinapasok na ako at agad na dinala sa may pilay. Tinignan ko at sinipat. Pinag-aralan ko rin kung ano ang dapat gawin. Hindi naman masyado delikado, naglinsad lang ang buto yung bang nawala sa align.

"Bro, sa spa ka ba nagmamasahe? Hilot kasi ang kelangan ko eh. May pilay ako, baka may bali ang buto ko." Wika ng may pilay. Bale bang sabihin sa akin ang ganon, napaka walang asal. Gusto ko na sanang talikuran agad agad at iwan na sa ganong kalagayan, pero magagalit naman sa akin si Lolo kapag ginawa ko iyon. Bilin na bilin na kung kayang tulungan ang isang tao ay tulungan ng walang pag-aalinlangan. Kaya lang, iba ang taong ito eh. Mapang husga. Sobrang judgmental. Gwapo pa naman at boyfriend material.

"Sobra ka namang makapang-husga. Kung sa spa man ako nagmamasahe ay masahe pa rin iyon. Nakakasakit naman ikaw ng damdamin Bro. Kung wala kang tiwala sa akin ay ikaw naman ang masusunod eh. Sige, maghanap na lang kayo ng ibang titingin niyan. Nakita ko na naman ang paa mo at sa tingin ko ay naglinsad lang ang buto. Walang bale, kelangan lang na mabalik sa dati ang joint. Sa lalong madaling panahon ay dapat na mabalik na iyan sa dati, kung hindi ay mamamaga iyan lalo at baka sa orthopedic na iyan madala." Masama ang loob kong turan. Tumalikod na ako at tinungo na ang pintuan para umalis.

"Sandali. Sandali lang Bro. Huwag ka munang aalis. Sobra ka namang balat sibuyas. Hindi naman sa wala akong tiwala sa iyo, ang akin lang ay parang sobrang bata ka pa para matutunan ang ginagawa ng iyong lolo. Sorry." Ang pigil ng may pilay. Natakot at biglang nag sorry.

"Simpleng pilay lang iyan, kung bale ang buto niyan ay siguro may umusli na diyan sa balat mo. Anong desisyon mo, marami pa akong ginagawa sa bahay at baka makagalitan ako ni Lolo at sabihin na wala akong ginawa maghapon." Wika ko.

"Sige, ikaw na ang bahala, basta pagalingin mo lang ako."

Alam kong kinakabahan ang mokong na ito. Marahil ay dahil wala pa rin kompyansa sa kakayahan ko o talagang takot lang dahil sinabi ko na masakit at dapat ay kayanin niya ang sakit. May dala naman akong amonia sakaling himatayin ito. Habang pinag-aaralan ko kung ano ang gagawin ko sa kanyang pilay ay napagmasdan ko siya. Ang gwapo talaga ng mokong na ito at may ipagmamalaki ha! Bumabakat kasi ang harapan, matangkad at ang kissable nang labi. Kaya lang ay maypagka suplado.

Sandali lang naman at agad kong naibalik sa dati ang kanyang naglinsad na buto. Grabe ang atungal, siguro ay dinig iyon hanggang kabilang ibayo sa lakas, at malamang ay nagulantang ang mga kapitbahay.

Matapos bendahan ay binilinan ko na huwag munang babasain at sakaling gustong maligo ay balutan ng plastic para hindi mabasa.

"Salamat ha. Pasensya ka na kung medyo hindi ako agad nagtiwala sa iyo. Talaga namang napakabata mo pa eh, bukod sa napaka-gwapo mo rin." Kinilig naman ako sa tinuran niya. May cbance, ika nga ni Paolo ng Eat Bulaga. Biniro ko rin siya.

"Kaya pala panay ang titig mo sa akin eh. Baka naman nababakla ka na sa akin ha hehehe. Joke lang. Dapat happy ka na kaya nag-jojoke na ako. Sige at alis na ako. Babalik ako bukas para tignan uli iyan. Huwag kang aalis ng bahay dahil hindi ko tiyak kung anong oras akong pupunta dito." Nayabangan yata sa akin at napasimangot. Biglang tinawag ang kanyang Nanay. Parang gusto na akong paalisin hehehe.

"Oo na. Sige na, nasabi lang gwapo eh yumabang na. Salamat na lang. Nay, aalis na raw si…. Ano nga palang pangalan mo? Ako nga pala si Cedric. 

"Tawagin mo na lang akong mahal hehehe. Ito naman, nakasimangot agad. Joke lang yun. Mandy, Mandy ang pangalan ko."

Inabutan ako ng Nanay ni Cedric ng pera. Ayaw patawag ni Lolo na bayad dahil hindi naman talaga naniningil siya. Kahit magkano naman ang ibigay ay okay lang. Tinanggap ko ang pera dahil kulang pa ang pambayad namin sa kuryente.

Nagpaalam na ako at umalis na rin. Magaan ang katawan ko habang naglalakad pauwi sa amin. Ewan ko kung bakit attracted ako sa lalaking iyon eh ang angas. Hindi naman ako bakla, at least sa pagkaalam ko sa ngayon. Pero siya ay parang may chance talaga na bakla. Ang lagkit kasi ng titig sa akin at nagwapohan pa. Sabagay ay marami namang nagsabi sa akin niyon.

Ibinalita ko kay Lolo ang tungkol kay Cedric. Ipinaliwanag ko na hindi ko na siya hinintay dahil magang maga na ang paa nito. Sasama raw sa akin bukas para matignan din niya.

Kinabukasan ay excited ako habang naglalakad kami ni Lolo patungo kina Cedric. Makikita ko na naman ang gwapong lalaking iyon.

---------------oo00oo---------------

Cedric's POV

"Sino ba ang hinihintay mo Cedric. Kanina ka pa pabalik balik diyan sa bintana, baka mamaga lalo yang paa mo.?" Si Nanay, napansin pala ako na laging nakatanaw sa bintana. 

Hinihintay ko kasi si Mandy. Ewan ko ba kung bakit ganun na lang ang pagkasabik ko na magkita uli kami. Siguro ay crush ako ng lalaking iyon. Sabihin ba naman na tawagin ko siyang mahal. Neknek niya. Baka akala niya ay bakla ako ah kaya ganun na lang ang sinabi niya. Pero bakit ganun, kinilig talaga ako ng sabihin niya iyon.

Nataranta ako ng may kumatok sa pintuan namin. Boses iyon ni Mandy. Para akong kinabahan bigla, dumagundong ang aking dibdib. Paika ika akong tumayo para buksan ang pinto. Nawala yata ako sa sarili dahil bumungad agad sa akin ang gwapong mukha ni Mandy. Nagkatitigan kami. Ayos na ayos ang buhok at nakaporma pa. Sobrang bagay sa kanya ang suot niyang muscle tshirt at short. Kita ang magandang katawan sa gilid ng tshirt. Sa kanya na focus ang aking tingin, hindi ko tuloy napansin na may kasama pala siya, si Mang Enteng.

"Ehem ehem, ano! Dito na lang ba tayo magtitigan. Papasukin mo ba kami o dito na lang tayo." Maangas na wika ni Mandy. Napalitan tuloy nang inis ang tuwa ko. "Yabang talaga nito, tuloy po Mang Enteng."

Pangitingiti pa ang kumag na ito. Napahiya tuloy ako sa kanyang lolo. Pinaupo ko na sila at tinawag si Nanay. Pinapatong ni Mang Enteng sa silya ang aking paang may pilay. Inalis ang benda at pinisil pisil pa ang aking paa. May konting sakit pa kaya napapapitlag ang aking paa sa tuwing pipisilin niya ng medyo madiin.

"Masakit na masakit pa ba?" Tanong ni Mang Enteng. "Konti na lang po, medyo masakit pa kapag inilalakad ko." Sagot ko.

"Lamog na lang iyan, huwag ka munang masyadong maglalalakad. Hayaan mo munang ganyan ng ilang araw. Ayos naman ang ginawa ng apo ko." -si Mang Enteng. Ibinabalik ang balot sa aking paa. Nailang naman ako sa titig nitong si Mandy, para kasing nakakaloko. Ang yabang yabang komo't napuri ng kanyang Lolo. 

Lumabas si Nanay na may dalang pitsel at baso. "Mag-miryenda po muna kayo Mang Enteng, Mandy. Pasensya na at nilagang saging lang iyan hehehe." Alok ni Nanay. Kumain naman sila.

"Kamiy aalis na Sonia," paalam ni Mang Enteng. Sonia ang pangalan ni Nanay. Lumabas si Nanay ay may inaabot sa matanda pero tinanggihan ito. Hindi na rin nagpilit pa si Nanay. Loko loko talaga itong si Mandy. Nang matalikod ang matanda ay lumingon pa sa akin sabay flying kiss. Ako namang si loko loko din ay sinalo ang ihinagis na kiss at idinaiti sa aking labi. Kahit alam kong biro lang iyon ay sobra ang aking kilig. Sinundan ko pa sila ng tingin sa bintana habang naglalakad papalayo ang mag-lolo. Napalingon pa uli si Mandy kaya bigla akong napaatras, parang napahiya ako doon.

---------------oo00oo---------------

Mandy's POV

Ilang araw na ang lumipas mula ng huli kong makita si Cedric. Wala na akong balita kung ano ang naging lagay niya, kung magaling na siya, kung nakapaglalakad na ng maayos. Hindi ko maintindihan ang aking sarili kung bakit nasasabik akong muli kong masilayan ang maganda niyang mukha. Parang ako ang nahulog sa mga biro ko sa kanya.

Ang sarap kasi niyang biruin. Madaling mapikon. Ang cute kaya niya kapag napipikon, ang ganda ng galaw ng kanyang mga labi na may kaluwangan. Parang labi ni Bright na Thai actor sa BL series na "2gether". Pati ang mga mata niya ay namimilog kapag galit.

Lumabas ako sa kubo at naglakad lakad sa paligid. Tinignan ko ang mga tanim namin kung may mga hayop o kulisap. Naglakad lakad pa ako, malayo layo na rin ang nalalakad ko ng mapagtanto ko na malapit na ako sa bahay nina Cedric. Natanaw ko siya sa bintana at nakatingin sa aking banda. Para akong kinabahan, dumagundong na naman ang aking dibdib.

Hindi ako nagpahalata na nakita ko siyang nakatanaw sa akin. Binagalan ko ang aking lakad na kunwa ay may binabasa sa aking CP pero ang aking mga mata ay pasulyap sulyap sa lugar niya. Nang matapat na ako sa may bintana nila ay binati na ako ni Cedric.

"Mandy, saan ang lakad. Baka mabunggo ka, sa daan ang tingin at hindi sa CP." Bati niya na may halong pang-aalaska. Gumanti naman ako nang biro.

"Oy Cedric. Hindi kita napansin, inaabangan mo ba ako? Kumusta ang pilay mo, hindi na kita napasyalan eh. Alam ko namang gagaling kaagad iyan, ako kasi ang naghilot hehehe."

"Abang ka diyan. Ang yabang mo talaga. Daan ka muna at tignan mo itong paa ko. Masakit pa rin eh at maga pa." Wika niya. Hindi ko alam kung anong naging ekspresyon sa aking mukha. Gulat ako at hindi makapaniwala, natakot ako at nasabi na sana ay biro lang iyon. 

Patakbo akong tumungo na kanilang bahay. Tuloy tuloy na akong pumasok at hindi na kumatok. "Patingin nga ng paa mo." Inangat ko ang isa niyang paa na napilayan dati. Wala na itong benda. Nabatukan ko siya pagkakita sa kanyang paa na hindi maga at magaling na.

"Sira ka talaga." Pagalit kong sabi sabay batok sa kanya. "Tinakot mo ako ah. Ang alam ko ay pagaling na dahil nakita pa ni Lolo. Huwag kang magbibiro ng ganyan ha." Wika ko na pasigaw sabay padabog na tumalikod at tinungo ang pintuan. Alam kong na guilty siya sa kanyang biro. Hinabol niya ako nahawakan sa aking braso.

"Sorry na. Hindi ka na mabiro, sobra kang pikon hehehe. Kiss na lang kita para mawala ang galit mo." Wika niya na pilit idinidikit ang kanyang nguso sa aking pisngi. Alam ko naman na nagbibiro lang siya kaya hinayaan ko na lang siya. Dumikit ang kanyang labi, hindi sa aking pinsgi kundi sa akin ding labi dahil umiiwas ako at napalingon sa harap niya. Parang nag-slowmotion ang paligid. Parang ang tagal tagal na naglapat ang aming mga labi, dilat pareho ang aming mga mata. Natigilan kami pareho sa nangyari at nang matauhan ay agad kong tinungo ang bintana.

"Pwe, pwe." Dura ko sabay punas ng aking kamay sa aking bibig. "Ano ka ba Cedric. Para kang tanga. Ano ka! Bakla?" Nagulat siya sa binitiwan kong kataga, nakatakip ang dalawang palad sa kanyang mukha na parang hiyang hiya. Nagsory naman siya at hindi raw niya akalaing na lilingon ako. Tapos ay tumalikod na at pumasok sa isang silid sabay balabag ng pintuan.

Ako naman ang parang naging estatwa. Napahiya siguro sa sinabi ko. Naguilty naman ako. alam kong hindi na siya lalabas ng silid kahit na magsorry ako sa aking nasabi. Umalis na lang ako at umuwi ng bahay. Hawak hawak ko ang aking mga labi. 

Ang totoo ay hindi ako galit, bagkos ay siyang siya ako sa nangyari. Ayaw ko lang magpaka obvious. Hindi ko na talaga maintindihan ang nangyayari sa akin.

---------------oo00oo---------------

Cedric's POV

Galit na galit ako at malakas na isinalya ang pinto ng aking silid. Pinagsusuntok ko ang unan ko at mangiyak ngiyak talaga ako sa nangyaring pangiinsulto sa akin ni Mandy. Hindi ko naman kasalanan na magdikit ang aming mga labi. Bigla siyang lumingon ng hahalikan ko na siya. Kunwari lang naman talaga na hahalikan ko siya sa pisngi, hindi ko naman talaga itutuloy. 

Sinabihan ba naman ako ng bakla dahil lang sa aksidengteng pagdikit nang aming mga labi. Sobrang inis ko at nangako sa sarili na hindi na niya kikibuin kahit kelan itong si Mandy.

Makaraan ang ilang araw ay hindi pa rin maalis sa isipan ko ang nangyari sa amin ni Mandy. Aaminin ko, nagustuhan ko naman ang aksidenteng halik na iyon. Ewan ko ba kung bakit pero iyon ang naramdaman ko. Nainis lang talaga ako sa sinabi niya. Biro man iyon ay hindi ko nagustuhan. Madalas pa rin ako sa bintana at nagbabakasakaling makita ko uli siya, pero wala kahit anino ng lokong iyon.

Balik eskwela na uli ako matapos ang ilang araw na pagliban ko. Maraming tao sa labas ng building papasok sa aming room, karamihan ay mga babae. Nakiusyoso ako. Mga larawan pala ito ng mga lalaki at babae na kandidato para sa Mister and Miss ng aming paaralan. Taunan itong ginagawa tuwing foundation ng aming paaralan para makalikom ng kahit konting pondo para sa proyekto ng mga magtatapos na estudyante sa taong ito. 

Tiningnan ko ang mga kandidato. Nasorpresa ako dahil naroon ang larawan ni Mandy. Schoolmate ko pala siya ay hindi ko alam. Halos kakilala ko ang mga nag-aaral na senior pero ngayon ko lang nalaman na dito rin pala siya nag-aaral.

Pumasok na ako sa aming room. Binati agad ako ni Jenny, isa sa mga babae kong kaibigan. "Naku Cedric, bakit kasi ngayon ka lang pumasok, hindi ka tuloy nakasali sa Mr. And Ms. Contest. Ninominate kita noong pang last week kaya lang ay kelangan na ng final na candidate at wala kapa. Ayun, hindi ka pinayagan kasi ay kelangan ang consent mo."

"Buti na lang at hindi ako nakasali, ang hirap kaya nun. Unang una kelangan magbenta ka ng ticket, tapos, dapat mangompanya para ma-like o ma-heart sa facebook. Ayoko ng ganun, Hindi naman kami mayaman. Kung walang ganoon at purely papogian lang at talent, papayag ako hehehe." Pagyayabang ko.

"Ang yabang mo talaga friend. Nakita mo ba yung mga candidate na lalaki. Ang pogi pogi nung Mandy ano, crush ko." Wika ni Jeny na hangang hanga sa gandang lalaki ni Mandy.

"Pogi nga, arogante naman. Ang angas! Kung mayabang ako, doblehin mo o triple pa sa kayabangan ang mokong na iyan." Sagot ko naman.

"Bakit friend? Kilala mo ba siya. Pakilala mo naman ako o, please."

"Naku, hindi na oy. Teka nga pala, bakit ngayon ko lang siya nakita sa school natin? Iilang section lang tayo tapos ay magkakakilala pa, tanging siya lang ang hindi ko talaga kilala."

"Transferee siya friend, galing sa kalaban nating eskwelahan doon sa dulong bayan. Kaya lang ay hindi ko alam kung bakit lumipat pa dito ay graduating na." 

Napatango ako, nakahawak sa aking baba. Natigil lang ang tsismisan namin ni Jenny ng dumating na ang guro namin sa unang subject.

---------------oo00oo---------------

Uwian na, sinadya kong abangan si Mandy para makahingi ng dispensa. Kakainin ko na ang sinabi ko na hindi ko siya papansinin. Ang totoo ay namiss ko rin siya. Gusto ko siyang tulungan. Hindi pa naglalabasan ang section nila kaya nagtiyaga akong maghintay malapit sa kanilang room. Sa wakas, nagsilabasan na rin. Nanghaba ang aking leeg para tanawin siya at baka makalingat ako ay hindi ko makita. Nakita ko siya na may kasabay na isang babae. Tila naka holding hands pa, siguro ay syota niya. Hindi ko kilala masyado ang babae pero natatandaan ko ang mukha niya. Isa rin sa kanditato sa contest.

Hinintay ko na dumaan sa tapat ko. Nakita naman niya ako. Akala ko ay hindi niya ako papansinin, buti na lang at nauna siyang bumati sa akin.

"Cedric! May hinihintay ka ba, kung wala ay sabay na tayong umuwi. Naglalakad ka lang ba o nag-tatricycle pa." Bating tanong sa akin.

"Hindi ah, naglalakad lang ako, ano ako mayaman!" pasuplang sagot ko. Umarya na naman ang pagkamaldito ko.

"Nagtatanong lang eh. Kaklase ko si Melba." Pakilala niya sa babaeng kasama.

Humingi ng suporta sa akin si Melba para sa contest. I like ko raw ang kanyang picture at maging ang kay Mandy para manalo sila sa contest. Sabihan ko rin daw ang mga friends ko sa FB. Umoo naman ako. Nagpaalam na rin siya paglabas namin ng gate. Iba kasi ang daraanan niya. Nagkaroon ako nang pagkakataon na makausap siya.

"Sorry nga pala sa inasal ko noon nakaraang araw, napagdabugan pa kita ay ako naman ang may kasalanan. Sorry ha." – Ako.

"Naku naman! Wala iyon sa akin. Nagkunwari lang akong galit, ang totoo ay nagustuhan ko nga eh ihhyyyyyyyyyyy hehehe. Pwede nating ulitin ihihihihi." Wika niya, ang landi, pero natawa ako talaga sa kanya. Ang pogi niyang lumandi hihihi.

"Ang loko mo talaga. Kaya naiinis ako sa iyo eh."

"Ang cute mo kasi kapag naiinis hehehe."

"Ayan ka na naman. Syanga pala, hindi ko alam na dito ka pala nag-aaral, ngayon ko lang nalaman ng makita kita sa picture na kandidato."

"Ah, nagtransfer lang ako. Doon sa paaralan sa Dulong bayan ako dati."

"Bakit ngayon ka lang nagtransfer kung kelan na gagradweyt na."

"Malayo kasi doon kapag sa mga Lolo ako manggagaling."

"Saan ka ba dati nakatira. Hindi rin kita nakikita diyan sa may bukid eh palagi ako doon para magpahangin at magpaaraw.

"Mahabang kwento. Saka ko na lang ikukwento sa iyo. Pasyal ka sa amin, kwentuhan tayo."

"Sige. Gusto mo ngayon na."

"Sa ibang araw na lang. Marami akong ginagawa kapag hapon. Ayan na ang sa inyo."

"Ingat ka. Sabihin mo lang kung kelangan mo ng tulong sa contest. Tulungan kitang magbenta ng tiket."

"Sige, salamat."

Haayyyy ang saya saya ko ngayong araw na ito. Pakantakanta pa ako ng pumasok ng aming bahay. Napansin pa ako ni Nanay at natanong kung bakit ang saya saya ko. Syempre, secret hehehe.

---------------oo00oo---------------

Mandy's POV

Malayo pa ay nakita ko na kaagad si Cedric. Nanghahaba ang leeg na nakatanaw sa room namin. Alam kong ako ang inaabangan niya. Gusto lang sigurong sumilay sa akin. Hindi kasi ako nagpakita ng matagal sa kanya, nagpapamiss lang hehehe.

Hindi naman talaga ako nagalit sa kanya ng aksidenteng magdikit ang aming mga labi. Kunwari lang iyon, galit galitan. Papansin lang. Sinadya ko naman talagang lumingon at sakto naman na magtama ang aming mga labi.

Pagtapat ko sa kinatatayuan niya ay binati ko siya kaagad. Gusto ko uling alaskahin, sabihin kung namiss niya ako at inabangan sa paglabas ko. Hindi ko lang itinuloy dahil sa kasabay ko ang aking kaklase na si Melba. Halata ko sa kanyang mga mata na may gustong itanong patungkol sa amin ni Melba. Hinawakan ko kasi ang kamay nito nang makita ko siyang nakatanaw sa aming room.

Nagsorry lang naman siya sa inasal noong nakarang araw na nagkita kami. Nagkasundo naman kami at humingi rin ako ng sorry sa kanya. Magkasabay na kaming naglakad pauwil nagkwentuhan.